INABALA ni Esmeralda ang sarili sa pag-aasikaso sa mga kababaryo niyang nanunuluyan pa rin sa kanya. Bali-balita na sa de bateryang radio na tanging gumagana sa kanila ang pagguho ng lupa sa bundok, mga bahay na natabunan at mga buhay na nawala. Nakakapangilabot at parang di makatotohanan dahil ligtas sila sa kanilang baryo. Hindi man sila mayaman pero nakapaghanda sila sa sakuna at ligtas silang lahat. “Paano nga pala ang bisita natin? Matatagalan pa sila dito. Ni hindi pa niya matawagan ang pamilya niya. Baka nag-aalala na ang mga iyon sa kanya,” sabi ni Mang Kadyo na abala sa pagpaparingas ng kahoy para sa lulutuing tanghalian. Tig-isang talyaseng kanin at ulam ang kailangan nilang lutuin. “Saka mukhang naiinip siya dito. Baka mas sanay siya sa lungsod. Ni ayaw lumabas sa kuwarto ni

