Chapter 5

2018 Words
“Mag-aral ka na rin kaya magmaneho, Ate? Para hindi ka na nahihirapan sa pag-commute,” anang kanyang kapatid. Matagal na siya nitong kinukumbinsing mag-aral mag-drive pero sa tuwina’y tumatanggi siya. Wala siyang lakas ng loob na mag-drive lalo na sa siyudad na kinaroroonan nila. Hindi siya kagaya ng kapatid niya na mabilis natuto at malakas ang loob. Takot siya sa gitgitan sa daan, lalo na pag-traffic. “Ayoko. Nakikita ko palang ang mga sasakyan na nakikipaggitgitan para lang makaalis sa mahabang trapiko ay ninenerbyos na ako. Baka makabangga lang ako,” sagot niya na iiling-iling. “Masasanay ka rin naman, Ate, eh. Sa umpisa lang talaga ‘yan,” pagpupumilit pa rin ng kapatid niya. “Saka na,” pinal na saad niya. Hindi na rin nagpumilit pa ang kapatid niya. Tinapos na lang nito ang pagkain saka gumayak umalis. “O, siya, aalis na ako, Ate, baka maabutan kami ng traffic sa daan,” paalam nito saka tumayo na papunta sa kuwarto nito upang gumayak. Naiintindhan naman niya ang kapatid na gusto siya nitong matutong mag-drive para hindi na siya nahihirapan mag-commute pauwe, lalo na kapag hindi siya naisasabay nito sa pag-uwe dahil may sarili rin itong lakad pagkatapos ng trabaho sa coffee shop. “Anak, tapos ka na ba kumain?” baling niya sa anak. Binilisan na rin niyang kumain dahil ihahatid pa niya ang anak sa paaralan nito.. Dederetso na rin siya sa coffee shop pagkahatid sa anak. Hindi kasi sila maipagda-drive ngayon ng kapatid niya dahil sasama ito sa boyfriend nito sa Laguna ngayong araw. Kaya nag-aalala ito sa kanilang mag-ina kaya naisipan na naman siyang himuking mag-aral magmaneho. “Opo, ‘Ma.” “Mag-ayos ka na ro’n. Magpapatawag lang ako ng taxi sa guard house,” anya saka tinungo kung nasaan ang kanilang cordless telephone para maghabilin sa guard ng subdivision. Ilang sandali pa ay binabaybay na nila ang daan patungong school ng kanyang anak. Mabuti na lang at hindi traffic. “Anak, ‘yong habilin ko, ha? Huwag lalabas sa gate hangga’t hindi pa ako dumarating, okay?” “Opo, Mama.” Nagpapasalamat siya sa Diyos dahil lumaking masunurin at mabait ang anak niya. Wala siyang naging problema rito habang ito’y lumalaki. Pagkahatid sa anak niya sa school ay dumeretso na si Mina sa kanilang coffee shop. Hindi pa oras ng pagbubukas nila pero may kailangan pa siyang i-ayos na order. Kahit may kinuha na silang tao para sa pag-received ng kanilang stocks ay paminsan-minsan ay siya na mismo ang gumagawa no’n. Gusto niya kasi ay hands on siya sa kanilang negosyo. Ganoon din ang kapatid niya kaya napalago nila nang napalago ang kanilang negosyo. Natigil siya sa ginagawa nang may marinig siyang pumasok. Lumabas siya sa stock room para silipin kung sino iyon. “Ma’am Mina, andito ka na pala? Ang aga mo, ah?” nagulat na tanong ni Clarise. Ito ang kauna-unahan nilang kinuha na employee. Tatlong buwan pa lang ang negosyo nila noon nang mag-apply ito sa kanila. Medyo lumalakas na ang coffee shop nila noon at kailangan na nila ng taong kaagapay bukod sa isa nilang service crew. Nagtatrabaho pa kasi sila ng kanyang kapatid nang mga panahon na iyon. Hindi sila puwedeng magresign dahil hindi pa kaya ng negosyo nila na tustusan ang pangangailangan nilang buong pamilya. Sa gabi ang trabaho ng kapatid niya samantalang siya ay sa araw naman kaya halili sila sa pamamahala sa kanilang negosyo. Nang i-hired nila si Clarise ay medyo umalwan ang work schedule nila at pagpapalakad ng coffee shop. Kaya nitong maging all around sa trabaho. Ni minsan ay hindi nila naringgan na nagreklamo ito, ginagawa nito nang kusa ang mga gawain kaya labis ang tuwa nila kay Clarise. Kaya hindi nagtagal ay tinuring na rin nilang parang kapatid si Clarise lalo na nang ilahad nito ang kasalukuyan nitong kalagayan sa buhay. “Bakit ang aga mo yata ngayon?” ulit nito sa tanong nito kanina. “Hinatid ko si JB sa school,” sagot niya sa tinuloy ang gingawang pagtse-check ng kanilang stocks. “Kumusta naman siya sa bago niyang school?” usisa nito. “Ayos naman daw. Kahit papaano ay nakaka-adjust na siya, saka pala-kaibigan ‘yon kaya nakakatiyak akong hindi ‘yon mahihirapan sa bago niyang school,” sagot niya habang nagsusulat. Kahit hindi niya nakikita si Clarise ay alam niyang nakatingin ito sa kanya. “Saka mabait rin kasi ang anak mo kaya tiyak talaga iyon,” pagsang-ayon nito sa sinabi niya patungkol sa kanyang anak. Hindi na siya sumagot dito, nilingon niya lang ito saka ngumiti. “Hala, sige, iwan na kita riyan. Aayusin ko na ang counter, malapit na rin tayo magbukas.” “Sige,” maiksing sagot niya. Saka sinundan ng tingin si Clarise. Ipinagpatuloy niya na ang ginagawa para matapos na agad. “MANG PEDRING, ako na po ang susundo kay Drake sa school,” ani Clint kay Mang Pedring sa kabilang linya. Kapag busy siya ay ito ang sumusundo sa anak niya. Pero nitong nakaraang araw ay wala siyang masyadong trabaho kaya siya ang sumusundo sa anak niya. Hindi pa rin kasi siya nakakahanap ng bagong yaya ng anak. Naging mahigpit na kasi siya sa pagpili mula nang mangyari ang insidente sa Baguio. Tinignan niya ang orasang pambisig. Mag-aalas onse palang ng umaga. May dalawang oras pa bago matapos ang klase ng anak. Pinagpatuloy muna niya ang pagbabasa ng mga papeles na kailangan niyang i-review at pirmahan. PAGTINGIN NI Mina sa orasan ay mag-aalas dose na ng tanghali. Ala una matatapos ang klase ng anak niya pero kailangan na niyang gumayak para hindi siya ma-traffic. Naghabilin na lang siya kay Clarise na ito muna ang bahala. After lunch ay dadating din naman ang kapatid niya para humalili sa kanya. Iyon kasi ang napag-usapan nilang maging set up nila para kahit papaano ay matutukan niya ang anak sakali may mga assignments ito sa school. Kinse minutos bago mag-ala una ay naghihintay na si Mina sa waiting area. Kampante siyang nakaupo roon nang biglang may tumabi sa kanya. Hindi niya pinansin kung sino man iyon pero tiyak niyang isang lalaki ang umupo sa tabi niya. “Hey!” anang baritonong boses. Kilala niya ang boses na iyon kaya dagli niyang nilingon ang may-ari niyon. Literal na nanlaki ang mga mata niya pagkakita sa lalaki. “Clint!” gulat na tawag niya sa pangalan nito. Hindi niya inaasahan na makikita niya ulit ito. Nitong mga nakaraang araw kasi ay hindi ito ang sumusundo kay Drake kundi ang matandang driver ng mga ito. “Long time no see. How are you?” “I’m good,” maiksing sagot niya. Paano naman kasi nabigla siya pagkakita rito, kaya parang nagtatambulan ang pintig ng puso niya, na siyang ipinagtataka niya tuwing nakikita niya ito. Pero hindi na lang niya iyon binibigyan ng pansin. “Goot to hear that,” anito, saka tumingin sa kabilang direksyon kung saan lumalabas ang mga estudyante. Hindi na ito muling nagsalita pa hanggang naglabasan na ang mga estudyante. Tulad nang nakaraang araw ay kasama na naman ng anak niyang si JB si Drake palabas. Laging isinasabay ng anak niya si Drake tuwing matatapos ang klase. Noong una ay nagulat siya bakit magkasama ang dalawa. At ayon sa anak niya ay talagang inalam daw nito kung saan ang room ni Drake upang makita niya ito araw-araw. Natutuwa siya dahil nakikita niyang responsible itong kuya pagdating nang araw. Kung sakali man na makakapag-asawa pa siya. “Daddy!” sabik na tawag ni Drake sa ama nito. Bakas sa mukha nito ang gulat nang makita na ang daddy nito ang nag-aantay sa kanya at hindi ang driver nito. “Baby,” ani Clint saka kinarga ang anak. Binalingan nito ang anak niyang si JB saka hinaplos ang ulo nito. “Thank you for taking extra care of Drake.” “Wala po ‘yon, Tito. Para ko na rin po siyang kapatid, eh,” sagot ng kanyang anak. Nagpababa si Drake mula sa ama nito at lumapit sa anak niyang si JB. “Anyway, would you like to go somewhere?” Bahagyang kumunot ang noo niya sa tinuran nito. Nagyayaya na naman itong mamasyal. Tumingin lang sa kanya ang kanyang anak, na wari’y naghihintay din ng sagot niya. Lihim siyang napabuga nang hangin. “Hmmm…Where?” tanong niya rito. Hudyat iyon na pumapayag na siya. Halata naman kasi sa itsura ng anak niya na gusto nitong mamasyal. Kaya umaliwalas agad ang itsura nito pagkarinig sa sinabi niya. “Let ask them?” anito saka binalingan nito ang dalawang bata. “Where you want to go, kids?” “Daddy, can we go to the Mall of Asia? Kuya JB told me, he hasn't been there yet.” “Sure. Why not. Ano? Ayos lang ba?” kapagkuwan ay bumaling ito sa kanya upang magtanong. Tipid siyang ngumiti sabay tango. Mula nang lumipat sila sa Maynila ay hindi pa sila nakakapasyal na pamilya. Masyado kasi silang abala sa coffee shop lalo na at kailangan pang ihatid-sundo ang anak niya sa paaralan. Tuwing weekend naman ay buong araw siyang nasa coffee shop dahil iyon ang talagang dagsaan ng mga customers. “Let’s go?” yakag nito sa kanila. Sabay-sabay na silang naglakad papunta sa sasakyan nito. Tulad ng dati ay pinagbuksan ulit siya nito ng pinutuan ng sasakyan pagkatapos nitong mapaupo sa likod ang dalawang bata. Habang nasa daan ay ang dalawang bata na lang ang naririnig ang boses sa loob ng sasakyan. Parang hindi nauubusan ng mapag-uusapan ang mga ito. “Mukhang close na close na silang dalawa, ah?” biglang basag nito sa katahimikan sa pagitan nilang dalawa. Mukhang napansin din nito ang kakaibang closeness ng dalawang bata. “Oo nga, eh, tuwing matatapos ang klase nila, lagi ‘yang magkasama palabas,” paglalahad niya. “Yeah, Drake, told me about that,” anito na sa daan nakatutok ang mga mata. “ And I’m glad about it, everyday excited ‘yan pumasok sa school dahil gusto na raw niyang makita ang Kuya JB niya.” “Pareho sila ni JB. Palibhasa kasi sabik sa kapatid.” Natigilan siya sa huling tinuran niya. Pakiramdam niya ay hindi dapat iyon lumabas mula sa kanyang bibig. Baka kasi bigyan ng ibang kahulugan iyon ni Clint. “Same with Drake. Buong buhay niya mga pinsan ko ang nakakasama niyan, sinasama siya sa pamamasyal tuwing busy ako sa trabaho o nasa out of town ako, kaya siguro gano’n na lang ito kasaya na makilala si JB,” mahabang litanya nito. May gusto sana siyang itanong kung bakit hindi na ito nag-asawa ulit pero parang hindi pa iyon ang tamang panahon na mang-usisa siya. Hindi pa sila ganoon ka-close. “Okay, kids, we’re here,” anunsyo nito. Hindi niya namalayan na nakarataing na pala sila sa Mall of Asia. “Let’s go, Kuya JB?” excited na yakag agad ni Drake sa anak niya. Tinanggal niya agad ang seatbelt at bumaba para alalayan ang mga bata. “Let’s eat first, kids. Para eksakto mamaya pagkatapos natin kumain, hindi na masyado mainit sa sea side,” suhestiyon nito. Wala siyang maapuhap na puwedeng sabihin dahil umaayon lang siya kung ano ang gustong puntahan ng mga bata. “Let’s go?” Naghawakan ng kamay ang dalawang bata nang papasok na sila sa loob, habang sila ni Clint ay nakapuwesto sa magkabilang gilid ng mga ito. Sa isang fast food chain sila kumain dahil iyon ang request ng dalawang bata. “Ma, ang ganda pala rito, saka ang lawak ng mall!” namamanghang turan ng anak niya. “Oo, anak, pero mamaya mas maganda sa may bandang sea side. Maraming rides do’n at mga palaruan.” “Yes, kuya. Lagi ako rito pinapasyal ni Tito Brix ko, at lagi kaming sumasakay sa malaking ferris wheel,” masayang pagbabahagi nito sa naging karanasan sa naturang mall. “Takot ka ba sa heights, kuya?” “Naku, hindi. Gusto ko rin subukan ‘yan sinasabi mo na ferris wheel,” anang kanyang anak saka sumubo ng isang fries. Silang dalawa ni Clint ay nakikinig na lang sa usapan ng dalawang bata habang nagtitinginan sa isa’t-isa.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD