bc

You Had Me At Hello (Completed)

book_age0+
9.5K
FOLLOW
70.5K
READ
billionaire
possessive
second chance
friends to lovers
arranged marriage
arrogant
kickass heroine
drama
sweet
bxg
5 Seconds of Summer
like
intro-logo
Blurb

Ten years ago, umalis ng Pilipians si Kristina dahil sinaktan ni Jared Montecillo ang batang puso niya. Ngayon ay nasa Pilipinas na uli siya at kailangan niyang harapin si Jared. Because she had to marry him. Iyon ang nakalagas sa last will and testament ng lolo niya. Kung hindi siya susunod sa will, kailangang i-dissolve ang ang tatlong charity institution ng kanilang pamilya. Hindi niya hahayaang mangyari iyon kaya haharapin niya si Jared.

chap-preview
Free preview
Chapter 1
CHAPTER one   HINDI mapakali ang disisais anyos na si Kristina habang panay ang sulyap sa kanyang wristwatch. Alas-tres na ng hapon at sigurado siyang nagsisimula na ang annual interschool basketball competition na ang eskuwelahan nila ang nagho-host. Wala siyang hilig dati sa larong basketball pero dahil kasama sa varsity team ang pinakamamahal niyang si James Red Montecillo, ginawa niya ang lahat para mapag-aralan ang lahat ng bagay na may kinalaman sa naturang laro. Lahat ng technicalities at terms na ginagamit sa basketball ay kinabisa niya, pati na ang fouls at rules. Sa lawak ng kaalaman niya ngayon sa basketball, papasa na siyang committee niyon o kaya naman, kung tatangkain niyang kumuha ng referee license ay siguradong mabibigyan siya. Ganoon siya ka-addict sa basketball—ah, mali, ganoon siya ka-addict kay Jared. Lahat ng may kinalaman sa lalaki ay pinepersonal talaga niya. Si James Red o Jared ay kababata niya. Magkaibigan ang kanilang mga pamilya. Crush na niya ang lalaki noon pa man at walang ibang lalaki sa paningin niya kundi si Jared lamang. Hindi niya pinapansin ang kapatid nitong si Michael Lorenzo o Milo na halata niyang nagpapapansin sa kanya. Para sa kanya, tanging si Jared lamang ang gusto niyang makasama at ang lalaki rin ang gusto niyang maging asawa. She was Kristina Arevalo and she was a certified brat. Lagi niyang nakukuha ang lahat ng gustuhin. Kaya nang mapagdesisyunan niyang si Jared ang inilaan ng Diyos para sa kanya ay ginawa na niya ang lahat makuha lamang ang lalaki. Pinakikialaman niya ang kuwarto ng lalaki, binibigyan ito ng chocolates, bulaklak, at kung ano-ano pa. Papasa na rin siyang bodyguard ni Jared dahil lagi siyang nakabuntot dito. Kung nasaan si Jared ay naroroon din siya. And Jared was nice enough to tolerate her. Bumubuntong-hininga na lang ito sa mga kakulitan niya. At marahil ay nakulitan na si Jared sa kanya kaya “sinagot” din siya. Kinulit niya nang kinulit ang lalaki hanggang sa mapilitan itong ligawan siya. Hindi pa natatapos ang unang araw ng panliligaw nito ay buong ningning na ibinigay na niya ang napakatamis niyang “oo.” Pero hindi doon natapos ang lahat. Mula nang maging boyfriend niya si Jared, naging war freak naman siya. Naging sobrang selosa siya. Kapag may nababalitaan siyang babaeng nagpapakita ng interes at umaali-aligid kay Jared ay ginugulo niya nang todo. Wala siyang pakialam kung mapatawag man siya sa guidance office o kung mapagalitan man siya ng kanyang lolo dahil sa pagka-cutting classes. Wala siyang pakialam kung bumabagsak man ang grades niya at sa mga incomplete niyang subjects. She was madly in love with Jared and she didn’t care about anything else. Muling tumingin si Kristina sa suot na relo. Three fifteen na. Hinawakan niya ang bag at nang makitang nakatalikod na ang professor ay dahan-dahan siyang tumayo at tinungo ang pinto. Walang nagsalita sa mga kaklase niya. Alam ng kanyang mga kaklase kung ano ang gagawin niya sa sinumang pupuna o magsusumbong sa kanya. Mabuti na lang at sa likurang bahagi ng classroom siya nakaupo. Kunsabagay, sinasadya talaga niyang piliin ang mga likurang bahagi ng klase para sa mga pagkakataong gusto niyang tumakas. Kailangan niyang mag-cut ng klase para mapanood ang laro ni Jared. Talo pa siguro niya si Lydia de Vega sa bilis ng pagtakbo dahil ilang minuto lang ay nakaupo na siya sa bleacher at nangingibabaw ang sigaw at tili niya. Ah, sino ba ang hindi mababaliw sa kaguwapuhan ng boyfriend niya? Jared was tall, dark and incredibly handsome. Nakadagdag din sa appeal ng binata ang pagiging tahimik at seryoso. There was something mysterious about him that made her swoon. May-kapayatan nga lang si Jared. Lalo tuloy itong nagmumukhang matangkad dahil doon. Agad na umahon ang inis sa dibdib ni Kristina nang makitang sinadyang sikuhin si Jared ng kalaban at mukhang hindi iyon nakita ng referee dahil wala siyang narinig na pito. “Ref, offensive foul `yon, ah! Are you really qualified to be a mediator? Do your job, man!” nanggigigil na sigaw niya sa referee nang mapatapat sa puwesto niya. Napatigil si Kristina sa pagtili nang sumenyas si Jared sa coach nito na ilabas ito ng court. Halatang nag-atubili ang coach dahil dikit ang laban at si Jared ang star player. Gayunman, sumenyas ang coach sa referee ng substitution. Kinabahan si Kristina. Obviously, Jared wasn’t pleased to see her there. “Kristina, ano’ng ginagawa mo rito?” agad na tanong ng binata nang makalapit sa kanya. Tumutulo ang pawis sa buong mukha nito. Kumuha siya ng panyo mula sa kanyang bag at iniabot iyon kay Jared. “To cheer you on,” aniya at nginitian ang binata nang matamis. At para siguruhing walang babaeng magtatangkang lumapit sa `yo. Seryoso ang mukhang tinitigan siya ni Jared. “Bumalik ka na sa klase mo, Kristina,” mahinang wika nito. “No, dito lang ako,” aniya at umayos pa ng upo sa bleacher na solong-solo niya sapagkat walang nagtatangkang tumabi sa isang Kristina Arevalo. “For Pete’s sake, Kristina, midterm exam ninyo next week. Nagre-review ang buong klase mo ngayon, pero nandito ka at nanonood lang ng basketball?” magkasalubong ang mga kilay na wika ni Jared. “`Wag mo nang prob—” “`Wag problemahin? My God, bumabagsak ang grades mo!” Nagulat si Kristina sa medyo pasinghal na tono ni Jared. Kahit saksakan siya ng kulit at arte, hindi siya pinagtataasan ng boses ng binata. Agad na namuo ang mga luha sa kanyang mga mata, “D-don’t shout at me,” nakalabing wika niya. “I’m not shouting at you. Be reasonable and responsible, Kristina,” ani Jared na agad na nawala ang pagkunot ng noo. Nakita niya ang pagdaan ng guilt sa mga mata ng binata. “Sinigawan mo ako!” Suminghot-singhot si Kristina dahil effective ang ganoon kay Jared. Ayaw nitong nakikita na umiiyak siya. Madalas niyang gamitin iyon na sandata sa binata, lalo na kung naiinis na ito sa kanya tulad ngayon. Bumuntong-hininga si Jared. “Okay, I’m sorry. my mistake…” tila sumusukong sabi nito. “Sige na please, bumalik ka na sa klase mo,” pakiusap uli nito sa malumanay na tinig. Hinawakan ni Jared ang kanyang kamay at marahan siyang hinila patayo mula sa bleacher. Agad na napasunod si Kristina sa gustong mangyari ni Jared. Mahal niya si Jared at susundin niya ito kahit labag sa loob niya ang gusto nitong mangyari. “Okay.” “Huwag kang sumimangot at nababawasan ang ganda mo,” ani Jared habang inihahatid siya sa pintuan ng gym. Napangiti si Kristina. Seryosong tao si Jared kaya ikinatutuwa niya nang labis kapag nagbibiro ito o kaya ay nambobola. She could tell that he also loved her, bagaman hindi ito ang tipong ipapakita iyon sa madla. Minsan tuloy ay naiinggit siya sa mga pareha na madalas mag-public display of affection sa campus. “That’s my girl,” sabi ni Jared. “Mag-aral ka nang mabuti, ha?” bilin pa nito pagkatapos siyang halikan sa pisngi. Napatango na lang siya.   “HOW WAS your day?” agad na tanong ni Jared kay Kristina nang pauwi na sila lulan ng kanyang kotse. Sa kanya laging sumasabay ang dalaga papasok sa eskuwelahan at pauwi sa bahay. On the way naman ang bahay nina Kristina sa bahay nila kaya hindi siya maaabala kung ihahatid at susunduin man niya ang dalaga araw-araw. Si Kristina ang pinakamakulit at pinakamalambing na taong nakilala ni Jared. Natutuwa siya na siya ang napili nitong kulitin at hindi ang kapatid niyang si Milo na ubod ng charming. Jerry Maguire nga ang drama niya sa dalaga: “You had me at hello” dahil literal na na-starstruck siya kay Kristina noong unang magkrus ang kanilang mga landas. Matagal nang magkaibigan ang kanilang mga pamilya pero nasa high school na siya nang magkakilala sila ni Kristina dahil sa Cavite nakatira ang pamilya niya at sina Kristina naman ay sa Mandaluyong. Hindi rin niya alam kung bakit hindi agad sila nagkakilala gayong madalas ay isinasama siya ng kanyang mama kapag dumadalaw sa pamilya ni Kristina. Naging mas malapit lamang sila ni Kristina sa isa’t isa nang ipasya ng kanyang mama na bumili ng bahay sa subdivision na kinaroroonan ng bahay nina Kristina. “Fine. Ikaw, how was the game?” tanong ni Kristina. Sumimangot ito nang marahil ay maalala ang game na hindi natapos panoorin. “Okay lang din. We won by a point.” “Jared…” Napangiti siya sa biglang paglambing ng tono ni Kristina. “My answer is ‘no.’” Base sa tono ng dalaga, alam niyang magyayaya na naman itong manood ng sine o kaya ay gumala. Kilalang-kilala niya ang dalaga para mahulaan ang iniisip nito. “Grabe ka. Wala pa nga akong sinasabi, ‘no’ na agad ang sagot mo?” bulalas ni Kristina na hinampas pa siya sa balikat. Pinigilan ni Jared na matawa. “Kasi po, Miss Arevalo, gasgas na `yang tonong ginagamit mo. Alam ko na ang ibig sabihin niyan. So my answer is ‘no.’” Kumapit si Kristina sa braso niya. “Maganda raw `yong movie, eh.” “See? I was right, after all,” natatawang sabi niya. “Sige na,” pangungulit pa nito. “No. Deretso tayo ngayon sa inyo at ire-review kita sa lessons mo.” Agad na nagprotesta si Kristina. “Naman!” “Sorry, dear.” “Whoa!” biglang bulalas nito. “What?” “You called me ‘dear’?” “Of course. Bakit, mali bang tawagin kong dear ang girlfriend— Hey, don’t cry!” gulat na reaksiyon niya nang makita ang pagkislap ng mga luha sa mga mata ni Kristina. Itinabi niya ang sasakyan at ikinulong ang makinis na pisngi ng dalaga sa kanyang mga kamay. “Y-you love me?” Nangingiting pinisil niya ang ilong nito. “Silly girl, of course I love you!” “Cross your heart?” Muli na namang natawa si Jared. Kakaiba talaga si Kristina. “Yeah, cross my heart and hope to die.” “Oh, Jared!” Tuluyan nang tumulo ang mga luha ng dalaga. Agad niyang pinahid ang mga luha dahil ayaw na ayaw niyang nakikita itong umiiyak. Madali kasing mamaga ang mga mata nito kahit kaunting iyak lamang. Hindi rin niya gusto ang tanawin ng babaeng umiiyak. “Hey…” Yumakap si Kristina sa kanya. “Akala ko, nakukulitan ka lang sa akin kaya pinagtitiyagaan mo ako. I love you, Jared.” Hinaplos niya ang buhok nito. “So do I, Kristina.” Kung alam lang ni Kristina kung gaano niya ito inaalagaan sa kanyang puso.   “INIIWASAN mo ba ako, Jared?” tanong agad ni Kristina nang makorner niya si Jared. Ilang araw na siyang hindi nito isinasabay sa pagpasok, at maging sa pag-uwi. Kahit sa campus ay hindi niya matiyempuhan ang binata o sadyang hindi ito nagpapakita sa kanya. Hindi siya makapag-cutting class dahil bumabagsak na ang grades niya. “No,” mailap na sagot ni Jared, hindi makatingin nang deretso sa kanya. “You’ve been avoiding me, Jared. Tell me, may nagawa ba akong mali?” Kahit kasi ang cell phone number nito ay hindi niya makontak. “Hindi kita iniiwasan, okay? Hindi sa lahat ng oras, dapat nasa harap mo ako,” tila naiinis na sagot nito, bagaman hindi pa rin makatingin sa kanya. “Hindi ko naman sinabing dapat na nasa harap kita oras-oras, ah!” Hindi na napigilan ni Kristina na magtaas ng boses. “Hinaan mo ang boses mo. Huwag kang mag-eskandalo rito,” mariing sabi ni Jared na ikinagulat niya. Ngayon lang ito nagbitiw ng ganoong mga salita sa kanya. “Break na tayo,” paghamon niya. Alam niyang hindi nito papayagang mangyari iyon. Sigurado siyang hindi kakagatin ni Jared ang hamon niya sapagkat ilang beses na niya itong hinamon tuwing nagmamaktol siya. At kapag sinabi na niya ang linyang iyon, agad itong maglalambing hanggang sa bawiin niya ang sinabi. “Fine!” agad na sagot nito. Nanlamig si Kristina sa narinig, lalo na nang tumalikod si Jared. Mabilis na pinahid niya ang mga luhang naglandas sa kanyang mga pisngi at hinabol ang binata. “J-Jared, I’m sorry. I didn’t mean that,” aniyang pigil ang paghikbi. Baka isipin nito na nagdadrama na naman siya katulad ng madalas niyang gawin. Humarap ito. “Mabuti na rin na sa `yo nanggaling ang breakup, Kristina. At least, you saved your pride.” Parang sasabog ang ulo niya sa mga sinabi nito. “W-what do you mean?” “I also want out. Nasasakal na ako. I need space,” malupit na pahayag ni Jared na tila hindi nito pinag-isipan ang mga sinabi. Si Jared ang klase ng tao na pinag-iisipan muna kung makakasakit ba ng damdamin o hindi ang salitang lalabas sa bibig nito. Kaya nga aminado siyang madalas niya itong i-take for granted. Parang patalim na sumaksak sa puso ni Kristina ang mga binitiwang salita ng binata. Hindi kailanman pumasok sa isip niya na puwede pala niyang ikamatay ang mga ganoong salita. Hindi niya napaghandaan ang sakit na dumudurog sa puso niya nang mga sandaling iyon, lalo na nang bale-walang tumalikod si Jared at parang walang nangyaring nakipagkuwentuhan sa teammates nito. Huling-huli rin niya nang ngitian nito si Roxanne, ang queen bee ng campus na alam niyang may gusto kay Jared. Minsan na niyang sinabunutan ang babae, dahilan para mapatawag siya at ang lolo niya sa guidance office. Pag-uwi ay lumuluhang nagtungo si Kristina sa silid ng kanyang Lola Carla at Lolo Felipe na gulat na gulat sa pag-iyak niya. Wala siyang pakialam kung dinig man hanggang sa kanto ang pag-atungal niya. Nagsumbong siya sa lolo’t lola niya na sinaktan siya ni Jared. Walang magawa ang mga ito kundi hagurin ang kanyang likod at magbigay ng nakauunawang tingin at yakap. Magdamag na umiyak si Kristina. Masamang-masama ang loob niya na pinatulan ni Jared ang paghahamon niya ng breakup. Ngunit naisip din niyang baka nga sumusobra na siya. Baka masyado na niyang sinasakal si Jared. Baka sumusobra na talaga ang kakulitan niya. Kinaumagahan, ang pagtawag kaagad kay Jared ang una niyang ginawa. Lulunukin na niya ang pride at gagawin ang lahat bumalik lamang ito sa kanya. Hindi na siya magiging demanding at bubuntot nang bubuntot sa binata na alam niyang ikinaiinis nito minsan. Magbabago na siya. Magiging mas masunurin na siya at hindi na rin siya makikipag-away, basta bumalik lang ito sa kanya. “J-Jared…” bungad ni Kristina nang sa wakas ay sagutin nito ang tawag niya. “Hija, si Tita Claire mo ito. Naiwan ni Jared ang cell phone niya.” Tumikhim muna si Kristina upang alisin ang bara sa kanyang lalamunan. “Ahm… Tita, nasaan po si Jared?” Dumaan ang katahimikan, pagkatapos ay narinig niya ang pagbuntong-hininga ng mommy ni Jared. “Maaga siyang umalis, hija.” “Alam po ba ninyo kung saan siya pumunta?” tanong niya, namamaos ang tinig dahil sa magdamag na pag-iyak. Magang-maga rin ang kanyang mga mata. “May lakad yata sila ni Roxanne,” halos pabulong na sagot ni Tita Claire. Nabitiwan ni Kristina ang telepono nang wala sa oras. Nakipag-break sa kanya si Jared para kay Roxanne. Hindi lamang pala susugatan ni Jared ang puso niya, bagkus ay nilagyan pa nito iyon ng asin hanggang sa sumigaw na siya sa sobrang sakit. Marahas na pinunasan niya ang mga mata. Hindi siya susuko. Ipaglalaban niya si Jared dahil mahal na mahal niya ang binata.                        Nagtungo si Kristina sa garahe at lumulan sa sasakyan. Pupuntahan niya si Jared sa bahay ng mga ito. Baka hindi totoong lumabas ito kasama ni Roxanne at pinagtataguan lamang siya. Kung gusto ni Jared na magmakaawa siya at lumuhod sa harap nito ay gagawin niya basta bumalik lang ito sa kanya.   “KRISTINA, ano’ng ginagawa mo riyan sa labas ng gate? Gabi na, malamok at malamig—” Hindi na natapos ni Jared ang sinasabi dahil pagkababang-pagkababa ng kotse ay binigyan agad ito ni Kristina ng mag-asawang sampal. Maghapon na hinintay ni Kristine si Jared. Hindi siya pumapasok sa loob ng bahay kahit anong pakiusap ng mommy nito sa kanya. Hanggang sa abutin na siya ng gabi. Kumakalam na rin ang sikmura niya sa gutom at ilang daang lamok na marahil ang nagpasasa sa kanyang balat, pero hindi siya natinag. Nagbabaka-sakali siya na lumambot ang puso ni Jared kapag nakita siya nito sa ganoong sitwasyon. Pero ganoon na lang ang panlulumo ni Kristina nang makita si Roxanne sa kotse ni Jared. Nakaupo si Roxanne sa passenger’s seat na dati ay kanyang-kanya lamang. “Napakalupit mo, Jared!” aniyang tumulo na naman ang mga luha. “At least, naghintay ka man lang sana nang kahit three months bago ka uli pumasok sa isang relasyon! Kahit na sinong magkasintahan ay alam iyan! Pero ikaw, ang sama mo!” litanya niya. Wala siyang pakialam kahit parang nag-eeskandalo siya sa labas ng bahay nina Jared. Hindi niya mapigilan ang pagbangon ng poot sa kanyang dibdib. Nagyuko naman ito ng ulo. “I’m sorry.” “Sorry? `P-pag tinanggap ko ba ang sorry mo, b-babalik ka sa akin?” desperadong tanong niya. Hindi ito sumagot. That answer was enough. “Don’t ever forget this day, Jared. Pinagsisisihan ko ang araw na nakilala kita. I hate you!” Puno ng galit ang mga mata na tiningnan niya ang binata. Kapagkuwan ay tumalikod siya at walang lingon-likod na iniwan ito.        

editor-pick
Dreame-Editor's pick

bc

A Wife's Secret (Tagalog) COMPLETED

read
8.8M
bc

Guillier Academy ( Tagalog )

read
184.9K
bc

The Ex-wife

read
211.2K
bc

A Night With My Professor

read
497.0K
bc

Chasing Cold Heart (Completed)

read
287.1K
bc

A Husband's Regret (Tagalog)

read
543.1K
bc

Doctor's Secret Affair (Completed)

read
816.5K

Scan code to download app

download_iosApp Store
google icon
Google Play
Facebook