"Kumusta pakiramdam mo?" tanong ni Arianne sa kapatid habang hinahaplos-haplos ang buhok nito.
"Ano raw ang sakit ko, Ate?" balik-tanong ni Aaron.
Natigilan si Arianne pagkaraan napalunok. Hindi pa man niya nasasagot ay malungkot na agad ang imahe ng kapatid.
Tila ba kinurot ang puso ni Arianne. Ni hindi niya maituloy-tuloy ang paghawi sa buhok ni Aaron.
"Sabihin mo, Ate. Ayos lang."
"Aaron-"
"Anak!"
Hindi na niya naituloy ang sasabihin nang may bumunghalit ng iyak mula sa katabi nilang kama. Sabay silang napalinga roon ni Aaron.
"Anak!" umiiyak ang isang ginang habang tila ba ginigising ang anak na babae.
Lumapit doon ang ilang nurse. May pumigil sa ginang. Habang ang iba ay chine-check ang pasyente. Sabay-sabay silang nagulat nang biglang mangisay ang batang babae.
Napahawak siya kay Aaron nang wala sa oras habang nahihintatakutan ang anyo.
"Iyong anak ko!"
"Nasaan ba 'yong Doktor! Tumawag kayo ng Doktor! Iligtas ninyo ang anak ko!"
Pero walang kumikilos na nurse. Pilit na kumawala ang ina ng bata sa pagkakahawak ng mga ito.
"Tumawag kayo ng Doktor! Hindi ninyo ba nakikita ang anak ko!" hysterikal ng ginang.
"Padating na si Doc-"
"Kailan pa? Kapag wala patay na ang anak ko?!" patuloy na pagwawala nito.
Muling napatingin si Arianne sa batang nakahiga. Bigla na lamang ito huminto at tumirik ang mga mata.
"Mae," iyak ng ginang bago dinaluhong ang anak.
Pumatak ang mga luha niya nang makita kung gaano humagulgol ang ginang habang yakap-yakap ang anak.
Tinalikuran niya na ang mga ito. Nakita niyang naroon ang atensyon ni Aaron. Maingat niyang pinaling ang mukha nito sa kabilang banda.
"Huwag mo nang tingnan," aniya sa kapatid kasabay nang pagyakap dito.
"Ate," seryosong tawag ni Aaron sa kaniya. Nagbigay siya ng espasyo sa pagitan nila.
"Mamatay ba ako, katulad niya?"
"Hindi," mabilis niyang tugon.
Pinagkatitigan ni Arianne ang kapatid sa mga mata. Determinado ang imahe niya nang sapuhin ang pisngi nito.
"Hindi, Aaron. Hindi ka mamatay."
"Hindi ko iyon hahayaan," matibay niyang dagdag.
Naglalakad si Arianne sa hallway ng hospital. Pauwi siya para kumuha ng ilang gamit nang may tumawag sa kaniya.
"Arianne!"
Huminto siya at napatingin sa nakasalubong.
"Jane," anang niya sa dating kaklase.
"Ano'ng ginagawa mo rito?" tanong nito.
"Iyong kapatid ko, naka-confine. Nasa ward siya ngayon."
Agad siyang hinila ni Jane sa kamay. Tumingin muna ito sa paligid bago siya hinarapan.
"Alam mo, ngayon pa lang, iaalis mo na rito ang kapatid mo," bulong ng dating kaklase.
"Bakit naman?"
"Pabaya ang hospital na 'to. Kakukuha nga lang namin ng katawan ng kapatid ng asawa ko sa morgue."
"Ano bang kinamatay niya?" may kuryosidad niyang usisa.
"Cancer sa baga. Pinabayaan ng mga doktor dito. Isa pa, kulang na nga 'yong mga aparatus nila. Kulang pa rin sa Doktor."
Napakurap ang mga mata ni Arianne. Sa nakita niya at narinig sa ginang kanina na katabing kama nila ay iyon din ang sinasabing dahilan na pagkamatay ng anak.
Bukod kasi sa pampublikong hospital, may kalumaan na rin ito. Kulang sa lahat, sa mga nurse, doktor. Wala pang pagmamalasakit ang ibang nagtatrabaho. Parang laging galit sa pasyente.
"Kaya ako sa iyo, kung seryoso ang sakit ng kapatid mo. Ilipat mo ng hospital," payo ni Jane.
"Ano bang sakit niya?" dagdag pa nito.
Sinalubong ni Arianne ang mga mata ng dating kaklase. Halos hindi niya maibulalas ang isasagot.
"Wala pa namang pinal na resulta. Pero ang sabi ng Doktor, baka raw may luekemia siya."
"Ganoon ba?" bumaha ang lungkot sa mukha ng kaharap. Naging mas mahigpit din ang pagkakapit nito sa kamay niya.
"Alam mo, may magandang hospital para sa mga may batang cancer patient doon sa St. Rafael Children Hospital."
"Talaga?"
"May napagtanungan kami, nasa 3rd stage na 'yong cancer pero gumaling sa hospital na 'yon."
Namangha ang hitsura ni Arianne. Nabuhayan rin ang loob niya. Parang may sumilip na konting liwanag sa daan nilang magkapatid.
"Ihanda mo nga lang ang pera mo."
Natigilan siya.
"Sige, mauna na ako ha? Magpagaling kamo ang kapatid mo."
Walang emosyon siyang tumango. Binitiwan na ng dating kaklase ang kamay niya bago umalis.
Wala sa wisyong nakauwi ng bahay si Arianne. Agad siyang sinalubong ng mga nag-aalalang kapatid.
"Ate, kumusta si Aaron?" tanong ni Arci.
Sabay-sabay silang naglalakad papasok ng kwarto. Pagod niyang hinila ang bag na pamasok.
"Ayos na siya. Huwag kayong mag-alala nasa hospital na siya. Hindi siya pabayayaan ng mga doktor doon."
Sinakbit na ni Arianne ang bag. Kailangan na niyang pumasok sa casino. Hindi maganda kung unang araw niya ay mahuhuli agad siya.
Mamaya na lang niya kakausapin ang ina tungkol sa paglilipat ni Aaron sa ibang hospital.
Bahala na kung saan siya kukuha ng pera. Ang mahalaga, hindi malugatan ng hininga ang kapatid.
"Matulog na kayo. Papasok na ako."
Tinalikuran na niya ang mga kapatid.
"Wow."
Iyon na lamang ang na ibulalas ni Arianne matapos makapasok sa loob ng malaking casino.
Napakagara ng lugar na iyon.
Simula sa mga lamesa.
Sa sahig.
Sa ceiling.
Malaki pa nga ito yata sa iskwater kung saan sila nakatira.
"Arianne, linisin mo lang iyan. Lagi ka rin dapat naka-stand by kasi kung may matatapong kahit ano'ng liquid sa sahig. Mapupunasan mo agad," paalala ni Boligs.
Ito kasi ang naatasan na ituro sa kaniya ang dapat na gagawin. Mataas na janitor kasi ito sa Casino.
"Sige. Salamat, Boligs."
"Wala 'yon, mauna na ako. May inuutos kasi si Boss e."
Tumalikod na ito sa kaniya.
"Sandali, Boligs!" pahabol ni Arianne sa nahihiyang imahe.
Luminga naman ang binatang kasamahan.
"May alam ka bang pwedeng hiraman ng pera rito?" asiwa niyang tanong.
"Mangungutang ka agad?" natatawang usisa nito.
Napakamot ang dalaga sa batok habang ang isang kamay ay may hawak ng ilang pang-linis sa casino.
"Oo, sana. Nasa hospital kasi ang kapatid ko. Balak ko sana siyang ilipat sa medyo magandang hospital para mapunan ang mga pangangailangan niya."
Naglaho naman ang ngiti ni Boligs pagkaraan sumeryoso.
"Naku, pasensiya na. Hindi dapat ako tumawa," dispensa nito na hinawakan pa siya sa balikat.
"May kalumaan na ang hospital kung saan ko siya dinala. Karamihan ng pasenynte roon ay namamatay kaya ayoko siyang maging isa roon."
"Kaya kailangan mo ng pera?" tanong ni Boligs.
Tumango at mapait na ngiti ang gumuhit sa labi ni Arianne.
"Si Mamaw."
Napakunotnoo siya.
"Mamaw?" ulit niya baka mali siya nang pagkakarinig.
"Oo, isa siyang big-time na sugarol dito. May-ari ng isang night club. Nagpautang iyon nang malaking halaga, ang kaso malaki rin ang tubo. 50 percent."
"50 percent?"
"Oo, kaya niya kahit one hundred thousand. Siguradong pwede mo na 'yong gamitin kung saan pribadong hospital."
"Hoy! Kilos na, magbubukas na tayo nang ilang minuto!"
Iyon ang narinig nilang sigaw mul sa malayo kaya alerto silang kumilos.
"Mamaya mag-usap tayo," pahabol ni Boligs.
"Sige, salamat."
Sandali pang natigilan si Arianne, nabuhayan siya ng loob. Kahit isagad pa ng nagpapautang na 'yon ang tubo ay papatusin niya para sa buhay ng kapatid.