Kabanata 3

785 Words
Pagkatapos ng usapan namin kahapon ni Yulin ay siya na mismo ang naghanda ng mga gamit ko. Hindi ko alam kung gusto niya lang talaga ako paalisin o sadyang inaasahan na niya ang ganitong desisyon ko. Nakapagtataka lang. May binigay rin siya sa aking isang papel na nakalagay sa isang magic glass na kung saan ang kaibigan niya lang daw ang makakabasa. Pinaningkitan pa niya ako ng mga mata bago ibigay sa akin ang sulat na para bang sinasabi niya na "huwag mong susubukan na basahin, Rei" na may halong pagbabanta. Natatawa na lang ako kapag naiisip ang reaksyon niya. Sinigurado niya rin na marami na akong potions na dala-dala. Pang ilang taon yata 'tong pinabaon niya sa akin, e’. At para hindi mahalata ng iba ay ginamit niya ang kaniyang abilidad na gawing maliit at magaan ang kahit na anong bagay kaya nagmumukhang laruan na lang tuloy ang potions ko, magagawa ko rin naman itong pabalikin sa dati nitong anyo kapag kailangan ko na itong gamitin. Isang linggo ang itatagal ng potion sa mga mata ko bago ito bumalik sa dati nitong kulay kaya hindi ko na kailangan mag-alala pa. Para rin makasigurado ay nagpatak na ako kanina nito sa mga mata ko. "Mag-iingat ka habang nasa byahe ka, Rei. Huwag kang mag-alala dahil mapagkakatiwalaan sila," nakangiting ani sa akin ni Yulin. Niyakap ko siya sa huling pagkakataon at ginawaran ng isang ngiti bago sumakay sa loob ng flying bus. Hindi ko pinakita kay Yulin na nalulungkot ako dahil tiyak na mas lalo lang siyang malulungkot. Kahit na ganoon ay kasing bigat pa rin ng nararamdaman ko ngayon ang bigat sana ng bag ko, mabuti na lang at pinaliit din ‘yon ni Yulin. Tahimik akong nakatingin sa labas ng bintana at pinanonood ang mga lumilipad na kabayo o unicorn, lumilipad na carpet, at ibang flying bus din na patungo sa kung saan nang biglang may lumapit sa akin. "Saan ang iyong patutunguhan?" tanong sa akin ng assistant ng driver. "Sa North-East po ng kaharian," sagot ko. "Five silver coins," anito. Mabilis ko namang kinuha ang isang bag na puno ng coins at binigay sa kaniya ang kaniyang hinihingi. Matapos kong ibigay ang bayad para sa aking pamasahe ay sumunod naman itong pumunta sa nasa likuran ko. "Saan ang patutunguhan mo, sir?" rinig kong tanong nito sa pasahero rin na nasa likuran ko. "S-Sa North-East din..." nanginginig na sagot nito. Nangunot na lang ang aking noo habang nakatingin sa labas ng bintana nang marinig ang boses nito pero nagkibit-balikat na lang ako at hindi na nakinig pa sa usapan nila. Ilang minutos na ang nakaraan nang hindi ko talaga kaya matiis ang ingay na nasa likuran ko. Mukha kasing walang pambayad itong nasa likuran ko na pasahero rin kaya tuloy dada nang dada ang assistant ng driver. "Ay, hindi ho puwede na wala kayong pambayad!" sigaw pa nito. "Ihulog mo na lang 'yan!" sigaw ng driver. Nangunot ang noo ko nang magsimula nang kaladkarin ng assistant ng driver ang pasahero rin na tulad ko. Hindi ba't ilegal at pinagbabawal ang pagbukas ng pinto ng flying bus habang ito ay lumilipad? Iyon ang pagkakaalam ko na mula sa dati naming pinag-aralan ni Yulin. Doon ko lang napagmasdan ang anyo nitong lalaki raw. Marumi ang buong kabuuan ng katawan at may cloak din na nakabalot sa kaniya ngunit cloak na sako lang ng bigas ang tela nito. Nilibot ko ang buong tingin sa bus at tinignan kung may pipigil ba sa kanila pero wala ni isa ang nakatingin dito na tila ba sanay na sanay sila na mangyari ito. Nang akmang bubuksan na ng driver ang pinto ay mabilis akong tumayo at hinatak pabalik ang pasahero na kinaladkad ng assistant. "Ako na lang ho ang magbabayad," sagot ko at sinampal sa kamay ng assistant ng driver ang five silver coins. Natigil naman ito sa pag-iingay kaya mabilis kong pinatayo ang lalaking pasahero na nasa likuran ko. "Ayos ka lang ba?" nag-aalalang tanong ko rito. Nagtaka ako nang magtama ang mga mata namin dahil tila ba kuminang ang mga mata nito ngunit mabilis din siyang yumuko. Baka namamalikmata lang ako... "Maraming salamat sa iyong kabutihan," anito at siya na mismo ang nagwaksi ng kamay ko sa balikat niya. Naiwan naman akong nakanganga at napailing-iling na lang pagkatapos. Hindi ko inaasahan na ganoon talaga ang magiging reaksyon niya sa akin. Grabe kung makapagwaksi, ha! Parang diring-diri sa kamay ko. Nanlulumo na lang akong bumalik sa upuan ko. At nagpasiya na matulog muna. Nagising na lang ako nang maramdaman na bumaba na ang flying bus na sinasakyan ko. Pagtingin ko sa labas ay napabuntong hininga na lang ako. "Gabi na pala..." bulong ko. Sana ay mahanap ko sila agad...
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD