Ang Lanea
Isang lugar na napakasaya. Walang kung anumang kapahamakan ang maaaninag mo. Kapag nasa kabundukan ka ng Misa, wala kang ibang makikita kundi tuktok ng mga matatayog na puno at ang matayog na kastilyo na may apat na tore.
Bawat isang tore ay may nakasabit na bandila ng Lanea. Isang asul na tela na may roong imahe ng isang agila na may baluti.
Pinamumunuan nina Haring Caious at Reyna Isven na may roong tatlong anak. Sina Prinsipe Calil, Prinsipe Cain at Prinsesa Cornelia.
Bilang panganay na anak at susunod sa trono ni Haring Caious, madalas si Prinsipe Calil kasama ng mga kawal sa ilang mga ensayo bilang paghahanda sa isang biglaang labanan. Masusi niyang pinag-aaralan ang mga posibleng stratehiya ng bawat bayan na nakapalibot sa kanila kung sakali man na may mangyaring kaguluhan.
Noong unang panahon, masayang namumuhay ang pamilya ng hari kasama ang kanya pamilya. Isang tahimik na lugar ang Lanea at napo-protektahan ito ng makapangyarihang mahika na likha ni Ave. Ang pinakamalakas salamangkera sa Lanea.
Si Ave ay nakatira sa bundok ng Misa kasama ang kaniyang nag-iisang alagad na si Biel. Si Biel lumaki sa Lanea ngunit sa kasamaang palad ay nawala ang mga magulang niya dahil sa isang madugong labanan na naganap noon sa Lanea.
Ang labanan sa pagitan ng Lanea at Kismel. Ang kalapit nilang bayan.
Hindi tulad sa Lanea, ang mga mamamayan ng Kismel ay walang permanenteng pinagkakitaan, nabubuhay lamang sila sa pagnanakaw at karahasan. Ang mga tao na nagnanais na magbago ng buhay ay lumilipat sa bayan ng Lanea kaya naman ikinagalit iyon ng kasalukuyang Hari ng Kismel, si Haring Dico.
Na nagkataon na matalik na kaibigan ni Haring Caious noong kabataan pa nila. Ngunit dahil sa inggit ay nagkahiwalay ang landas nilang dalawa.
Naging mitsa ang inggit ng isang digmaan. Maraming mga tao ang nasaktan, ang namatayan dahil sa nangyari. Isa na dito si Biel. Dalawang taong gulang pa lamang siya ng mangyari ang lahat ngunit palaging ikinuwento sa kanya ni Ave ang kabayanihan ng kaniyang mga magulang.
Para sa kapayapaan ng Lanea, hindi sila nagdalawang isip na ibuwis ang sarili nilang buhay.
Marami pang pamilya ang nawalan ng digmaan na iyon. Isa na dito ang Hari at Reyna. Habang abala ang lahat sa pakikipaglaban, may mga kalaban na nakapasok sa palasyo.
Walang kalaban-laban na sinaktan nila ang mahal na Reyna, hindi lamang iyon. Kanila ring pinatay si Prinsipe Cain na ng mga panahong iyon ay apat na taong gulang lamang.
Kanilang tinangay ang prinsipe sa loob ng gubat at doon na rin iniwan ang katawan nito. Hindi nila nagalaw si Prinsipe Calil sapagkat nasa kampo siya ng mga sundalo at tumutulong.
Mabilis na hinabol ng mga kawal ang mga taong kumuha kay Prinsipe Cain ngunit huli na ang lahat. Wala nang buhay ang maliit na katawan nang Prinsipe nang kanilang abutan.
Halos hindi nila makilala ang katwan ng bata dahil sa mga pinsala na tinamo nito, halos magkahiwa-hiwalay ang katawan dahil sa kagat ng isang mabangis na hayop, tanging ang kwintas lamang na bigay ng kaniyang Ina ang nagsilbi nilang tanda na iyon nga ang kanilang anak.
Labis ang hinagpis ng Reyna maging nang buong Lanea sa nangyari. Nanatiling matatag ang Lanea laban sa bayan ng Kismel ngunit lahat din ay naghihinagpis sa kamatayan ng munting Prinsipe.
Nagmistulang walang buhay ang Reyna dahil sa sobrang kalungkutan. Maging si Haring Caious ay hindi na rin gaanong nguminingiti hanggang sa dumating sa kanila ang isang magandang balita.
Nagdadalang tao muli ang Reyna at ngayon ay isa naman itong babae. Tila ba iyon lamang ang inaantay ng buong Lanea upang bumalik ang kanilang sigla.
Muling naging masaya ang Reyna at Hari ganun din naman ang buong kaharian. Lahat ay nagsasaya lalo na ng isilang si Prinsesa Cornelia. Lahat ay nagbigay puri sa bagong Prinsesa.
Lahat ay nagdidiwang maliban kay Prinsipe Calil na nasa isang sulok lamang, pinanonood ang mga nagaganap. Hindi magawang magsaya ng batang Prinsipe sapagkat hindi niya makalimutan ang namatay na kapatid.
Kaya ng panahon na iyon ay sumumpa siya na aalagaang mabuti si Cornelia at poprotektahan ang Lanea. Mag-aaral siya ng mahika sa tulong nang ilang guro at tutulong siya upang mapanatili ang kapayapaan sa Lanea, sa ngalan ni Cain.
Pagkalipas nang halos labing walong taon.
"Ano ba iyan, ano ng kadugtong?" inip na tanong ni Jasmine habang nakapangalumbaba sa kusina. Katatapos ko lang maglaba at kasalukuyan akong kumakain ng hapunan.
Sinubukan kong i-divert ang atensyon ko mula sa kahihiyan na nangyari kanina.
Nasa kalagitnaan pa lang ako ng paglalaba ng bigla ko na lamang marinig ang boses ni Tiya Imelda. "Alena! Alena! Aba mabuti naman at nandito ka, talagang aabutin ka ng kamao ko kapag hindi kita naabutan dito!" sa sobrang lakas nang boses niya ay maging ang mga katulong sa loob ay napapasilip sa'min.
"Oh ano, asan na ang bayad?" nakalahad ang kamay na tanong niya sa'kin habang ako naman ay nakatunghay lang sa kaniya, nagsalubong ang mga kilay niya at hinila ang buhok ko patayo.
"A-aray ko po Tiyang!" reklamo ko. Dagling nag-init ang mga mata ko hindi dahil sa sakit kundi dahil sa kahihiyan. "Tiyang tama na po!" pakiusap ko sa kaniya.
"Nasaan na iyong pera!?" sigaw niya sa mukha ko.
"W-wala pa po akong pera Tiyang, hi-hindi ko pa po kinukuha iyong bayad nina Ma’am Apple" padaskol na sinampal naman niya ako kaya tumalsik ang mga luhang kanina ko pa pinipigilan.
"Sinungaling na ito!" malakas na sinampal ako ni Tiyang nang bigla na lamang sumigaw si Ma’am Apple mula sa loob ng bahay. Halata ang galit sa mga mata nito kaya naman mabilis akong pinakawalan ni Tiyang.
"Anong nangyayari? Bakit sinasaktan mo iyong bata!?" asik niya kay Tiyang. Bahagyang napaatras si Tiyang ngunit agad ding sumagot. At nakakagulat na biglang lumambot ang boses nito.
"Eh kase naman Ma'amm, itong suwail na ito" tinangka pa ni Tiyang na duruin ang ulo ko pero agad akong inilayo ng isang kamay. Si Sir Frank. "A-ayaw nyang ibigay sa'kin iyong kita niya, nagtatago na! Aba eh paano naman ako makakabili nang pagkain namin?"
Marahan na pinunasan ko ang mukha ko habang nakatago sa likod ni Sir Frank.
"Walang itinatago sa inyo si Alena, wala pa kaming ibinigay na bayad sa kaniya" madiin na sabi ni Ma’am Apple, "At higit sa lahat, wala kayong karapatan na saktan iyong bata, lalo na kapag nasa pamamahay ko kayo, alam niyo ba na pwede kayong makulong sa ginagawa ninyo?"
Bahagyang nanlaki ang mga mata ni Tiya. Si Sir Frank naman ay dumukot nang pera sa bulsa niya at inihagis kay Tiya.
"Ayan na iyong bayad, tutal konti lang naman ang pinalabhan ko, ngayon makakaalis ka na" agad na pinulot ni Tiyang ang pera na inihagis ni Sir Frank. Kaagad din naman akong nilapitan ni Jasmine.
"Alena, iyong labi mo may dugo" nag-aalalang sabi niya. Siya rin namang lapit sa'kin ni Ma’am Apple. Hindi ako makatingin ng diretso sa kanila ni Sir Frank dahil sa hiya.
"Alena pagkatapos mo diyan umuwi ka na ha, magluluto ka pa" saka walang paalam na umalis si Tiyang. Sobrang Nakakahiya. Nanginginig ako sa kahihiyan. Sana lamunin na ako ng lupa.
Itinaas ni Mam Apple ang mukha ko para makita ang sinasabi ni Jasmine. Mariin siyang napapikit dahil sa nakita. "Frank, ipakuha mo nga ang medicine kit kay Nanay Aida"
Agad namang umalis si Sir Frank, "Ma’am Apple, pasensya na po kayo sa nangyari, hindi ko po alam na—" kaagad niya akong niyakap.
"Wala iyon Alena, dapat lumaban ka sa Tiyahin mo! Hindi ko na matiis ang ginagawa ng babaeng iyon!" galit na sabi niya. "Hayaan mo na iyang labada, may mga damit pa naman si Frank, halika sa kusina, kumain tayo, tara Jasmine" hila niya sa'min.
Ginamot nila ako at pilit kinumbinsi na magsampa ng kaso laban sa Tiyang pero hindi nila ako napilit. Ayoko ng makaabala pa sa kanila.
Bago ako matapos kumain ay binigyan ako ni Mam Apple ng isang libo. Bayad daw sa paglalaba ko, pilit ko iyong tinanggihan dahil hindi ko naman natapos ang nilalabhan ko pero mapilit si Ma’am Apple.
Hindi na raw ako makakatungtong sa mansyon kapag tinanggihan ko ang inaalok niya. Sinabihan niya pa ako na sabihan siya kapag naisipan ko na idemanda si Tiyang. Meron daw siyang kamag-anak na abogado.
"Paano Jasmine, uuwi na 'ko ha?" kinuha ko na ang mga gamit ko at isinukbit ang bag ko sa likod ko. Inihatid naman ako ni Mang Dante sa pinakalabas.
Medyo dumidilim na rin sa daan. Although hindi naman delikado dito sa lugar namin, siyempre babae pa rin ako. Ihahatid na sana ako ni Sir Frank kaso nga lang may biglaan siyang lakad, tsaka ayoko siyang isama sa bahay, mamaya mas lalo lang akong ipahiya ni Tiyang.
Ayokong isipin ni Tiyang na may namamagitan sa'min ni Sir Frank. Baka gamitin niya pa ito para perahan sila. Nakakahiya na talaga. Ang dami kong iniisip habang naglalakad. Kung ano nga bang sunod na kabanata ang isusulat ko, paano ko itatago kay Tiyang yung pera na bigay ni Ma’am Apple.
Habang naglalakad ay hindi ko maiwasan na makaramdam ng kakaiba pagdaan ko sa may bakanteng bahay sa gilid ng daan. Ang bahay na ito ay matagal ng abandonado. Nasa isa siyang masukal na parte ng lugar namin. Dati raw itong nasunog at wala ng naglakas nang loob ang tumira dito.
Napansin ko na may ilaw sa loob na nagpataas ng kilay ko. Ang alam ko walang nakatira dito ah, hindi ko alam kung saan ko nakuha ang lakas nang loob na maglakad papunta sa maliit na bahay.
Pabilis nang pabilis ang paghinga ko ganoon din ang t***k ng puso ko. Napansin ko rin na pinagpapawisan ako. Pero ang nakakapagtaka, hindi ko maitigil ang mga paa ko sa paglalakad.
Hanggang sa hawak ko na ang seradura nang pinto. Dahan-dahan kong binuksan ang pintuan. Agad akong sinalubong ng kakaibang amoy. Parang scented candle.
Hindi pa ako pumasok sa bahay. Iginala ko muna ang mga mata ko hanggang sa mapadako ang tingin ko sa isang pares ng mga mata na nakatingin sa'kin.
Agad akong napaatras pero hindi bumitaw sa seradura ng pinto. "P-pasenya na po Lola, m-matagal na po ba kayong nakatira dito? Abandonado na po kasi ito, baka pagalitan po kayo ng mga tanod na gumagala"
Ngumiti sya sa'kin at nagdala iyon nang lamig sa katawan ko. Doon ko lang siya napagmasdan nang maiigi. Hindi pala siya Lola! Ang bata pa pala niya! A-at ang mga mata niya!
Magkaiba nang kulay! Ang kanan ay kulay asul, ang kaliwa kulay berde. Mga paborito kong kulay. Ngumiti siya at bahagyang yumukod. Doon ko lang napansin na nasa loob na ako ng bahay at ang pintuan ay nakasara na.
"Alena" tila bulong na tawag niya sa pangalan ko. Parang isang musika ang boses niya.
"Si-sino ka? Bakit kilala mo ako? Budol ka ano?!" agad akong napayakap sa bag ko. Siya naman ay nanatiling nakangiti. "W-wala along pera, wala kang makukuha sa'kin na kahit na ano" lalo siyang napangiti sa sinabi ko.
"Patawad kung ikaw ay natakot sa akin Alena, nais kong malaman mo na hindi mo ako kalaban, ano pa bang mahihiling ko mula sa aking tagagpaglikha?" halata sa mukha ko ang kaguluhan. "Patawad muli Alena, ako nga pala si Ave ang iyong lingkod"
A-ave?
Mahina akong napatawa. Joke ba ito?
"Ave mula sa lupain nang Lanea na pinamumunuan ni Haring Caious, ang lugar na iyong ginawa" unti-unting umikot ang paningin ko hanggang sa mawalan ako ng malay.