CHAPTER 3 - Panibagong Utang

1523 Words
CHAPTER 3 - Panibagong Utang (AUBREY'S POV) "Aubrey, sorry ha hindi kita natulungan. Sinabi ko naman kay Madam na minamanyak ka ng tatlong customer na 'yon pero ayaw na talaga niyang palampasin ang nangyari. Loyal customers kasi dito ang tatlong lalaking 'yon." puno ng paumanhin na turan ni Wynona sa akin. "Ayos lang ako, Wynona, 'wag mo akong intindihin. Maghahanap na lang ako ng ibang sideline ko." "Hays. Natiyempuhan ka pa kasi ng mga manyak na 'yon. Kung alam ko lang na sa kanila mo dadalhin 'yong pulutan, si Berta na lang sana ang sinabihan kong maghatid non." aniya pa na ang tinutukoy ay ang kasamahan namin sa trabaho na bakla. Si Wynona ay classmate ko noong high school. Matagal na kaming hindi nagkikita hanggang sa minsan kaming nagkasalubong sa daan at nagkakumustahan. Nabanggit ko na naghahanap ako ng sideline at sinabi niyang nagtatrabaho siya sa bar. Nang tanungin niya ako kung okay lang sa akin na doon mag-sideline ay sinunggaban ko na ang chance at nagpatulong ako sa kanya na makapasok na waitress sa bar. Ilang bar na rin naman kasi ang napasukan ko bilang waitress kaya may experience na ako sa ganoong klase ng trabaho at environment. Ang problema nga lang ay kapag nababastos ako dahil natatanggal ako sa trabaho kapag lumalaban ako o kaya ay kusa akong umaalis sa bar. Hindi na lang namin iyon sinabi sa Manager at dahil na rin sa tulong ni Wynona ay natanggap ako sa bar na iyon bilang waitress. In-offeran pa nga ako ng manager noong una ng mas malaking suweldo bilang dancer, pero mabilis akong tumanggi at pinanindigan kong waitress lang ang trabahong gusto ko roon. "Pasensiya ka na rin, Wynona. Hindi ko kasi talaga masikmura ang panghihipo ng mga manyak na customers." "Wala ka namang dapat ihingi ng pasensiya, Aubrey. Kahit ako, magagalit ako kapag hinipuan nila ako. Hindi nga lang nangyayari dahil hindi naman ako maganda tulad mo. Tsaka mataba ako hindi kagaya mo na sexy." Nasabi niya siguro iyon dahil marami siyang pimples sa mukha at talaga nga namang may katabaan siya. Medyo maliit din ang dibdib niya kumpara sa akin na malalaki ang dyoga. Mabalakang din ako at matambok pa ang puwet ko. Oo, maganda ako at may alindog. Medyo pinagpala ako sa aspetong iyon pero minalas naman ako sa buhay dahil sa pagkakaroon ko ng Tatay na adik at hindi na mabilang ang utang. Hindi nagtagal ay tuluyan na akong nagpaalam kay Wynona at dahan-dahan na akong tumalikod sa kanya bitbit ang mga gamit ko. Haay... Nawalan na naman ako ng trabaho dahil sa mga bastos na lalaking pakalat-kalat. Pang ilang bar ko na itong pinagtrabahuhan pero napaalis na naman ako dahil ipinagtanggol ko ang sarili ko laban sa mga manyak na customers. At dahil doon ay maghahanap na lang ako ng bago kong sideline. Siguro ay iiwasan ko na lang na mag-apply ulit sa mga club at bar. Pero saan naman kaya ako puwedeng magsideline kapag gabi? Eh iyon naman karamihan ang mga trabahong bukas hanggang madaling araw at malapit sa amin. Iyong mga burgerstands kasi ay hindi naman 24 hours na bukas. At may masamang experience na rin ako sa pagtatrabaho sa burgerstand noong muntik na akong ma-rape pagkasarado ko sa burgerstand. Wala na halos tao sa parteng iyon kaya may nanambang sa akin nang naglalakad na ako pauwi at nagtangkang halayin ako. Medyo madilim pa sa lugar na iyon. Mabuti na lang talaga at biglang may napadaan doon na nagroronda kaya nakaligtas ako at nahuli ang lalaking muntik nang mang-rape sa akin. Kaya mula noon ay natakot na akong magsideline sa burgerstand kahit pa walking distance lang iyon mula sa inuupahan namin ng Tatay ko. Minsan tuloy ay napapatanong na lang ako sa sarili ko kung bakit ba ang hirap ng buhay ko? Matino naman akong babae, ma-respeto ako sa mga kapwa ko pero parang palagi na lang akong minamalas! Nagsimula ang kamalasan ko noong namatay ang Nanay ko at lalong nalulong sa sugal at bisyo si Tatay. Unti-unti kaming naghirap hanggang sa napilitan akong tumigil na lang sa pag-aaral at magtrabaho kahit underage pa ako. Kaya tuloy ngayon ay kung anu-ano na lang ang pinapasukan kong trabaho dahil hindi na ako nakapagtapos ng kolehiyo. Pagkalabas ko sa bar ay natigilan ako dahil sa lalaking nakatayo at nakasandal sa itim at makintab na kotse na nasa likod niya. Humithit siya ng sigarilyo na nasa kanang kamay niya, at nang ibuga niya ang usok ay lumampas ang tingin niya mula sa usok papunta sa akin. Siya iyon. Iyong customer na baliw na nag-offer ng milyon-milyon sa akin kagabi. Tumitig siya sa akin na parang binabasa niya ang kaluluwa ko. Nakakakilabot. Parang tumatagos ang mga mata niya sa kaloob-looban ko. Para bang nanginig ang mga kalamnan ko at bahagyang nanghina ang mga buto ko lalo pa nang mabilis siyang nakalapit sa akin. "Napag-isipan mo na ba?" tanong niya. Parang bigla naman akong natauhan. Oo, kailangan ko ng pera pero hindi iyon sapat na dahilan para ibigay ko ang sarili at buhay ko sa kanya kapalit ng pera at magandang buhay. Marami pang paraan para makaahon ako sa kahirapan. Kaunting tiyaga lang at sakripisyo at maraming pagsisikap, at siguradong malalampasan ko rin ang mga pagsubok sa buhay ko. Sisikapin ko iyong gawin sa malinis at maayos na pamamaraan ko, iyong hindi ko kailangang ibenta ang buhay at katawan ko sa ibang tao. Hindi ako sumagot sa estrangherong baliw at tinalikuran ko na siya. Pero muli na naman siyang nagsalita. "I like what you did earlier. I admire your strength and bravery. Pero mauulit at mauulit lang ang pangyayaring iyon kapag hindi ka nagbago ng diskarte sa buhay at nag-apply ka na naman sa mga bar o nightclubs para magsideline. Your job at the bakeshop and your sideline might be enough to sustain your daily living. But it will never be enough to pay all your father's debts. Alam mo bang may panibago na naman siyang utang? So you better think carefully about my offer, Aubrey. It will save you from a lot of trouble and hardwork." Ilang segundo akong nanatiling nakatayo lang sa labas ng bar habang dumidikdik sa utak ko ang sinabi ng estrangherong weirdo na iyon. Totoo kaya na may panibago na namang utang si Tatay? Magkano na naman kaya? Hhhaaayyyy, namaaann! Hindi ko pa nga nababayaran ang mga dati niyang utang ay dinagdagan na naman niya?! Umikot ako para harapin ang lalaki. Pero wala na pala siya roon. Mukhang gusto lang niyang dagdagan ang isipin ko at ipaalala ang offer niya para ipangalandakan na iyon ang best solution sa lahat ng problema ko. Hays. Kung ganoon lang sana kadali ang magpakasal at ialay ang sarili ko sa isang lalaki kahit walang pagmamahal ay ginawa ko na sana. Pero ang hirap. Pagkauwi ko ay nadatnan ko si Tatay na nakaupo sa plastic na upuan na nasa sala. May maayos sana kaming sala set kung hindi lang niya iyon ibinenta para pansugal niya. Tapos natalo pa siya kaya parang itinapon lang niya ang perang pinagbentahan ng sala set. Nang mapansin niya ang pagdating ko ay tumayo agad siya at sumalubong sa akin. "Pahinging dalawang daan." aniya agad. Naamoy ko pa ang alak sa hininga niya. "'Tay, wala pa po akong sahod." "Eh 'di 'yong itinatabi mong pera diyan! Akin na!" aniya sa mas agresibong paraan sabay lahad ng kamay sa harapan ko. "'Tay, wala na po akong naitatabing pera—" "Bakit wala? Ano lang ba ang pinagkakagastusan mo dito sa bahay? Akin na ang pera! Alam kong mayroon ka diyan!" Sa pagkagulat ko at bigla niyang hinablot ang shoulder bag ko. Pilit ko iyong binabawi pero nanghina ako nang biglang sinuntok ni Tatay ang sikmura ko. Napaluhod ako sa semento sabay tulo ng mga luha ko at impit kong pagdaing. Ngayon lang ako sinaktan ni Tatay. Dati-rati ay hindi naman niya ako pinagbubuhatan ng kamay. Ninananakaw niya ang mga perang itinatabi ko maging ang ipon ko sa alkansiya at kapag wala siyang nakuha ay kinukulit niya lang ako para bigyan siya ng pera. O kaya minsan ay nangungutang na lang siya. Pero ngayon... Hindi lang sikmura ko ang nanakit kundi maging ang kalooban ko. Mukhang palala na nang palala si Tatay. Mahal pa kaya niya ako? Mabilis niyang binuksan ang bag ko na halos ikasira na ng zipper niyon. At nang makuha na niya ang wallet ko ay nilimas niya ang mga perang papel na nandoon. Itinira na lang niya ang mga barya bago ibinalik sa bag ko ang wallet, pagkatapos ay basta na lang iyong itinapon sa akin. "Nagsisinungaling ka pa kasi. Nasaktan ka tuloy. Sa susunod, ibigay mo agad ang hinihingi ko! Ibabalik ko naman ito kapag nanalo ako." sabi lang niya bago ibinulsa ang pera na lalampas sa limang daan. Pero kailan ba siya huling nagbigay ng pera sa akin? Nakalimutan ko na dahil ilang taon na rin ang nakaraan. Budget ko na sana iyon bago ang susunod na sahod pero kinuha niya na naman. Okay lang sana kahit hindi na niya ibalik sa akin ang pera... Ang hindi lang okay ay sinisira niya ang buhay niya. At pati buhay ko ay damay.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD