Madalas akong makapanood ng mga palabas na nagpapakita ng pagsasakripisyo. Nakakaaliw namang talaga, pero sa sitwasyon ngayon? Nakakatakot. Una sa lahat, kasama ako sa mga nabunot na estudyante. Pangalawa, walang kasiguraduhan kung mananalo ba ako at pangatlo kasama si Felice.
Kahit tatlong araw pa lang ang nakakaraan nang magkakilala kami ni Felice itinuturing ko na siyang kaibigan, kaya hindi lang ako nag-aalala para sa sarili ko, nag-aalala rin ako para sa kaniya.
"Frezzilliana Hennie Vigo..."
Hindi ko ipinahalatang kinakabahan ako nang tumayo.
Napangisi si Mr. Natividad habang ang kalmadong itsura ng Dean ay biglang naging alerto. Sandali kong nakita ang gulat sa mata ng School Director. Ganoon na rin ang mga ranggo maliban kay Kianya na nakangisi at sa unang ranggo na walang reaksiyon.
"Ang dating pangalawang ranggo?" mahinang bulong ng isa sa mga estudyante, nasundan pa iyon ng iba't bang bulungan.
Nagkaroon ng pagtatalo. Tutol na isa ako sa mga nabunot. Karamihan sa sinasabi nila ay hindi raw magiging patas ang paghahatol kung kasali ako.
"Hindi na puwedeng bawiin ang nagawa na." Kaagad na nagsalita sa mikropono si Mr. Natividad. "Ito ang lumabas na resulta, hindi na mababago."
Lumapit ang ikaanim na ranggo kay Mr. Natividad, may ibinulong, tila galing sa diskusiyon ng mga ranggo. Tumango ito, ibinulong sa Dean at sa School Director ang narinig mula sa ranggong iyon.
Inangat ni Mr. Natividad ang mikropono para magsalita.
"Luckily, Hennie Vigo got picked and I know some of you think that it's unfair because she's been one of the ranks before. Strong, powerful and well-trained." Sumang-ayon naman ang mga estudyante. "So we decided to change the physical battles into... a talent show."
Mas lumala ang ingay. Pati ang mga nabunot ay nagsimula nang tumutol, ang iba ay nagkaroon ng pag-asa katulad na lang ni Felice na napahawak pa sa braso ko.
"That's the only solution that we have," dugtong pa nito.
Mas magandang ideya ito kaysa sa pakikipaglaban sa kapwa estudyante, pero hindi ko drin mapigilang mapaisip.
Ano naman kayang gagawin ko?
"But let me remind you, to think wisely about how you can impress the highest tokuyu rank by showing your talents?" Pekeng ngumiti si Mr. Natividad. "That's all for today. Make sure to prepare well, tokuyu students."
Pinanood ng lahat kung paano isa-isang umalis ang mga opisyales at ang mga ranggo. Nilingon ko si Felice na kinakabahan pa rin hanggang ngayon.
Napamura naman ako sa aking isip.
"This is a relief," anang ni Maika.
"I think so... maybe." Napailing naman si Nash.
Nagkatinginan kaming tatlo. Paniguradong parehas lang kami ng mga naiisip.
Napabuntong-hininga ako. "Magkalaban tayo."
Natahimik sila at napayuko.
"Paano kami?" dugtong ko pa. "Paano kung isa sa amin ang matalo?"
"Don't say that. Sampu kayong lahat. Hindi naman siguro lahat ng kalaban niyo ni Felice ay mag-e-excel."
Tumango si Nash bago tumingin sa aming dalawa ni Felice. "Tutulungan ka namin, para saan pa't nandito kami?"
Natutuwa ako at may mga ganitong kaibigan akong nakilala sa loob ng maikling panahon. Kaya hindi ko maiwasang hindi matakot, kabahan at mag-alala para sa kalagayan naming dalawa ni Felice.
"Impressive..."
Kunot-noo akong nag-angat ng paningin nang marinig ang pamilyar na boses na iyon.
Magkakrus ang braso siyang nakaharap sa amin, nakatayo nang maarte sa itaas na bahagi ng bleachers dalawang baitang ang layo sa amin kaya naman tinitingala namin siya. Bakas din ang ngisi nito sa labi.
Natahimik si Nash at Felice, parehas na yumuko maliban kay Maika ngunit hindi pa rin makatingin nang diretso kay Kianya. Bakas pa rin ang parehas na reaksiyon sa mukha nang makausap niya si Kianya sa canteen. Ako lang yata ang may lakas ng loob na tignan nang masama ang pangalawang ranggo.
"Maika?" Dinungaw niya ang mukha ni Maika, nang-iinis. "Noong isang araw lang lumuluhod ka pa sa harapan ng babaeng ito. Tapos ngayon..." Peke itong tumawa, talagang nakakainis. "Kaibigan mo na?"
"Tama na muna ang gulo, Kianya," kalmado kong sinabi, pero naiinis na sa loob ko.
"Sino namang may sabi sa'yo na nanggugulo ako?" Humakbang ito ng isa pababa, nanatiling magkakrus ang braso. Ngayon ay magkatapat na kami, magkaharap sa isa't isa. Nasa mas mataas na baitang siya kaya naman tinitingala ko siya. "Nandito lang ako para bigyan ka ng payo."
Napasinghal ako. "Sa tingin mo kailangan ko ng payo mo?"
Nag-angat ng ulo ang dalawa, sinagi ni Nash ang braso ko.
Naglaho ang ngisi ni Kianya ngunit mayamaya pa ay tumawa na ito.
"So... that's what you think of me?" Lumapit ito lalo, hindi naman ako nagpatinag at mas tinignan pa siya nang masama. "You know, I'm this interested in the other Hennie or let me say... Frezz kaya mas mabuti kung matagal ka pang mabubuhay."
"At ano namang mapapala mo?" Talagang naiinis ako.
Nagpatuloy naman ang pagdunggol ni Nash sa braso ko.
"Uhm..." Umasta siyang nag-iisip. "Thrill?"
Pakiramdam ko'y hindi na maipinta ang mukha ko.
"That's why I intentionally picked up your friend's name." Dumapo ang paningin niya kay Felice.
Para akong nagliyab. Balak ko na sana siyang sugudin kung hindi lamang ako napigilan nila Nash. Alam kong nagulat at nagalit din sila, pero talagang lamang ang takot nila sa ranggo.
Tama, peculiar in sight ang ikalawang ranggo at kaya niya talagang gawin iyon.
Ni hindi gumalaw sa puwesto si Kianya. "Iniisip ko kasi... kapag isa sa mga bago mong kaibigan ang mabubunot ko, paniguradong kikilos ka. I'm just so lucky that our school director got your name. It's far better. I told you, I'm this interested."
Pagkatapos sabihin iyon ay tinalikuran niya na kami. Pinanood namin siyang bumababa sa bleachers. Matagal bago natinag.
"Frezz..." si Felice.
Hindi na ako nakapagsalita sa sobrang inis.
Napailing na lang si Nash.
Si Maika naman ay tumingin lang sa amin at natahimik, mukhang malalim ang iniisip.
Dinala ako ng mga paa ko sa park. Pinagbawalan na ako ng unang ranggo dahil ika niya nga, bawal pasukin ang mga pag-aari niya. Wala naman siguro siya, baka busy?
Umupo ako sa swing at nagduyan nang malakas.
Natawa ako. "Bagong problema na naman, Frezz. Ano na namang gagawin mo nito? Noong isang araw lang, nakikipagrambol ka pa kasama ang mga tambay, tapos ngayon?"
Tinitigan ko ang hawak na lata, hindi maulap kaya nakalitaw ang buwan. Bilog na bilog ito katulad ng dati.
Marami na naman akong naisip na pangalan, pero... ewan ko nga ba.
Bakit nga ba ako nagpapakaabala sa pag-iisip sa pangalan ng unang ranggo?
"Tama, Frezz. Ang isipin mo ay ang gagawin mong performance," kinumbinsi ko ang aking sarili.
Inilibot ko ang aking paningin. Hindi yata siya nagagawi rito? Hindi naman naghahanda ang mga hurado sa mga contest, hindi ba? Nasaan kaya siya?
Awtomatikong kumunot ang noo ko nang makarinig ng pagkalabit ng gitara.
Tumayo ako nang may marinig nang boses.
Lumapit ako sa seesaw. Doon ko nakita ang isang lalaki na nakaupo sa isang dulo niyon. May hawak na gitara at kumakanta. Nakatalikod siya sa akin kaya hindi ko siya mamukhaan. Gabi na kaya tanging ang buwan na lang ang nagbibigay liwanag sa paligid.
Dahan-dahan akong naglakad papunta sa harapan niya.
Isa siya sa mga lalaking nabunot ang pangalan. Ang dahilan kung bakit ako na-late.
Si Spark.
Umawang ang labi ko. "Talent show..."
Malaki ang tiyansa niyang manalo.
Maganda ang boses niya. Triple ng kay Valentin.
Nawala sa tono ang gitara dahil sa maling pagkalabit niya rito. Marahil ay naramdaman ang prisensiya ko. Nagmulat siya at hindi man lang nagulat nang makita ako sa harapan niya. Pagkatapos niya akong tignan ay tumayo siya hawak ang gitara at walang imik akong tinalikuran.
"S-sandali... " Hinawakan ko ang braso niya, pinigilan.
Tinignan niya ang kamay kong iyon kaya kusa ko 'yung tinanggal. Hindi siya sumagot at muling naglakad. Naiwan akong bagsak ang panga habang pinapanood ang bulto niya na papalayo.
Hindi nawala sa isip ko si Spark. Kung ganoong magaling siyang kumanta, puwede siyang manalo. Isa sa siyam na puwesto ay maaaring mapunta sa kaniya. Walong pwesto na lang ang matitira.
"Frezz, lunch?" Kinalabit ako ni Nash.
"H-ha? Ah, oo..." Tumayo ako mula sa upuan.
Kapag natapos ang gabi ng pag-aalay hindi na kami magle-lectures. Magsisimula na ang actual training. Ganoon din naman ang mga pinag-aaralan. Kumbaga, panimula bago sumabak sa actual.
"Kanina ka pa lutang." Bakas sa mukha ni Nash ang pagaalala.
Umupo kami sa table kung saan walang umuukupa. Nagpasiya kaming hintayin na lang muna sila Felice atsaka na um-order.
Hindi ako nakaligtas sa mapangusisang tingin ni Nash.
"Nash..." Hindi ko na ito kayang pigilan.
Dapat ko bang sabihin sa kaniya na hindi ako ang dating pangalawang ranggo? Mapapagkatiwalaan ko naman siya hindi ba? Atsaka, sigurado ako na naging kaibigan rin naman siya ng dating pangalawang ranggo.
Napasandal siya sa upuan at pinagsalikop ang mga daliri niya. Abot-abot ang kaba ko at hindi ko alam kung bakit kailangan kong kabahan nang ganito.
"Hind-"
"Hindi ikaw si Hennie," hindi iyon tanong.
Natahimik ako.
Tipid siya ng ngumiti. "Matagal ko nang alam... I was the first one to know that."
Nawalan ako ng sasabihin.
"Ilang araw nawala si Hennie. Alam kong noong mga araw na iyon, nakaalis na siya ng eskuwelahan. Bago siya umalis sinabi niya kung sino siya..."
Hinawakan ko ang kamay niya. Nag-aabang na sabihin ang dapat kong malaman.
"Her name is Glinnea Jennie Vigo."
Pakiramdam ko'y tumigil ang aking paghinga. Natulala ako sa kawalan, nanlamig ang kamay ko. Hindi siya impostor, hindi niya ginaya ang mukha ko... dahil kakambal ko siya.
"N-nash..."
Hinawakan niya ang aking kamay na lumandas mula sa kaniya.
"Alam niyang kapag umalis siya ay hahanapin siya. Ngayon ang huling taon ng batch natin kaya alam niya sapilitan ka na nilang papapasukin dito. Frezz, kahit hindi sinabi ni Glinnea kung bakit siya umalis alam kong may malalim siyang dahilan."
Napahagulhol ako. Ipinagpasalamat kong kaunti pa lang ang tao sa canteen.
"Ano pang a-alam mo?"
Napailing siya. "Hanggang doon lang ang nalaman ko."
Bumalik sa akin ang alaala kung saan binato ng isang batang lalaki ang picture frame habang nasa loob ako ng bahay. Ang litrato kung saan nakaasul na bestida ako at kasama si Daddy. Kaya ba wala akong maalala dahil hindi ako... ang batang kasama ni Daddy kundi ang kakambal kong si Glinnea?
Bakit hindi sinabi ni Daddy o ni Lola man lang na may kapatid at kakambal ako? Bakit kailangang itinago nila sa akin ang bagay na ito? Bakit kailangang magpanggap ni Glinnea bilang ako?
Hindi tinatanggap ng sistema ko ang lahat ng impormasyong nakalap ko simula nang mapadpad ako rito.
"Kaya sana, Frezz. Huwag mo hayaang matalo ka. Kailangan mong mabuhay at maka-graduate dito. Dahil sigurado akong kaya nagpanggap ang dating pangalawang ranggo na ikaw para maprotektahan ka, para hindi ka nila makuha."
"Nash, b-bakit?"
"Kahit ang mga magulang ko na graduated dito ay ayaw akong ipakuha sa kanila. Dahil sila mismo naranasan ang hirap dito, pero dahil ayaw kong mapahamak sila, sa ikalawang taon ng regular enrolment nag-enrol ako. Frezz, kapag pumasok ka sa unibersidad may haharapin kang panganib, ganoon din kung hindi."
Kailangang may gawin ako. Kailangan kong alamin lahat. Bagama't sinabi na ni Nash at natuklasan ko na ang iba, tila kulang pa rin ang aking nalalaman.
Kaagad akong nagpunas ng luha nang tumingin si Nash sa entrance ng canteen. Natanaw ko kaagad sina Maika at Felice na papalapit na sa table namin. Pinilit kong ipakitang maayos lang ako kahit alam kong namumugto ngayon ang mga mata ko.
Balisang umupo si Felice sa upuang katabi ko, parang walang nakikita. Kunot-noo namang nakatingin sa akin si Maika kaya awtomatiko akong yumuko at nagkunwaring kinukutkot ang lamesa.
Binasag ni Nash ang katahimikan. "Ako na ang o-order."
Sandali naming pinanood ang pagpunta ni Nash sa counter. Nang balingan ko ang mga kasama, nakatingin pa rin sa akin si Maika. Narinig ko pa ang ilang pagbuntong hininga niya.
"Huwag muna kayong magluksa, hindi pa nagsisimula ang laban."
Iba talaga ang nagagawa ng mga peculiar in mind.
"Pero bakit kahit hindi pa nagsisimula ang laban, nararamdaman kong matatalo na ako?"
"Felice..." Hahawakan ko sana siya sa balikat, pero kaagad siyang tumingin sa akin nang may lungkot sa mga mata.
"Frezz, kagabi ko pang binabantayan ang lahat ng mga nabunot na estudyante. Lahat sila magagaling at may potential na manalo. Hindi ko alam kung may potential din ba ako. I don't want to die, Frezz."
Kahit na naawa man ako sa kalagayan ni Felice, wala naman akong makitang solusiyon para makatulong.
Wala ni isang nagsalita nang dumating si Nash. Naiilang siyang naupo habang nagpapalipat lipat ang paningin sa aming tatlo.
"May naisip na ba kayo para sa talent show?"
Sabay-sabay naming tinignan si Nash nang masama.
Matatapos na naman ang araw, pero hindi ko pa rin nakikita ang unang ranggo. Inalis ko ang sombrero ko at pinagmasdan ang parke mula sa salaming pader ng unit mula sa hallway ng kinasasandalan kong railings. Hawak ang lata ng softdrink sa kanang kamay.
Hindi ko alam kung bakit nag-aaksaya pa ako ng panahon para lang isipin ang pangalan niya.
Nang may maramdaman ako sa gilid ay kaagad akong lumingon. Doon ko nakita ang isang ranggo. Hindi ko alam kung pang-ilan siya dahil nakatalikod na siya sa akin at tumatakbo na palayo galing sa hagdan papunta sa upper floors.
Sa pagkakaalam ko ay hindi puwede rito ang mga ranggo dahil sa penthouse sila namamalagi.
Nagkunwari akong nakatingin sa kabilang gilid nang makita kong may bumaba ring lalaki mula sa hagdanan na pinanggalingan ng ranggo kanina.
Nang lumiko ang dalawa sa hagdanan papunta sa second floor 'tsaka ko lang sila sinundan. Naging maingat ang ginawa kong paghakbang para hindi ako marinig. Malas kung isa sa kanila ay peculiar in hearing, pero kung masiyado silang abala sa paghahabulan malabong marinig nila ako.
Nasa third floor kami kanina at mukhang bababa sila sa ground floor. Siguradong gising pa ang guard doon.
Bakit ba kasi sila naghahabulan?
Lumihis ako ng daan, dahil kung patuloy ko pa silang susundan ay makikita nila ako. Nagtago ako sa isang puno nang huminto sila sa likod ng isang building.
Nanlaki ang mata ko nang makita kung sino ang lalaki.
"Phillip Art Quizon..." Isa siya sa mga nabunot.
Pero mas lalo akong nagulat sa narinig ko.
"Ysabelle!" Tinawag ni Phillip ang ranggo nang muntik na itong tumakbo, pero kaagad naman itong nahawakan ni Phillip.
Magkakilala sila. Kaya ba ganoon na lang tignan ni Ysabelle si Phillip nang ito mismo ang mabunot niya?
"Hindi, babawiin ko iyon..." Muling nagtakang umalis si Ysabelle, ang ikaapat na ranggo ngunit muli siyang hinila ni Phillip. Madilim na kaya hindi ko gaano makita ang mga reaksiyon nila. "H-hindi puwede..."
Pinunasan ng lalaki ang luha ni Ysabelle. "Shh... walang masamang mangyayari sa akin. I will do all the best that I can to survive that shitty game."
Dahan-dahang umiling si Ysabelle. "P-pero paano kung..."
"Don't you trust me?"
Siguradong lalaban at lalaban si Phillip para mabuhay. Pitong puwesto na lang ang matitira para sa amin ni Felice.
Umatras ako para umalis na sana, ngunit may natapakan akong sanga.
Lumikha ito ng ingay, alam kong hindi naman ganoon kalakas. Ngunit nang lumingon sa direksiyon ko ang ikaapat na ranggo roon ko napagtantong isa siyang peculiar in hearing.
Mas napasiksik ako sa punong pinagtataguan ko. Magte-teleport na sana ako paalis...
"Shh..." Nang biglang sumulpot ang isang lalaki sa harapan ko.
Naka-jacket na itim at naka-hood kaya hindi ko makita ang kabuuan ng mukha niya, pero sa labi pa lang, alam kong siya ang unang ranggo.
"You're disobeying a rule again." Inilapit niya ang mukha sa akin kaya mas napaatras ako sa puno, kahit na sa totoo lang ay wala na akong maatrasan.
Itinukod niya ang isa niyang kamay sa puno, sa gilid ko. "As a student you are not allowed to spy on the ranks."
"H-hindi ko alam..." Hindi ko alam kung saan pa ako kumuha ng lakas ng loob para magsalita. "N-nakalimutan kong basahin yung... y-yung rules."
"Are you really like this?" Diretso ang titig niya sa akin kaya napako na naman ang paningin ko sa kulay pilak niyang mata.
"A-anong ganiyan?" Pinilit kong maging sarkastiko kahit na naiilang ako dahil sa lapit ng mukha niya sa akin.
"May narinig ako, Phillip. Paano kung may nakakita sa atin?" Boses iyon ng ikaapat na ranggo.
"B-baka. Makita nila ako." Bahagya ko siyang itinulak, pero hindi siya natinag.
"Are you sure?" Nagpatuloy naman sa pagsasalita si Phillip at Ysabelle.
"Oo, may narinig ako."
"Maybe that was just a cat?"
Ayaw niya pa ring umalis kahit ilang beses ko na siyang tinulak.
"K-kailangan ko nang umalis," sabi ko.
"Are you really like this?" Inulit niya ang tanong kanina. Itutulak ko sana ulit siya, pero ganoon niya kabilis na nahuli ang pulso ko. "You're good at forgetting things..."
Sa isang iglap ay nagulat na lang ako na nakatayo na ulit ako sa hallway at nakatingin sa salaming dingding kung saan matatanaw ang labas.
Nakita ko ang imahe ng isang lalaki sa baba, nakapamulsa at nakasandal sa isang post light, diretsong nakatingin sa akin.
Ang unang ranggo.
Nag-teleport kami.
Nagpaulit-ulit ang mga salitang binitawan niya sa isip ko.
Hanggang sa tuluyan na siyang maglaho.