CHAPTER 1
THIRD PERSON POV
Dahan-dahang binabagtas ni Dale Natorelva ang madilim na pasilyo sa ikatlong palapag ng apartment building na iyon. Nakakunot ang kanyang noo habang pinagmamasdan ang pulang likidong nagkalat sa sahig.
Pagkaakyat niya sa itaas ng hagdan kanina ay agad na bumungad sa kanya ang isang masangsang na amoy. Parang gustong bumaligtad ng kanyang sikmura habang nanunuot sa kanyang ilong ang hindi kaaya-ayang amoy na humahalo sa malamig na simoy ng hangin.
Gamit ang kanang bisig ay tinakpan niya ang mga butas ng kanyang ilong at saka napansin ang isang mahabang linya ng likido na nasa sahig. Bumundol ang kaba sa kanyang dibdib nang maisip kung saan maaaring nanggagaling ang pulang likido.
At ngayon nga ay kunot-noong sinusundan niya ang pinanggagalingan ng likido habang tinitiis ang masangsang na amoy na pilit pa ring sumasalakay sa kanyang pang-amoy kahit na tinatakpan niya iyon ng kanyang kanang bisig.
Nang tumigil ang linya ng likido sa ilalim ng main entrance door ng isa sa units sa ikatlong palapag ng apartment building na iyon ay nanlaki ang mga mata ni Dale.
Alam na alam niya kung sino ang nagmamay-ari ng pintong iyon.
Inilibot ni Dale ang kanyang paningin sa buong paligid ngunit wala siyang makitang ibang tao. Tahimik ang buong pasilyo sa kailaliman ng gabi.
Muling tiningnan ni Dale ang pintuang nasa kanyang harapan at pilit sinasabi sa kanyang sarili na maayos lang ang lahat. Ngunit kung pagbabasehan ang mabilis na pintig ng kanyang puso ay alam niyang iba ang ipinapahiwatig nito.
Naramdaman ni Dale na unti-unting nanlalambot ang kanyang mga tuhod at ang kanyang kaliwang kamay ay nanginginig habang unti-unti itong umaangat papunta sa seradura ng pinto.
Maya-maya ay naramdaman na ni Dale ang kanyang nanlalamig na kaliwang kamay na nakapalibot sa doorknob ng pintuan ng taong kilalang-kilala niya.
Pinaghalong kaba at takot ang nararamdaman ni Dale habang unti-unting pinipihit pabukas ang seradura ng pinto. Ipinikit niya ang kanyang mga mata at umaasang isang magandang eksena ang bubungad sa kanya sa likod ng pinto.
Nang tuluyang bumukas ang pinto ay sumalubong ang isang napakalakas na malamig na hangin sa mukha at katawan ni Dale. Dahan-dahan niyang ibinaba ang kanang bisig na nakatakip sa kanyang ilong at unti-unting iminulat ang mga mata.
Sa sahig unang itinuon ni Dale ang kanyang mga mata. Napalunok siya nang makita ang dulo ng mahabang linya ng pulang likido sa ilalim ng dalawang paang nakalutang sa ere ng ilang pulgada.
Parang pangangapusan ng hangin sa katawan si Dale habang unti-unting pumapasada paitaas ang kanyang mga mata sa katawan ng isang babae. At nang masilayan ang mukha ng babaeng nagmamay-ari ng katawang iyon ay damang-dama ni Dale ang paninigas ng kanyang sariling katawan.
Animo ay may buhay pa ang babae habang nakadilat ang mga mata nito at diretsong nakatutok sa mga mata ni Dale. Nakalaylay ang ulo sa kaliwang gilid habang isang kagamitan ang nakapulupot sa parte ng katawan nitong nadudugtong sa ulo at mga balikat nito.
Gustong sumigaw ni Dale ngunit walang lumalabas na tinig mula sa kanyang lalamunan. Nanlalaki ang kanyang mga mata habang nakatitig sa mga mata ng babaeng parang humihingi ng tulong.
At nang bumuka ang bibig ng babae ay pakiramdam ni Dale ay humiwalay mula sa kanyang katawan ang kanyang kaluluwa.
Babae: Dale...
Sa puntong iyon ay isang malakas na sigaw ang umalingangaw sa loob ng kwartong kinaroroonan ni Dale.
Dale: Aaaaahhhhh!
Hinahabol ang paghingang bumangon mula sa pagkakahiga sa kama si Dale at kaagad na inilibot ang paningin sa buong paligid.
Hingal na hingal si Dale at pinagpapawisan ang buong sentido habang nanlalaki ang mga matang isa-isang tinititigan ang mga pamilyar na kagamitan sa loob ng malawak na kwarto.
Muli na naman niyang napanaginipan ang babae mula sa kanyang nakaraan. Ilang taon na itong nangyayari at kailanman ay hindi siya nasanay sa bangungot na iyon.
Tumingin siya sa larawan na nasa loob ng picture frame sa ibabaw ng bedside table. Gumaan ang kanyang pakiramdam nang masilayan ang ngiti ng taong katabi niya sa larawang iyon.
Si Famicel Breciaga, ang live-in partner ni Dale.
Napalingon si Dale sa pintuan ng kwarto nang bumukas iyon at nakita niya ang pag-aalala sa mukha ng kanyang live-in partner nang mabungaran nitong hinihingal at pinagpapawisan siya. Patakbo itong lumapit sa kanya sa ibabaw ng kama.
Famicel: Baby, napanaginipan mo na naman ba?
Kaagad na yumakap si Dale kay Famicel nang makaupo na sa kanyang harapan ang kinakasama sa loob ng tatlong taon.
Dale: Bakit ganoon? Hanggang ngayon ay hindi pa rin tumitigil ang bangungot na iyon.
Humigpit ang pagkakayakap ni Dale kay Famicel nang maramdaman niyang yumakap pabalik sa kanya ang live-in partner.
Naramdaman ni Dale ang marahang paghaplos ni Famicel sa kanyang pinagpapawisang malapad na likod. Para siyang hinihele ng mga haplos na iyon ng kasintahan.
Sa loob ng mga nakalipas na taon ay hindi man lamang nabawasan ang pagmamahal ni Dale para kay Famicel. Kahit kailan ay hindi ito nawala sa kanyang tabi sa tuwing kailangan niya ito.
Tandang-tanda pa ni Dale ang ginawang pagdamay sa kanya ni Famicel noong mga panahong sisihin siya ng halos lahat ng taong nakakakilala sa kanya sa nangyaring pagpapatiwakal ng kanyang ex-girlfriend noong College. Ang inisip ng lahat ay siya ang nagtulak sa kanyang dating kasintahan na tapusin ang sarili nitong buhay.
Aminado si Dale na dati siyang babaero. Papalit-palit ng girlfriend na parang nagpapalit lamang ng damit. Lingguhan kung magpalit siya ng kasintahan at kung minsan pa ay hindi umaabot ng twenty-four hours ang relasyon niya sa ibang babae.
At ang higit sa lahat, Dale Natorelva was a serial cheater.
Balewala lamang kay Dale noon kung mahuli man siya ng kanyang current girlfriend na may kalandiang ibang babae. Ang mahalaga sa kanya ay makakilala ng iba’t ibang babae at sa huli ay may mangyari sa pagitan niya at ng mga ito.
Pakiramdam ni Dale ay siya ang pinakagwapong nilalang sa buong mundo sa tuwing may bago siyang nakakatalik na babae noon. Parang isang hari ang kanyang pakiramdam kapag alam niyang bumibigay na sa kanyang karisma at angking manly appeal ang sinumang babaeng napipili niya para maging conquest.
Dahil sa pagiging cheater ni Dale kaya marami nang babae ang lumuha sa kanyang harapan. Ngunit sa tuwing nangyayari iyon ay parang bato ang puso ni Dale. Walang pagsisisi at hindi siya humihingi ng tawad.
Kapag nakikipaghiwalay ang mga ex-girlfriend ni Dale sa kanya ay hindi siya naaapektuhan. Maghahanap lamang siya ng bagong girlfriend na mararanasan ang kanyang pagtataksil dito.
The cycle went on hanggang nakilala niya si Claudine Opensala. Ang babaeng mas piniling maloko ni Dale nang ilang beses kaysa isipin ang peace of mind nito.
Kahit maraming beses nang nahuli ni Claudine na nagtaksil si Dale dito ay pinapatawad lamang nito ang lalaki sa huli. Hindi ito nakipaghiwalay kahit ilang beses na itong sinabihan ng mga kaibigan na hindi worthy ng love at effort nito ang isang Dale Natorelva.
Never nakaramdam ng guilt si Dale sa ginawang pagpapaka-martyr ni Claudine para sa kanya. Sa isip niya ay hindi naman siya ang pumilit dito na mag-stay sa kanilang relasyon kaya sa sariling paniniwala niya ay kasalanan ni Claudine kung bakit nasaktan ito nang ilang beses nang dahil sa kanya.
Not until Claudine decided to take her own life. Halos mayanig ang mundo ni Dale nang kumalat sa buong campus ang balitang wala na ang babaeng tumanggap sa kanya nang paulit-ulit sa kabila ng kanyang ilang beses na panloloko rito.
Nang panahong iyon ay unang beses na naramdaman ni Dale ang ma-guilty dahil sa ginawa niyang paglalaro sa damdamin ng mga babae. Ngunit sa kabila ng pagsisisi ay may isang parte ng utak niya ang nagsasabing hindi siya ang nagtulak kay Claudine na wakasan na ang sariling buhay.
Inisip ni Dale noon kung bakit hindi ginawa ni Claudine ang pagtapos sa sarili nitong buhay noong mga panahong una siyang nagloko rito kung totoong ang pagiging cheater niya ang dahilan kung bakit nagpatiwakal ito.
Hindi ibig sabihin niyon ay gusto ni Dale ang nangyari kay Claudine kundi ayaw niya lang paniwalaan na siya ang dahilan kung bakit wala na ito. Hindi niya gustong manisi ng ibang tao ngunit kung pagbabasehan ang mga kwento ni Claudine sa kanya, masasabi niyang may mas malalim na dahilan pa ang babae para humantong sa ganoong desisyon.
Dahil kay Dale isinisi ng mga tao ang malagim na nangyari kay Claudine kaya halos maapektuhan ang kanyang mental health. For Dale, he might be a certified cheater pero maipagmamalaki niya sa kanyang sarili na kahit kailan ay hindi niya ginustong may mawalan ng buhay nang dahil sa kanya.
Pakiramdam ni Dale ay wala siyang kakampi nang mga panahong iyon. Na iniwan siya ng lahat dahil sa isang kasalanan na pilit nilang ibinabato sa kanya.
Ngunit kinaya ni Dale ang pambabatikos ng mga tao dahil kay Famicel. Ang taong pinili siyang damayan dahil ayon dito ay naniniwala itong wala siyang kasalanan sa nangyari sa kaibigan nitong si Claudine.
Dahil kay Famicel kaya naramdaman ni Dale na hindi pa huli ang lahat para sa kanya. Ipinaramdam nito na may pagkakataon pa siyang baguhin ang kanyang sarili. Na wala nang buhay ang mawawala nang dahil sa kanya.
Binago ni Dale ang kanyang sarili pati na rin ang kanyang lifestyle at sa bawat hakbang niya patungo sa pagbabagong-buhay ay nanatili sa kanyang tabi si Famicel. Hanggang sa isang araw ay nagising na lamang si Dale na nahuhulog na ang kanyang loob dito.
Hindi inasahan ni Dale na matututunan niyang mahalin ang isang taong ang kasarian ay iba sa mga naging babae niya noon. Ngunit hindi niya napigilan ang pagtibok ng kanyang puso para kay Famicel.
Naniniwala si Dale na ang anumang nararamdaman niya para kay Famicel ay ang tinatawag na tunay na pag-ibig.
Famicel: Sigurado ka bang hindi mo gustong magpa-consult tayo tungkol sa recurring dreams mo, baby?
Lumuwang ang pagkakayakap ni Dale sa kanyang live-in partner nang mahimigan ang pag-aalala sa boses nito.
Hinarap ni Dale ang kasintahan at ikinulong sa kanyang mga palad ang mukha nito at sinserong tinitigan.
Dale: Hanggang nandito ka sa tabi ko, magiging maayos ang lahat, baby. Don’t worry about me. Bangungot lang iyon. Pasasaan ba at titigil din eventually.
Napansin ni Dale na hindi nawala ang pag-aalala sa mukha ng kanyang kasintahan kaya hinalikan niya ang mga labi nito.
Napapikit si Dale nang tugunin ng mga labi ni Famicel ang halik na iginawad niya rito. Nang subukan niyang palalimin ang halik ay biglang umatras ang kanyang live-in partner at natatawang tinapik siya sa kanyang kanang braso.
Famicel: Awat muna, baby. May pasok pa tayo ngayon. Huwag mong kalimutan, first day mo ngayon sa Luminare Valley. Hindi ka dapat ma-late.
Nang pasadahan ng tingin ni Dale ang katawan ni Famicel ay saka lang niya napansin na nakabihis na ito para sa pagpasok sa trabaho.
Nagtatrabaho bilang Human Resource Manager sa isang corporate firm ang kanyang live-in partner habang si Dale ay kaka-resign lang sa kanyang dating trabaho as Real Estate Agent. Ang sinabi niyang dahilan ng kanyang resignation kay Famicel ay gusto niya ng career na may mas personal na impact.
But the truth is, Dale resigned for a different reason. At hindi niya gustong aminin kay Famicel ang tungkol sa bagay na iyon.
Famicel: Mabuti na lang ay napapayag ko ang friends ko na kunin ka sa agency nila. Related din naman sa previous job mo iyong hinahanap nila para sa vacant position.
Ngumiti si Dale sa kanyang live-in partner bilang pasasalamat sa ginawa nitong pagtulong sa kanya na makapasok sa Events and Public Relations business ng mga kaibigan nito kahit hindi siya gusto ng mga ito para sa kanilang kaibigan.
The same people na nagkalat ng balita na siya ang dahilan kung bakit tinapos ni Claudine ang buhay nito.
Dale: Thank you, baby. Hayaan mo, sisiguraduhin kong magiging boto rin sa akin ang mga kaibigan mo para sa iyo. I’ll make sure of that.
Inabot ni Famicel ang mga kamay ni Dale at mariing pinisil ang kanyang mga palad.
Famicel: Whatever they say about you, baby, always remember na palaging ikaw at ikaw ang pipiliin ko sa huli.
Sa sinabing iyon ni Famicel ay parang lumundag ang puso ni Dale at muling niyakap nang mahigpit ang kasintahan.
Dale: Thank you so much, baby. Mahal na mahal kita.
Ngumiti si Famicel nang marinig ang mga salitang iyon mula sa kasintahan.
Dale: O, baka mabasa pa ng pawis ko sa katawan itong suot mong suit.
Natatawang kumawala mula sa pagkakayakap ni Dale si Famicel at malambing na humalik sa kasintahan nito.
Famicel: Sige na, aalis na ako. Nagluto na ako ng breakfast mo. Bilisan mong kumilos para walang masabi sa iyo ang friends ko.
Masuyong pinisil ni Famicel ang kanang pisngi ni Dale bago muling humalik sa boyfriend.
Maya-maya pa ay nakaalis na ng kanilang condominium unit ang kasintahan ni Dale. Ilang minuto pa ay natapos na rin siyang mag-take ng breakfast.
Nang pumasok si Dale sa loob ng banyo bitbit ang tuwalya ay pumasok sa kanyang isipan ang limang kaibigan ni Famicel. Ang mga taong dahilan kung bakit kaagad siyang nag-resign sa kanyang previous job nang marinig na may bakanteng posisyon sa agency na itinayo ng mga ito matapos maka-graduate ng College.
Sinabi na lamang ni Dale sa kanyang boss na ang dahilan ng kanyang pag-alis sa trabaho ay burnout at pagod sa cutthroat competition. Naniwala naman ito sa kanya at kaagad na pinirmahan ang kanyang resignation letter.
Nang isabit ni Dale sa towel rack ang kanyang tuwalya ay pumasok sa kanyang isipan ang sinabi ng girl best friend ni Famicel na si Larafaye tungkol sa kanyang pagiging babaero noon.
Larafaye: Wala talaga akong tiwala sa kahit sinong lalaki sa mundo, especially cheaters. Kaya ikaw, Fami, mag-ingat ka riyan sa boyfriend mo. Once a manloloko, always a manloloko.
Self-proclaimed man-hater si Larafaye at ayon dito ay no boyfriend since birth ito.
Nang hubarin ni Dale ang suot nitong manipis na boxer briefs ay sunod na pumasok sa kanyang isipan ang sinabi ni Karimei, ang gay frenemy ng kanyang kasintahan na madalas nakakatunggali sa lahat ng bagay.
Karimei: Gosh, Fami, buti na lang kahit we’re competing sa lahat ng bagay ay hindi tayo nagtatalo pagdating sa boys. Dahil for sure ay matatalo ako sa iyo. Hindi pa ako baliw para makipag-agawan diyan sa boyfriend mo. So not worth it.
Nang magsimulang dumaloy sa katawan ni Dale ang tubig mula sa showerhead ay naalala niya ang mga pagalit na salitang sinabi sa kanya ni Xiomara, Famicel’s transwoman friend.
Xiomara: I really hate seeing your face, Dale. You remind me of those people who humiliated me before. I can’t stand being near your presence.
Ayon kay Xiomara ay kung maaari lang ay hindi nito gustong nagkukrus ang landas nilang dalawa ni Dale.
Nang simulan nang ikalat ni Dale ang body wash sa mga braso niyang nababalutan ng mga tattoo ay ang mga sinabi naman ng dating boyfriend ni Famicel na si Tristan ang naglakbay sa kanyang isipan.
Tristan: I really doubt your boyfriend’s intention sa pakikipagrelasyon sa iyo, Fami. Feeling ko ay lolokohin ka lang niya.
Sinabi pa ni Tristan na kung naging babae ito ay hindi ito magkakagusto sa isang Dale Natorelva.
Nang matapos maligo si Dale at ipulupot sa kanyang baywang ang tuwalya ay ang mga salita naman ni Cyrill ang narinig niya sa kanyang isipan. Ito ang lesbian friend ni Famicel.
Cyrill: Thank goodness I don’t find men interesting at all. At kung magkakainteres man ako sa isang lalaki, siguradong hindi si Dale iyon. Even if he’s the last guy on earth.
Inihagis ni Dale sa ibabaw ng kama ang tuwalya at hubo’t hubad na naghanap ng isusuot na boxer briefs, slim-fit button-down shirt, at tailored chino.
Maya-maya ay sakay na si Dale ng kanyang kotse patungo sa gusali kung saan naroon ang business ng mga kaibigan ng kanyang kasintahan.
Pagkarating ni Dale sa palapag kung saan naroon ang Luminare Valley ay isang mala-demonyong ngisi ang sumilay sa kanyang mga labi.
Malakas ang kanyang pakiramdam na titigil lamang ang kanyang mga bangungot kapag ipinaranas niya rin sa mga taong nanira sa kanya noon kung ano ang pakiramdam na mahusgahan.
Noon pa mang karelasyon niya si Claudine ay hindi na maganda ang mga sinasabi tungkol sa kanya ng mga kaibigan ni Famicel. Kung noon ay hinayaan niya ang mga ito, ngayon ay hindi niya hahayaan na masira ng mga ito ang kanyang relasyon sa taong una niyang minahal.
Bago pa man masira ng limang kaibigan ni Famicel ang maayos nilang relasyon bilang live-in partners ay uunahan na niya ang mga ito sa pamamagitan nang pagsisiwalat ng mga itinatagong baho ng mga ito.
Marahang pumasok sa loob ng malawak na opisina si Dale Natorelva. Sa kanyang pagpasok ay nakita niya kaagad ang isang mahabang shared desk kung saan nakaupo si Larafaye Wilchangco, ang Creative Director. Sa kaliwang gilid ay katabi nito si Karimei Redilantes, the Client Relations Head. At sa kabilang dulo ng mesa ay nakaupo si Cyrill Intamorde, ang PR Strategist ng Luminare Valley.
Sa loob ng isang glass-partitioned office ay naroon si Xiomara Palorigan, ang Finance and Accounts Manager. Sa isang corner naman ng office ay naroon ang parang mini-warehouse kung saan nakapwesto si Tristan Elorzano, ang Logistics and Operations Lead ng kanilang negosyo.
Sa pagpasok ni Dale sa loob ng opisina ay halo-halo ang emosyong nakikita niya sa mga mata ng mga kaibigan ni Famicel. Naroon ang panghuhusga, inis, at galit.
Pinigilan ni Dale ang sarili na ngumisi sa harapan ng mga bagong katrabaho. Bagkus ay isang ngiti ang iginanti niya sa disgustong nakikita sa mukha ng mga ito.
Sige lang. Maaaring naiinis kayo sa akin ngayon pero sisiguraduhin kong sa susunod ay pagnanasa na ang makikita ko sa mga mata ninyo. Pagnanasa para sa lalaking sinasabi ninyong hindi nararapat para kay Famicel.
----------
to be continued...