JADE'S POVS
"Ang dami nyong ginawa kanina pre ah. Sobrang busy," kumento ni Willie habang naglalakad kami. Sumabay siya sa akin ngayon umuwi.
"Madami kasing system ang nagloloko pre, yung account ng team nyo lang ata ang di naapektuhan nung virus," sagot ko saka napabuntong hininga. Sumakit ang ulo ko sa ginawa namin kaninang trabaho.
"Mahirap ba maging IT support?" tanong niya na tila nag-iisip.
"Hindi naman, parang normal lang din na trabaho gaya ng inyo pero iba ang task namin at di kami nagko-calls. Kadalas puro kami programs. Nahihirapan lang naman kaming IT tuwing may ganitong may system error." Paliwanag ko sa kanya. Tumango tango siya saka kunot noong napatitig sa bandang gilid ko.
"Pre, si Jackie yun diba," tumuro siya na agad ko namang tinignan. Pasuray suray ito maglakad at tila lulong sa alak. "Hindi yan pumasok sa station nyo kanina, diba?"
"Oo," agad naming nilapitan si Jackie. "Jackie." Tawag ko, agad niya akong tinignan sa mukha.
"S-sir Jade." Nginitian niya ako. Tumaas ang isa kong kilay ng mapansin ko ang pamumugto ng mata niya. Amoy din siyang alak.
"Ok ka lang ba?" Bigla siyang yumakap sa akin at doon umiyak. Napatingin ako kay Willie pero gaya ko, tila di rin niya alam ang gagawin.
"Hindi ko a-alam kung anong problema sa akin-- b-bakit lahat na lang ng lalaking nagugustuhan ko s-sinasaktan ako," sabi niya habang umiiyak at bahagyang pumapadyak sa kalsada.
"Patay tayo dyan," kumento ni Willie sa narinig saka napatingin sa relo niya. "Pre, anong oras na pala, may date ako ngayon. Ikaw na muna bahala dyan kay Jackie, alalayan mo ha." Palam niya habang tumatakbo palayo. Marahan ko na lang siyang tinanguan kahit alam kong hindi naman niya iyon makikita.
"Jackie, madami yata ang nainom mo. Tara doon, umupo muna tayo at baka mahilo ka," turo ko sa isang bench na di kalayuan sa kinatatayuan namin. Kani-kanina pa rin kasi kami nakatayo sa kalasada.
Umupo kami sa bench saka ko siya hinayaan magkwento at maglabas ng sama ng loob. Binigyan ko rin siya ng panyo para mapunasan niya ang luha niya't sipon. Ang ganda gandang babae, ang dungis umiyak.
Napakamot ako ng batok. "So, kung isa-summary ko yung kwento mo, yung guy na iniiyakan mo ngayon is yung ex mo na gustong makipagbalikan sayo, tapos nung balak mo na siyang balikan ulit, nahuli mo siyang may kahalikang ibang babae, ganun ba? Tama ba ako?"
Tumango tango siya habang patuloy na humihikbi. "H-hindi ba ako maganda, sir? H-hindi ba ako sexy kaya nagagawa nila to sakin?"
"Maganda ka, sexy din. Sadyang hindi ka lang niya siguro talagang gusto kaya ganun ang nangyari. Wag mong masyadong idown ang sarili mo." Sagot ko sa kanya para mapalakas ang kanyang loob.
Napakagago naman kasi nung lalaking yun, makikipagbalikan tapos may kalandian? Ayos siya ah.
"L-lahat na lang ng gusto ko, h-hindi ako gusto." Lalong lumakas ang iyak niya. Ano bang gagawin ko dito? Baka may dumaan, ako pa mapagbintangan.
"Hey, hindi ibig sabihin na niloko ka ng ex mo, hindi ka na magugustuhan ng gusto mo. Madami pa dyang iba, Jackie. Marami ka pang makikilala." Pinat ko ang ulo niya habang nakangiti.
"Ikaw ba, sir, gusto mo ba ako?" Tila ako nasamid sa tanong niya. Masyadong biglaan, hindi ako ready na sasabihin niya iyon sa akin kahit alam ko namang may gusto siya sa akin. Anong isasagot ko? Hindi ko siya gusto, si Lauren lang gusto ko pero somehow, Jackie's attracted. Totoong maganda siya.
"A-ano, kasi.." Napakamot ako ng ulo ko. For sure pag naghindi ako, iiyak to lalo pero ayoko naman siyang paasahin.
"D-diba, pati ikaw aya--," di ko na siya pinatapos sa sasabihin niya dahil nagbabadya na naman siyang umiyak.
"Gusto kita."
LAUREN'S POVS
Masyado akong naaliw sa bagong kainan na pinuntahan namin nila Celes, hindi ko manlang namalayan ang oras.
Nakangiti akong naglalakad dala dala ang plastic bag na may lamang pagkain na itinake out ko sa kainang pinuntahan namin. Pasalubong ko ito kay Jade Joshua.
Napatingin ako sa magkasintahan sa isang bench na madadaanan ko. Gabi na, nagde-date pa.
Nakatalikod sa banda ko ang lalaki pero habang papalapit ako sa pwesto nila ay unti unti ko itong nakilala pati ang babaeng kasama niya.
Joshua.. Kasama si Jackie.
"D-diba, pati ikaw aya--," di na natapos ni Jackie ang sasabihin niya ng sumagot si Jade Joshua.
"Gusto kita," diretsong sagot ni Jade Joshua dito. Napahinto ako sa paglalakad ko't bahagyang napatitig sa kanilang dalawa na tila di ako napapansin. Tama ba iyong narinig ko? G-gusto niya si Jackie..
Dahan dahan akong napaatras at patakbong lumihis ng daan. Sa kabilang daan na lang dadaan papunta sa sakayan ng tricycle para makauwi na sa amin. Pagdating ko doon ay agad akong sumakay sa tricycle at nagpahatid sa tinitirahan naming apartment.
Eksakto pag-uwi ko't pagsara ng pinto, bumagsak ang mga luha kong kanina ko pa pinipigilan bumagsak. Nasasaktan ako!
Alam ko namang marami akong pagkukulang biglang asawa dahil hindi ako babae at alam kong maraming posibilidad na magkagusto pa rin siya sa babae pero sobrang sakit pa rin pag nangyayari na.
Kinabukasan, maaga akong pumasok upang hindi kami makapag-usap. Ayoko muna siyang makausap. Sobrang bigat pa ng pakiramdam ko.
"Bakla, ok ka lang? Mukha kang zombie," bungad sa akin ni Celes matapos niyang makaupo katabi ko. Matamlay ko siyang nginitian pero kaysa tigilan ay binatukan pa niya ako. "Uso magsabi baks, best friend tayo."
"Bessy, si Joshua kasi.." Muli na naman tumulo ang luha ko. Masyado na akong emosyonal.
"Niloko ka? May babae na naman?" Bumuntong hininga siya. "Bakla, ito bang mga paghihinala mo may basihan? Kasi parang paulit ulit na lang. Sinasaktan mo na lang yata sarili mo eh."
"Bakla, this time, sigurado na ako. Sigurado na talaga," nagpunas ako ng luha saka bahagyang suminghot. "Nahuli ko silang nag-uusap kagabi. Umamin si Joshua na gusto niya yung girl."
"So, bisexual si Jade Joshua," bigla ko siyang hinampas. "Ito naman, sinabi ko lang na bisexual eh. Pero kung nahuli mo sila, anong sabi ng asawa mo?"
"Hindi niya alam na nahuli ko sila, tapos kagabi, natulog agad ako para di kami mag-abot--," di ko na natapos ang sasabihin ko ng umeksena na siya.
"Kaya ka din maaga pumasok, hay nako! Baks, ang problema, sinosolusyunan, hindi tinatakbuhan. Try mo munang kausapin asawa mo, hindi yang nagkakaganyan ka." Iritado siyang nagkrus ng mga bisig.
"Susubukan ko, pero kasi baks--." Bigla niya akong pinitik sa bibig.
"Alam kong nasasaktan ka pero mas maganda ng masaktan ng alam mo ang totoo kesa nasasaktan ka ng hindi mo alam ang totoo." Tumango na lang ako pero sa totoo lang, ayoko na lang talaga magsalita kasi feeling ko mananakit na naman itong baklang to sa oras na magsalita ako.
Matapos ang klase namin. Napagdesisyunan kong pumunta sa park di kalayuan sa bahay. Dito yung park na gustong puntahan ni Jade Joshua. Maaliwalas ang parke katulad pa din ng dati.
Umupo ako sa isang batong bench sa gilid at doon pinagmasdan ang mga batang naglalaro.
Iniisip din kaya ni Joshua na magkaroon na ng anak? Kasi ako, gusto ko na pero alam kong mahirap lalo pa't nag-aaral pa kami pareho.
"Mama!" Napatingin ako sa batang tumatakbo papunta sa babaeng nakahighschool uniform. Mama?
"Yan na yung anak mo? Ang laki na pala," kumento ng mga kasama niya na nakasuot din ng highschool uniform. "Ilan taon na siya?"
"Oo ang bilis nga lumaki eh, pa-4 years old na next month," nakangiti niyang tugon saka kinarga ang bata at tila sumenyas ng pasasalamat sa isang ginang sa park.
"Hindi ba mahirap? Nag-aalaga ka ng anak mo habang nag-aaral? Sobrang stress nun, buti kinakaya mo." Sabi pa ng isa nilang kasama na tila naaamaze sa kaibigan.
"Nung una mahirap, 14 years old pa lang kasi ako noong nabuntis ako. Iniwan pa ako nung nakabuntis sa akin pero kaya naman kung gugustuhin," nakangiti niyang paliwanag saka hinalik halikan ang anak. "Saka mahal ko ang anak ko kaya kahit mahirap, kinakaya ko"
Napangiti ako sa mga narinig ko. Tama si ate girl, kung mahal mo, kahit mahirap kakayanin mo.
Matapos magpahangin, umuwi na ako sa apartment namin. Nagluto ako't nag-intay kay Jade Joshua makauwi.
"Babe," bati niya pagkarating. Marahan ko siyang nilapitan at hinalkan sa pisngi.
"Let's eat," aya ko pagkatapos niyang magbihis.
"Hindi kita naabutan na gising kagabi, kahit kaninang umaga. Busy ba masyado sa school?" usisa niya. Ramdam ko ang pag-aalala niya sa akin.
"Medyo, pasahan na kasi ng mga final requirements ngayong week" tugon ko na lang. Well, totoo naman yung sagot ko pero hindi yun ang dahilan kaya hindi kami nag-abot. "By the way, ikaw? Kamusta ang work? Ok naman ba ang lahat?"
Paano ko ba siya tatanungin tungkol kay Jackie?
"Ok naman, maraming trabaho pero kaya naman lahat," nakangiti niyang sagot.
"Mabuti naman. Nga pala, about sa mga OJT nyo doon, hanggang kailan sila doon?" tanong ko na biglang ikinakunot ng noo niya. Bawal ko tanungin?
"Hindi ko alam," tipid na sagot niya saka nagtuon ng atensyon sa pagkain.
"Ipakilala mo naman ako sa kanila, nabanggit mo sakin noon na galing sa school natin ang mga yun eh. Baka nakakasalubong ko na sila di ko pa alam," marahan akong tumawa para pagaanin ang usapan.
"Babe, sa susunod na lang yan," saka siya tumayo't nagligpit ng platong kanina'y pinagkakainan niya. "Magpapahinga na ako, sunod ka na lang sa kwarto pagtapos mo dyan."
Nagbago yung mood niya dahil doon? Ganun ba niya kagusto yung babaeng yun?
Gusto ko lang naman iopen up ang tungkol kay Jackie, gusto kong malaman kung anong relasyon nila. Ayoko lang naman ng di ko alam kasi ayoko magmukhang tanga.