Mahimbing ang tulog ni Phoenix dahil sa malamig na pagaspas ng hangin sa labas at sa malakas na ulan. Sa palagay niya ay magtutuloy-tuloy ang tulog niya hanggang umaga. Nagising na lang siya nang maulinigang may sumisigaw. Nang dumilat siya ay madilim ang silid niya. Patay ang ilaw ng lampshade. Ang tanging liwanag lang ang mula sa rechargeable light sa ulunan niya. Pinutol na marahil ang linya ng kuryente dahil sa malakas na ulan at kidlat. Maaring may nabuwal sa poste o naputol na kawad. Hindi iyon ang inaalala niya kundi ang sigaw na pumapailanlang sa dilim ng gabi. Umaalulong ang hangin. Humahampas ang halaman sa labas ng salamin ng silid niya. Mukhang matindi na ang pananalanta ng bagyo. Kahit na patay ang aircon ay malamig na malamig ang hangin. Alam naman niyang secured ang b

