10

1004 Words
“MAGANDA ang aura mo nitong mga huling araw, Julianne. In love ka?” tanong sa kanya ni Auntie Mildred. Matamis ang naging ngiti niya. “Yes, Auntie. Kay Tim.” At bago pa muling magsalita ang matanda ay siya na ang nagkusang magkuwento dito. “Sa palagay ko ay tama naman siya. Bakit nga ba magpapakipot pa ako? Ngayon, mas nakakakilos kami ng natural sa isa’t isa.” “At mahal mo na nga siya?” Tumango siya. “I knew it when he kissed me, Auntie,” tila teenager na kinikilig pang amin niya. “I’m happy for you, hija.” Natigilan siya. “Thanks, Auntie. Pero bakit parang malungkot kayo? May problema ba?” “Si Cynthia. Ilang beses na akong tinatawagan nitong huling mga araw. Ibigay ko na raw ang mamanahin niya.” Naglapat ang mga labi niya. Bagaman hindi niya personal na kilala ang babae, may animosity na siya dito. Nakikita niya kasi sa matanda na basta ang babae ang paksa ay lumulungkot ito. “Mabibigo siya sa gusto niyang mangyari,” wika uli ni Auntie Mildred. “Labis pa sa sapat ang mga pera at kabuhayang ipinagkatiwala ko sa kanya noon. Wala na siyang dapat na pag-interesan ngayon.” “Auntie, hindi naman ho sa nakikialam ako. Pero kung si Cynthia ang last living relative ninyo, hindi ba’t sa batas ay may karapatan siya sa assets ninyo?” “Mayroon nga. Pero paghihirapan muna niyang habulin ang mana. Iyon ay kung magtatagumpay siya.” Napatango na lang siya. Naguguluhan man ay hindi na siya nagtanong pa. “Kaunti na lang ang araw ko dito sa mundo, hindi pa rin nagbabago ang babaeng iyon,” bakas ang hinagpis sa tinig nito. “Maano bang kahit pakitang-tao ay ipadama sa akin ang pagtanaw niya ng utang na loob. Pero ang likas pa rin ang umiiral sa kanya. Mukha pa ring pera.” “Auntie, huwag mo nang isipin iyon. Sige ka, magkaka-wrinkles ka niyan,” pabirong sabi niya dito. “Noon pa ay nangulubot na ang balat ko, Juli. Mabalik tayo diyan kay Tim. Napag-uusapan ninyo na ba ang tungkol sa kasal?” “Naku, Auntie! Mahigit pa lang kaming isang linggo,” natatawang sabi niya. “Parang nakakahiya naman kung ako ang unang magbubukas ng paksa tungkol doon.” “Bakit naman nakakahiya kung doon din ang punta ninyo? Hindi ako naniniwala sa long engagement. Ang gumagawa niyan ay yaong mga taong hindi pa ganap na sigurado sa kanilang sarili. Kung nakatitiyak kayong nagmamahalan kayo, magpakasal na kayo. Pareho naman kayong nasa edad na.” “Hayaan mo, Auntie, kapag inaya ako ni Tim na magpakasal ay hindi na ako tatanggi pa. At kayo ang unang makakaalam,” pangako niya dito. “Harinawang buhay pa ako sa araw na iyon.” “Auntie, ayan ka na naman,” saway niya at sinadya ang pagsimangot dito. “HOW’S YOUR day, honey?” malambing na bati sa kanya ni Tim nang dumating ito sa kanyang shop. Isang malaking flower arrangement ang ibinaba nito sa kanyang mesa at agad na yumakap sa kanya. “I missed you.” Umungol siya kunwa pero matamis naman ang ngiting nakaguhit sa mga labi. “Miss ka diyan. Kanina lang umaga, galing ka dito at sabay tayong nag-breakfast.” “I really missed you,” ulit nito. “Gusto ko na nang mag-apply na assistant mo dito para palagi kitang nakikita, eh.” “He-he!” ngisi niya dito. “O kaya naman, sa Style ka na lang mag-opisina. Ipapa-renovate ko ang office ko para maging office mo rin iyon.” Iniarko niya ang kilay. “Naloloko ka na ba? Doon ka na nakatira, di ba?” Ilang araw na rin buhat nang mag-check out sa hotel si Tim. Dahil maayos naman ang office nito sa Style ay doon ito pansamantalang titira habang naghahanap pa ng condo unit na talagang titirhan. “Di, dalawa na tayong doon titira,” nakangising sagot nito. “Loko!” malambing na sabi niya “Wala pa akong kiss for today, honey,” anito at humigpit ang yakap sa kanya. Lalo na siyang napangiti. Mabilis siyang pumihit paharap dito at iniyakap pa ang mga braso bago inilapat ang mga labi dito. She nipped his lower lip at kumilos na rin para dumistansya pero hinabol ni Tim ang halik niya dahilan para mas tumagal pa iyon. Napapikit siya. Sa pagdaan ng mga araw ay parang lalo pang sumasarap ang bawat halik na pagsaluhan nila. “Tama na. Baka makita tayo ng staff ko,” aniya at kinuha ang dala nitong bulaklak. “Hindi pa nalalanta iyong huling binigay mo sa akin, may bulaklak ka na namang dala.” “Ibig sabihin niyan, hindi ko hahayaang malanta ang pag-ibig ko sa iyo.” Natawa siya. “Ang corny mo, Timoteo!” “It’s Timothy, my honey.” “Whatever,” aniya at itinirik ang mga mata. “Ang mahal nito,” tukoy niya sa bulaklak. “And so? Mahal ko rin naman ang pagbibigyan ko.” Napatitig siya dito. Sa nakalipas na mga araw ay bukambibig ni Tim ang salitang iyon. Bagaman nagbibigay iyon ng kaligayahan sa puso niya ay ayaw niya munang lubos na maniwala. Mahal na niya si Tim, sa sarili niya ay sigurado siya sa bagay na iyon. Kung aasa siya na mahal na rin siya ng lalaki ay baka masaktan lang siya kaya naman depensa niya sa sarili na huwag munang isiping mahal na rin nga siya nito. Pero sa pagkakataong iyon ay halata ang pagiging seryoso ng tinig nito. “I love you, Julianne. This time, mas sigurado ako sa nararamdaman ko sa iyo.” “Tim,” sambit niya. Sa labis na kaligayahang umapaw sa dibdib niya, yumakap na lang siya dito. “I know, honey, hindi ka pa masyadong secured sa relasyon natin. But I’m going to do things that will make you feel how much I love you.” Sa kabila ng kaligayahang nararamdaman niya, sa palagay niya ay dumoble pa iyon dahil sa narinig.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD