Naniniwala akong may mga bagay na imposible, pero posibleng mangyari. Ngayong nasa harapan ko na ang mga ito, hindi ko na mapanindigan ang paniniwala ko.
Napadpad ako sa kakaibang eskuwelahan. Nakilala ang isang weirdong lalaki na may kulay pilak na mga mata. Eskuwelahan na puno ng kakaibang tao, iba ang pamamalakad at ang paghanga at pagsunod ay umiikot sa mga opisyales at mga ranggo. Nakakilala ng kaibigan. Ngayon ay kausap ang isang lalaking sinasabing matagal niya na akong kilala, na simula bata pa lang ay rito na ako nag-aaral at pumapangalawa ako sa ranggo, noon.
Matapos ang klase ay nanghihina akong tumayo. Kinakabahan pa rin hanggang ngayon. Ngayon, alam ko na kung bakit ganoong klase ng tingin ang ibinigay sa akin ng mga estudyante kanina. Natatakot dahil sa maling akala.
Ang bagay na ito ang siyang pumigil sa aking plano, na tumakas. May parte sa akin na nagsasabing hindi ko na lamang ito basta puwedeng balewalain.
"Okay ka lang?"
Hindi ko namalayang nakasunod pa rin pala sa akin si Nash. Hindi ko siya nilingon bagkus ay nagpatuloy sa paglalakad. Bahala na kung saan ako dalhin ng mga paa ko.
"Sa una hindi talaga kapanipaniwala, pero tanggapin mo nang ito ang kapalaran natin."
Sa isang iglap ay nahila ko ang kaniyang kurbata. "Wala ako sa mood ngayon. Isa pang salita mo, pagbubuhulin ko na ang dila mo."
Tinikom niya ang kaniyang labi, itinaas ang dalawang kamay na parang sumusuko. Pabato ko namang binitawan ang kurbata niya para ipagpatuloy ang paglalakad, pero alam kong hanggang ngayon ay nakasunod pa rin siya sa akin.
Hindi ko gusto ang inasal ko. Nawala na lang talaga ako sa wisyo. Kakaibang salubong ang ibinigay sa akin. Gusto kong tumawa nang malakas dahil sa inis.
"Nakalimutan kong dati ka nga pa lang ranggo. Pasensiya na." Narinig ko pa ang pagbulong niya.
Nararamdam ko ang kaibahan ng tono sa kaniyang pananalita. Nag-aalinlangan. Tila nagsisinungaling sa sarili.
Napahinto ako nang sa hindi sinasadya ay may mabangga akong babae. Nanlaki ang mga mata nito. Wala pang dalawang segundo ay inalis na nito ang mga mata mula sa pagkakatingin sa akin.
Tila bawal akong tignan nang ganoon.
Bumaba ang paningin ko sa aking uniform. Nabasa. Mabuti na lang at kulay abo ito at hindi masiyadong halata na natapunan ng orange juice.
"S-s-sorry. P-pupunasan ko." Nangangatal itong naghanap ng panyo sa bag na dala at mabilis na pinunasan ang damit ko, kaagad ko itong pinigilan.
Mala-yelo ang lamig ng kamay niya ngayon.
"Natapunan niya ng juice ang dating pangalawang ranggo!" Dinig ko namang bulong ng isang babae malapit sa amin.
"S-sorry! Sorry talaga! H-hindi ko sinasadya!" Lumuhod ang babae sa harapan ko.
Hindi ko siya napigilan.
"Hindi ko sinasadya..."
Nanginginig talaga ito na para bang iniisip na sasaksakin ko ito ora mismo. Hindi na muling dumapo ang mata nito sa akin.
Nabibigla ako sa mga nangyayari.
"Miss..." si Nash. Nilingon niya pa ako na tila sinasabing palagpasin ko na lang ang nangyari, kahit na wala naman talaga akong gagawing masama. "Maika..."
Magkakilala sila kung ganoon.
"Tumayo ka." Sinubukan kong pakalmahin ang boses ko, pero tila ba lalo siyang natakot.
"I'm sorry! Please don't hold this against me!" Halos sambahin na nito ang sapatos ko sa pagmamakaawa.
"Tumayo ka," ulit ko.
"Hindi ko sinasadya! Maniwala ka!"
Ni hindi man lang nito ako tinitignan sa mata.
Napapikit ako. Pinipigilang huwag mainis.
"Ang mga ranggo!" Nawala nang panandalian ang namumuo kong inis nang marinig ang isa sa mga estudyanteng nakapalibot sa amin.
Mabilis na humawi ang mga ito. Lumuwag ang espasiyo na bilog ng mga estudyante. Kasabay niyon ay ang pagpasok ng grupo ng mga nakasuot nang itim na cloak.
Ang mga ranggo.
Apat lang sila. Sa kilos ng mga ito ay nasisiguro kong wala sa kanila ang unang ranggo. Kapag nakikita mo kasi ito ay kakabahan ka nang walang dahilan. Ibang-iba sa mga dumating ngayon.
"Anong nangyayari rito?" Boses iyon ng isa sa mga babae na mula sa ranggo. Siya ang nauunang maglakad sa apat, ang ikalawang ranggo.
Tinignan nito si Maika na nakaluhod pa rin sa tapat ko. Wala ni isa man lang sa mga estudyante ang nagsalita.
"Bakit ka nakaluhod?" Puno nang awtoridad ang bawat salita na binibitawan nito, istrikto.
Hindi nagsalita si Maika at sandali lang na tinignan ang ikalawang ranggo bago muling nagbaba nang paningin sa makinis at marmol na sahig ng canteen.
Bumaling sa akin ang ikalawang ranggo. Kahit naka-cloak ito ay kitang-kita ko kung paano niyang ginalaw ang ulo niya para tignan ako mula ulo hanggang paa. Napako ang paningin ko sa logo badge at nameplate nito. Kahit ang mga ranggo ay meron niyon para sa pagkakakilanlan.
Kianya Ferrer, second rank.
Ang babaeng tumalo sa dating pangalawang ranggo.
"Ang mga katulad niyang talunan... hindi mo dapat na niluluhuran."
Napasinghap ang lahat nang marinig ang sinabi ni Kianya. Gayunpaman, nanatiling hindi nagsasalita ang mga estudyante.Talagang ginagalang nila ang mga ranggo.
"Tumayo ka!" anang pangalawang ranggo.
Nag-aalinlangang tumayo si Maika.
"Anong ginawa mo sa kaniya?" Walang mababakasang emosiyon sa tono ng pananalita nito.
"Ano..." Hindi makatingin nang diretso si Maika sa kahit na sinuman sa aming dalawa.
"Ayaw kong nag-uulit. Sagutin mo ang tanong ko."
Nanatili akong walang imik habang pinapanood sila. Nagmukha akong hindi kasali sa gulong nagaganap. Maging si Nash ay halos hindi ko na rin maisip na katabi ko pa rin, kapwa tahimik.
"N-natapunan ko s-siya ng juice..." Hindi katulad ang asta nito sa akin sa asta nito ngayon kay Kianya. May bahid nang inis at konting pagkadismaya. Tila ayaw na kinakausap ng pangalawang ranggo, pero pinipilit sumagot dahil kailangan.
"Do it again."
Matapos mabalot nang sandaling ingay dahil sa muling pagsinghap ng mga estudyanteng nasa paligid, muling tumahimik ang espasiyo. Mas tahimik kaysa kanina.
"W-what?" Namutla si Maika.
Kumilos ang isa sa mga ranggo na nasa likuran ni Kianya, hinawakan nito ang pangalawang ranggo sa braso.
"She's one of the ranks before, Kianya. This is a disgrace not only to her name, but also to our ranking system. Just let it pas this time." Nahihimigan kong lalaki ito dahil sa boses.
Kaagad kong tinignan ang badge nito. Dash Ivan Mendez, fifth rank.
Hindi nakatakas sa akin ang palitan nila ng tingin ni Maika. Mayamaya pa'y nag-iwas na ng paningin ang ikalimang ranggo nang mapansing nakatingin ako sa kanila.
"Ikaw na ang nagsabi. Dati. Have you heard your tone, Mendez? It feels like you're insulting me and my position. Now I'll ask you, nakalimutan mo na bang ako na ang pangalawang ranggo? My rank is higher than yours, so you have no right to dictate what I should do or not."
Napailing ang ikalimang rango at napapahiyang umatras.
Napangisi ako dahil sa ipinakita nitong kayabangan.
"Don't make me say it again. You won't like it when I get mad." Binalingan nitong muli si Maika.
Tinignan ni Maika ang mukha ko at ang basong hawak na may natira pang juice. Nagdadalawang-isip sa gagawin.
Hindi naman ako ang dating pangalawang ranggo. Hindi ko ikamamatay ang matapunan ng juice, pero kuhang kuha ko kung bakit ipinapagawa iyon ni Kianya sa kaniya.
Gusto nitong ipamukha kung nasaan na lang ako at kung nasaan na siya ngayon. Siguro ay kung ako ang dating pangalawang ranggo, talagang magagalit ako at mapapahiya, pero ngayon ay natatawa na lang ako sa loob-loob ko. Daig niya pa ang bata.
Dahil sa pagkakatitig sa akin ni Maika ay nakita ko kung paanong nagbago ang ekspresiyon niya. Biglang kumunot ang noo, kumurap ng ilang beses at umawang ang labi na para bang may gustong sabihin. Pakiramdam ko'y tumagos ang paningin niya sa mga mata ko papunta sa aking utak.
"Do it, now." Atat na atat ang pangalawang ranggo.
Natutuwa sa sariling plano. Kulang na lang ay ibuka niya ang labi niyang nakangisi at tumawa.
"I'm sorry for this-"
"Gawin mo na," utos ko. Naglakad ako papunta sa harapan ni Maika, sa kaliwa ko ay natatakpan ko si Kianya na naglaho na ang ngisi ngayon.
Para matapos na.
Naulit na naman ang sabay-sabay na pagsinghap ng mga nakapaligid sa amin.
Naroon pa rin ang pagdadalawang-isip niya, pero mayamaya lang ay unti-unti na niyang inangat ang baso ng juice para itapon sa akin. Tila bumagal ang oras ng gawin niya iyon.
"Oh my god!"
"What the hell?!"
"Paano nangyari iyon?"
Sa isang iglap ay naglaho ako sa aking puwesto kaya naman si Kianya na nasa likuran ko ang natapunan niyon. Kaliwete si Maika, talagang kapag umalis ako ay sa kaliwa ko eksaktong tatapon ang juice kung nasaan si Kianya ngayon.
Teleportation. Iyon ang matagal ko nang ginagawa sa tuwing tatakas ako sa gulo at para bumilis kapag nakikipag-away. Kaya ganoon din natakot si ChonggoLoid dahil nag-teleport ako sa harapan niya. Nakakapagtakang hindi ko magamit iyon para lumabas sa eskuwelahang ito.
"Anong ginawa mo?!" kaagad akong dinuro ni Kianya matapos maka-recover sa nangyari.
Nawala ang pagiging kalmado niya ngayon.
"How did it happen?"
Nilingon ko ang ikalimang ranggo na nagsalita. Wala ako sa mood sumagot kaya bumaling ulit ako kay Kianya.
"You are a peculiar in sight!" Tila nakakita ng multo si Kianya dahil sa mukha at sa tono ng kaniyang pananalita. "How did you do it?!"
Peculiar in sight. Kung ganoon, iyon ang ability ng dating pangalawang ranggo.
Diretso kong tinignan sa mata si Kianya. "Hindi ibig sabihin na dahil iyon lang ang alam niyo, iyon lang ang kaya ko."
Mabibigat ang hakbang na lumapit ito sa akin. Dinuro akong muli habang nanginginig ang daliri. Talagang galit na ang pangalawang ranggo.
"You are going to pay for this. I swear!"
"Kahit kasing taas pa ng araw ang posisyon mo, wala ka pa ring karapatang ipagmayabang kung ano ka. Kung mataas ka na sa tingin mo, sigurado akong may mas mataas pa sa'yo at kung sa tingin mo may itataas ka pa meron pa nga," tipid akong natawa. "Pero hindi mo mababago ang katotohanang sa panahong iyon, may mas mataas pa rin kaysa sa'yo."
Literal akong nakarinig ng humuhuning ibon dahil sa katahimikan.
Nawala sa paningin ko si Kianya dahil sa matangkad na ranggo na humarang sa kaniya at humarap sa akin.
Ikaanim na ranggo. Travis Seb Gibarra; ayon sa badge nito.
"This is enough for both of you," anang nito.
Enough? Nagsisimula pa lang ako.
Tumagos ang paningin ko mula sa ikaanim na ranggo papunta sa kaunting siwang kung saan nakatayo si Kianya, malalim ang bawat paghinga nito. Galit na galit.
"Alam kong ginawa mo ito para ipamukha sa aking natalo mo ako, pero kung magaling ka talaga... bakit hindi mo pa ako noon tinalo?"
Nakita ko pang hahakbang sana papalapit sa akin si Nash, pero kaagad ko itong sinenyasan na huwag nang makialam.
"Ang kapal ng mukha mo! Paano mo ako napagsasalitaan nang ganito? Nakalimutan mo na ba ang mga patakaran?" Hinawi niya ang ikaanim na ranggo para muli kaming magkaharap. "You're just an ordinary student now, Hennie. You ought to follow your rules as an unranked student!"
Nag-iwas ako nang paningin dahil sa paraan ng pagkakatawag nito sa akin.
"Ang saikō ranku!"
Tumahimik bigla ang lahat nang marinig ang sigaw sa hindi kalayuan. Walang gana kong nilingon ang lalaking naka-cloak na may kasabay pang dalawang ranggo.
Tila makahiyang tumiklop ang mga estudyanteng nanonood at mas lumayo pa sa gulo. Para bang kahit manood lang sila ay maaari pa rin silang madamay. Kahit ako ay kinabahan, pinilit na huwag itong ipakita.
"What's happening here?" Isa na namang babaeng ranggo.
Ysabelle Comico. Fourth rank.
"A commotion between the second rank and..." Tumingin sa akin ang ikapitong ranggo. "A student, Hennie Vigo."
Isa siya sa mga kasabay na pumasok ni Kianya sa Cafeteria na kanina pang nanonood nang walang imik. Nathalie Salvacion. Seventh rank.
Sandaling nagtama ang paningin namin. Kumunot ang noo ko nang manigas siya. Ibinaling ko na lang ang paningin ko sa iba.
Napangisi ako, inayos ang baseball cap at ang takas na buhok na humaharang sa aking mukha. Wala pa ito sa mga basag-ulo na kinasasangkutan ko sa labas. Puro lang sila salita.
"Call me Frezz, I prefer that." Mas lumapad ang pagkakangisi ko nang mag-angat ng paningin ang unang ranggo na tinatawag din nilang saiko ranku.
"Of course you would prefer that," anang ikapitong ranggo. "Cause you're not her."
Nabigla ako nang may bumulong sa akin, nasisiguro kong ito ang ika-pitong rango... peculiar in mind. Ginamit niya ang telepathy para kausapin ako.
"Ako o hindi, walang mababago sa pangalan ko," sarkastiko kong ibinulong iyon pabalik sa kaniya gamit telepathy kagaya nang ginawa niya.
Mula sa normal niyang pagkakayuko ay mas nag-angat siya ng paningin sa akin. Gulat. "How did you..." Nagpatuloy siya sa pakikipag-usap gamit ang telepathy. "You have two abilities. In body and mind. Peculiars only have one."
Lalo akong naguluhan dahil sa sinabi niya. Doon ako nahinto sa planong pakikipagdebate sa kaniya.
"Unless you are a..."
"A what?" tanong ko pabalik.
Bago pa man masagot ng ikapitong ranggo ang tanong ay lumapit na sa akin ang ikaapat na ranggo na si Ysabelle.
"Why did you do that?" Mahinahon ang pagkakatanong nito, hindi pagalit at tila nang-uunawa.
Napabuntong hininga na lang ako. Sa mga ganitong klaseng tao, tumitiklop ako.
"Normal na aksidente lang ang nangyari. Dumating siya at nakisali. Ngayon nakikita niyo ang nangyari," tamad kong sinabi.
Sandaling natigilan ang ikaapat na ranggo at binalingan si Kianya. "Why did you butt-in to a commotion instead of weaning them?"
"Are you questioning me?! Baka nakakalimutan mong ikaapat ka lang sa ranggo-"
"Halt."
Naudlot sa pagsasalita si Kianya nang sumingit ang unang ranggo.
Kaagad kong hinanap ang badge nito. Ang logo lang ng university, pangalan ng school at ang salitang "rank" lang nakaukit doon kagaya ng sa iba pang mga ranggo, sa nameplate ng mga iyon nakasulat ang pangalan at ranggo ngunit walang pangalan ang sa unang ranggo. Ang tanging nakabaybay roon ay ang salitang "saiko ranku" o "unang ranggo" sa wikang Filipino.
Nang iangat ko ang paningin sa kaniyang mukha ay ikinagulat kong nakatingin na pala siya sa akin.
"Stop looking at my body."
Umarko ang kilay ko nang sabihin niya iyon. Hindi malakas, pero sapat na para marinig ng mga naroroon. Hindi ko alam kung matatawa ako o maiinis. Imbis na makipagtalo ay tinignan ko lang ito nang masama, pero sa loob-loob ko ay nakaramdam ako ng hiya.
Talagang nahuli niya pa iyon?
Nakaramdam ako ng tensiyon sa buong paligid; may takot, pagtataka at paghihinala. Mayamaya pa ay hinila na ako ni Nash.
"Hennie..." pabulong niya akong kinausap. "I-it's prohibited to look at him in that way."
Frezz nga sabi.
Pinapayuhan niya ba ako? Akala ko ba naniniwala siyang ako ang dating pangalawang ranggo? Pakiramdam ko nang sabihin niya iyon ay para akong baguhan na tinuturuan ng mga dapat at hindi dapat gawin.
"See?! She's really rude!" Kaagad na sumingit si Kianya. "I have the proof now! We have to punish her because she disobeyed a rule-"
"Quiet."
Muling naputol sa pagsasalita si Kianya na natatawang tumingin sa unang ranggo. "Seriously?!"
"Yes, we were going to punish her... of course." Nakita ko kung paano pinasok ng unang ranggo ang kamay sa kanang bulsa ng cloak. "That's if she avoided this."
Halos maduling ako nang makita ang kulay pilak na dart na papalapit sa akin. Bumagal iyon sa paningin ko. Matalim ang dulo nito at nasisigurado kong hindi lang ito isang ordinaryong dart.
Mabilis akong umikot para makaiwas, ngunit dahil sa ginawa kong pag-iwas ay si Felice na nasa likuran ko na pala ang tatamaan ng dart. Sa isang iglap, nag-teleport ako para bumalik sa puwesto.
Tumama iyon sa braso ko at ilang segundo lang ay unti-unti na akong nanghina. Buong buhay ko, ngayon lang ako nakatulog sa isang laban.