Tama si Cynthia Lyn. Matipuno nga ang pangangatawan ng lalaking sinagip ni Esmeralda. Na parang napakasarap yumakap at handa siyang protektahan sa sinumang pwedeng manakit sa kanya. Handang magbigay ng init sa malamig na panahon.
Sa ilang sandali napagkit si Esmeralda sa kinatatayuan habang sinasamba ng paningin niya ang katawan nito. Kung hindi siya maagap ay baka naibagsak niya ang hawak na tray ng mainit na sabaw.
Nagmamadali niya iyong inilapag sa mesita sa tabi ng papag ang tray. Saka niya ito inalalayan upang makaupo nang maayos sa papag. Umungol ito. Dala marahil ng pananakit ng katawan.
“Anong masakit sa iyo?” tanong niya.
Sinapo nito ang ulo. “I’m hurting all over,” usal nito sa baritonong boses. Kahit na nasasaktan ay makapangyarihan pa rin ang tinig nito. Iginala nito ang mata sa paligid. “N-Nasaan ako?”
“Sa bahay ko. Nandito sa San Luis. Dito ka namin itinuloy matapos kitang sagipin sa ilog kanina. Akala nga namin patay ka na.”
Ipinikit ng lalaki ang mga mata at isinandal ang ulo headboard ng papag. “Nagmamaneho ako ng kotse. Patawid ako sa tulay. Malakas ang agos at umaapaw na ang tulay sa tubig pero hindi ko pinansin iyon. Hindi ko alam na ganoon karupok ang tulay na kahoy at nahati iyon. Nahulog ako sa ilog at ang sasakyan ko.” Nagmulat ito ng mga mata na parang nagulat. “Damn! Where the hell is my car?” galit nitong tanong.
Muli niya itong itinulak pasandal. “Huwag mo nang isipin ang kotse mo. Wala ka nang magagawa doon. Malamang nakalubog na iyon sa ilog.”
Naiinis siya dahil nagawa pa nitong isipin ang kotse kaysa pahalagahan ang buhay. Materyal na bagay lang iyon. Madaling palitan.
“But that is my favorite car,” argumento nito.
“Alam mo, kung nakita kong inaanod ang kotse mo sa ilog, hindi ko sasagipin iyon. Mas mahalaga ang buhay ng tao dahil di iyon napapalitan. Magpasalamat ka na lang dahil buhay ka pa,” paangil niyang sabi.
Kumunot ang noo nito na parang hindi natuwa sa sinabi niya. Tumutok ang mata nito sa kanya. Ang kulay kape nitong mga mata. Mataman siya nitong tiningnan na parang inuuri siya. Nakakailang ang paraan ng pagtingin nito subalit hindi niya iniiwas ang tingin dito. Hindi pa siya nailang o naging mahina sa pagharap sa isang lalaki kahit kailan.
“Sino ka?” tanong nito.
“Esmeralda Solomon,” pagpapakilala niya sa sarili. “Ako ang nagligtas sa iyo.”
Napaawang ang mga labi nito na animo’y hindi makapaniwala. “I-Ikaw ang nagligtas sa akin?” Pumikit ito at muling napaungol sa sakit. “Bakit ikaw ang nagligtas sa akin?” tanong nito na parang di nagustuhan ang ibinalita niya. “Why?”
Tumaas ang kilay niya. Hindi niya alam kung kabilang ito sa mga lalaking ayaw na ayaw na tinutulungan ng isang babae o wala lang itong utang na loob. Ni hindi man lang nagpasalamat sa pagliligtas niya dito. Pa-English-English pa.
“Nagkataon lang naman na wala sa mga lalaking kasama ko ang gustong magbuwis ng buhay nila para sa iyo. Kaya tumalon ako sa tubig at sinagip ka. May problema ba doon?” may bahid ng iritasyon niyang tanong.
Muli nitong iminulat ang mga mata at tumingin sa kanya na parang nakakaramdam ng sakit. Dahan-dahan itong tumayo. “K-Kailangan ko nang umalis.”
Mabilis niya itong dinaluhan dahil mabuway pa ang tayo nito. At kung hindi siya maagap ay baka bumagsak ito sa sahig. “Huwag kang masyadong kumilos. Hindi ka pa malakas. Hindi ka rin pwedeng umalis dahil malakas ang bagyo sa…”
Natigilan siya nang madikit siya sa halos hubad nitong katawan. Tanging ang shorts na ipinahiram dito ni Topher ang suot nito. Hindi pa siya naging ganito kalapit sa isang lalaki. Sa isang halos hubad nang estranghero. Nakadama siya ng kakaibang init. Init na hindi basta-basta naglalaho.
Nang tingalain niya ito ay nakatingin din ito sa kanya. Matangkad ito. Sa palagay niya ay nasa anim na pulgada ang taas, kasingtangkad ni Aiden.
Nakatingin ang mga mata nito sa kanya. Magkakasamang emosyon ang naramdaman niya-takot, kaba at …pagnanasa? Nagkaroon siya ng simbuyo na lumayo dito.
Iniiwas ni Esmeralda ang tingin at inalalayan itong umupo sa kama. “Mas mabuti kung humigop ka muna ng sabaw. Kailangan mong lamnan ang sikmura mo. Hindi ka makakaalis dito kung mahina ka pa.”
Walang pagtutol itong sumunod bagamat hindi ito masaya sa naging desisyon. Parang sinisilihan itong lumayo sa lugar na iyon. Malayo sa kanya.
“Ayoko nang maging abala pa sa iyo,” sabi nito at sumandal.
Hinila ni Esmeralda ang lalaki palapit sa kama ang bangko at kinuha ang mangkok ng mainit na sabaw. “Hindi ka abala sa akin. Hindi ko pwedeng pabayaan ang isang taong nangangailangan ng tulong.”
Iniumang niya sa bibig ng lalaki ang kutsara ng sabaw na malugod naman nitong tinangggap. Ni hindi ito kumontra kahit siya pa ang nagsusubo dito na parang isa itong batang paslit. Marahil ay pagod na rin itong makipagtalo sa kanya dahil alam nitong mahina ito at hindi mananalo sa kanya.
“Esmeralda,” sabi nito matapos niyang painumin ng tubig.
Nilingon niya ito. “Bakit?”
Ngumiti ito. “Salamat sa pagliligtas mo sa akin,” sabi nito. “Kanina akala ko hindi na ako mabubuhay pa o di na maririnig ng Diyos ang dasal ko. Salamat. And I hope you will forgive me for being crass. I am just not used to being helpless before. S-Sanay lang ako na gawin ang lahat ng bagay nang mag-isa.”
Parang naengkanto ang dalaga habang nakatitig dito. Sa mababang tono ng boses nito at nang mawala ang bakas ng kaarogantehan nito ay mistula itong isang maamong anghel. At nakangiti ito.
Iyon na yata ang pinaka-magandang ngiting nakita niya. Kung guwapo ito sa paningin niya kanina ay mas naging guwapo pa ito. Hindi siya makapaniwala na ang supladong lalaki ay marunong ngumiti at marunong ding magpasalamat.
“Walang anuman…” Natigilan siya nang matuklasang hindi niya alam kung ano ang pangalan nito. “Ano nga pala ang pangalan mo?” nahihiya niyang tanong.
Ilang sandali niya itong tinitigan. Mahabang sandali ng katahimikan na parang hindi nito alam ang isasagot. Naisip niyang baka hindi nito alam kung ano ang pangalan at nagka-partial amnesia ito. Mukhang malaki ang magiging problema niya.
“Richard. Richard Infante,” usal nito at ipinikit ang mga mata.
“SAAN ka ba nanggaling, amang? At ano naman ang sadya mo dito sa bayan namin?” tanong ni Mang Kadyo kay Richard. Nang dalhan ito ni Esmeralda ng hapunan kinagabihan ay sumama ang ilan sa kababaryo nila para makita ito. Natural nang matanong ang mga tao doon lalo na’t may estrangherong dumating.
Patuloy pa rin ang pag-aalimpuyo ng bagyo sa labas. Lumakas pa ang ulan pero lahat sila ay ligtas sa loob ng bahay ng dalaga. Ang kapatid niyang si Jeremy ay kakwentuhan ang ibang mga bata sa kuwarto nito.
“Sa Maynila po. Hindi naman po itong bayan ninyo ang pakay ko kundi ang susunod pang bayan. May hinahanap po akong tao. Minalas lang po talaga na nasira ang tulay pagtawid ko at nalaglag ang sasakyan ko,” paliwanag ng lalaki na bagamat nagta-Tagalog ay may hint ng accent. Parang sosyal pa rin itong pakinggan.
Walang identification cards ang lalaki at iba pang dokumento. Ang cellphone at pera nito ay kasama ng sasakyan na tinangay ng ilog. Wala rin namang signal ng cellphone sa kanila dahil bukod sa liblib, malamang ay apektado ng bagyo.
“Sino naman ang hinahanap mong tao?” tanong ni Cynthia Lyn na hindi inaalis ang tingin dito at nahuli niyang nagpapa-cute. “Mukhang importanteng tao dahil sinuong mo pa ang bagyo para lang mahanap mo siya. Baka girlfriend mo o asawa.”
Mahinang humalakhak si Richard na nagpakita sa biloy nito sa magkabilang pisngi. Di maiwasang mairita ni Esmeralda sa kahulugan ng tawang iyon. Paano kung may asawa na ito o nobya? Aamin kaya ito?
“Wala pa akong asawa o girlfriend,” sabi nito.
Umani iyon ng mumunting ngiti ng tagumpay mula kay Cynthia Lyn. Kumunot naman ang noo ni Esmeralda. Ganito kaguwapo pero walang asawa o girlfriend? Maniwala naman siya. O baka naman madaming babae sa buhay nito.
Nang lingunin niya si Richard ay mabilis niyang binawi ang tingin at itinuon sa pagliligpit sa pinagkainan nito. Baka akala nito ay interesado siyang malaman ang tungkol sa buhay nito.
“Kung wala ka pang asawa o girlfriend, pwede bang mag-apply?” tanong ni Cynthia Lyn na umani ng halakhakan mula sa mga kalalakihan sa paligid.
“Tatanda ka nang dalaga, Cynthia Lyn,” kantiyaw ni Topher.
Pinanlakihan nito ng mata si Topher. “Basted ka lang kasi sa akin kaya ka bitter.”
“Sino nga pala ang hinahanap mo?” pag-iiba ni Esmeralda sa usapan.
Saglit na hindi nakasagot si Richard. Sumulyap ito sa kanya at di niya alam kung bakit nakita niya ang talim sa mga mata nito. Pero nakangiting ibinalik ang tingin sa mga kausap. “An old friend. Kailangan ko siyang matagpuan. May nakapagsabing sa kabilang bayan pa siya matatagpuan.”
Napakamot sa ulo si Mang Kadyo. “Mahihirapan kang marating ang San Nicholas, hijo,” tukoy nito sa susunod na bayan. “Mahirap ang daan doon ngayon dahil maputik. Malamang ay maraming gumuhong lupa at natabunan ang daan. Kailangan mo munang hintayin na bumuti ang panahon bago ka makapunta doon. Magpalipas ka muna ng bagyo dito at hanggang pwede nang madaanan ang mga kalsada.”
“Iyon po ay kung ayos lang sa inyo na magtagal ako dito,” sabi ni Richard.
“Sa amin okay lang. Kahit gaano mo pa katagal na gusto. Kung gusto mo forever pa,” excited na sabi ni Cynthia Lyn at tumingin sa kanya. “Hindi ba, Esmeralda?”
Nagulat siya sa tanong. Tumango siya nang sunod-sunod at alanganing ngumiti. “Ah, oo,” maagap niyang sagot. “Pwede siya dito hangga’t hindi pa siya magaling o di pa nako-contact ang kamag-anak niya.”
Nagtatalo ang kalooban ni Esmeralda. Isang bahagi niya ay nagsasabing dapat lang na manatili doon ang lalaki. Sinagip niya ang buhay nito at responsibilidad niya ito, bukod pa sa natural nang matulungin ang mga kababayan niya. Isang bisita na ang turing nito kay Richard kahit hindi ito lubusang kilala.
Nagbababala ang isang bahagi ng pagkatao niya. Maaring mapanganib si Richard Infante. Hindi niya ito kilala. Isa itong estranghero. At isang malaking banta sa katinuan niya ang pananatili nito doon. Sa simpleng ngiti lang nito o sa pagdidikit ng kanilang balat ay hindi na niya maintindihan ang nangyayari sa sarili. Parang lalagnatin siya. May naglalagablab na apoy sa pagkatao niya. Samantalang sa kanilang dalawa ay ito ang may sakit at hindi siya.
Ilang sandali pang nagkwento ang mga ito nang makita niyang humikab si Richard. Sa palagay niya ay pagod na ito. Nahihiya lang marahil na sabihing gusto na nitong magpahinga kaya matamang nakikinig sa kwentuhan.
Tumikhim siya na natigil sa pagtatawanan ang mga ito. Nagtataka ang mga ito na tumingin sa kanya. “Bakit, Esmie?” tanong ni Cynthia Lyn.
“Bukas na ninyo ituloy ang pagkukwentuhan. Hayaan muna nating magpahinga si Richard. Kailangan rin ninyong magpahinga. Masyadong maraming nangyari sa araw na ito,” sabi niya.
Nagtayuan na ang mga ito at naghikab na rin ang ilan. Saka lang marahil naramdaman ang pagod at antok. Masyado kasing nawili ang mga ito sa pagku-kwentuhan. Kahit siya ay hindi nakaramdam ng pagod kung hindi pa niya nakitang naghikab si Richard kanina.
Matapos maglabasan ang mga ito ay inayos niya ang kumot ni Richard. Hangga’t maari ay iniiwasan niyang tingnan ito subalit ramdam niya ang init ng titig nito sa kanya. Parang may mainit na haplos na dala ang mga mata nito sa balat niya. Hindi niya alam kung bakit nakakaramdam siya ng ganito. Paanong naapektuhan siya sa simpleng titig nito, sa simpleng presensiya nito?
“Tawagin mo lang ako kung may kailangan ka pa. Nandiyan lang ako sa kabilang kuwarto,” anang si Esmeralda sa pormal na boses. “Magpahinga ka na.”
Nagulat siya nang pigilan nito ang kamay niya. Mula sa kamay nitong nakahawak sa kanya ay binaybay ng tingin niya sa mukha nito. Sa kabila ng balbas nito ay mukha pa rin itong aristokrata. Nakadagdag sa kaguwapuhan nito maging ang mahaba nitong buhok. “B-Bakit?” pabulong na tanong niya at parang pangangapusan siya ng hininga.
Naganap na ang ikinatatakot niya. Ayaw niyang tumingin dito dahil alam niyang hindi madali para sa kanya na alisin ang paningin sa guwapo nitong mukha. Sa tulong ng liwanag mula sa lampara ay nabanaag niya ang mukha nito. Lalong nagningning ang mata nitong kulay kape dahil sa repleksiyon ng liwanag.
“Pwede mo bang lagyan ng langis o ointment ang likod at tagiliran ko?” tanong nito sa kanya. “Masakit.”
“S-Sige. Kukuha lang ako ng langis,” sabi niya at lumabas ng silid. Nagtungo siya sa kuwarto niya para kunin ang bote ng langis ng niyog na may siling labuyo na ginagamit nila. Epektibo iyon para pantanggal ng sakit ng katawan.
Pero muntik na niyang mabitiwan ang bote ng langis nang pagbungad niya sa silid ay nakahubad na ang T-shirt ni Richard.