"Aaron, ayos ka lang?"
Halos ihagis ni Arianne ang bag na sakbit sa kung saan nang maabutan ang kapatid na nakahiga, at nakahawak sa ulo.
"Aaron," naiiyak niyang sambit pagkaraan dumaluhong dito.
"Ate," Iyak ng binatilyo.
Inalalayan niyang mapaharap ang kapatid. Halos huminto ang t***k ng kaniyang puso nang makita ang dugo na nanggaling sa ilong ng kapatid.
"Ate," hagulgol nito sa kaniya.
"Sandali, sandali lang," hindi alam ni Arianne kung ano'ng gagawin o uunahin.
Nagpabaling-baling siya kaliwa't-kanan. Wala na naman sa labas si Glenn dahil sa kanto lang siya nito inihatid para hindi na makita ng ina na galit na galit sa binata.
"Ate," sambit ni Aaron na tila ba nanghihingi ng tulong.
"Sandali, Aaron."
Pinunasan ni Arianne ang mga luha. Nag-ipon siya ng lakas kahit na nanginginig ang kalaman niya dahil sa kaba kung ano'ng nangyayari sa kapatid.
Huminga siya nang malalim bago buong lakas na binuhat si Aaron. Kahit mabigat ito ay naging balewala sa kaniya.
Hirap na hirap ang dalaga habang bitbit ang kapatid, lumabas siya ng bahay.
"Tulong! Tulungan ninyo ako!" Sigaw niya sa mga kapitbahay habang anumang segundo ay puwede nang mahulog ang kapatid.
"Ate," Mabilis siyang nilapitan ng iba pang mga kapatid sina Arci at Jacob.
"Arci, tumawag ka ng traysikel. Bilis!" Tumakbo agad ang sampung taon niyang kapatid palabas ng compound nila.
"Jacob, si Mama?" tanong niya sa bunso nila.
"Nasa bahay nila Aling Dyosa, nagbibingo."
"Ano?!"
Halos malagot ang ugat ni Arianne sa leeg nang sumagot. Hindi niya inaasahang makapagsusugal pa ang ina nang ganito ang kalagayan ni Aaron. Isa pa, wala naman silang pera.
"Tawagin mo. Sabihin mo kailangan dalhin si Aaron sa hospital!"
"Sige, Ate!"
Mabilis na nagpalinga-linga ang dalaga. Wala namang tumutulong sa kaniyang kapitbahay. Pirming nanonood ito sa kaniya habang nahihirapan sa pagbubuhat.
"Ang tagal, bwisit."
Kahit pakiramdam ni Arianne ay matatanggal na ang mga buto niya sa braso dahil sa pagbubuhat kay Aaron ay minabuti niyang maglakad.
Tutal, hindi naman makakapasok sa eskinita nila ang traysikel.
"Ate."
Sumasagitsit ang pakarag-karag na pedicab nang lumapit sa kanila.
"Hindi ba sabi ko, traysikel para mas mabilis?" angil niya sa kapatid.
"Wala nang nakaparada. Pedicab na lang," katwiran ni Arci.
"Ano? Isasakay ninyo ba 'yan dito o hindi?" nababanas na tanong naman ng driver.
"Sige, sige na!" napipilitang niyang sagot.
Pabalik-balik si Arianne sa labas ng pampublikong hospital. Nasa loob ng emergency room ang kapatid. Nakahalukipkip siya habang hinahawi-hawi ang buhok.
Kung may dasal man siya ngayon ay iyon 'yong maging ligtas ang kapatid. At malaman na kung ano'ng mayroon ito.
Kung bakit, at saan galing ang dugong lumalabas sa ilong nito.
Huminto siya sandali pagkaraan kinuha ang cellphone. Kulang na lamang ay ituktuk niya sa sariling noo ito dahil sa inis.
"Bakit ka pa ngayon nawalan ng baterya?" inis na tanong niya sa sarili.
Napapikit si Arianne sa inis habang sinasalat ang noo. Paano niya ngayon matatawagan si Glenn para damayan siya ngayon?
Hanggang sa marinig niya ang pagbukas ng pinto. Alerto siyang bumaling doon, lumapit sa doktor na nagtingin sa kapatid.
"Dok., kumusta po 'yong kapatid ko?" tanong niya habang nagkiskisan ang mga nanlalamig na palad.
"Huminto na ang pagdurugo ng kaniyang ilong."
Naging maluwag ang paghinga ni Arianne. Nakatingin lamang siya sa pormal na pormal na Doktor ngayon sa harap niya.
"Ang maipapayo ko lang ay i-admit ninyo ang kapatid mo rito."
"Bakit ho? May sakit ba siya?" naguguluhan niyang tanong.
Tumango lamang ito nang kaunti. Napakurap si Arianne. Hindi niya nagugustuhan ang nababasang reaksyon sa doktor.
"We need to do some test. He is showing symptoms of leukemia."
"Leukemia?" kahit gusto niyang mabingi ay malinaw niyang narinig ang binanggit ng kaharap.
Nanigas ang buong katawan ng dalaga. Ang laki rin ng puwang sa kaniyang labi habang tuluyang pumatak ang mga luha.
Kahit na wala na sa harapan ni Arianne ang Doktor ay nanatili siyang nakatayo habang tulala.
Tulo nang tulo ang kaniyang mga luha. Ito na nga ang hinala niya, ang maysakit ang kapatid.
Umaalon ang dibdib niya dahil sa labis-labis na emosyon. Pilit niyang hinahabol ang hininga.
"Arianne!" umalingawngaw ang boses ni Mercedes.
Hinintay niyang makalapit ang ina.
"Ma-"
"Lintek ka! Bakit mo pa ako tinawag? Bakit mo pa ako inistorbo sa pagbibingo ko, ha?"
"Ma, si Aaron-"
"Ang tanda-tanda mo na! Huwag mong sabihin na hindi mo kayang solusyonan ang bagay na iyan! Talagang kailangan mo pa akong tawagin!'
Mas bumilis ang t***k ng puso ni Arianne. Tinitigan niya ang inang galit na galit sa kaniya habang nakapameywang. Nakukuha na rin nila ang atensyon ng ibang tao na dumadaan dahil sa pagiging eskandalosa ni Mercedes.
"Ano?"
Napangisi si Arianne nang itulak pa ng ina ang kaniyang noo gamit ang hintuturo nito. Paulit-ulit iyon ginawa ng kaniyang Mama hanggang sa hawakan niya iyon.
Hinarap niya ito habang may gigil ang imahe.
"Hindi ba dapat nag-aalala kayo ngayon?" tanong niya habang nanlalaki ang mga mata dahil sa galit.
Natigilan si Mercedes, tila hindi inaasahan ang ginagawa niya. Sinubukan pa nitong iaalis ang kamay pero hindi niya hinayaan. Sa halip, mas mariin niya iyong hinawakan.
"Dapat mas higit pa 'yong nararamdaman ninyong kaba kaysa sa akin?!"
"Dapat kayo ang unang nakaisip na dalhin siya sa hospital noong unang beses na naglabas ng dugo ang ilong ni Aaron!"
"Dapat kanina, kayo ang nasa tabi niya!" Umiiyak, at buong lakas niyang sigaw dito habang patuloy na dumadaloy ang mga luha.
"Aba-"
"Ngayon nagagalit pa kayo sa akin?!"
"Ano bang klase kayong ina?!"
Nagtalsikan ang laway kasama ang mga luha niya nang gumalaw ang mukha dahil sa lakas nang pagkakasigaw niya.
Tila ba lahat ng kinikimkim ay sumabog na ngayon. Gusto niyang humagulgol nang ubod nang lakas.
Puwersahang inalis ni Mercedes ang kamay na hawak ni Arianne. Isang sampiga sa kanang pisngi ang natanggap niya rito.
"Hayop ka! Anak lang kita!"
Wala silang pakialam mag-ina sa ingay nilang dalawa sa hallway. Hinawakan nito ang kaniyang buhok, at gigil na sinabunutan.
"Ang kapal ng mukha mo!"
"Alam ninyo, kaya ko pang tiisin ang pagiging anak ninyo. Pero sana, iba na lang ang naging ina ng mga kapatid ko, lalo na si Aaron!"
Huminto ang ina nito sa ginagawa sa kaniya pagkaraan binalingan nang tingin si Mercedes.
"Sana nagkaroon sila ng inang maasahan nila. Iyong mabuting ina na aalagaan sila! Hindi katulad ninyo!"
Iyon lamang, at iniwan ni Arianne si Mercedes. Alam niyang mali ang ginagawa, at sinasabi niya sa ina.
Pero kailangan niyang mailabas ang sama ng loob baka tuluyan iyong sumabog, at mas malala pa ang masabi o magawa niya sa sariling magulang.
Umiiyak siyang nagtungo sa isang tindahan.
"Ate, patawag po," aniya niya sa tindera.
"Heto po."
Kinuha niya ang telepono, at agad na pinindot ang numero ni Glenn. May ilang ring ang nagmula roon hanggang sa walang sumagot.
Napapikit siya kasabay nang mas masasaganang mga luha.