MATAPOS ANG pagkamatay ni Papa ay ako na lang ang mag-isang nakatira sa bahay namin dito sa Maynila. Nakalulungkot lang isipin dahil nasanay ako na kasabay siyang mag-almusal sa umaga at maaabutang gising matapos ang maghapong pamamalagi ko sa trabaho at sa school. Nasa aking isipan pa rin ang kaniyang magandang ngiti pagkagising sa umaga at bago matulog. Ang sakit-sakit pa rin nang pagkawala niya, lalo na't mas malapit ako kay Papa at mas matagal ko siyang nakasama kaysa kay Mama.
Matapos kong kusutan ang mga labahin ay nag-asikaso na ako para pumasok sa trabaho. Nagmamadali akong makaalis dahil ilang minuto na lang bago mag-alas otso ng umaga. At saktong pagbukas ko ng pinto ay natigilan ako sa bumungad sa akin.
"O, Jerson.." tanging tugon ko nang bungaran niya ako at agad kong napansin ang dala-dala niyang supot ng pandesal.
"Papasok ka na? Sabay na sana tayong mag-almusal," aniya.
Hindi ko maiwasang mapakamot sa ulo ng wala sa oras. "Naku, male-late na kasi ako, roon na siguro ako mag-a-almusal sa trabaho. Pero kung gusto mo ay maiwan ka na muna rito para makapag-almusal ka at ibibigay ko na lang muna sa'yo ang--"
"No, sasabayan mo ako, medyo maaga pa naman, ihahatid na rin kita." Napabuntong hininga ako at walang nagawa kung hindi ang pumayag sa gusto niya.
"Kung pahihintulutan mo sana ako na kung p'wede ay palagi na kitang sasabayan na mag-almusal," aniya habang humihigop ako ng kape.
"Sigurado ka ba riyan? Hindi ba mahirap sa'yo, e, pumapasok ka rin, 'di ba?" tanong ko subalit napailing lang siya at napangiti.
"Wala naman mahirap basta ikaw ang dahilan." Sandali akong natameme sa sinabi niya at idinaan na lang iyon sa tawa.
"Itsura mo! O, siya, dalian na natin at baka ma-late na ako," sabi ko at tumayo ako upang iligpit ang mga tasa.
"Ako na ang maghuhugas nito, hintayin mo na lang ako para maihatid kita," aniya at hindi ko maiwasan na matulala at mapaawang ang bibig dahil sa ginagawa niya. Masyado niya na talagang kina-career ang panliligaw sa akin.
At ilang minuto lang ang lumipas ay nagmamadali na siyang makalabas upang maihatid ako.
"Kumapit ka ng mahigpit dahil bibilisan ko," aniya at hindi ko naman maiwasan ang mapangiti kahit na alam kong hindi niya iyon mapapansin.
Nakahawak ako ng mahigpit sa bewang niya nang bilisan niya ang pagmamaneho kung kaya't mabilis din kaming nakarating ng salon.
Napadalas ang pagsabay sa akin ni Jerson sa pag-a-almusal kagaya nang sinabi niya. Bukod pa roon ay palagi niya akong ipinagsasaing sa umaga upang ipambaon ko. Maasikaso siyang lalaki at iyon ang nakita ko sa kaniya. Kaya naman nabuo sa aking isipan ang isang desisyon na naudlot bago pa man pumanaw si Papa-- ang sagutin siya.
Hanggang isang araw ay nasorpresa ako sa ibinungad niya sa akin na mga tsokolate at rosas na hindi ko nakasanayan sa araw-araw na panliligaw niya.
"Jerson, ang dami naman nito.. nag-abala ka pa," sabi ko nang minsan niya akong sunduin sa school na pinapasukan ko. At sa gitna ng kadiliman ng gabi ay makikita ang kislap ng mata niya.
"Para sa'yo lahat 'yan," aniya. Napangiti ako at tinanggap iyon. Subalit sakto naman na napalingon ako sa tumawag sa pangalan ko.
"Jeerah!" hinihingal siyang lumapit sa amin.
"O, Israel, bakit?" Isa siya sa mga kaklase ko sa Philo class. Sandali pa siyang napalingon kay Jerson at sumilay ang kaniyang kunot sa noo nang magtagpo ang mata nila.
"Ah-- sasabihin ko lang sana 'yung.. ipinangako mong dinner date natin." Nanlaki ang mata ko dahil wala akong naaalalang pumayag ako sa pang-aaya niya sa akin. At nang lingunin ko si Jerson ay nakakuyom na ang palad niya.
"Ah, Israel kasi--"
"Hindi na 'yon tuloy, dahil sa akin siya sasabay ngayon. At sino ka ba, hah?" Pinagbalik-balik ko ang tingin sa kanilang dalawa at nakaramdam ako ng tensyon sa pagitan nila.
"At ikaw? Sino ka rin ba?!" tila pasigaw din na sabi ni Israel kaya kinabahan na ako.
"Ah, Israel, Jerson, tumigil na kayo.." Napapikit ako sa kawalan nang dahil sa nangyayari. Hindi ko gusto ang ganito, marahil ang ibang babae ay matutuwa pa kapag dalawang nagpopogiang lalaki ang mag-aaway nang dahil sa kaniya.
"I'm sorry," tanging sabi ni Israel at nagmamadali itong umalis habang hindi pa rin maalis sa mukha ni Jerson ang inis.
Tahimik siya hanggang sa makarating kami ng bahay at labis ko iyong pinag-alala.
"Uuwi na ako, hinatid lang talaga kita," tila walang emosyong sabi niya. Palabas na sana siya ng pinto nang magsalita ako.
"Ah, sandali, Jerson." Natigilan siya subalit hindi siya humarap sa akin kaya naman nagpatuloy ako sa pagsasalita. "Iyong mga narinig mo.." Napabuntong hininga ako nang mapansin ko ang nakakuyom na naman niyang palad.
"Ewan ko ba, naiinis ako sa lalaking iyon, Jeerah! Pero naiinis ako dahil may iba ka pa palang manliligaw bukod sa akin!" napataas na tonong aniya.
"Kaya nga magpapaliwanag ako, e!" napataas din sa tonong pagkakasabi ko dahilan para mapalingon siya sa bandang kanan kung saan ay makikita ko ang kalahating bahagi ng mukha niya.
"Hindi ko lang matanggap na nagpapaligaw ka rin pala sa iba, Jeerah." Napayuko ako at hindi ko maiwasan na mahiya. Ganoon pala kalakas ang epekto sa kaniya nang nalaman niya.
"Aaminin ko.. nanliligaw siya sa akin, pero hindi ko naman siya binigyan ng permiso, e. Maniwala ka, Jerson." Sa sandaling iyon ay hindi na maiwasang pumatak ng luha ko at napansin ko na lang ang paglapit niya sa akin.
"Hindi iyon ang pinupunto ko, Jeerah." Napalingon ako sa kaniya at hindi maiwasan bumilis ang t***k ng puso ko nang magtama ang mga mata namin. "Alam mo ba kung bakit nagkakaganito ako? Alam mo ba, hah? Jeerah?!" Natigilan ako sa sinabi niya at hindi ako naging handa sa sumunod na sinabi niya, "Dahil mahal kita! At ang gusto ko lang ay makita ang kasiguraduhan sa'yo na may pag-asa na mahalin mo rin ako.." Napaawang ang bibig ko sa sinabi niya. Sandali akong hindi nakaimik at nang yumuko siya ay doon ako nagkaroon ng lakas ng loob na sabihin ang totoong nararamdaman ko para sa kaniya.
"Hindi mo naman kailangan na siguraduhin 'yon.. dahil alam ko naman na sigurado ako sa nararamdaman ko," panimula ko na nagpalingon sa kaniya sa akin. Kaya naman nagtamang muli ang aming mga mata. At nagkaroon ng pagbabago ang tingin na 'yon dahil ang kaninang galit at selos na nakikita ko ro'n ay napalitan ng pagsusumamo. At sa puntong iyon ay kinuha ko ang lahat nang lakas ng loob para sabihin sa kaniya ang mga katagang, "Dahil mahal din kita, at nakakahiya man aminin na araw-araw ay gusto kita palaging nakakasama at nakikita.. dahil--" hindi ko na naipagpatuloy pa ang sasabihin dahil.. hinagkan niya na ako. At sa sandaling nagtama ang aming mga labi ay tumugon na rin ako. Hindi ko maintindihan ang kakaibang pakiramdam sa bawat pagdiin ng kaniyang labi sa akin, para bang dinadala ako no'n sa alapaap habang mabilis sa pagtibok ang aking puso. Hindi pa siya nakuntento dahik nang sandaling matapos ang halik na 'yon ay niyakap pa niya ako ng mahigpit matapos ang halik na aming pinagsaluhan.
"I love you, Jeerah.." sambit niya sa gitna ng yakap namin. Doo'y hinarap ko siya at nakita ko ang namamasang mata niya dulot ng luha.
"O, bakit?" halos pabulong kong tanong.
"Masaya lang ako.." sabi niya at sumilay ang ngiti sa kaniyang labi. Kaya napangiti na rin ako at niyakap niya akong muli.
Hindi ko akalain na ang gabing 'yon ang mag-uudyok sa aming mga puso na maging isa.