13

929 Words
NATULALA si Julianne. Hindi niya alam kung hindi na niya kayang kontrolin ang pag-iyak o napaiyak lang siyang talaga nang agad siyang yakapin ni Tim. “Calm down, honey,” alo nito sa kanya. “Ate, nasa itaas pa si Auntie. Iyong isang tenant lang ang nandoon. Hindi ko alam ang gagawin ko, eh. Buti na lang dumating ka na.” Sukat sa narinig ay pinayapa niya ang sarili. Bagaman tila hindi pa maampat ang luha niya ay kumilos na siya para puntahan ang matanda. Pero napaiyak pa siya nang makita ito. Nakaupo ito sa tumba-tumba. Magkasalikop pa ang kamay at tila mariin ang pagkakalapat ng mga labi. Sa tapat nito ay ang puting gown na tinahi niya para dito. Nasa mesita naman ang ternong lahas na perlas. “Auntie,” may bahagyang kinig ang boses na sabi niya. “Julianne,” salubong sa kanya ng tenant na may-edad na. “Mabuti at dumating ka na. Hindi ko alam kung sino ang dapat tawagan sa nangyari kay Auntie. Ikaw ang malapit sa kanya, di ba?” Napatango lang siya at nilapitan ang katawan ng matanda. Hindi siya nangiming hawakan ito. At lalo siyang napaiyak nang matuklasang malambot pa ito at mainit-init pa. “Na-shock nga ako, Ate,” sabi ni Lea na kasunod din niya. “Magkasabay pa kaming nag-lunch kanina. Aakyat lang daw siya dito para mamahinga. Bibili lang ako ng meryenda at naisipan ko siyang tanungin baka magpapabili rin pero tawag ako nang tawag, walang sumasagot. Kinabahan na ko. Tapos nakita ko nga, ganyan na si Auntie, hindi na kumikilos.” “Baka inatake,” anang tenant. “Wala namang sakit si Auntie,” depensa niya. “Kahit na. Nakita ko siya kahapon diyan sa may pintuan ng bahay niya, galit na galit doon sa babaeng kausap.” Nagtatanong ang mga mata na tiningnan niya si Lea. Tumango naman ito. “Pinuntahan siya nu’ng Cynthia. Hindi ko naman nakita iyong babaeng iyon. Basta kinukuwento lang sa akin ni Auntie nung magpunta sa shop. Hinihingan daw siya ng malaking pera. Kahapon ko nga lang nakitang nagalit nang husto si Auntie. Kahit nagkukuwento lang siya sa akin, galit na galit pa rin ang itsura.” “Alam mo naman ang mga may-edad na,” sabad ng tenant. “Baka sa sobrang galit ay bigla na lang inatake. Mayroon naman talagang ikinamamatay agad iyong unang atake. Siguro, kinikimkim pa rin niya ang sama ng loob hanggang ngayon kaya ayan, hindi na nakayanan.” Malungkot siyang tinitigan na lamang ang matanda. “Lea, tawagan mo si Atty. Maclang. Iyon ang alam kong abogado ni Auntie.” Pinakialaman na niya ang gamit ng matanda para makita kung saan maaaring makontak ang nasabing abogado. Madali naman niya iyong nakita at ipinasa kay Lea. Napahagulgol siya ng iyak nang abutin niya sa pinagsasabitan ang puting gown. Inilatag niya iyon sa kama at inihanda ang iba pang gagamitin na pamburol nito. “Mukhang pinaghandaan na rin ni Auntie ang kamatayan niya,” komento ng tenant. NAPAGPASYAHAN nila ng abogado na ipa-autopsy ang bangkay ni Auntie Mildred para matiyak na walang foul play sa pagkamatay nito. Lumabas sa eksaminasyon na fatal nga ang unang atake nito na gaya ng hinala nila. Magkatulong sila ni Atty. Maclang sa pag-aasikaso ng burol nito. Ipinadiyaryo rin nila ang pagkamatay nito para baka-sakali ay mayroon pa itong mga kamag-anak. pero kahit ang sinasabi nito Cynthia ay hindi dumating sa limang araw na burol nito. “Dalawa kaming abogado ni Miss Sunico, Julianne,” sabi sa kanya ni Atty. Maclang pagkalibing ni Auntie Mildred. “Tinawagan ko na si Atty. Romero kaya lang ay nasa abroad siya ngayon at sa isang araw pa ang balik niya. Nalulungkot nga rin siya na namatay na ang matanda.” “Paano kaya ang apartment?” aniya. Natural na mag-alala siya dahil kung ganitong wala na si Auntie Mildred, hindi rin niya alam kung saan sila nakatayo ngayon bilang tenant nito. “Pipilitin daw ni Atty. Romero na makabalik nang mas maaga. Siguro, sa kanya ninyo na malalaman ang tungkol diyan.” Napatango na lang siya. Nagpaalam na sa kanya ang abogado at sila na lamang ni Tim ang naghintay na matapos ang pagsasara ng nitso ni Auntie Mildred. Kung tutuusin ay wala namang problemang iniwan ang matanda sa pagkamatay nito. Ultimo lpara paglilibingan nito ay matagal na nitong naasikaso noong buhay pa ito. “Halika na,” aya sa kanya ni Tim pagkatapos ng mahabang sandali. Magkahawak ang mga kamay na tinungo nila ang kinapaparadahan ng kotse ni Tim. Sa buong paglalakad nila ay walang kumikibo sa kanila. Nang isakay siya ng binata sa kotse ay napaluha na naman siya. “Honey,” concerned na wika nito sa kanya. Mabilis niyang pinahid ang luha. “Pasensya ka na. Nalulungkot lang talaga ako ngayon na wala na si Auntie. Hindi ko naman siya kamag-anak pero napamahal na rin ako sa kanya.” “I understand,” anito at niyakap siya. Nakagaan ng pakiramdam niya ang pagyakap sa kanya ni Tim. Mayamaya ay siya na rin ang kumalas dito. Isang buntong-hininga ang ginawa niya at sinapo ng magkabilang palad ang mga pisngi nito. “Ilang araw na rin kitang hindi naasikaso,” mahinang wika niya dito. “Okay lang. Alam ko naman kung bakit, eh. Kaya lang na-miss kita,” sagot nito. “Sorry.” “It’s all right.” Kinuha nito ang mga kamay niya at hinalikan ang mga iyon. “Tell you what? Mag-overnight tayo sa hotel. Para mawala ang stress mo. Ilang araw ka na ring puyat.” Napangiti siya. “Sige.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD