Si Richard siguro ang may pinakamakisig na katawang nakita niya. Halatang batak sa ehersisyo. Mistulang ginto ang kulay ng balat nito at sa bawat paggalaw nito habang inaayos ang kumot sa baywang nito ay gumagalaw din ang muscles nito. Animo’y nililok ng isang bihasang pintor.
Sa kabuuan ay parang isa itong diyos ng mga Griyego. Bumaba sa Bundok ng Olympus upang akitin ang isang mortal na tulad niya. Hindi siya basta-basta naaakit sa mga lalaking guwapo o maganda ang pangangatawan. Pero bakit pagdating kay Richard ay parang nanlalamig siya na naiinitan at pinangangapusan siya ng hininga?
Napahawak siya sa hamba ng pinto nang maramdaman niya ang panginginig ng tuhod niya. Katawan lang iyan. Marami na akong nakitang katawan. Di dahil maganda ang katawan, parang katulad na ako ni Cynthia Lyn na parang mawawala sa sarili? Hindi naman ako ganoon kahinang babae.
Napalunok siya nang parang may nang-aakit na boses na nagsalita sa isipan niya. Pero gusto mo siyang lapitan. Gusto mong haplusin ang muscles niya. Gusto mong malaman kung ano ang pakiramdam na halikan ng isang lalaki na katulad niya. Gusto mong tuklasin kung hanggang saan makakarating ang atraksyon na nararamdaman mo sa kanya. Kahit minsan lang.
Hindi! Ipinilig ni Esmeralda ang ulo. May naririnig siyang babala sa isipan niya. Kailangan na niyang umalis sa silid na iyon. Humanap na lang siya ng ibang mag-aasikaso dito. Hindi na tama ang nararamdaman niya. Hindi niya gusto ang epekto ng binata sa kanya.
Inangat nito ang tingin at nagtama ang mga mata nila. “Kanina ka pa?”
“A-Ano...” Alumpihit siya sa kinatatayuan. “K-Kasi di naman ako marunong maghilot. Baka kailangan si Cynthia Lyn ang ipatawag ko o si Mang Kadyo...”
“Di naman ako magpapahilot. Lagyan mo lang siguro ng ointment dito sa likod saka sa ibang lugar na di ko maabot,” sabi ng binata at pumihit sa kanya. “Sandali lang naman ito. Kung maaabot ko, hindi na ako mang-aabala. Please?”
Parang may mahika ang salitang “please” mula dito. Kusang gumalaw ang paa niya at animo’y nahihipnotismong lumapit dito. Tumayo siya sa likuran nito. “Saan banda ang masakit?” tanong niya.
Kinuha nito ang kamay niya at saka inilapat sa likuran nito. “Here. Sa palagay ko may tumama na matigas na bagay sa katawan ko kaninang nasa ilog ako. At dito rin.” Inilipat nito ang kamay niya sa tagiliran nito na malapit na sa paha ng shorts nito. “I think it is bruised.”
EEEE! Tumili siya sa utak niya nang maramdaman niya ang mainit nitong balat. Parang napapaso siya. At ang kalamnan nito ay matigas. Parang masarap pisilin. Saan pa kaya may masakit dito? Lagpas sa paha ng shorts nito?
“Nakita mo ba?” tanong ng binata sa kanya at lumingon.
“Ang alin?” tanong ni Esmeralda at maang na tumingin dito.
“Kung may pasa sa mga itinuro ko sa iyo.”
Napatingin siya sa baywang nito kung saan nakalapat ang kamay niya at inangat iyon. Abala siya sa pagpapantasya sa lalaki samantalang nandoon nga siya para tulungan ito dahil may masakit dito.
Napangiwi ang dalaga nang makita ang pasa sa likod nito. Meron sa bandang balikat at mayroon din sa gitna ng likod pati na rin sa bandang baywang nito. Nalamog marahil iyon nang tumama sa isang matigas na bagay habang rumaragasa ang ilog. Nagkukulay ube na ang malaki nitong pasa.
“Pasensiya na kung hindi natin malalagyan ng yelo,” sabi ni Esmeralda sa binata at magaang hinaplos ang pasa. “Walang yelo ngayon dahil brownout...”
Tipid itong ngumiti habang nakalingon sa kanya. “Ointment is fine. It smells awful but it can ease away the pain.”
Inamoy niya ang langis ng niyog. “Okay naman ang amoy. Langis ng niyog pa nga ang ginagawa kong lotion. Saka panglangis sa buhok.”
Nagulat siya nang hawakan nito ang ilang hibla ng buhok niya at amuyin. “Why does it smell good on you? Makes me want to devour you...” anito sa mababang boses.
Devour. Parang gusto siya nitong kainin? Nang tingnan siya nito ay binasa nito ang pang-ibabang labi. Para siyang kakanin sa paningin nito na gusto nitong tikman. At malakas ang kaba sa dibdib niya. Kung pagbabasehan niya ang malagkit nitong titig ay parang gusto siya nitong tikman sa erotikong paraan?
Hindi. Baka imahinasyon ko lang iyon. Ako lang ang naglalagay ng malisya.
“Para akong biko?” aniya at bahagyang tumawa. “Buti ka pa nababanguhan. Ayaw ng kapatid kong si Jeremy ang amoy. Sabi niya parang aswang daw ako o manananggal na nagpapahid ng langis ng niyog at nagpapalit ng anyo sa gabi.”
“Inaakit mo ba ang mga biktima mo? Then you eat their heart for midnight snack?” anitong may bahid ng galit ang boses.
Nagtaka siya at magaang pinahiran ng langis ang mga pasa nito. “Mukhang laki ka sa Maynila. Huwag mong sabihing naniniwala ka sa aswang at mga maligno?”
“Sabihin na nating maraming mga aswang na nagpapanggap na anghel at walang kamalay-malay ang mga biktima nila na uubusin ang lahat sa kanila - puso nila, ang pinagpaguran nila at ang tiwala nila.”
Naramdaman niya ang tensiyon sa balikat nito habang hinahaplos niya. “Tungkol ba ito sa mga babae na nakilala mo kaya ayaw mong magkanobya o mag-asawa?” tanong niya at pilit na sinilip ang mukha nito na natatakpan ng dilim. “May nanloko na ba sa iyo? Minahal mo tapos pera lang ang habol sa iyo?”
“Ako?” tanong nito at nilingon siya. May bahagyang talim ang mga mata nito. “I am not that stupid. Mas kailangan kong mag-ingat. Di nila ako maiisahan.”
“Mabuti naman,” aniya at huminga ng malalim. “Hindi naman kita masisisi dahil maraming manloloko sa mundo.”
Mukhang di nito paborito ang tinatakbo ng usapan nila dahil maigting pa rin ang kalamnan nito. Pinisil niya ang balikat nito at narinig niya ang pag-ungol nito.
“May masakit ba?” nag-aalalang tanong niya.
“No. It actually feels good. Ituloy mo lang.”
Itinuon lang niya ang atensyon sa pagmamasahe dito. Malinaw pa rin ang malalaking pasa sa katawan nito. Subalit hindi iyon nakabawas sa kakisigan ng lalaki.
Nakakatakot isipin na kanina ay muntik na itong mamatay. Na posibleng gaya ng mga magulang niya ay isa na itong malamig na bangkay sa ilalim ng mga kamay niya. Pero buhay ito. Nasagip niya ito.
“I guess that is enough,” narinig niyang sabi ni Richard dahilan para mapapitlag siya. Umabot na pala ang kamay niya sa baywang nito. Mapanganib na ang bahaging iyon at di niya napansin. Gumulong ito paharap sa kanya. “Pwede ka nang magpahinga. Ako na lang ang maglalagay ng langis. I can take it from here.”
Kumurap si Esmeralda ng ilang beses. Nakahilata ito sa harap niya na parang isang masarap na handa sa isang pista. Tukso! Isa itong malaking tukso! “Ahhh... Sigurado ka na walang ibang masakit sa iyo? Baka may kailangan ka pa.”
“I am fine. Sa palagay ko makakatulog na ako at mawawala na ang sakit. Thank you and goodnight,” sabi ni Richard at kinintalan ng halik ang likod ng kamay niya.
Pumitlag si Esmeralda nang maramdaman ang init ng labi nito sa likod ng palad niya. Parang may mumunting kuryente na gumapang sa katawan niya. Ginagawa din naman iyon ni Aiden sa kanya pero parang wala naman siyang ibang nararamdaman. Walang kuryente. Walang kilig.
“S-Sige. Magandang gabi,” usal niya at iniwan ito.
Naging normal lang ang paghinga niya nang makalabas sa silid nito. Hindi siya naakit dito. Ikakasal na siya sa lalaking kasing-guwapo nito. Dapat ay mas makadama siya ng atraksyon kay Richard.
“Baka naman epekto ito ng paglangoy ko sa ilog kanina. Di kaya napasukan ng tubig ang utak ko?” usal ni Esmeralda habang nakahiga at nakatitig sa kisame. Sana paggising niya kinabukasan ay matino na ulit siya.
PABILING-BILING sa katreng hinihigaan si Esmeralda. Alas dos y media na ng madaling araw. Naging tikatik ang ulan subalit malakas pa rin ang hagupit ng hangin at wari niya ay bumubuwelo na naman ito para sa panibagong buhos ng ulan. Lalo niyang hinigpitan ang pagkakabalot ng sarili sa makapal na sweater dahil lalo lang tumitindi ang lamig.
Mainit na ang katawan niya subalit malamig pa rin ang pakiramdam niya sa kaibuturan ng puso niya. Hindi kayang painitin ng anumang damit o kahit apoy. Isang tao lang ang maaring pumawi sa lamig na nararamdaman niya. Ang estrangherong siya ring nagsindi sa init na naramdaman niya tuwing lumalapit siya dito – si Richard.
Hindi siya pinatulog ng ideya na ilalim ito ng pamamahay niya at wala halos saplot sa katawan. Pagod ang katawan niya subalit hindi ang isipan niya. Lagi niyang pinakikiramdaman ang bawat kaluskos nito. Kahit na pumikit siya ay ang makisig pa rin nitong katawan ang nakikita niya, naamoy niya ito at damang-dama pa niya matipunong muscles nito na hinaplos lang niya kanina. Pati na rin ang marka ng labi nito sa likod ng palad niya.
Richard, ano bang ipinainom mo sa akin? Bakit parang nagagayuma ako? Maawa ka naman! Patulugin mo na ako!
Pero kahit anong gawin niya ay di pa rin ito mawala-wala sa isipan niya. Ano ba ang nangyayari sa akin? Hindi naman ako atat na atat sa lalaki na makakita lang ng guwapo o maganda ang katawan ay malalaglagan na ng panty. At handa nang isuko ang Bataan. Hindi ako ganoong babae. Marunong naman akong magpigil sa sarili ko. Isa pa, ikakasal na ako sa iba kahit pa peke iyon. Hindi ako pwedeng maging taksil kay Aiden.
Makalipas ang dalawang oras ay bumangon siya. Iniwan niya ang naghihilik pa rin na si Cynthia Lyn na mukhang nag-e-enjoy sa panaginip nito.
Bumaba si Esmeralda at inisa-isa ang mga nanunuluyan sa kanya. May apat na silid sa bahay niya. Maluwang ang sala sa taas at ang sala sa baba na puno din ng mga tao. Pawang mahimbing din ang tulog ng mga ito. Wala man lang nagising o tuminag nang madaanan niya.
Tumuloy sa kusina at naglaga ng tsaang gubat. Baka sakaling maialis niya si Richard sa sa sistema. Kapag hindi pa ito nawala sa isipan niya ay baka tuluyan na siyang mawala sa sarili. Ano ba ang pangontra sa isang tulad nito?
“Esmeralda?” untag sa kanya ng boses ni Richard.
Napapikit ang dalaga. Tulog na ang mga taong tumuloy sa sala at sa mga silid sa ibaba ng bahay. Pawang pagod ang mga ito. Kung may gising lang sana sa mga ito para makakwentuhan niya para mawala na sa isip niya si Richard. Dahil kahit nasa itaas ito at natutulog ay naririnig pa rin niya ang boses nito.
“Nakatulog ka na yata dito,” narinig niyang muling usal nito.
Napadilat siya at nakita ang malaking pigura na nasa pinto ng kusina. “R-Richard?” aniya nang matagpuan ang boses. “A-Anong ginagawa mo dito?”
Tumayo siya at lumapit dito para alalayan ito. Mahina pa ito. Alam niyang mabuway pa itong tumayo. Nang tangka niya itong alalayang maglakad at umupo ay tumutol ito.
“Hindi na kailangan. Kaya ko na ang sarili ko. Nakita mo naman, nakababa ako ng hagdan nang hindi gumugulong,” anito sa pabirong boses.
Bumalik ang dalaga sa kinauupuan at pinagmasdan na lang ang lalaki na marahang maglakad palapit sa mesa hanggang makaupo ito sa bakanteng upuan sa tapat niya. Nakadama ng mumunting katiwasayan. Mas mabuting makaiwas siya sa pagdikit-dikit dito. Kapag kasi nagkadikit sila ay nanghihina siya.
Kanina lang ay pipi niyang nahiling na sana ay may kasama siyang nagtsa-tsaa. Pero hindi naman niya sinabi na ang mismong bumabagabag sa isip niya ang makakasama niya. Paano pa niya ito maiaalis sa isip kung nakikita niya ito at nakakausap? Saka niya napansin na silang dalawa lang ang nasa madilim na kusina. Ang tanging tanglaw nila ay ang rechargeable lamp.
Subalit hindi hadlang ang munting ilaw niyon para mapagmasdan niya ito. Ang mala-diyos nitong kaguwapuhan na pinatitingkad ng repleksiyon ng ilaw sa kulay kape nitong mga mata.
“Hindi ba dapat nasa kuwarto ka pa at nagpapahinga? Ayos na ba ang pakiramdam mo? May masakit pa ba sa iyo?” tanong niya sa binata. “Baka mamaya lagnatin ka dahil sa pagkakababad mo sa tubig saka sa bugbog mo sa katawan.”
Gusto niyang hipuin ang noo nito para malaman kung mainit pa subalit natigilan siya. Kailangang rendahan niya ang sarili.
“I can’t sleep,” sabi nito. “Narinig kong lumabas ka ng kuwarto mo kaya naisipan kong sumunod. Sana hindi ako nakakaabala sa iyo.”
Pilit siyang ngumiti. “H-Hindi naman. Gusto mo ng tsaa?” alok niya.
“Kape. Kape na lang sana. Tea is for sissies.”
“Mas maganda ang tsaang gubat sa katawan kaysa sa kape.”
“I am fine with coffee. Kung meron lang naman.”
Tumayo siya. “Sige. Ipagkakanaw kita ng kape.”
Kinuha niya ang kape sa cabinet. Naipagpasalamat siya dahil magkakaroon siya ng rason para hindi ito tingnan. Dinampot niya ang termos at nagsalin ng mainit na tubig sa tasa. Hindi rin ito makatulog katulad niya. Kaya siguro naririnig niya ang kaluskos mula sa silid nito. Iniisip kaya siya nito? O baka naman iba ang nasa isip nito. Bakit hindi na lang ito nanatili sa kuwarto nito hanggang makatulog ito? Bakit kailangan pa siya nitong sundan?
“Esmeralda?” tawag ulit nito.
Napapitlag siya at bahagya itong sinulyapan. “Bakit?” tanong niya.
“Masyado na yatang maraming kape ang nailagay mo,” puna nito. “Baka naman nerbiyusin na ako niyan.”
“H-Ha?” gulat niyang sabi at napatingin sa kinakanaw na kape. Saka niya nalaman na maitim na maitim na iyon. Kung ilang kutsara ang nailagay niya ay hindi niya alam. Okupado nito ang utak niya. “P-Pasensiya na,” aniyang biglang nataranta. Litang siya sa kaiisip sa binata.
Narinig niya ang munting halakhak nito sa likuran niya. Naramdaman niya ang init ng katawan nito ilang pulgada mula sa katawan niya. Hindi siya makagalaw. Kung kanina ay nalilito siya, ngayon ay paralisado na ang utak niya.
“Ako na ang bahala sa kape ko.” Hinawakan siya nito sa balikat at iginiya sa kinauupuan niya kanina. “Kaya ko na ito.”
Hindi na niya inalam kung ano ang ginawa nito sa sariling kape. Hawak lang niya ang mainit na tasa ng kape niya sa mga palad habang hinihintay na bumagal ang mabilis na t***k ng kanyang puso.
Umupo ito sa bandang kanan niya. Sa halip na inumin ang kape ay inamoy lang nito. “Masarap pala ang pakiramdam ng ikaw ang nagtitimpla ng sarili mong kape,” sabi nito. “Sa trabaho ko kasi, nag-uutos lang ako ng magtitimpla.”
Among tunay pala ito. Katulad siguro ito ni Aiden na boss sa kompanya at may alalay tulad ni Alexis na uutusan nitong magtimpla ng kape, bumili ultimo hamburger at pati ang paghahanda ng isusuot nito sa mga parties.
Nao-obserbahan niya iyon sa paraan ng pananalita nito at sa nakita niyang pananamit nito kanina. Subalit wala siyang planong tanungin kung ano ang ikinabubuhay nito. Mas gusto niyang manatili itong estranghero sa kanya kaysa ang kilalanin ito.
“Namamahay ka siguro kaya hindi ka makatulog,” sa halip ay sinabi niya upang hindi na siya matukso pang magtanong dito tungkol sa personal na buhay.
Nagkibit-balikat ito. “Madalas akong bumiyahe. Hindi uso sa akin ang namamahay.” Iginala nito ang paningin sa paligid. “Maganda itong bahay mo kahit hindi pa tapos. Isa ka siguro sa pinakamayaman dito.”
“Mahirap lang din ako katulad nila. Nagkataon lang na sinuwerte ako.”
Luminga ito sa paligid. “Kagagawa pa lang ng bahay mo?”
“Oo. Wala pang palitada at pintura. Minadali lang gawin. Mabuti nga nagawa agad bago pa bumagyo.”
“You must work hard for it.”
Hello, everyone! This is a VIP story. You can read the first five chapters for free but you have to use coins to read the other chapters until the end.
There are two ways to get coins:
1. Free coins - Go to Earn Rewards and do the tasks to get coins.
Go to Youtube and search Dreame Free coins if you want to watch the tutorial on how to get free coins.
2. Buy coins - go to Store and buy coins via load (Smart or Globe billing), Paypal, Gcash, credit card. This varies on the phone model and country.
Go to Youtube and search Dreame Buy Coins if you want to watch the video tutorials and read this story hassle-free.
Thank you and happy reading!
Hello, everyone! This is a VIP story. You can read the first five chapters for free but you have to use coins to read the other chapters until the end.
There are two ways to get coins:
1. Free coins - Go to Earn Rewards and do the tasks to get coins.
Go to Youtube and search Dreame Free coins if you want to watch the tutorial on how to get free coins.
2. Buy coins - go to Store and buy coins via load (Smart or Globe billing), Paypal, Gcash, credit card. This varies on the phone model and country.
Go to Youtube and search Dreame Buy Coins if you want to watch the video tutorials and read this story hassle-free.
Thank you and happy reading!