Kabanata 6

1438 Words
Ngumiti ako sa kaniya at nag-bow. "Glarei," pagpapakilala ko. Nanlaki naman ang kaniyang mga mata at napahawak sa bibig nito. "Rei?! OMG!" sigaw niya. Naguluhan ako nang dali-dali siyang lumapit sa akin at niyakap ako. "Hehe," awkward na tawa ko bago siya yakapin pabalik. Ang duke at ang mga knights ay hindi naman makapaniwalang tumingin sa amin, kahit na ako rin ay ‘di makapaniwala sa wirdong kinikilos ng babaeng ito. "Halika. Mag-usap tayo," aniya. Hindi na ako hinayaan nito na makapagsalita pa at hinila na lang ako. Sumunod naman ang duke sa amin ngunit bago iyon ay tinaas niya ang kaniyang kamay bilang senyas na hindi na kailangan sumunod ng mga knights. Pumasok kami sa isang kuwarto na pagkalawak-lawak at hindi ko na maiwasan na mapanganga dahil sa pagkahanga. "Maupo ka," saad ng duke at tinuro ang sofa na nasa harapan nila. Tumango naman ako at nginitian silang dalawa. "Ikaw ang batang inaalagaan ni Yulin, hindi ba?" nakangiting tanong sa akin ng magandang babae. Nanlaki naman ang aking mga mata at hindi makapaniwalang tumingin sa kaniya. "Ikaw po ba si Calliope?!" Hindi ko na naiwasan kontrolin ang boses ko dahil sa pagkagulat. Mahinhin itong humagikgik habang tumikhim naman ang duke. "Duchess Calliope," pagkokorek naman sa akin ng duke. Mabilis naman akong napayuko dahil sa kahihiyan. "Paumanhin sa aking naging kabastusan, Duchess," paghingi ko ng tawad. Habang nakayuko ay halos mahilo ako dahil sa mga pangyayari na hindi ko naman inasahan. Katulad na lang ng babaeng nasa harapan ko na asawa pala ng duke... Agad akong napaangat ng ulo nang marinig na tinapik ng duchess ang duke. "Dylan, huwag ka ngang maging mahigpit sa kaniya!" suway ng duchess. Napanguso ang duke na agad ko namang kinahagikgik ngunit natigilan ako nang sabay silang tumingin sa akin. Tumikhim ako. "Paumanhin," sabi ko. "Paumanhin din sa aking naging kabastusan, binibini," saad ng duke. Tanging ngiti na lang ang ginawad ko sa kaniya. "Nais ko lang ipakilala ang aming sarili ng maayos sa iyo," aniya pa. "Ako si Dylan Oxyea at ang asawa ko naman ay si Calliope Oxyea. Kami ay ang duke at duchess sa palasyo ng North-East." Nag-bow naman ako sa kanila bilang pagrespeto ulit at umupo. Bumuntong hininga na lang ako at awkward na ngumiti sa kanila pagkatapos. "Base sa reaksyon mo ay mukhang hindi sinabi sa iyo ni Yulin kung sino talaga kami," malambing na wika ng duchess. "Ganoon na nga po," sagot ko naman. "Ay! Bago ko pa makalimutan, may pinabibigay po siya sa inyo," pahabol ko. Nilabas ko ang parang laruan kong bag at pinalaki ito. Nang buksan ay bumungad doon ang magic glass na may lamang papel. Agad ko iyong binigay sa duchess. Agad na nagliwanag ang magic glass nang hawakan ng duchess ito at doon na lumitaw ang papel na naglalaman ng sulat. Tahimik lang siyang nagbabasa habang ako ay nakatingin lang sa kanila. Ang duke naman ay nakapikit at mukhang pinakikiramdaman ang paligid. Nang matapos na sa pagbabasa siya ay agad niya iyong sinunog sa mismong kamay niya. Nanlaki na lang ang aking mga mata dahil sa gulat at pagkamangha. "Fire mage...?" bulong ko. Napahagikgik naman ang duchess bago seryosong tumingin sa akin na kinalunok ko ng laway ng ilang beses. "Mukhang nakapagdesisyon ka na, Rei," sabi niya. "Ang manor ng Oxyea ay laging bukas para sa iyo. Maaari kang pumasok at lumabas kahit anong oras kung gugustuhin mo. Nasa sa iyo na kung anong daan ang tatahakin mo." Napalunok naman ako ng ilang beses. "Gusto ko po maging isang knight na poprotektahan ang royal families." Mabilis na napamulat ng mata ang duke at agad na nagtama ang paningin namin. "Tatanungin kita ng seryoso, Rei. Huling tanong ko na rin ito tungkol sa kagustuhan mo..." bulong pa ng duchess. "Seryoso ka ba sa sinabi mo?" tanong ng duchess habang nag-aalab ang mga mata. Walang alinlangan akong tumango at sumagot bilang pagsang-ayon. Bumuntong hininga ang duchess at napasandal sa sofa. "Sabi ko na nga ba... tiyak na nakita na niya ang hinaharap ng batang ito kaya kami ang nilapitan niya." Napatagilid ako ng ulo dahil hindi ko narinig nang maayos ang sinabi ng duchess. Naging mahina kasi ang boses niya. "Siguro naman ay pinaliwanag na sa iyo ni Yulin ang mangyayari," saad nito. Tumango naman ako. "Opo. Sabi niya ay kailangan niyo akong ampunin dahil kailangan iyon bago ako pumasok sa akademiya." "Tama! Ngunit bibigyan kita ng pagpipilian. Ano ang gusto mo?" tanong niya. "Ampunin ka namin bilang anak, magpanggap na ikaw ay malayo naming kamag-anak at dalhin ang apilyido namin, o puwede mo namang sabihin sa iba na pamangkin ka namin ng walang ginagawang kahit anong proseso sa pangalan mo. Kung saan ka komportable, iyon ang piliin mo." Napalunok ako ng ilang beses kahit na wala naman akong nginunguya. Nakakakaba marinig ang seryoso niyang boses ngunit kahit na ganoon ay panatag ako dahil binibigyan nila ako ng pagpipilian at sinisiguro na ako'y komportable. "Sa pag-ampon po. Iyon kasi ang mas legal na paraan para sa lahat," sagot ko. "Sigurado ka ba riyan?" tanong ng duchess. "Alam mo naman siguro na kapag inampon ka namin ay maraming mauusisa patungkol sa iyong nakaraan, hindi ba?" ani duke. Tumango naman ako. "Ayos lang po ‘yon sa akin at saka alam ko rin naman po kung paano magsinungaling para sa kaligtasan ni Yulin." Pareho silang napahagikgik. "O’ siya, sige. Kung ‘yan ang gusto mo, aasikasuhin na mamaya ang mga papeles," wika ng duchess. "Papalabasin namin na isa ka sa mga nasa bahay-ampunan na aming pinopondohan para hindi na sila magtaka kung saan ka nanggaling," wika ng duke. "Maraming salamat po," saad ko. "Nga pala. Maiba tayo ng topik," saad ng duke. Nangunot naman ang noo ng duchess. "Ano ‘yon?" "Tungkol sa tanong mo kanina, binibini... oo, may dala kami na mahiwagang bagay," sagot ng duke. "Maaari ko ba ‘yong makita?" tanong ko. "Ano ba ang inyong pinag-uusapan?" nagtatakang tanong ng duchess. "May umatake kasi kaninang batang wyvern habang papunta kami sa shortcut papuntang manor," anito. "Ha?! Paano—imposible!" gulat na sigaw nito. "Ayos lang ba kayo?" tanong niya sa amin. Dahan-dahan naman kaming tumango. "Ang mahiwagang bagay ba na gusto mong makita ay itong artifact diamond na maaaring maging shield?" tanong sa akin ng duchess at pinakita ito. Nanlaki ang aking mga mata at napapitik dahil tama ang aking hinala. "Sabi ko na nga ba, e’!" sigaw ko. Nang bumalik sa ulirat ay mabilis akong tumikhim at humingi ng paumanhin sa naging kilos. "Bakit? Anong mayroon dito?" tanong ng duke. "Sabi sa akin ni Yulin na ang mga batang wyvern ay madaling ma-attract sa mga kumikinang na bagay," paliwanag ko. "Kaya naman pala..." bulong nito. "Pasensya na po sa dami ng katanungan ngunit nilabas mo ba ito kanina habang nasa gubat tayo?" tanong ko. Hindi nagdalawang isip na tumango ang duke kaya napatango-tango na lang ako. "Pinatay niyo ba ang wyvern?" seryosong tanong ng duchess. "Hindi—" "Bakit?! Maaaring maghasik ng lagim iyon kapag lumakas pa siya!" sigaw ng duchess. Habang sinusubukan pakalmahin ng duke ang asawa ay tahimik lang akong nakamasid sa kanila. Ganito pala... ganito pala ang tingin nila sa mga wyvern. Panganib para sa lahat ang tingin nila rito ngunit hindi nila alam na isa lang din itong nilalang na kailangan mabuhay sa ginagalawan naming mundo. "Duchess Calliope," tawag ko sa kaniya. Mabilis siyang napatitig sa akin at dahan-dahan na kumalma. "Hindi pagpatay ang kasagutan sa mga wyvern. Nilalang din sila na nabubuhay sa mundo natin. Panganib? Panganib nga ba sila?" ani ko. Bumuntong hininga ako. "Nakita naman siguro ng duke kung paano ako gumawa ng barrier sa aming dalawa ng wyvern at napakalma ko ito." "Papaano?" tanong nilang dalawa. "Nagiging agresibo sila kapag nararamdaman ang mana presence ng bawat nilalang. Iyon ang dahilan kung bakit sila umaatake," paliwanag ko. Agad naman na napahawak sa baba ang duke. "Papaanong wala man lang nagsabi sa atin patungkol diyan?" "Maaaring walang nakakaalam noon, dahil ang unang sumasagi sa isipan ng bawat isa ay ang pagpatay sa tuwing naririnig ang salitang ‘wyvern’," sabi ko at bumuntong hininga. "‘Tsaka, kung walang magsasabi na iba, ikaw na mismo ang kumilos at magmasid. Hindi na natin kailangan hintayin ang iba para bigyan tayo ng kaalaman kung kaya naman natin hanapin ito. Ika nga nila, finding and learning are more fun than listening and learning." Napangisi ang duke. "Bilang isang knight, sobra mo akong napahanga sa naging kilos mo kanina." "Knight?" tanong ko. Akala ko ay isa lang siyang ordinaryong mage na marunong humawak ng espada. Hindi na kataka-taka kung bakit bigla na lang tumahimik ang buong bayan nang dumating siya kanina...
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD