Special Chapter: In His Shoes (part 1)

2584 Words
"Aglawin, maaari ka nang lumabas" anang tinig ng isang LiGwardiya at binuksan ang rehas na bakal ng kulungang kinalalagyan ko. Hindi ko siya pinansin at ipinagpatuloy na lang ang paglalaro sa bilog na bato sa napulot ko kanina lang. "Aglawin, tapos na ang sentensiya mo. Maaari ka ng lumabas" ulit ng LiGwardiya. Hindi ako umimik. Ni hindi ako gumalaw. Wala rin namang silbi kung lalabas pa ako rito. Ano namang dadatnan ko sa labas? Wala na rin naman siya. Wala na rin akong dahilan pa para lisanin ang malungkot na silid na ito. Hihintayin ko na lang na dito na ako tumanda at mamatay. Nakakatawa. Maaari na pala akong mamatay. Limampung taon na pala ang nakakalipas simula ng parusahan ako ni Ina. Kinuha niya sa'kin ang kapangyarihan ko at ginawa akong mortal at ikinulong ako sa isang madilim at parisukat na silid. Noong panahon ding 'yon, kinuha niya sa'kin... ang lahat. "Lalabas ka ba o hindi?" Malakas ang sigaw ng LiGwardiya at dumagundong sa loob ng selda. Pero hindi pa rin ako kumibo. Mas mabuti na rin ang isara niya lang ang pintuan dahil wala na rin naman akong planong lumabas. "Umalis ka riyan!" Narinig ko ang boses ng isang babae. "Paumanhin Prinsesa Lalahon" sagot ng LiGwardiya. Narinig ko ang mabilis na pagkaripas nito sa pagtakbo palayo. Naglakad si Lalahon, ang nakakatatanda kong kapatid sa loob ng selda. Papalapit na sa akin ang mga yabag ng paa niya ngunit pinili kong manatili sa kinalalagyan ko. "Tumayo ka na riyan" mariin niyang sabi sa akin. Bumuntong hininga siya ng walang makuhang tugon mula sa akin. Umupo siya sa harapan ko. "Aglawin, habang buhay mo na ba talagang gustong manatili rito? Malaya ka na! Ayusin mo ang buhay mo!" "Umalis ka na" mahina kong sagot. Muli siyang humugot ng malalim na hininga bago nagsalita. "Kung kinakailangan kitang kaladkarin palabas rito ay gagawin ko. Tigilan mo na pagmumukmok mo sa mga bagay na wala ka ng magagawa. Tingnan mo nga ang sarili mo? Nakakaawa ka. Tumayo ka na riyan"  "Kung pumunta ka rito para sermonan lang ako ang mabuti pa ay umalis ka na" wika ko ng hindi siya tinitingnan. "Hindi ito ang panahon para maging mahina ka Aglawin. Makinig ka naman sa akin kahit ngayon lang! Ayusin mo ang sarili mo! Ayusin mo ang buhay mo! Hindi pa huli ang lahat para sa'yo" Tinitigan ko na lang ang hawak kong bato at hindi na siya kinausap. "Huwag mong hayaang lamonin ka ng emosyon Aglawin. Matagal na panahon mo ng ikinulong ang sarili mo dahil diyan. Hihintayin kita sa labas" Iyon ang huli niyang sinabi bago nilisan ang selda. Matagal tagal din akong nakatitig sa kawalan. Limampung taon. Kung tutuosin matagal na nga akong nandirito at hanggang ngayon ay nilalamon pa rin ako ng sakit at lungkot dahil sa pagkawala ni Ariella. Namatay siya dahil sa akin at hanggang ngayon dala-dala ko pa rin ang sakit at pangungulila. Pero hanggang kailan ako magiging ganito? Hanggang kailan ko dapat tiisin ang sakit? Tama si Lalahon, kailangan kong ayusin ang buhay ko. Tumayo ako at lumabas sa seldang bakal. Dahan-dahan akong naglakad palabas ng kulungan. Mabilis kong narating ang dulo niyon kung saan nakatayo si Lalahon. Tiningnan niya lang ako at tinanguhan. Hindi naman kasi siya palangiti at kadalasa'y matalim ang tingin ng mga mata. Siya iyong tipo ng diyosa na hindi mo pwedeng biroin at baka maging abo ka na lang bigla. Madalas siyang kasama ni ina kaya madalas din kaming hindi nagkikita simula pa noong mga bata kami. Pinagbawalan din silang lahat na kausapin o bisitahin ako habang nakakulong ako. Sinenyasan niya akong sumunod sa kanya. Naglakad kami hanggang sa narating namin ang dati kong silid. "Magbihis ka at ayusin mo ang pagmumukha mo" mataray niyang sambit. "Babalikan kita mamaya" Binuksan ko ang silid ng makaalis si Lalahon. Kagaya pa rin ito ng silid na natatandaan ko. Halos puro puti at asul ang mga kasangkapan sa loob. Nakita ko ang sarili ko sa salamin. Tama nga si Lalahon. Nakakaawa ang hitsura ko at halos hindi ko na nakilala. Mahaba at gulong-gulo ang marumi kong buhok. Makapal na rin ang bigote ko sa maputla kong mukha. Malalim ang mga mata ko at walang kislap sa mga ito.  Napakarumi din ng damit ko. Nakakapagtaka lang na hindi ako tumanda at nangulubot sa limampung taong   nakakulong ako kahit mortal na ako ngayon. Matagal kong tinitigan ang sarili sa salamin bago kinuha ko ang gunting mula sa lamesa. Handa na ba akong ayusin ang lahat sa buhay ko? Kaya ko bang magpatuloy? ***** "Aglawin!" Sigaw ni Dalikamata ng makita ako. Kakalabas ko lang kwarto at nadatnan sila ni Lalahon sa labas ng mismong pintuan. Agad niya akong niyakap. "Ang tagal tagal na kitang gustong makita" mangiyak-ngiyak niyang sambit at hinigpitan ang yakap sa akin. Niyakap ko siya pabalik. Na-miss ko rin kasi siya. Sa lahat ng mga kapatid ko, siya lang ang naging kasundo ko simula pa noon. "Mabuti naman at naging maayos na 'yang pagmumukha mo" puna ni Lalahon at may ibinigay na bote sa akin. "Ano 'to ? " "Ang kapangyarihan mo. Ipinapabigay ni ina. Nawa'y ang kaparusahan mo ay magsilbing aral sa'yo at kailanma'y hindi ka na magkaroon ng kahit anong kaugnayan sa mga mortal" ***** "Ano na ang plano mo?" Tanong sa akin  ni Dalikamata habang naglalakad kami sa labas ng palasyo. "Imortal kana ulit. Naibalik na sa'yo ang kapangyarihan mo. Makikipag-usap ka na ba kay ina?" Tiningnan ko ang kamay ko. Lumiliwanag na ito gaya ng dati. "Hindi ko alam. Basta hindi ako mananatili rito. Aalis na muna siguro ako" sagot ko. "Saan ka naman pupunta?" "Hindi ko pa alam. Basta sa malayo. Sa lugar na malayo kay ina." Kinuha ko ang isang rosas na nadaanan namin sa may hardin at ibinigay sa kapatid ko. Natuwa naman siya. Nakita kong naglalakad si Sarayan palapit sa amin. Nang magtama ang mga mata namin, lumihis siya ng landas. Hindi ko na lang siya pinansin. "Natutuwa ako at maayos na ang lahat Aglawin. Pero ikinalulungkot ko at muli ka na namang lilisan" "Hahanapin ko si ama. Pero bago ko gawin iyon, may pupuntahan muna ako" ***** Agad akong napapikit ng maramdaman ang matinding liwanag ng araw. Sa loob ng limampung taon, ngayon ko pa lang muli naramdaman ang init na dulot nito. Naglakad ako sa buhanginan habang nakatitig sa dagat. Pupuntahan ko sana ang dating tagpuan namin ni Ariella pero parang sa bawat hakbang ko papunta doon ay nanghihina ang katawan ko. Masakit pa rin  para sa akin ang nangyari sa kanya. Kaya sa ibang direksiyon ko na lang itinoon ang  lakad ko. Hindi dapat ako naririto sa mundo ng mortal pero pakiramdam ko kasi kapag nandito ako, mas malaya ako. Mas maluwag sa dibdib ko. Hindi ko na namalayan kung saan na ako napunta. Medyo nag-iba na rin kasi ang lugar dahil ilang dekada din akong hindi nakatapak dito. Nakita ko ang isang batang tumatakbo palapit sa dagat. Nakasuot ito ng dilaw na bestida. Maputi ito at maganda. Sa tantiya ko ay nasa lima o apat na taong gulang ito. Nadapa siya sa pagtakbo niya sa buhanginan pero walang nakikita sa kanya sa mga kasama niya dahil abala ang mga ito sa pag-uusap. Agad namang tumayo ang bata na para bang walang nangyari. Pinagpag nito ang damit niya at nakangiting tumakbo ulit. Nakakatuwa naman ang batang ito. Kitang-kita sa mukha niya ang pagiging masiyahin niya at pagiging makulit. "Hello po!" Nabigla ako ng magsalita ang bata. Hindi ko napansin ang paglapit niya. "Hello po!" Ulit niya sa sinabi at ngumiti sa akin. "My name is Allysandra Herrera. I'm 5 years old po, mag si six na ako next month." Pagpapakilala niya sa sarili.  "Kayo po? What's your name po? Dito po ba kayo nakatira? How old are you na po ba? Kasi you look like ate Elsa na eh" Nagpalingon lingon ako sa paligid kung may tao bang malapit sa akin. Pero wala akong nakita at sa akin siya nakatingin. Nakikita niya ako? Imposible. Hindi niya dapat nakikita ang isang kagaya ko. O baka hindi pa rin nawawala ang sumpa ng pagiging mortal ko. Pero imposible naman yata 'yon. Bumalik na ang kapangyarihan ko. "Kuya nagsasalita po ba kayo?" Inosenteng tanong noong batang babae. Natawa ako sa sinabi niya. Talaga ngang makulit ang batang ito. "Ooh naman sagot ko." Hindi pa rin ako makapaniwala na nakikita at nakakausap ako ng isang mortal. Bihira lang kasi sa kanila ang nakikita sa mga diyos ng kalikasan. "Ano pong pangalan niyo?" Hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko sa kanya. Sasabihin ko ba ang totoo kong pangalan? Hindi pwede. Maaaring may hindi magandang dulot iyon kapag nahayag ang tunay kong pagkatao. "Juan Carlos" sagot ko gamit ang pangalang ibinigay ni Ariella sa akin. Hindi ako sigurado sa sinabi ko pero bahala na. Ngayong araw lang naman eh. ***** "Kuya please...pretty please?" Nag-pout si Allysandra sa akin, pinipilit akong makipaglaro sa kanya. Napakamot ako sa ulo. Hindi na dapat ako nakikipaglapit sa mga kagaya niya at baka malaman na naman ni ina at malintikan na naman ako. Tiningnan ko siya. May kakaiba sa batang ito na hindi ko maayawan. Ewan ko ba. Sa huli ay pinagbigyan ko rin siya pero pinangako  ko sa sarili na huling tagpo na namin iyon. Pero hindi ko alam kung anong pumasok sa isip ko ng mangako ako sa kanya. Nilagyan ko siya ng marka sa kamay para madali ko siyang mahanap kasi hindi ko naman alam kung saan siya nakatira. Sinakyan ko na lang siya sa mga gusto niyang gawin. Naging maingat nga lang ako sa mga kilos ko dahil alam kong wala siyang kamalay-malay na hindi ako tao. Hindi rin naman ako maaaring magpakita sa mga magulang niya dahil mas magiging malaking problima 'yon. Ayokong may mapahamak pa dahil sa akin. Kaya nabunotan ako ng tinik ng umalis ang pamilya nila sa lugar na ito. Umasa ako na sana makalimutan niya ako. ***** Umupo ako sa isang malaking bato. Kakagaling ko lang sa paghahanap kay ama pero wala rin akong napala. Tuluyan na rin akong umalis sa Guindara at nanatili na ako sa mundo ng mortal kasama si Dalikamata. Nag-away pa kami ni Lalahon dahil sa desisyon ko pero wala din naman siyang nagawa. Binalaan niya lang ako ulit tungkol sa ugnayan ko sa mga mortal. Hindi naman ako lumapit sa kahit na sino maliban lang doon sa batang nakilala ko noon ilang taon na ang nakakalipas. May ilang bata na rin akong naging kaibigan pero madalang ko lang silang puntahan dahil nga hindi pwedeng malaman ni Ina. Napalingon ako ng babaeng bigla nalang dumating at lumuhod doon sa buhanginan. Umiiyak siya. Lumingon siya sa direksiyon ko at sigurado naman akong hindi niya ako nakita. Ayokong may nakikita akong umiiyak kaya umalis ako. Pabagsak na rin kasi ang ulan. "Sinusundan mo ba ako?" Tanong ko sa kanya. Nagulat pa siya sa tanong ko kahit huli na siya sa akto.  "Ha? Hindi ah!" Pero ang nangyari sinundan niya pa rin ako. Inabotan tuloy kami ng ulan dahil nakipagdebate pa siya. Mabuti na lang at may malapit na kweba rito na madalas gawing bahay-bahayan ng mga batang tagarito. "I'm Ally by the way. Ikaw, ano'ng pangalan mo?" Wala talaga sana akong planong sabihin ang pangalan ko pero mapilit kasi siya kaya sinabi ko na lang. Napansin kong natigilan siya ng marinig ang pangalan ko. "May problima ba?" Tanong ko. Umiling siya. "Wala naman. Parang...parang narinig ko na kasi yang pangalan mo eh, hindi ko lang maalala kong saan" Kahit iyong pangalan niya pamilyar din sa akin. Hindi ko rin matandaan kung kailan at saan ko narinig. Pero sa tinagal-tagal ko sa mundo, maraming pangalan na ang narinig ko kaya hindi na dapat ako magtaka. "So, will I see you again?" Aaminin ko, hindi ko inaasahan ang tanong na 'yon mula sa kanya. "Hindi ko alam. Pero sana hindi na tayo magkita" diretsa kong sagot. Nagulat siya sa sinabi ko. Pero hindi ko na binawi dahil ayokong mapalapit sa kahit na sino kaya mas mabuti na  hindi na kami magkita ulit. ***** "Ano? Paano?" Takot na tanong ni Dalikamata sa akin matapos kung sabihin sa kanya ang naging tagpo namin noong babae sa dalampasigan. "Hindi ko rin alam. Kanina ko pa iniisip kung paano niya ako nakita" wika ko. "Kapag nalaman ito ni ina ay tiyak na kapahamakan ang magiging dulot nito sa'yo at sa babaeng 'yon" alalang sambit niya at naupo sa isang silya. "Hindi na rin naman siguro kami magkikita ulit. Baka nagkataon lang" "Bihira sa isang mortal na bukas ang mga mata sa mga kagaya natin Aglawin" "Alam ko. Pero hindi lang naman ito ngayon nangyari." Naupo na rin ako sa tapat niya. "Ang ibig mo bang sabihin ay ang batang nakita mo na noon sa may dagat?" Naaalala niya pa pala 'yon. Nawala na rin kasi sa isipan ko ang batang 'yon. Nasaan na kaya 'yon? Malaki na siguro 'yon ngayon. Pero hindi ko na siya dapat isipin. Natitiyak ko naman na nasa mabuti na siyang kalagayan. **** Minsan, kung ano 'yong gusto ko, kabaliktarang ang nangyayari. Nagkita na naman kami. O mas tamang sabihin na nakita ko siya. "M-may ahas" bulong niya. May bahid ng panginginig ang boses niya dahil sa malaking ahas na muntik na siyang matuklaw. "Alam ko" tipid kong sagot. Mahigpit ang pagkakayakap niya sa akin kaya medyo hindi ako makahinga. Ng bitawan ko siya, saka ko lang napansin ang markang nasa palapulsuhan niya. Ang markang 'yon... Bumalik lahat sa'kin ang tagpong iyon maraming taon na ang nakakalipas. Hindi ko inakalang magtatagpo muli ang aming landas. Kaya pala nakikita niya ako. Dahil siya 'yon. Ang batang nakilala ko labindalawang taon na ang nakakalipas. Mas lalong hindi kami pwedeng magkita. Nagdesisyon akong umalis pagkatapoa siyang pagsabihan. Pero talagang ubod ng kulit ang babaeng ito. "Uuwi na kami sa Maynila bukas pero hindi ko manlang masusulit ang pag bisita dito sa Samar." Aba't nagpaparinig pa talaga siya ah? **** Hindi ko naman talaga gustong bumalik sa lugar na ito. Pero gaya ng nangyari dati, hindi ko siya maayawan. Hindi ko maipaliwanag kong ano ang mayroon sa kanya at napapa-ooh ako agad. "Wow!" Tuwang-tuwa siya at sumulong na sa tubig. Talaga ngang gustong-gusto niyang maranasan ang ganito. Naalala ko tuloy noong bata pa siya. Ganyan din siya noon kasaya habang naglalaro sa buhanginan. Alam niya kaya kung sino ako? Parang hindi niya naman ako nakikilala. Mas mabuti na rin iyong ganoon. Ayoko ng mapalapit ulit sa kanya. "Thank you ah. Today was a gift and I thank you for that. I never really expected this from a person I barely know. Nature had always been something I've dreamt of embracing. And thanks to you, I've witnessed this piece of paradise. I will never forget this day. You just made one of my wildest dreams come true." Ngumiti siya ng malapad. Simple lang iyong sinabi niya pero natuwa ako. Ewan ko ba. Ilang dekada na rin akong hindi natuwa ng ganito. Pero may pag-aaalinlangan pa rin ako hanggang ngayon. Napatitig na lang ako sa kanya habang malapad siyang nakangiti pero pilit kong ibinaling ang tingin ko sa dagat. Napakaraming masasakit na alaala ang iniwan ko rito. Matagal ko ng iniwasan ang lugar na ito. Hindi ko inakalang sa muli kong pagtapak sa baybaying ito, kasama ko ang isang babaeng magpapasaya sa akin ng ganito. Pero hindi maaari. Hindi ako pwedeng mapalapit sa kanya. Hindi 'yon makakabuti sa aming dalawa. Diyos ako at tao siya... at hindi kami dapat magkaroon ng kahit ano'ng ugnayan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD