“Ang taas! Nakakalula!” bulalas ng kanyang anak nang sila’y nakasakay na sa ferris wheel.
“Huwag kang tumingin sa baba, anak, para hindi ka malula,” sabi niya rito. Nagkataon kasi na ang nasakyan nila ay iyong salamin ang tapakan. Pati siya ay nalulula tuwing napapatingin sa baba. Habang si Drake ay tuwang-tuwang nakamasid sa labas.
“Look, Kuya!” tawag nito kay JB habang may itinuturo sa labas. “Ang ganda ng view, ‘di ba?
“Oo. Sobrang ganda ng view, kita kahit doon sa malayo.”
“I know a place na tiyak mag-e-enjoy kayo. Sa susunod ipapasyal ko kayo ro’n” ani Clint sa dalawang bata. Na ikinatuwa naman lalo ni Drake.
“Really, Dad? Where?” na-e-excite na tanong ni Drake. Dahil malapit na silang bumaba sa ferris wheel ay hindi muna sumagot ang ama nito. Inalalayan muna silang bumaba lahat. “Dad, san po ‘yong sinasabi n’yo?”
“Secret, baby.” Nangingiting sagot nito sa anak. Naaaliw siya sa paraan ng pag-uusap ng mag-ama. “I’ll tell you when we find time to go there, okay?”
“Okay,” Alam na siguro nito na kahit anong gawin nitong pamimilit ay hindi magsasabi ang ama nito kaya laglag ang mga balikat na sumusukong sagot ng bata sa ama.
“Saan n’yo pa gustong sumakay?” tanong ni Clint sa mga bata. Habang siya ay tahimik lang na sumusunod sa mga ito.
“Mina! Watch out!” sigaw nito saka mabilis siyang hinawakan sa beywang upang alalayan sa posibleng pagkatumba niya. Muntik na kasi siyang mabangga ng isang babae na umaatras at hindi siya napansin nito.
“Oh! I’m so sorry, Miss. Hindi kita napansin,” paghingi nang paumanhin ng babae sa kanya.
“Be careful!” si Clint ang sumagot sa babae na kababakasan ang pagkainis sa boses nito. Nahihiyang umalis ang babae sa harapan nila. Hindi siya makahuma sa kinatatayuan niya dahil sa kasalukuyan nilang posisyon. Nakahawak pa rin kasi ito sa beywang niya, dahilan para makaramdam siya nang kakaiba. Ngunit hindi niya mabigyan ng tamang kahulugan dahil bago sa kanya ang pakiramdam na iyon. Kahit sa tatay ng anak niya ay hindi siya nakaramdam nang ganoon.
“Are you alright?” Napapitlag siya nang magsalita ito. Doon palang siya bumalik sa ulirat niya dahil sa pagkatulala habang hawak-hawak nito ang beywang niya.
“Y-yes, I-I’m okay,” nauutal na sagot niya. Saka palang siya nito binitiwan. Diyos ko, ang lakas ng kabog ng dibdib ko, wala sa sariling bulong niya sa isip.
Ang dalawang bata ay tahimik lang na nakamasid sa kanila. At kakikitaan ng amusement sa mga mukha ng mga ito.
“What?” nagtatakang tanong ni Clint sa mga ito.
“Nothing, Dad,” patay malisyang sagot ni Drake sa ama nito. “Let’s eat ice cream, Daddy, please? May nagtitinda ro’n, oh.”
Ngunit hindi nakaligtas sa paningin niya ang ngiting sumilay sa mga labi ni Drake nang bumaling sa anak niyang si JB. Kahit ang anak niya ay nakita niya ang kakaibang ngiti sa mga labi nito. Nahihiwagaan siya sa ikinilos ng dalawang bata. Kung tama ang sapantaha niya, sa murang edad ng mga ito ay nakakaisip na nang mga ganoong bagay na hindi pa naman sana dapat. Haist! Kung ano-ano iniisip ko, malay ko baka kung ako lang din pala ang nag-iisip nang may malisya, piksi ng isip niya sa ideyang natutuwa ang mga bata sa pagkakalapit nilang iyon ni Clint.
“Mina, let’s go?” untag nito sa kanya. Amused ang mukhang nakatingin ito sa kanya. Mabilis pa sa alas kuwatro na nagpatiuna siyang naglakad. Hindi na niya ito pinansin. Hindi niya mawari kung naiilang siya o nahihiya sa nangyari kanina, lalo na sa naisip niyang paglalagay nang malisya sa ginawi nito kanina.
Nakasunod lamang ito sa kanila. Nang biglang may makita na naman si Drake. “Daddy, I want to play here.”
“Sure, baby,” ani Clint saka binalingan ang lalaking naka-assigned sa palaruang iyon. “How much?”
“Sir, tatlong bola po per one hundred pesos,” sagot ng lalaki.
“Okay.” Humugot ito ng limang daang piso at iniabot iyon sa lalaki. “Here.”
Binigay muna nito ang anim na bola. Naunang naglaro si Drake. Dahil bata pa ito ay halos hindi umabot ang bola sa mga latang nakahilera ng pyramid. Natatawa sila sa reaction nito tuwing sumasablay ang paghagis nito. Reklamo ito nang reklamo pero ayaw pa rin naman sumuko kahit laging sablay ang paghagis nito ng bola.
“Gusto mo rin subukan?” kapagkuwan ay alok nito sa kanya. Bahagya siyang ngumiti at pailing-iling na tumanggi.
“Naku, kayo na lang ng mga bata ang maglaro. Manonood lang ako sa inyo.”
“C’mon, just one shot,” pilit na pangungumbinsi nito.
“S-sige na nga,” Napipilitan niyang inabot ang isang bola. Natawa siya nang lihim dahil magaan lang pala iyon. Kaya pala hindi umaabot nang husto tuwing hinahagis ng mga bata. Madaya, natatawang bulong niya sa sarili. Nang makadalawang hagis siya ay umayaw na siya. Hindi naman kasi natutumba ang mga lata. Parang nakadikit naman ang mga iyon sa kinalalagyan kaya kahit konting galaw ay walang epekto pagnatamaan ng bola.
“Daddy, tara na nga kumain ng ice cream. Natalo naman tayo,” himutok ni Drake saka hinila ang ama nito papunta sa booth ng nagtitinda ng ice cream.
“It’s okay, baby. Even if we lose. Atleast, we had fun, right?” anito saka hinaplos sa ulo ang anak nito. “Kumain na lang tayo ng ice cream.”
“Much better, Daddy.”
“Nag-e-enjoy ka ba, JB?” tanong ni Clint sa anak niya.
“Opo, Tito. Sobra,” may ngiti sa mga labing sagot ng kanyang anak.
“That’s good.” Saka ito bumaling sa kanya. “Ayos ka lang ba?”
“Oo naman,” sagot niya.
“Madaya iyong nilaro natin, eh. Hindi gumagalaw ‘yong lata. Nakadikit kaya ayaw matumba,” natatawang reklamo nito patungkol sa nilaro nila na tumbang-lata.
Natawa na rin siya dahil hindi lang pala siya ang nakapansin. “Napansin mo rin pala iyon, saka ang gaan ng bola nila. Malamang, hindi talaga matutumba ‘yon.”
“That’s true. But, anyway, atleast, we had fun today,” nakangiting sagot nito sa kanya. Ngumiti lang siya bilang sagot dito.
Nang nasa ice cream booth na sila ay tinanong siya kung anong flavor ang gusto niya. “Anong flavor sa’yo, Mina?”
“Hmm…Mango.” Binalingan nito ang tindero at sinabi ang order nila. Nang maibigay lahat sa kanila ang kanilang order ay naghanap sila ng puwedeng maupuan. Tulad ng dati, panay na naman ang kwentuhan ng dalawang bata habang silang dalawa ay tahimik na kumakain lang ng ice cream. Napatingin ito sa kanya. Ganoon na lang ang gulat niya nang biglang pinahid nito ang bandang ibaba ng labi niya gamit ang hinlalaki nito. Hindi niya inaasahan ang ginawa nito. Ngunit si Clint ay parang wala lang dito ang ginawa nitong pagpahid ng ice cream na kumalat sa baba ng bibig niya. Samantalang siya ay may kung anong kakaiba siyang naramdaman nang maidantay ang daliri nito sa bibig niya. May kung anong init na hatid niyon sa buong pagkatao niya. Parang close na sila kung umakto ito, na patuloy lang sa pagkain nito ng ice cream. s**t! Ayan na naman ang pakiramdam na parang may humahalukay sa loob ng tiyan ko.
“Ihahatid ko na kayo mamaya,” biglang sambit nito na nagpabalik sa kanya sa huwisyo.
“H-ha? H-hindi ba kayo out of way niyan? Malayo ‘yong bahay namin.”
“Nah. It doesn’t matter. Basta makauwe lang kayong safe. Mag-aalas singko na rin. Kakain pa tayo ng dinner kaya siguradong gagabihin na tayo sa daan.”
“O-okay.” Hindi na siya nagprotesta pa, tutal, tama naman ito. Mahirap na mag-commute paggabi na.
Pagkatapos nilang kumain ay hinatid na sila nito pauwe. Nagtataka siya dahil tahimik ang dalawang bata sa likod, nang lingunin niya ay tulog na pala ang mga ito. “Tulog na ang dalawang bata.”
“Napagod kakalaro at kakasakay sa mga rides,” anito habang sa daan nakatutok ang mga mata.
“Thank you, Clint,” pagpapasalamat niya rito. Iba iyong kasiyahan na nakita niya sa anak niya kanina. Oo at masaya ang anak niya kapag sila ang kasama pero iba iyong saya na nakita niya kanina habang naglalaro sila ni Drake at sumasakay ng mga rides.
“Thank you for what?” salubong ang mga kilay na nagtatakang tanong nito.
“Thank you sa pag-imbita sa amin na mamasyal ng anak ko.”
“Don’t mention it,” sambit nito na may kalakip na manipis na ngiting tumingin sa kanya. “Thank you rin. Ngayon ko lang nakitang ganyan kasaya si Drake.”
Hindi siya sumagot sa huling tinuran nito. Wala kasi siyang maisip na tamang sabihin sa sinabi nito bagkus ay ngumiti na lamang siya nang tipid.
“Mahirap ang single parent, nahihirapan ako magpalaki na walang mother figure si Drake,” patuloy nito sa pagsasalita. “Ikaw? Paano mo nakakaya? Nakikita ko kasi, JB is a good kid.”
Ngumiti siya nang tipid saka sumagot. “Oo, mahirap talaga ang single parent. Pero kasama ko ang pamilya ko sa pagpapalaki at paggabay kay JB. May tatay ako na siyang tumatayong parang ama sa kanya. Kaya kahit paano, nakakaya ko at kinakaya ko para sa kanya.”
“Good for you,” sagot nito. Pero hindi nakaligtas sa kanya ang pagbuntong-hininga nito.
“Bakit ikaw?”
“My parents are in the United States. Nag-migrate na sila ro’n bago maipanganak si Drake. Paminsan-minsan umuuwe sila rito. Tanging ang mga pinsan ko ang kasa-kasama ko habang lumalaki si Drake,” paglalahad nito. “Kaya lang… puro kami lalaki. Kaya minsan natuturuan ng kabulastugan ‘yang anak ko lalo na ‘pag ‘yong isa kong pinsan ang kasama niya. May angking kalokohan kasi ang isang ‘yon.”
“Wala kang kapatid?” Natutuwa siya na nag-o-open up ito sa kanya tungkol sa buhay nito. Atleast, hindi na siya ganoon nakakaramdam ng ilang dito dahil pakiramdam niya nakikilala niya ito kahit paano.
“I am an only child,” sagot nito. “At ang nakakatawa pa lahat kaming magpipinsan ay puro lalaki.”
“Talaga? Nakakatuwa naman. Kakalat ang lahi n’yo,” pagtatangka niyang pagbibiro rito. Natawa naman ito sa sinabi niya.
“Yeah. You’re right. Baka nga ang mga pinsan ko puro panganay na ang mga anak, eh,” natatawa nitong saad patungkol sa mga pinsan nito. Siguro magagandang lalaki rin ang mga pinsan nito kagaya nito na sobrang guwapo. Ngiti palang nito ay makalaglag panty na. Nang bigla niya ma-realized ang naisip niya. Nagugulat siya sa sarili niya dahil sa nagiging reaction niya mula nang makilala niya ang lalaki. Namamangha siya dahil hindi niya akalain na pumapasok sa isip niya ang mga ganoong bagay na dati naman ay hindi, dahil matagal nang hindi naaagaw ng kahit sinong lalaki ang interest niya.
“We’re here,” anunsyo nito. Tumigil ito sa may guard house upang kausapin at ipaalam na siya ang sakay ng sasakyan na iyon para papasukin sila.
“Ikanan mo diyan sa susunod na kanto,” pagbibigay niya ng instructions dito. Kumanan naman ito. “Itigil mo diyan sa susunod na bahay.” Inihimpil nito sa bahay na itinuro niya ang sasakyan.
Akmang gigisingin niya sana si JB nang pinigilan siya nito. “Don’t wake him. Bubuhatin ko na lang siya.”
“Naku, masyado nang abala sa inyo. Malayo pa uuwian n’yo ni Drake,” tanggi niya sa suhestiyon nito.
“It’s okay,” sagot nito. At akmang lalabas na ng sasakyan nang biglang bumukas ang gate at lumabas ang tatay niya. Bumaba siya ng sasakyan at ganoon din ito.
“’Tay, si Clint po. Clint ang tatay ko,” pakilala niya kay Clint sa tatay niya.
“Good evening po!” magalang na bati nito sa kanyang tatay saka inilahad nito ang kamay.
“Magandang gabi rin sa’yo, Clint,” ganting bati rin ng tatay niya.
“’Tay, nasa loob po si JB, tulog,” pag-i-imporma niya sa tatay niya. Akmang lalapit na sana ang tatay niya sa sasakyan nang pigilan ito ni Clint.
“Ako na lang po ang magbubuhat sa kanya.”
“Naku, ako na, hijo, para hindi na kayo masyadong magabihan sa daan,” pagtanggi ng tatay niya saka tuluyan nang kinuha si JB sa loob ng sasakyan.