Chapter 2

2547 Words
CHAPTER two   BIGLANG tumahimik ang maingay na opisina pagpasok ni Architect James Red Montecillo. Batid ni Jared na maraming empleyado ang nangingilag sa kanya, lalo at masyado siyang seryoso at bihirang-bihirang ngumiti. He talked little and seldom smiled, but he was a figure of authority. Walang nagtatangkang lumapit o humarang sa daraanan niya. He never cared to explain himself to them. At tulad ng ibang mga araw, bale-walang nilampasan lamang niya ang mga empleyado at tinungo ang opisina niya. Dinampot niya ang maliit na picture frame sa gilid ng kanyang desk. Iyon ang unang-una niyang ginagawa pagkaupong-pagkaupo sa likod ng kanyang mesa: ang titigan ang maliit na litrato at okay na ang araw niya. Puwede na niyang simulan ang santambak na trabaho. Ngumiti si Jared at alam niyang hindi iyon nakaligtas sa paningin ng sekretarya niyang si Anna Pen. Sanay na si Anna Pen na nakikita siya sa ganoong pagkakataon. Bagaman hindi nagkokomento, batid niyang malamang ay naku-curious ito kung sino ang dalagita sa litrato. “Here’s your coffee,” ani Anna Pen pagkatapos ibaba sa harap niya ang umuusok na mug ng kape. Papasa nang tiyahin niya si Anna Pen. Bagaman may-edad na, wala naman siyang maipipintas sa pagiging competent at reliability nito. Nadala na siya sa mga babaeng kaedad niya na hindi magawa nang maayos ang trabaho sapagkat laging nasa kanya ang paningin. “Thanks,” ani Jared. Nagsimula na siyang magbuklat ng mga file folder na nasa ibabaw ng mesa, gayundin ng mga sobreng naka-address sa kanya. Muntikan na niyang maibuga ang hinigop na kape nang mabasa ang isang sobre na may return address na Rosales Law Firm. Nanginginig ang kamay na pinakatitigan iyon ni Jared dahil baka dinadaya lamang siya ng kanyang paningin. Ang Rosales Law Firm ang may hawak ng accounts ng pamilya Arevalo—ang pamilya ni Kristina; ang babaeng may-ari ng kanyang puso na sinaktan niya sampung taon na ang nakararaan. Tinitigan niya ang envelope, hindi malaman kung bubuksan iyon. Sa bandang huli, ipinasya niyang buksan ang envelope para alamin kung ano ang nilalaman niyon. Isa pa, hindi rin siya matatahimik kapag binale-wala niya iyon. Nanginginig ang kamay na binuksan ni Jared ang liham. Awang ang bibig na halos inulit-ulit niya ang pagbabasa niyon. Gusto niyang makasiguro sa nilalaman ng liham, baka kasi dinadaya lamang siya ng kanyang mga mata; na baka iyon ang nababasa niya dahil iyon ang nais niyang mabasa. Nakailang pasada na siya sa liham, ngunit iyon pa rin ang nilalaman niyon. Galing iyon sa namayapang lolo ni Kristina. Tumayo siya at saka lumapit sa glass window. Natatanaw mula roon ang napakagulong kalsada ng Mandaluyong. Hindi niya napaghandaan ang sandaling iyon na bigla na lang may matatanggap siyang sulat na alam niyang magpapabago ng takbo ng kanyang buhay. Oo nga at araw-araw niyang hinihiling na bumalik na sa kanya si Kristina pero hindi naman sa ganoong sirkumstansiya na may kinalaman ang huling habilin ng lolo nito. Ayon sa sulat ay babalik na diumano sa Pilipinas si Kristina at kailangang magpapakasal silang dalawa. Aaminin niyang masaya siya sa ideyang iyon dahil sa paglipas ng mga taon ay wala siyang ibang hiniling sa Diyos kundi ang bumalik ang dalaga. Matagal din siyang naghintay at siguro ay iyon na ang pagkakataon para tuluyang maghilom ang kanilang mga puso. Gayunman ay kinatatakutan niya ang magiging reaksiyon ni Kristina sapagkat nang umalis ito ay halos isumpa siya sa sobrang galit. Seattle, Washington   “WHAT?!” Halos malaglag si Kristina mula sa kinauupuang sofa nang marinig ang sinabi ng abogado ng kanyang Lolo Felipe. “Attorney!” sambit naman ng daddy niya. Maging ang ama ay halatang hindi rin makapaniwala sa narinig. Inilibot ni Kristina ang paningin. Lahat ng naroon sa silid na iyon ay kababakasan ng pagkagulat sa narinig. “You all heard it right,” pagkumpirma ni Atty. Dela Paz—ang abogado ng lolo niya—bago bumaling uli sa kanya. “Kristina, huling hiling ng lolo mo na makasal ka kay James Red Montecillo.” “That’s rediculous! How could Lolo—” “Kristina!” Napatigil siya sa pagpoprotesta nang marinig ang nananaway na tinig ng mommy niya. Ayaw nitong nagsasalita ang sinuman sa kanila ng hindi maganda sa matatanda, lalo na at wala na ang taong iyon sa mundo. Huminga nang malalim si Kristina at kinalma ang sarili. “Paano kung ayaw ko?” aniyang naghahamon ang tinging ipinukol sa abogado. Ibinalik ni Atty. Dela Paz ang tingin sa last will and testament, inayos ang suot na salamin sa mga mata, at ipinagpatuloy ang pagbabasa. “Sa huli, walang sinuman ang dapat na magpasya tungkol sa bagay na ito kundi si Kristina lamang. Walang sinuman ang dapat na mamilit sa kanya…” Nakahinga nang maluwag si Kristina. Ngunit hindi pa pala tapos ang habilin. “Kung sakaling piliin ng aking apo na hindi sundin ang aking kahilingan, mapupunta pa rin sa kanya ang parte niya sa lahat ng ari-ariang aking iniwan. Subalit kailangang buwagin ang tatlong institusyong itinatag ng aking asawa—ang Carla Youth Foundation, Carla Teen Foundation, at ang Carla Elderly Foundation.” “N-no, hindi iyan magagawa ni Papa, Attorney. Alam mong mahalaga kay Mama ang mga foundation na iyon,” sabi ng daddy niya. “I’m sorry, Phillip, but that’s what your father said.” “Dissolve the foundations?” hindi makapaniwalang sabi ni Kristina. “That’s ridiculous. Hindi lamang basta itinayo ang mga foundation na iyon. Bawat isa sa amin ay may papel na ginagampanan doon at mahalaga iyon sa pamilya. That is our legacy! What about the people under the foundations’ care? Hindi matatahimik si Lola Carla kapag nawala ang alinman sa mga iyon,” wika ng kuya niya. “Attorney, kung hindi na susuportahan ng mga kompanya ni Lolo ang mga foundation, puwede namang kami na lang ang sumuporta sa mga iyon. I can look for sponsors, marami akong puwedeng lapitan,” sabad ng ate niya na hawak ang kanyang kamay. “I’m sorry, but your grandfather firmly stated that the three institutions shall be dissolved if Kristina says no to her grandfather’s wishes.” Hindi napigilan ni Kristina na ibulalas ang nasa isip. “A-alam na ba ni J-Jared ito? Malamang ay may pamilya na `yong tao.” Knowing Jared, he would find the idea absurb. Ngumiti si Atty. Dela Paz. “Binata pa si Jared at alam na rin niya ang bagay na ito.” “And what did he say?” “Nabigla rin siya. As we all know, katulong ng Lola Carla ninyo ang lola ni Jared sa pagtatayo ng mga foundation na iyon. Jared is willing to help.” “He is?” hindi makapaniwalang sabi ni Kristina. “And what will he get in return?” Nagkibit-balikat ang abogado. “Well, I really don’t know. Sa tingin ko, katulad mo rin lang siya na pinahahalagahan ang mga iniwan ng matatanda.”   PALAKAD-LAKAD si Kristina sa loob ng kanyang kuwarto. Hindi niya lubos-maisip na magagawa iyon sa kanya ng lolo niya. Paano nito naisip ang ideyang ipakasal siya kay Jared kapalit ng mga institusyong binuo ng lola niya? Hindi nga ba at sa lolo niya siya noon tumakbo nang saktan siya nang labis ni Jared? Hindi ba at alam nito kung ilang balde ang iniluha niya noon at kung paano siya naghirap? Napabuga ng hangin si Kristina. Mabigat ang desisyong iniwan sa kanya ng lolo niya. If she could only decide for herself, if she could only be selfish like she used to be, she preferred not to set foot in the Philippines again and be married to the same guy who broke her heart. Ngunit hindi lamang ang sarili ang kailangan niyang ikonsidera kundi higit ang kinabukasan ng mga batang lansangan na kinakalinga ng Carla Youth Foundation, ang mga kabataang biktima ng karahasan—pisikal man o psychological, na nasa pangangalaga ng Carla Teens Foundation, at higit sa lahat ang mga lolo at lolang walang bubong na masilungan, walang kapamilya na nag-aaruga, ngunit nakatagpo ng tahanan sa Carla Elderly Foundation. Kakayanin ba ng konsiyensiya niya na mapariwara ang mga ito at bumalik sa lansangan? Napahilot si Kristina sa kanyang sentido. Alam niya ang sagot sa mga tanong na iyon. Hindi niya hahayaang muling mawalan ng landas ang mga nasa foundation. Hindi naman sana problema kung ibang lalaki ang pakakasalan niya, ngunit ibang usapan na kung si James Red Montecillo ang lalaking iyon. Ah, it had been ten long years. Sampung taon na pala ang nakalilipas mula nang umalis siya ng Pilipinas. Sa mga unang buwan niya sa Seattle ay wala siyang ginawa kundi umiyak nang umiyak. She hated Jared so much back then. Ang totoo, binalak pa niyang paghigantihan ang binata. Pero nagising na lang siya isang araw na hindi na siya umiiyak at ngumingiti na uli, na kaya na uli niyang mabuhay. Wala na ang pait at sakit, pati na rin ang galit. Nakapag-move on na siya. Napatawad na niya si Jared at tiyak niya sa sarili na ibinaon na niya sa limot ang pananakit nito sa damdamin niya noon. Nakilala niya si Andrew. Sa unang pagtatagpo pa lang nila ay nag-click agad ang personalities nila. Maraming bagay na itinuro sa kanya ang lalaki. At siguro nga, isa si Andrew sa mga dahilan kung bakit ni-reassess niya ang sarili. Kaya naman pinagbuti niya ang pag-aaral at nagtagumpay naman siya roon dahil nagtapos siyang may mataas na karangalan. She was now a certified public accountant by profession. Ilang malalaking kompanya na rin ang napagtrabahuhan niya kahit hindi niya kailangang gawin iyon dahil malawak ang negosyo nila bukod pa ang sa abuelo. Pero gusto niyang maging ordinaryong tao lang, isang empleyado at hindi boss. But most of all, she was Kristina Arevalo, an internationally acclaimed writer. Maraming libro na rin siyang nai-publish, karamihan ay bestsellers at nanalo ng awards. She wrote in all genres except romance. Hindi niya alam kung bakit, ngunit hindi talaga niya kayang tumapos ng romance novel. The moment na may ideyang pumasok sa isip niya, agad niya iyong isusulat. Pero kapag itinutok na niya ang isip doon, nabablangko uli ang kanyang isip. Ngunit pagdating sa ibang paksa, mabilis siyang makatapos ng isang libro. One of her famous books that also happened to launch her writing career was The Plight of the Homeless. Sa librong iyon, ipinakita at tinalakay niya ang iba’t ibang mukha ng mga batang lansangan at mga taong grasa. Hindi lamang siya basta nag-rely sa mga research para maintindihan ang pagiging homeless, she also needed to be one. Sa tulong ng prosthetics na inilagay ni Andrew, naging taong grasa siya at nagpalaboy-laboy sa lansangan. Naranasan niya kung paano kumalam ang sikmura, ang manginig sa lamig ng gabi na ang tanging sapin sa likod ay karton, ang pandirihan ng mga tao. At muntikan pa siyang maabuso. Mabuti na lang at lihim pala siyang pinabantayan ni Andrew. Kung wala ang mga taong inupahan ng kaibigan, baka napahamak siya nang tuluyan. Isinapuso ni Kristina ang lahat ng naranasan kaya nga malalim ang koneksiyon niya sa mga foundation ng lola niya. Hindi niya kayang mawala ang mga iyon. Nang ilathala ang libro niya, lumaganap ang awareness para sa mga taong lansangan at nagkaroon ng mga karagdagang programa ang gobyerno. Ang pangalang Kristina Arevalo ay unti-unting nakilala sa larangan ng pagsusulat. Nakilala ng publiko ang kanyang pangalan ngunit hindi ang may-ari ng pangalang iyon. Sa tuwina ay representative lamang ang ipinapadala niya sa lahat ng awarding ceremonies. in fact, she had been tagged as “the elusive writer.”                   NINENERBIYOS na napabuga ng hininga si Jared. Hindi mapalagay na muli siyang tumingin sa kanyang relo. Anumang sandali ay lalabas na ng arrival area ng airport ang kanyang hinihintay. Ganoon na lang ang kabog ng kanyang dibdib nang sa muling pagsulyap sa pintuan ay iluwa ang isang kaakit-akit na dalaga—si Kristina Arevalo, ang babaeng nakatakda niyang pakasalan at maging asawa. Mahaba pa rin ang tuwid na buhok ng dalaga na mabining inililipad ng hangin. Kapansin-pansin ang tindig ni Kristina, hindi maikakailang sa ibang bansa ito namalagi at maipagkakamali pa ngang isang dayuhan. Jared still remembered how stubborn and snobbish she looked before, but seeing her now… She was a far cry from what she used to be. Ibang-iba ito sa Kristina na kilala niya noon. She had changed so much. Hindi na mababakas ang pagkasuplada sa magandang mukha ni Kristina. Sa paglipas marahil ng mga taon ay natutuhan din nito na baguhin iyon. Kung titingnan si Kristina ngayon, malayong-malayo na ito sa spoiled brat na personality nito noon. She looked regal and mesmerizing. Nawala na ang mataray na aura pero naroroon pa rin ang bilugang mga mata na tinernuhan ng mahahabang pilik. Her nose was proud and her lips were more defined. Her cheekbones were prominent and regal just like the way she carried herself. She had grown into a really beautiful woman, with curves in all right places. Patunay roon ang mga matang nakatutok kay Kristina. Kapansin-pansin kasi ang tindig at ganda nito. Hindi maaaring hindi mapasulyap muli ang bawat makakasalubong nito, lalong-lalo na ang kalalakihan. Pero tila hindi aware doon si Kristina. O baka sanay na ito sa nakukuhang ganoong atensiyon. Nagpasya si Jared na lapitan na si Kristina nang makitang palinga-linga ito. “Kristina…” mahinang tawag niya pagkaraang pakawalan ang isang mahinang tikhim.   PUMITLAG ang puso ni Kristina sa tinig na tumawag sa kanyang pangalan. Ten long years had passed and yet she still knew Jared’s voice. Kinalma niya ang nagririgodong puso at inihanda ang sarili bago bumaling sa pinanggalingan ng tinig. Halos mapasinghap siya nang makita ang binata. Guwapo pa rin si Jared, mas nag-mature lang ang hitsura. Napansin niyang hindi na payat ang katawan nito, nagkaroon na iyon ng muscles na lalong nagpatingkad sa taglay nitong appeal. Kung seryoso ang Jared na kilala niya noon, parang nadoble pa iyon ngayon dahil tila naging permanente na ang pagkakakunot ng noo nito. Blangko ang mukha nito, wala siyang mabasang anumang ekspresyon. Punong-puno ng awtoridad ang presensiya. He looked stiff and overbearing. Iyong tipong mangingilag ang sinuman na humarang sa dinaraanan nito o kaya ay kontrahin ang mga sinasabi nito. Kunsabagay, noon pa man ay seryoso na si Jared. Siguro dahil napipilitan lang siya, Kristina. “J-Jared…” Hindi alam ni Kristina kung ngingitian ang binata o ano. Ilang beses din niyang pinraktis kung paano ito pakikiharapan sa sandaling magkita sila, ngunit nang mga sandaling iyon ay tila nabablangko ang isip niya, hindi siya makapag-isip nang maayos, idagdag pa ang kumakabog niyang dibdib. Tila slow-motion na lumapit si Jared sa kanya at kinuha ang dala niyang hand carry bag. Hindi nakangiti ang binata pero may nakita siyang pag-aalinlangang dumaan sa anyo nito, na parang hindi nito alam kung paano siya lalapitan. “Thanks,” ani Kristina at nagpaskil ng alanganing ngiti sa mga labi. Akala niya ay magiging madali ang lahat, pero nagkamali siya. Base sa hitsura, para itong nakikipag-deal lang sa isang negosyo, no emotions involved. “Is this all?” tanong ni Jared patungkol sa mga gamit niya. “No, but I had it shipped back home before I left Seattle.” Tumango ang binata. “This way,” anito bago iminuwestra ng kamay ang daan palabas ng arrival area.            
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD