“Bakit? Anong mayroon?” naguguluhang tanong ni Esmeralda. Kanina lang ay marami itong plano para sa kanila ni Jeremy.
Masuyo siya nitong hinawakan sa magkabilang balikat. “Pauwi na sa Pilipinas si Kuya Amadeus.”
“Bakit kailangan kong umuwi sa San Luis? Ayaw mo bang makilala ko ang kuya mo?” tanong niya at umupo sa sofa.
Nasapo nito ang noo. “Wala ako dito nang dalawang Linggo. My brother asked me to go to Samui and Palawan. Malalaking projects ang mga iyon. He wants me to check out the progress. According to his message to Lexie, this is his way of showing that he trusts me. But I know better. Sasamantalahin niya na wala ako para magkaharap kayo nang wala ko para alalayan ka.”
“Hindi ako natatakot sa kanya,” aniya sa matatag na boses.
Gusto niyang makita ni Amadeus dela Merced na di siya basta-basta natatakot sa gaya nito. Madami na siyang pinagdaanan. Kung magiging mahina siya, baka isipin nito ay dalawa sila ni Aiden na pwede nitong kayan-kayanin. Baka sakaling di nito gipitin pa si Aiden kapag nakita nitong palaban sila.
“Hindi kita pwedeng pabayaan na mag-isang harapin siya. Wala kang mailalaban sa kanya. Hindi mo kilala si Kuya. Gagawin niya ang lahat para hindi matuloy ang kasal natin. Doon ka muna sa San Luis para hindi ka niya masundan.”
Hindi kaila sa kanya na isang dominanteng lalaki si Amadeus dela Merced. Nakukuha nito ang gusto at di ito titigil hangga’t di ito nananalo. Hindi siya papayag. Matutuloy ang kasal kahit anong pigil pa ang gawin nito. Maliban na lang kung si Aiden mismo ang nagdesisyon na hindi na siya pakakasalan pa nito.
“Pero paano ang paghahanda sa kasal natin kung aalis ako?” tanong ng dalaga. Pinaghahandaan iyon ng lalaki dahil gusto nitong mapaniwala ang lahat na totoo ang kasal nila. Ayaw nito na mabutasan sila ni Amadeus o ng iba pa.
“That’s what a wedding coordinator is for. Bantayan mo na lang ang ipinatatayo mong bahay doon,” anito at tumayo saka nagpalakad-lakad sa harap niya na parang tigre na di mapakali.
Ito mismo ang namilit na palakihin ang bahay kubo nila na tinitirhan sa San Luis. Nagpatayo ito ng dalawang palapag na konkretong bahay. Bilang babaeng pakakasalan nito, ayaw daw nitong magmukha siyang busabos sa paningin ng iba dahil ikakasal na ito sa isang dela Merced.
“Matapos ang schedule ninyo sa doktor bukas, ihahatid na kayo ni Mang Berto sa Aurora. Doon kayo hangga’t di ako bumabalik at hindi ko kayo pinasusundo. Nagkakaintindihan ba tayo?” pagpapatuloy ni Aiden.
Namaywang si Esmeralda. “Hindi ako natatakot sa kapatid mo. Kaya ko siyang harapin nang mag-isa. Hindi mo ako kailangang itago,” giit niya.
Gusto niyang makaharap si Amadeus. Hindi siya duwag na magtatago at tatakbo sa pinanggalingan. Kung magiging bayaw niya ito, kailangang masanay na siya sa ugali nito. Ipapakita niya dito na hindi siya basta-basta nagpapatalo. Ayaw niya sa lahat ay hinahamon siya.
Tumango si Aiden. “Alam ko na hindi ka natatakot sa kanya. Pero ayokong bigyan siya ng pagkakataon na sirain ang plano ko. Importante ang kasal na ito sa atin, hindi ba?” anito sa boses na humihingi ng pang-unawa. “Saka baka nami-miss na ni Jeremy ang bahay ninyo at ang iba niyang kaibigan. Sariwa din ang hangin sa probinsiya. Mas mabuti
Napatitig siya sa mga mata nito. “Sige, uuwi na kami sa San Luis.”
Sa giyerang ito, di tuluyang pagkatalo ang pag-urong. Saka na sila magtutuos ni Amadeus.
“WE ARE now flying over the Philippine Sea. In less than an hour, we will land at the Fort Magsaysay Airfield in Palayan City, Nueva Ecija,” anunsiyo ng piloto ng eroplano na nakakuha ng atensiyon ni Amadeus mula sa binabasang report sa laptop niya. Nakasakay siya sa private jet na pag-aari niya at kagagaling lang sa meeting sa Istanbul para sa isang lumang building doon na gagawin niyang hotel and spa.
Pinindot niya ang intercom na nakadirekta sa piloto. “Why are we landing in Palayan City? That is a far cry from San Luis. I thought there are airstrips nearby where we can land.”
“The airports are close due to the storm. The airfield in Palayan is the safest place for landing, Sir,” paliwanag ng piloto.
“Darn it!” Hindi iyon ang inaasahan niya. Ang akala niya ay mas mapapalapit siya sa destinasyon na isa o dalawang oras lang na biyahe mula sa airport. Nagbigay agad siya ng utos sa temporary assistant na kasama niya na isang fresh graduate mula sa De La Salle University at scholar ng kompanya. “Bring my car there. I want it ready when I reach Fort Magsaysay, Marjayrie.”
“Yes, Sir,” sabi nito at nagkukumahog na nag-dial sa cellphone nito. “Sir, do you want me to find you a hotel near the fort?”
“No. I want to reach Costa Aurora before nightfall. I have some important matters to attend to.”
“Sir, that would be four-hour drive from the airbase. Baka pwede ninyong i-consider ang hotel sa malapit...”
“Narinig mo ba ang sinabi ko? Importante na makarating ako sa Costa Aurora ngayong gabi. I can’t afford any more delays. Are we clear?”
Yumuko ang babae. “Yes, Sir.”
Ayaw ni Amadeus sa lahat ay kinokontra niya. And it was bad enough that the weather was against him. Pero di sapat ang kalikasan para pigilan siya sa mga plano niya. At lalong di pwedeng baguhin ng mga tauhan niya ang itinerary niya. He would be there by hook or by crook.
Bakasyon ang sinasabi niyang rason sa pagpunta sa Pilipinas. Isang linggo siyang naka-check in sa Costa Aurora. Umaasa siya na bago matapos ang bakasyon niya ay tapos na rin ang problema niya. Ang totoong dahilan kung bakit siya nagpunta sa Costa Aurora.
He opened his iPad and reviewed one of the files in his secret folder. Picture ng isang babae ang nasa unang pahina ng file. Simple lang ang babae. Walang make up ang mukha. Nakalugay ang mahaba at tuwid nitong buhok. Ayon sa file nito ay nasa 5’3” ang babae at balingkinitan ang katawan. Kung titingnan ay mukha itong inosente. Probinsiyana at hindi makabasag-pinggan. Who would have thought that she was a money-siphoning w***e?
Esmeralda Solomon. A barrio lass who got his younger brother wrapped around her finger. Isang buwan pa lang itong nakilala ng kapatid niya pero nakumbinsi na nito si Aiden na tubusin ang nakasanla nitong lupa, ipaayos ang bahay nito, ipagamot ang kapatid nitong may sakit at malay niya kung ano pa ang ipagawa nito sa kapatid niya. In one month? What an expensive w***e!
His soft-hearted brother had no experience dealing with women like her. Amadeus had seen them all - from virginal to foxy women, they were all manipulative. Gagamitin ng mga ito ang alindog at ang pagiging babae para lang makuha ang gusto. Esmeralda must have played the virginal damsel in distress card and his brother fell right into her trap. Hindi niya hahayaang magdusa ang kapatid niya. As his brother, it was his responsibility to protect him.
Hindi sila malapit ni Aiden sa isa’t isa. Napangasawa ng ama niya ang nanay nito noong walong taon lamang siya. Kamamatay pa lamang ng ina niya nang ikasal na ang ama niya sa madrasta. At di pa man nagbababang-luksa ay ipinanganak na si Aiden. No, he was not stupid. Nang di niya makasundo ang madrasta ay ipinadala siya ng ama sa boarding school sa United Kingdom. Estranghero sa kanya maging ang nakababatang kapatid dahil madalang siyang umuwi ng bansa.
Habang hinasa siya para mag-take over sa family business, ang kapatid naman niya ay hindi nagkaroon ng training gaya niya. Mahina ang kapatid niya. Nagagaya ito sa ama niya na namamanipula ng babae. Namanipula ito ng namayapang ina para humiwalay sa kanya at magtayo ng sarili nitong negosyo. Ngayon naman ay namamanipula ito ng isang oportunistang babae para pakasalan ito. He won’t just stand and watch his brother marry a gold digger. Hindi niya hahayaang maging parte ng pamilya si Esmeralda Solomon.
Nakahanda na ang lumang Mustang niya nang dumating siya sa airbase. Iyon ang gamit niya kapag nasa Pilipinas at mag-isang nagbibiyahe. He had it equipped with the latest GPS at ipina-program na niya iyon para sa pagpunta niya sa Costa Aurora. Kinuha ang susi ng kotse sa driver. “See you in a week.” At sumaludo sa mga tauhan bago sumakay ng sasakyan at pinaharurot iyon palayo.
Di pa siya nakakalayo ay nag-ring na ang cellphone niya. His personal assistant was calling. “Hello, old lady,” pabiro niyang bati sa sekretaryang si Florida na minana pa niya sa ama. “I am off to a vacation. Policy ko na huwag akong abalahin maliban kung emergency.”
“This is an emergency. Huwag kang tumuloy sa Costa Aurora. You are heading straight to a storm.”
He only smirked. Di niya alintana ang hagupit ng hangin sa labas. “Ambon lang naman sa labas. Wala iyan sa mismong storm race namin sa Atlantic dati. Remember that I won that one.”
Kapag may free time siya ay nagse-sail siya gamit ang sarili niyang yate. Nakakasali din siya sa international competitions kung saan mas marahas ang panahon at naglalakihan ang mga alon. Ano naman ang ikakatakot niya sa signal #1 sa Pilipinas? No big deal. Wala siyang basta-basta kinatatakutan.
“Amadeus, huwag mo naman sanang gawin ang iniisip ko. Hindi mo naman siguro kokomprontahin ang babaeng pakakasalan ng kapatid mo. Lalo kayong di magkakasundo ng kapatid mo kapag ginulo mo sila,” babala ni Florida.
Bumuntong-hininga siya. Kabisado talaga ng matandang babae ang takbo ng utak niya. “This is a family matter, old woman.”
“Mabait naman si Esmeralda, hijo. Nabanggit sa akin ng maid ni Aiden na nakasabay kong mag-grocery na maalaga siya sa kapatid mo. Bakit di mo na lang sila hayaan? Matanda na ang kapatid mo.”
“I must concentrate on driving. I will call you once I reach Costa Aurora. Goodbye,” anang binata sa malamig na boses at inalis sa tainga ang bluetooth. Ayaw na niya ng distraction mula ngayon. Gusto niyang mag-focus sa biyahe at sa misyon niya. Handa na siyang makaharap si Esmeralda Solomon.
Lalo niyang di dapat ipagpaliban ang paghaharap nila ng babae. Di lang pala ang kapatid niya ang napaikot nito kundi pati ang taong pinagkakatiwalaan niya. Anong malay niya kung sino pa ang paiikutin ni Esmeralda?
Palakas nang palakas ang buhos ng ulan. Napapansin niya na nagsisimula na ring tumaas ang tubig sa dinadaanan niya. Pero tuloy-tuloy lang siya sa pagtakbo kahit pa may mga nasasalubong na siya na naglalakad palayo sa direksyon kung saan siya patungo. The weather was getting worse and worse.
Pero tuloy-tuloy pa rin siya sa pagmamaneho. Sa ibang bansa, kapag di na passable ang mga kalsada ay hinaharangan na ang mga iyon. O kaya ay pinababalik na ng mga pulis o opisyal. Ibig sabihin ay pwede pa siyang magpatuloy.
Lalo pang nagngalit ang panahon. Bumuhos pa lalo ang ulan hanggang halos malunod na ang windshield ng sasakyan niya. Di na kinakaya ng wiper ang bagsak ng tubig. Zero visibility na kahit na alas tres pa lang ng hapon.
“What the f**k! Ang sabi sa balita signal number one lang ito.” The amount of rainfall was not normal.
He was still a couple of hours from Costa Aurora. Mga kabundukan pa ang dadaanan niya dahil nasa gilid iyon ng Sierra Madre Mountain. Ang pinakamalapit na inn ay nasa isang oras pa. Pero malapit na siya sa San Luis kung saan nakatira si Esmeralda. Hindi niya alam kung makokompronta niya ito sa ganitong panahon. Pero kailangan niyang magpatuloy. All he needed was to cross the bridge and he was already in San Luis. It was a short cut according to his GPS. Sampung kilometro lang pagtawid niya ay tutumbukin na nito ang bayan kung saan may inn. Di tulad sa highway kung saan aabutin pa siya ng isang oras.
Haharapin niya si Esmeralda. Di siya makakapagbakasyon hangga’t di niya dito hinaharap. At gusto niya bago bumalik sa Pilipinas si Aiden ay wala na ang oportunistang babae sa buhay nito.
Tumaas na ang tubig at inaabot na ang kahoy na tulay. Sinubukan niyang tumawid hanggang makarinig siya ng malakas na ugong. Nanlaki ang mga mata niya nang makita ang malaking bulto ng tubig na rumaragasa sa direksyon niya. Sinubukan niyang bilisan ang pagpapatakbo para makaalis sa tulay subalit huli na. Mas malakas at mas mabilis ang daluyong ng tubig. Parang laruan lang nitong inuga ang tulay hanggang tuluyang matangay. Naramdaman na lang niya na parang ipinagbabalibagan ang sasakyan niya na parang laruan ng bata.
Sinubukan niyang makawala sa sasakyan at umibabaw doon habang nilalabanan ang malakas na current ng tubig. Tumingala siya sa langit upang humingi ng saklolo subalit ang tanging sagot sa kanya ay mas malalakas na patak ng ulan. Hindi niya kayang labanan ang agos.
Hinawakan niya ang kuwintas na bigay ng napamayapang ina at tumingala sa langit. Hindi siya natatakot mamatay. He was used to thriving in danger. He lived dangerously in and out of the boardroom. Ang nakakalungkot lang ay hindi man lang niya masasagip ang kapatid niyang si Aiden bago siya mawala sa mundo at maiiwan niya ito sa kamay ng oportunistang si Esmeralda Solomon.