Chapter 3

2098 Words
NAGMAMADALING kinuha ni Esmeralda ang mga kumot mula sa aparador. Bitbit ang gasera ay lumabas siya ng kuwarto. Walang kuryente dahil sa lakas ng hangin dulot ng bagyo. Pababa sa hagdan ay natanaw niya ang mga kababayan na nagsisilikas. Pansamantalang nanuluyan ang mga ito sa sala at sa mga kuwarto sa ibaba ng bahay. Maluwag pa ang lugar na iyon dahil wala pang gamit maliban sa lumang kawayang sofa. Mataas ang lugar na kinatitirikan ng bahay niya kaya naman hindi iyon basta-basta aabutin ng tubig. Nakaugalian na rin ng pamilya nila na patuluyin sa bahay nila o kaya ay sa kamalig ang mga kababaryo nila na walang matuluyan. “Tutulungan na kita, Esmeralda,” prisinta ni Cynthia Lyn, ang matalik niyang kaibigan. Kasama nito ang pamilyang nanuluyan doon dahil malapit din ang bahay nito sa ilog na unang apektado kapag tumataas ang tubig at masama ang panahon. “Salamat,” sabi niya. “Sa tingin mo ba hindi kukulangin ang mga pagkain natin?” Umiling ito. “Sobra-sobra pa iyon. Pinaghandaan din naman namin itong bagyo kaya may dala rin kaming mga pagkain.” Nakahinga ng maluwag si Esmeralda. Ayaw na niyang matulad sa nangyari dati na nagutom ang mga tao na nakisilong sa kanila. Hindi napaghandaan ang pagdating ng bagyo. Kaya kahit na nakaligtas sa baha ay marami pa rin ang nagutom at nagkasakit dahil kulang sila noon sa pagkain at gamot. Ngayon ay mas handa na sila. Malaking bagay din na nagawa sa oras ang bahay. Di pa iyon napapalitadahan pero matibay na ang bubong, maayos ang bintana at dahil malaki ang bahay ay mas marami nang pwedeng makituloy doon. Maliit at mahirap na bayan lang ang San Luis. Kapag may kalamidad ay di sila basta-basta naabutan ng tulong ng gobyerno at NGO dahil mas inuuna ng mga ito ang mga malalaking bayan na mas madaling puntahan. At ayaw din niyang umasa sa mga pulitiko na ang pinagsisilbihan lang ay ang mga kaalyado ng mga ito noong eleksyon kahit na pare-pareho naman silang nagbabayad ng buwis. Humihingal na pumasok si Mang Kadyo at ang ilan pang kalalakihan. Kasunod ng mga ito ang huling pamilya na nakatira sa baybayin ng ilog. “Nandito na kami,” anunsiyo nito at tinanggal ang basang kapote. “Cynthia Lyn, hainan mo sila ng mainit na sabaw,” utos ni Esmeralda. “Pumasok na kayo.” “Tulungan ninyo ako!” sigaw ni Topher na kababata niya na hangos na dumating. “Naiwan si Nana Ising sa kubo niya. May sakit siya at hindi makalakad. Kailangan niyang makaalis doon bago pa siya tangayin ng ilog.” Tinanguan niya si Mang Kadyo. “Sunduin po natin siya,” yaya niya dito at sa iba pang mga kalalakihan. Wala nang kamag-anak si Nana Ising. Nag-iisa na lang ito sa kubo nito. Mahina na ito at hindi nila maaring pabayaan. “Maiwan ka na lang dito,” sabi ni Topher. “P-Pero di ka na dapat sumama sa amin. Hayaan mo na kaming mga lalaki.” “Hindi ako matatahimik hangga’t di ko natitiyak na ligtas si Nana Ising.” Kinuha ni Esmeralda ang makapal na jacket at isinuot ang sumbrero. Nilagpasan niya si Topher. “Umalis na tayo,” utos niya at pinangunahan ang grupo. Malapit siya kay Nana Ising dahil inalagaan siya nito noong bata pa siya kapag nasa bukid ang mga magulang niya. Madalas silang kwentuhan ng kung anu-anong kababalaghan. Gusto niyang matiyak na hindi ito mapapahamak. “Kami na lang,” giit ni Topher. “Bilisan ninyo. Lumalakas ang ulan. Baka mahirapan pa tayo kung babagal-bagal tayo,” walang lingon-likod niyang sabi at hindi pinansin ang sinabi nito. Tahimik na nagsisunod sina Mang Kadyo at ang mga kalalakihan. Animo’y masyadong pagod para makipagtalo sa kanya. Alam ng mga ito na kapag naisipan niyang gawin ang isang bagay ay hindi na siya umuurong pa. Malakas si Esmeralda. Hindi siya masyadong napagod sa pag-aasikaso sa mga tao dahil kanina pa siya nasa bahay. Samantalang ang mga kalalakihan ay kanina pa tumutulong sa paglilikas. Kung sakaling may maging problema, makakatulong siya. Binaybay nila ang ilog. Malakas ang buhos ng ulan. Hindi nakaligtas sa paningin niya ang mga piraso ng troso na nagmula sa bundok. Gayundin ang ilang kabahayan na tinangay ng baha. Katulad ng araw na mamatay ang mga magulang niya. “Tingnan ninyo!” sigaw ni Topher na pumutol sa pag-alala niya sa malagim na araw na iyon. Sinundan niya ang itinuturo nitong kulay asul na bagay na tinatangay ng agos ng tubig subalit pilit na gumagalaw. “Tao ba iyon?” “Oo nga, no?” anang si Mang Kadyo habang tinitingnan ang asul na bagay na palapit sa tapat nila. “Saan kaya galing iyon?” Hindi niya pinansin ang pagtatanungan ng mga ito at mabilis na hinatak ang lubid na nakaikid sa braso ni Topher. Mabilis niya iyong itinali sa baywang. Natitiyak niyang tao ang lumulutang na bagay. Nakita niyang gumalaw kaya nasisiguro niyang buhay pa ito. Subalit hindi madali para dito ang labanan ang malakas na pwersa ng tubig upang marating ang pampang ng ilog. Kailangan nito ng tulong. “Anong gagawin mo?” tanong ni Topher na nagulat nang agawin niya ang lubid mula dito. “Sasagipin ko siya,” sagot ni Esmeralda at hinigpitan ang tali ng lubid sa baywang. Nanlaki ang mata nito. “Nasisiraan ka ba ng bait? Baka mamatay ka kapag tumalon ka diyan. Malakas ang agos at…” Natigil ito sa paglilitanya nang ihagis ng dalaga sa kamay nito ang kabilang dulo ng lubid. “Itali mo sa puno. Wala na akong oras makipagtalo sa iyo.” Naiwan niyang tulala ang mga kasamahan nang tumakbo siya. Tinantiya niya ang layo niya sa tao at humanap ng tiyempo saka siya tumalon siya sa ilog. Tama. Isa ngang kabaliwan ang tumalon sa malamig na tubig ng rumaragasang ilog. Subalit wala na sa isip niya ang maari niyang sapitin sa kabaliwang iyon. Kailangan niyang iligtas ang taong iyon. Ayaw niyang manood na lang habang may namamatay kung alam naman niyang may magagawa siya. Pinilit ni Esmeralda na ikampay ang mga kamay. Nilabanan niya ang malakas na agos ng tubig. Magaling siyang atleta sa swimming mula elementarya hanggang kolehiyo. Subalit ngayon masusukat ang tunay na galing niya sa paglangoy. Hindi niya pinansin ang sigawan ng mga kasamahan. Ang tanging naririnig lang niya ay ang malakas na pagragasa ng tubig at ang malakas na t***k ng puso niya. Ilang sandali pa at nahagip niya ang kamay ng tao. Hindi siya nag-aksaya ng panahon. Ikinawit niya ang braso sa leeg niya at pilit na lumangoy sa pampang. Subalit wala na siyang lakas. Naubos na sa kalalangoy niya kanina. Nakahinga siya ng maluwag nang dahan-dahan siyang hinila ng mga kasamahan patungo sa pampang. Ligtas na sila. Humihingal siya nang makaahon sa ilog. Pinagtulung-tulungan silang iahon ng mga kasamahan. Ibinagsak niya ang sarili sa pampang nang padipa dahil pagod na pagod na siya. Wala siyang pakialam kung mabasa man ng ulan ang mga mata niya. “Buhay pa siya!” narinig niyang usal ni Mang Kadyo nang alalayan siyang tumayo. Narinig niya ang pag-ubo ng sinagip niya. Nang lumingon siya ay naidapa ito nina Topher at inilalabas ang tubig na nainom. “Sino kayo?” mahinang tanong ng lalaki na nanlalambot na nakatingin sa kanila. Umuklo ang dalaga sa tabi nito at hinaplos ang may kahabaan nitong buhok. May balbas ang lalaki at mukhang isang buwan nang di nag-ahit. Isa ba itong ermitanyo na inanod ng baha? “Huwag kang mag-alala. Ligtas ka na. Huwag ka munang matutulog. Masakit ba ang ulo mo?” “No. But the rest of my body feels...” Ingliserong ermitanyo. Saan naman ito galing? Nang dumilat ang mga mata nito at tumutok sa kanya ay parang binundol ang dibdib niya ng rumaragasang troso. Kape. Kulay kape ang mga mata nito. Isa sa pinakamagandang mga mata na nakita niya. Sa kabila ng panghihina ay parang may kapangyarihan ang mga mata nito na humihila sa puso niya. Kakaibang emosyon ang nasinagan niya doon habang nakatingin sa kanya. Hindi niya alam kung takot o galit. Saka niya napagmasdang mabuti ang itsura nito. Sa palagay niya ay naglalaro ang edad nito sa treinta hanggang treinta y dos anyos. Matangos ang ilong nito. Maamo ang mukha. Moreno at makinis ang balat nito. Hindi ito ang tipo ng lalaki na gumagawa ng mabibigat na bagay tulad ng pagbubukid. At natitiyak niyang hindi ito galing doon dahil ang suot nito ay abuhing slacks at asul na long sleeve polo. “Y-You?” nanghihinang usal nito bago ipinikit ang mga mata. Nakadama siya ng takot nang marinig ang boses nito. Takot na hindi niya naramdaman nang tumalon sa ilog kanina upang sagipin ito. Ang boses nito, parang narinig na niya. Boses na nagdadala ng sanlibong kilabot sa pagkatao niya. Ngunit ang mga mata nito. Parang nanghihipnotismo. Na sa isang tingin lang nito ay may kakayahang pasunurin siya sa lahat ng gusto nito. Naipilig niya ang ulo. Isa itong estranghero. Noon lang niya ito nakita. Noon lang niya narinig ang boses nito. Wala siyang rason para matakot dito. Maaring epekto lang iyon ng matagal niyang paglangoy kanina. Naapektuhan pati ang utak niya. Tumayo si Esmeralda. “Sunduin na ninyo si Nanang Ising, Mang Kadyo. Topher, kunin mo ang isa pang duyan sa bahay. Doon natin siya isakay dahil di naman siya mabubuhat. Kailangan nating matiyak na hindi walang naapektuhan sa pagkakatangay sa kanya ng agos o kung sino ang pamilya niya. Kailangan natin siyang maibalik sa pamilya niya dahil tiyak na nag-aalala na sila.” Hinaplos niya ang buhok ng lalaki habang nakasilong sila sa ilalim ng puno. “Huwag kang mag-alala. Ligtas ka na. Di ka namin pababayaan dito.” MATAPOS magpalit ng tuyong damit ay sinilip ni Esmeralda ang lalaking sinagip niya kanina. Pansamantala nila itong ihinimlay sa isa sa mga bakanteng kuwarto. Alam niyang hindi ito magiging komportable sa sala kung saan maraming tao. Matapos makitang nahihimbing ito ay saka siya bumaba patungo sa kusina. Naabutan niya doon si Cynthia Lyn na naghahanda ng mainit na sabaw. Hindi naikaila sa kanya ang pinipigil nitong ngiti habang isinasalin ang sabaw sa mangkok. “Parang kakaiba yata ang ngiti mo ngayon,” puna niya. Kumuha siya ng baso ng tubig at uninom. Hanggang ngayon ay masakit pa rin ang katawan niya dahil sa paglangoy. Matagal na siyang hindi nakakalangoy kaya hindi nakapagtatakang manakit ang katawan niya dahil pinuwersa niya ang mga kalamnan kanina. Dumating na rin ang ibang mga kalalakihan na inutusan niyang sumundo kay Nana Ising. Maayos na ang lahat. Natutulog ang mga bata at nagkukwentuhan ang mga kababaihan habang malakas ang hagupit ng hanging dala ng bagyo sa labas. “Kasi tumulong ako sa pagbibihis doon sa lalaking sinagip mo kanina,” pabulong nitong sabi. “Ang guwapo pala niya!” “Shhh!” saway niya dito. “Nakakahiya sa mga tao dito.” Itinirik nito ang mga mata. “Ano naman ang masama? Talaga namang guwapo siya. Saka maganda ng katawan. Parang ang sarap yumakap.” Hindi niya maiwasang mamula sa gusto nitong ipahiwatig. Tinalikuran niya ito at kumuha ng kutsara para sa sabaw na idudulot sa mga bisita. Hindi siya komportable na pag-usapan ang mga aspeto ng estranghero niyang bisita. Kahit kailan ay hindi pa siya nagkahilig sa mga guwapong lalaki. Kahit si Aiden na mapapangasawa niya ay ubod ng guwapo, hindi siya nakaramdam ng atraksiyon dito. Sa isang estranghero pa kaya? “Mahiya ka naman sa sarili mo, Cynthia Lyn. Hindi ko siya iniligtas sa pagkalunod para lang pagnasaan mo. Kaya huwag mo na siyang pantasyahin.” Namaywang ito. “Bakit ka ba kumokontra? Hindi mo naman boyfriend ang pinagnanasaan ko. Magalit ka kung si Aiden ang pinapantasya ko.” “Nasaan ang pagkain ng bisita natin?” pag-iiba ni Esmeralda sa usapan. “Ako na ang magdadala sa taas.” Sumimangot ako. “Wala ka bang tiwala sa akin?” Nang-iinis siyang ngumiti. “Wala. Dahil baka kapag ikaw ang nagdala nito, molestiyahin mo pa siya. Masira pa ang reputasyon ng baryo natin dahil sa iyo,” kantiyaw niya. “Kung hindi ka lang ikakasal, baka pagpantasyahan mo ring molestiyahin siya,” pahabol nito habang palabas siya ng kusina. Pagpasok niya sa silid ay nagulat siya nang makitang gising na ang lalaki. Nagpipilit itong tumayo kahit na nanghihina. “H-Huwag ka munang gumalaw,” saway niya dito. Subalit huli na dahil bumangon na ito. At ang kumot na kanina’y nakatakip sa katawan nito ay dahan-dahang dumausdos pababa. Nahantad sa kanya ang matipunong dibdib nito na may manipis na balahibo.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD