CHAPTER three
NApatunayan ni Kristina na totoo nga pala ang sinasabi ng marami na “nakabibinging katahimikan” nang lulan na siya ng sasakyan ni Jared. Nanatili pa rin itong tahimik, nakatutok sa kalsada ang mga mata. Magkagayunman ay nahuhuli rin niya ang pagsulyap-sulyap nito sa kanya. Hindi tuloy niya alam kung paano magbubukas ng usapan na puwedeng bumasag sa katahimikang iyon. Iyon na yata ang pinakamahabang biyahe na pagdaraanan niya.
“N-nagtataka lang ako, Jared. Bakit pumayag ka sa gusto ni lolo?” basag niya sa katahimikan nang binabaybay na nila ang kahabaan ng Coastal Road. Parang sasabog na kasi ang ulo niya sa katahimikang namamayani sa loob ng sasakyan kaya siya na ang kusang nagbukas ng usapan. At ang sitwasyon lamang nila ang nakikita niyang topic na puwede nilang pag-usapan.
Bumuntong-hininga si Jared. “I have my reasons, Kristina.”
“Puwede ko bang malaman?”
Bumaling ang binata sa kanya, bahagyang ngumiti na hindi naman umabot sa mga mata nito, pagkatapos ay muling itinutok sa kalsada ang mga mata.
“H-how… how have you been, Jared?” Hindi napigilan ni Kristina na isatinig ang tanong na iyon sa isip niya. Hindi rin niya alam kung bakit gusto niyang malaman kung ano ang naging buhay nito nang umalis siya.
Binagalan ni Jared ang takbo ng sasakyan, hanggang sa tuluyang ihinto iyon sa gilid ng daan. Napaigtad siya nang hagilapin nito ang kanyang kamay at saka matamang tumingin sa kanya.
“Kristina, puwede ba akong magpaliwanag sa nangyari noon? Puwede bang—”
Maingat na binawi niya ang kamay. “Tapos na `yon, Jared, kaya nga nakaraan na. We’re both adults now. Dala lamang marahil ng kabataan ang nangyari noon. Anyway, we can start anew naman, `di ba? We can be friends habang hinahanapan natin ng solusyon ang sitwasyong ito.”
Sandaling nakita niya ang nagtatalong emosyon sa mga mata ni Jared, kapagkuwan ay humugot ito ng malalim na hininga. “Yeah, of course we can be friends—for now. Just for now, Kristina.”
“Jared, kung magpapakasal tayo, paano ka? Unfair ito sa `yo.”
“I told you I have my own reasons and believe me, I will make it right this time.”
“If ever, will you agree to get married in Seattle?”
Nakakunot-noong bumaling ito sa kanya. “Bakit?”
“M-mabilis ang proseso ng divorce doon. Mabilis nating maaayos ang mga papeles kapag nag-lapse na ang three years na nakalagay sa last will ni Lolo.”
Bahagyang kumulimlim ang mukha ni Jared. “Dito tayo magpapakasal, Kristina,” may-pinalidad sa tonong wika nito.
Pinili niyang manahimik na lang muna. Sa nakikita kasi niyang hitsura ni Jared, alam niyang hindi niya ito makukumbinsi sa nais na mangyari.
“Are you free tomorrow? I mean, wala ka bang ibang pupuntahan bukas?” mayamaya ay tanong nito. “Will it be okay if you come with me?”
“Saan?”
Namangha siya nang gumuhit ang ngiti sa mga labi nito. “I want you to meet my friends… Limang lalaki. I met them in college. They sort of became my family ever since Milo decided to study Law at Harvard.”
“Harvard? Si Michael Lorenzo nag-Harvard?” gulat na tanong ni Kristina patungkol sa nag-iisang kapatid nito. “Kunsabagay, matalino nga si Milo. So, he’s a lawyer now?” Napangiti siya nang maalala ang kapatid ni Jared. “Guwapo pa rin ba siya? Does he still have that notorious smile?”
Kumulimlim ang mukha ni Jared. “He’s a lawyer now, an excellent one for that matter. Ako, hindi mo ba itatanong what I’ve become?”
Sa pagkakatanda niya, gusto ni Jared na maging architect, hindi lang siya sigurado kung sinunod nito ang gusto. “Ahm, ano nga ba?”
Tila hindi nito nagustuhan ang isinagot niya dahil bahagyang nagsalubong na naman ang mga kilay. “Hindi mo naaalala kung ano ang gusto ko noon?” tila naghihinanakit na tanong nito.
Nagkibit-balikat siya bilang tugon.
“I’m an architect now,” ani Jared at muli na namang bumuntong-hininga. Hindi na niya mabilang kung ilang beses na nitong ginagawa iyon.
“Ah, okay,” kunwari ay bale-walang sabi niya.
“Back to my friends… You’ll meet them all tomorrow.”
“Are they all bachelors?” pilyang tanong niya. Bigla kasi niyang naisip ang sinabi ng best friend na si Andrew na maghanap siya ng single guys.
Lihim na napangiti si Kristina nang mariing tumikom ang mga labi ni Jared. Hindi niya maintindihan ang sarili kung bakit pakiramdam niya ay gusto niya ang nakikitang uneasiness sa mukha ng binata.
“Except for Lance Pierro. Kasal na siya kay Catherine Arevalo and she’s currently pregnant with their second baby. Matutuwa ka sa love story ng dalawang `yon. Pierro was the bad boy in the group, but when he met Catherine he changed. Naalala ko pa kung paano niya sundan-sundan si Catherine noon, pakialaman ang mga gamit nito—”
“Katulad ng ginawa ko noon sa `yo?” nanunudyong putol niya sa sinasabi ni Jared. Hindi niya alam, pero nangingiti na lang siya kapag naaalala ang mga kabaliwan niya noon.
Nabura ang ngiti ni Jared. “Yeah.”
Nabura din ang ngiti ni Kristina nang mapagtantong ibinabalik lamang niya ang kahapon sa pagitan nilang dalawa. bigla siyang naasiwa.
Mabuti na lang at tumunog ang kanyang cell phone, kahit paano ay nabasag niyon ang katahimikang gusto na namang humarang sa pagitan nila ni Jared. Napangiti siya nang makita sa screen kung sino ang caller—si Andrew, ang best friend niya sa Seattle.
“Hi, gorgeous! Sorry, hindi agad ako nakatawag… Yeah, I’m fine. Opo, safe po akong nakarating…” Masiglang nakipag-usap siya kay Andrew. He was gay, bagaman hindi halata dahil macho-guwapito. “Of course not! Yeah… Tingnan natin… Oops, narinig ko `yon, Drew, tinatawag ka sa intercom. Sige na. Duty calls. Call me after once your shift is over… Okay, `bye! I love you, too.”
“Who was that?”
Maang na napatingin si Kristina kay Jared. Nakatutok pa rin ang mga mata ng binata sa kalsada subalit kapansin-pansin ang lalong pagkunot ng noo nito. Napakahigpit din ng hawak nito sa manibela. Mula sa kamay ni Jared ay napadako ang tingin niya sa pulsuhan nito at halos mapasinghap siya nang makita na naroroon pa rin ang leatherette bracelet na ibinigay niya rito noon. Iyon diumano ang tanda ng pagmamahal nito sa kanya. Ang sabi ni Jared, hindi nito huhubarin ang bracelet na iyon hanggang mahal siya nito.
Naguguluhang ibinaling ni Kristina ang tingin sa labas ng sasakyan. Bakit pakiramdam niya ay gusto niyang bumulalas ng iyak dahil sa mga alaalang kakambal ng bracelet na iyon?
“Kristina?”
“Huh?”
“Sino `yong tumawag sa `yo?” muling tanong ni Jared sa seryosong tinig na tila nagsasabing dapat niyang sagutin ang tanong.
“S-si Andrew. He’s a doctor.”
“Boyfriend mo?”
Lalong umawang ang bibig niya sa tanong. Kung makapagtanong kasi si Jared ay animo may karapatan itong itanong ang mga bagay na may kinalaman sa personal niyang buhay.
“Was,” maikling sagot ni Kristina. Naging sila naman talaga ni Andrew. noong confused pa ang lalaki sa kasarian nito at hindi pa maamin sa sarili na berde ang dugo. Alam niya iyon at pumayag siyang subukan nilang itaas sa next level ang friendship nila. Sinubukan nilang maging magkasintahan. Sa pangatlong buwan ng relasyon nila ay nakilala ni Andrew si Wilmar. Na-in love ang dalawa sa isa’t isa. She didn’t feel cheated or sorry for what happened to them. in fact, they ended their relationship laughing at each other. Mula noon, naging best of friends sila ni Andrew.
“Ano’ng nangyari?” tanong ni Jared.
Hindi napigilan ni Kristina na magtaas ng kilay. Bakit interesado si Jared na malaman ang love life niya? “Uhm, sabihin na lang nating isang araw, na-realize niyang he loves someone else and that we’re better off as friends,” nagkibit-balikat na tugon niya.
“Ganoon lang?”
“Yeah, just like that. Ano’ng magagawa ko kung iba ang gusto niya? May mga bagay na hindi puwedeng ipilit kung hindi para sa `yo kahit pa anong pagpupumilit ang gawin mo.” Hindi niya alam kung bakit biglang naging mapait ang dating ng tinig niya. Bigla-bigla na lang kasing bumalik ang mga alaala kung paano siya naghabol noon kay Jared.
Huminga siya nang malalim at pilit pinakalma ang sarili. Gayunman, hindi niya magawang alisin sa isip ang bracelet na suot ng binata. Mukhang hindi magiging madali ang lahat sa kanya. Maybe she needed to reconsider her options.
BAKIT suot pa niya ang bracelet na `yon? naguguluhang tanong ni Katrina sa isip habang palakad-lakad siya sa loob ng silid na pinagdalhan sa kanya ni Jared. Talagang nagulat siya nang makita na suot nito ang bracelet.
Malinaw pa sa isip niya ang pangakong binitiwan ni Jared nang ibigay niya rito ang bracelet. Ang sabi ng binata, hanggang mahal daw siya nito ay mananatiling suot nito ang bracelet. Pero hindi lamang ang bracelet ang nagpagulat sa kanya. Patikim lamang pala iyon dahil kanina lamang ay tumambad sa kanyang mga mata ang dream house niya. Ang bahay na malinaw na nakaguhit sa puso at isip niya ay naging totoo.
Mula sa napakalawak na bakuran hanggang sa man-made lagoon na punong-puno ng makukulay na koi ay nakakatawag ng pansin. Hindi rin nawala sa isang sulok ang garden. Everything and every corner of the house was exactly what she pictured in her mind. Iyon nga lang, hindi kanya ang bahay na iyon kundi kay Jared.
Of course, alam ng binata ang tungkol sa dream house niya. Parati nitong ipinapakuwento sa kanya noon ang mga bagay na gustong-gusto niya.
Ah, marahil ay nagustuhan din ni Jared ang kanyang imahinasyon. Magaling na arkitekto ang binata at maayos nitong nabigyan ng buhay ang kombinasyong western at eastern style. Matinding pagpipigil nga ang ginawa niya kanina upang hindi mapasinghap at hindi magpakita ng anumang emosyon.
Nakakatawa lamang isipin na ang bahay na kasalukuyan pa lamang niyang ipinapatayo sa Seattle ay may kakambal pala sa Pilipinas.
Napabuntong-hininga si Kristina. Binibigyan siya ni Jared ng palaisipan—napakalaking palaisipan. His actions puzzled her. Mabuti na lang at tapos na ang kabanatang iyon ng kanyang buhay. She was so over him. Sigurado siya roon.
NAKAALIS na si Jared nang magising si Kristina kinabukasan. Paggising niya ay may cart na ng pagkain sa labas ng pinto ng kuwarto niya kasama ang isang maikling note na nag-iimpormang may importanteng meeting na pupuntahan ang binata. Pero hindi niya maiwasang magtaas ng mga kilay nang makita ang tatlong pulang rosas na kasama ng pagkain.
Sino kaya ang nagluto? Wala namang katulong dito.
Natakam si Kristina sa mga pagkaing nakahain. Pulos pagkaing Pinoy at mga paborito niya ang mga iyon. Iyon nga lang, kahit natatakam siya, hindi agad niya makakain ang mga iyon. Hindi na siya naghe-heavy meal sa umaga katulad ng dati. Kapag ginawa kasi niya iyon, siguradong sasama ang kanyang tiyan. Maghapon na naman siyang kakabagan at didighay nang didighay. Kape at sandwich lang ang nakasanayan niyang kainin sa umaga.
Ipinasya muna niyang maligo bago magtungo sa kusina. naghanap siya ng tinapay na puwedeng gawing sandwich o kaya ay i-toast. Tumaas pa ang isang kilay niya nang madiskubreng kompleto ang supply ng binata, maging ang dalawang refrigerator ay puno rin.
Pinahiran lamang niya ng butter ang tinapay, pagkatapos ay nagtimpla na ng kape. Magsisimula na siyang kumain nang biglang sumulpot si Jared.
“Nakakagulat ka naman,” sabi niya.
“Ayaw mo ng luto ko?” nakakunot-noong tanong nito habang nakatingin sa kape at tinapay sa harap niya.
So, siya pala ang nagluto. Bakit parang kinilig yata ang puso niya sa kaalamang pinagkaabalahan ni Jared na ipagluto siya ng pagkain?
“No, okay lang, mukhang masasarap naman. Mamayang lunch ko na lang siguro kakainin ang mga `yon.”
“Bakit mamaya pa?”
“Hindi na kasi ako naghe-heavy breakfast sa umaga.”
“Bakit?”
Bakit ba kailangan ko pang magpaliwanag? Puwede namang ayaw ko lang kumain sa umaga, tapos.
Huminga nang malalim si Kristina. “Ilang beses din kasi akong nalipasan ng gutom sa Seattle noong pumunta ako ro’n kaya nagka-ulcer ako. After that, maghapon na akong kakabagan kapag nag-full meal ako sa umaga. So now, I settle for a cup of coffee and bread.”
Nagka-ulcer ako dahil ayaw kong kumain at wala akong ginawa kundi iyakan ka, gusto sana niyang sabihin.
“At bakit ka nagpapalipas ng gutom?” tanong ni Jared na lalong lumalim ang pagkakakunot ng noo na parang hindi nagustuhan ang narinig.
“Nahirapan akong mag-adjust sa Seattle, eh,” tugon ni Kristina. Hindi niya gusto ang nababasa sa mga mata ng binata kaya nag-iwas siya ng tingin. He was acting as if he really cared.
“I’m sorry,” anito pagkaraan ng ilang sandali.
Alam ni Jared na hindi niya gustong manirahan sa Seattle kahit nandoon ang mga magulang at mga kapatid niya. Kaya nga mas pinili niyang magpaiwan sa lolo at lola niya.
“For what?”
“For—”
“Ah, gusto mo ng kape? Bakit nga pala nandito ka? Akala ko may meeting ka?” putol niya sa sasabihin ni Jared. May palagay kasi siyang ang nakaraan ang inihihingi nito ng tawad. She didn’t want the awkwardness it would bring. Isa pa, matagal na iyon. Napaghilom na ng panahon ang sugat. Hindi nga lang siya komportableng pag-usapan ang nakaraan.
Ilang saglit siyang tinitigan ni Jared bago nagsalita. “I cancelled my meeting.” Umupo ito sa silya sa harap niya. Agad na tumayo si Kristina at ipinagtimpla ng kape ang binata. Kape at creamer lang ang timplang gusto nito sa pagkakatanda niya ngunit nilagyan niya iyon ng asukal. She wanted to see how he would react.
Humigop agad si Jared pagkalapag niya sa tasa ng kape at hindi naman siya nabigo sa gustong makita dahil hindi nakaligtas sa kanyang paningin nang matigilan ito. Gayunman, hindi rin ito nagkomento at ipinagpatuloy ang pag-inom ng kape na parang ninanamnam ang bawat patak niyon.
Ipinilig ni Kristina ang ulo at lihim na kinastigo ang sarili sa ginagawang pagmamasid kay Jared. Kung ano-ano ang napapansin niya. Malay ba niya kung nagbago na pala si Jared ng gustong timpla ng kape; na gusto na nito ang kapeng may asukal.
“How do you find the house?” mayamaya ay tanong nito habang deretsong nakatingin sa kanya.
She knew he was fishing for comments, but no, she wouldn’t give him what he wanted. Hindi niya hahayaang makita nito na talagang nagustuhan niya ang bahay na iyon. At aminin man niya o hindi, lumalabas na mas maganda pa nga iyon kaysa sa bahay na nasa Seattle. Siguro dahil talagang magaling na arkitekto si Jared.
“Ahm, maganda,” kunwari ay bale-walang tugon niya. Ano kaya ang magiging reaksiyon nito kapag sinabi niyang ganoon din ang ang hitsura ng ipinapatayo niyang bahay sa Seattle?
“Nagustuhan mo ba?” muling tanong ni Jared na tila naghahanap pa ng ibang reaksiyon mula sa kanya.
“Y-yeah. I mean, of course.”
Tumango-tango ito. He seemed distracted. “Okay lang ba kung dito tayo titira? Feel free to change anything in the house.”
“Ha?”
“We’ll get married and—”
Itinaas ni Kristina ang isang kamay para patigilin ito sa pagsasalita. “Ahm, wait a second, Jared. Gusto kong pag-usapan natin `yan ngayon, if you don’t mind.”
“Of course. Kailan mo gustong magpakasal tayo?”
Ilang beses na kumurap-kurap si Kristina. Dinadaya ba siya ng kanyang paningin? Bakit parang excited si Jared? Nagniningning ang mga mata nito. Sa tingin niya, bahagya pa ngang lumambot ang mukha nito.
Tumikhim siya. “We’re not getting married, Jared. We’re not doing it.”