Awtomatikong tumayo mula sa pagkakaupo si Glenn sa nakahintong motor nang huminto ang isang jeep. Binaba roon si Arianne, sandali itong natigilan.
"Arianne," Lapit ng binata.
Naging malungkot naman ang mukha lalo na ang mga mata ng dalaga. Pinanood na lang kung paano maglakad palapit sa kaniya si Glenn.
"Sorry," mapagkumbabang sambit nito habang nahihiyang sinalubong ang tingin niya.
Habang pinagmamasdan niya ang mukha nito ay kahit papaano nabawasan ang mga iniisip niya sa buhay. Ngiting malungkot ang ginanti niya sa binata, at lumapit.
"Glenn," Yumakap siya rito na agad naman tinanggap, at ginantihan nito ng mas mahigpit na yapos.
"Saan ka galing?"
Napalinga si Arianne nang umupo, pagkaraan tumabi sa kaniya ang nobyo. Nakangiti nitong hinihintay ang isasagot niya. Kasalukyan silang nasa ilog kung saan madalas silang magpalipas ng oras noong mga estudyante, at kahit ngayon na may edad na sila.
"Nagpunta ako sa bahay ninyo. Naabutan ko roon sina Aaron, ang sabi nila, maaga ka raw umalis."
Iniwasan niya ang mga mata nito, at minabuting ituon na lamang sa ilog. Nagdadalawang-isip siya kung sasabihin ba rito ang tungkol sa bago niyang trabaho.
"Trabaho?" untag naman ni Glenn nang mapansing ang pag-iwas ng nobya.
"H-ha?"
"Oo," mahina, at paubo na sagot ni Arianne.
Napatango nang marahan, at sunod-sunod ang binata. Pinagmamasdan niya ang nakabaling na mukha ng dalaga.
Sana mali siya ng kutob o iniisip sa trabaho nito.
"Trabaho. Ano namang trabaho, puwedeng malaman?" sinikap niyang hindi maghimig galit iyon.
"Puwede ba na huwag ko na lang sabihin sa iyo?" seryosong balik-tanong naman nito sa kaniya.
Nagsalubong ang mga kilay ni Glenn. Habang magkaharap ang mukha nila ni Arianne.
"Baka kasi pag-awayan na naman natin."
"Arianne, hindi natin pag-aawayan ang trabaho mo kung alam kong maayos ka ro'n," mahinahon niyang katwiran.
"Magiging maayos ako roon," salansala agad nito bago muling tinapunan nang tingin ang ilog.
"Kung gano'n, anyong trabaho 'yon?" patuloy niya.
Hindi naman nakakibo si Arianne. Sigurado siyang sa oras na malaman ng nobyo na nasa casino ang trabaho niya ay malalagot siya rito.
"Hindi naman bar, 'di ba?" paninigurado ni Glenn.
"Hindi."
"Okay, e ano?"
Pumikit siya, at nagpuno ng lakas ng loob. Bago matapang na humarap dito. Tinitigan niya tuwid sa mga mata ang nobyo.
"Sa Casino."
"Casino?" ulit nito habang hindi maipinta ang imahe.
Tumango si Arianne, at pilit na tumango.
"Janitress ako roon, Glenn."
"Wala bang ibang lugar na puwede ka magtrabaho?" tanong nito habang nakakunot ang noo.
"Hindi ako nakatapos ng kolehiyo. Tingin mo may karapatan akong mamili ng trabaho?" katwiran niya.
Pinutol ni Glenn ang pakikipagtitigan sa dalaga. Bumaling ito sa ilog habang taas-baba ang dibdib.
"Magiging maayos ako roon, kung iyon ang inaalala mo. Walang mga bastos sa lugar na iyon."
"Paano ka nakakasigurado?" matabang na tugon sa kaniya ng nobyo na pumulot pa ng maliit na bato nang yumuko.
Hindi sumagot ang dalaga. Naging tahimik ang pagitan nila. Parang kanina nagiging maayos na sila, ngayon ay nagkakasagutan na naman.
"Ikaw ba? May nahanap ka ng trabaho?" tanong ni Arianne.
Isang anak lang si Glenn ng ina nitong nagtatrabaho sa isang nightclub. Hindi rin maayos ang mag-ina. Nasanay ang binata na mag-isa sa buhay. Kung anu-anong raket ang pinapasok nito dahil hindi nakatapos ng college dahil sa mas piniling kumanta sa banda.
"May gig kami mamayang gabi," napipilitang nitong sagot.
"Hindi na kayo pinabalik ni Madam p***y sa bar niya?" tanong niya.
Noong nakaraang gabi ay na ikinuwento nito ang pag-aaway sa pagitan ng gitarista nila, at ang isang customer ng bar. Dahil doon ay tinanggal ang banda nila para mag-perform.
"Hindi na."
Napahinga nang malalim si Arianne. Alam niyang iyon ang kinukuhaan ni Glenn ng pinansyal.
"Makaaahon din tayo, Glenn."
Tinapik niya ito sa balikat. Luminga ito sa kaniya, gumuhit ang malungkot sa labi ng dalaga.
"Talaga, naniniwala ka roon?" mapait na tanong nito.
Natigilan siya.
Ilang taon na ba siyang nangarap na makaahon sa kung nasaan man siyang lusak, kung nasaan man sila pareho?
Matagal na panahon na. Parang kahit gawin nilang araw ang gabi ay walang nangyayari.
Pahirap pa nga nang pahirap ang buhay para sa kanila.
"Iyon na lang ang puwede nating gawin, ang manatiling maniwala kahit imposible. Malay mo, bukas mayaman na tayo."
Natawa si Glenn pagkaraan inakbayan ang nobya. Dumantay naman si Arianne sa binata.
"Malay mo, bukas marami na tayong pera. Iyong tipong hindi na tayo pareho magtitiyaga sa mga taong pinagtatrabauhan natin."
Tumango-tango siya habang nakikinig sa pinapangarap ng babaeng mahal.
"Maipapatayo ko ng komportableng bahay sina Nanay at sila Aaron. Madadala ko si Aaron sa magandang hospital, magagaling na doktor ang magtitingin sa kaniya."
"Ikaw naman, patitigilin mo na ang Mama mo sa pagtatrabaho sa bar. Bibigyan mo siya ng buhay na pinapangarap niya."
Napangiti si Glenn. Iyon naman talaga ang gusto niya. Kahit na madalas silang mag-away mag-ina dahil sa patuloy nitong pagtatrabaho sa night club na iyon. Ang gusto niya ay nasa bahay na lang ito, at mapunan ang lahat ng gusto ng ina.
"Pagkatapos, magpapakasal tayo."
Natigilan siya sa sinabi ni Arianne. Bumaba ang tingin niya mula sa pagkatingala sa langit. Napakurap siya nang makita ang pagkaseryoso ng nobya sa pangarap na iyon.
"Titira tayo sa iisang bahay kasama iyong magiging anak natin," naiiyak na pahayag ni Arianne.
"Arianne."
Marahang kumalas si Glenn sa pagkakabay sa kaniya. Humarap siya rito, parehong malungkot ang kanilang mga anyo.
Pinunasan nito ang luhang kumawala na nang tuluyan sa kaniyang mga mata.
"Kung mayaman lang ako, tinupad ko na sana ang lahat ng pangarap mo. Ang kaso, iyong pakasalan ka at ang magkaanak lang ang kaya ko."
Hinawakan ng dalaga ang palad ng nobyo na nasa kaniyang pisngi.
"Sabay tayong aahon, Glenn. Para sa mga pamilya natin, para sa pagmamahalan na mayroon tayo."
"Ikaw lang ang mayroon ako sa buhay na 'to. Marami man hirap, alam ko sa dulo. Ikaw ang pahinga ko."
Nakagat ng binata ang ibabang bahagi ng labi para pigilan ang pag-iyak.
"Wala ka man kayamanan, sapat na nandiyan ka. Kasi ikaw ang yaman ko. Wala kang kasing-halaga."
Pinagdikit ni Glenn ang kanilang mukha. Sapo-sapo niya ang magkabilang pisngi habang nagpapakawala nang mabibigat na paghinga.
Noong mga nakaraang araw ay madalas silang hindi nagkaiintindihan. May away na sumusubok sa kanilang relasyon.
Na akala niya magtatapos na roon ang lahat.
Kilala niya si Arianne.
Kilala niya ang puso nito.