2. YOUNG BOY

2203 Words
Nasa loob ng isang malaking gusali na may limang palapag ang mga tauhan ni Jin, nagpapahinga ang lahat sa nakapapagod nilang araw. Pabagsak na umupo si Richard sa mahabang puting sofa at pinatong ang mga paa niya sa mesa na nasa harapan niya, saka siya nag-unat. Nagdadalawang isip naman na umupo si Christian sa tabi ng lalaki, pasilip-silip siya sa direksiyon ni Richard habang nakatayo sa gilid. "Anong ginagawa mo riyan? Para kang ewan d'yan kung sumilip," banggit ni Richard sa baguhan. "Alam kong pagod ka rin kaya…" Sabay niyang tinapik ang upuan. Nataranta naman si Christian at naiilang na umupo. "Umm… Kuya Richard, p'wede ho ba magtanong?" nahihiyang tanong ni Christian sa lalaki. "Sige lang. Ano ba 'yon? 'Wag lang pera. Wala pa ako no'n." Saka siya tumawa nang mahina. "Hindi naman po iyon." Nang dahil sa biro ni Richard, bahagyang nawala ang takot ng binata. "Gusto ko lang ho sana malaman kung ano ba ang dapat kong gawin o ano ho, iwasan kapag kaharap ko si Sir Jin? Baka ho may magawa akong mali at ikamatay ko pa ho 'yon," sagot niya na may kaunting kaba na nararamdaman. "Ito, bata, payo ko lang sa iyo ay palagi ka lang sumunod sa kan'ya, hindi lang siya kun'di ang mas nakakataas pa sa iyo. Bukod kay Jin, sumunod ka rin kay Vincent, 'yong kasa-kasama ni Jin palagi, isama mo pa ang pinaka-boss natin na si Sir Stephen Reyes," tugon ni Richard sa kaniya. "Iyong tatlong iyon, 'wag na 'wag mo sila sasalungatin kung gusto mo pa mabuhay. Ewan ko ba kung bakit tumaas ang rangko ni Vincent kahit na g**o iyon, same pa sila ni Jin, ah. 'Di ko naman siya masisisi dahil magaling siyang tauhan ni Stephen. "Isa pang payo para sa iyo, bata, huwag ka basta-basta mapapaloko kay Vincent. Kahit na joker at palatawa iyon, 'di hamak na mas mabait pa si Jin kumpara sa kan'ya. Sobrang... masyado siyang malupit kumpara sa iba rito, naalog yata ang ulo niya noong sanggol pa lang siya kaya naging gano'n. Kaya ang lahat, mas pinili maging boss si Jin kumpara kay Vincent," seryosong usap ni Richard. "Kung ganoon ho pala, bakit panay sunod ho si Vincent kay Jin kung mataas pala ang rangko niya? Hindi ho ba dapat may sarili na siyang grupo ta's siya ho ang magli-lead sa kanila?" Tiningnan siya ni Richard at bumuntong ng hininga. "Masyadong complicated, mahaba rin ang k'wento…" Noong panahong bata pa si Jin, sa edad na 11, lahat ng mga maaari niyang pasukan na hanap-buhay ay sinubukan niyang pasukin alang-alang sa kaniyang pamilya. Pinanganak na mahirap si Jin, ang kaniyang ama na si Albert Fajardo ay isang mangangalakal samantala maaga naman sila namatayan ng ina. Namatay ang kanilang ina nang isinilang niya ang kambal na kapatid ni Jin na sina Chris at Chloe. Mag-isang tinaguyod ni Albert ang pamilya subalit ang pangangalakal ay hindi sapat para sa kanila. Nagdesisyon si Jin na tulungan ang ama ngunit palagi siya nito pinagbabawalan. "Hindi, hindi, at mas lalong hindi," ilang beses na pagtanggi ni Albert sa anak. "Ilang beses ba dapat kita pagsasabihan na pag-aaral muna ang unahin mo at hindi magtrabaho? Tapos makikita na lang kita sa labas na nagtatrabaho at hindi pumapasok sa eskuwelahan? Pag-aaral dapat ang iniintindi mo at hindi ang paghahanap-buhay," singhal niya sa anak. Nang marinig ang iyak ng sanggol, binuhat niya si Chloe at hinele. "Pero, 'tay, ayoko naman po pumasok sa school. Wala naman po ako makukuha ro'n puro assignments lang. Hindi naman nakakain ang assignments at activities na binibigay ng teacher sa amin," malungkot niyang tugon sa ama. "Mas mabuti po na magtrabaho na lang ako kaysa sa mag-aral. Para naman po makatulong ako sa inyo, may pang-d**e po kanina Chloe at Chris." Nilingunan ni Albert si Jin habang hinehele ang umiiyak na anak. "Alam mo, anak, sobra-sobra ang pasasalamat ko sa iyo dahil mabuti kang anak at kapatid sa amin. Nauunawaan ko naman ang gusto mo pero, 'nak, unawain mo rin sana na ang pag-aaral mo ang pinaka-importante sa lahat. "Kapag nakatapos ka, magkakaroon ka ng magandang trabaho at gaganda ang buhay mo. 'Di ba, gusto mo naman ang umahon sa buhay?" masaya niyang usap. "Hindi kita ma-gets, 'tay," inis na usap ni Jin sa ama. "Paano mo naman po ako paaaralin kung hindi naman po natin alam kung saan tayo kukuha ng pera sa school ko? Ni makain nga natin, lalo na po sa kambal, wala po tayo, paano naman po 'yong akin? Mas uunahin mo pa po ba ang pag-aaral ko kumpara sa pagkain natin, 'tay? Bakit ba pinipilit mo akong mag-aral, eh, matagal pa po mangyari ang iniisip niyo sa akin? Kung ngayon po ako magtatrabaho, may pera at pagkain na po tayo makakain, 'tay." Pagkasabi niya ay saka siya bumuga ng hangin sa bibig upang mailabas ang galit na nadama niya. Tiningnan lang ni Albert ang anak na may lungkot sa mukha, miski siya ay walang kasiguraduhan sa magiging kahihinatnan ni Jin sa oras na pinagpatuloy ang kaniyang pag-aaral, ganoon din kung saan niya kukunin ang pera upang ituloy ang pag-aaral ng anak at ang pera para sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan. Hindi niya magawang sagutin ang anak dahil nahihiya siyang harapin ito. Gawa ng isang taong grade 1 lang ang natapos, ang tanging alam niya na makatutulong sa kanila ay ang pag-aaral dahil iyon palagi ang naririnig niya sa mga tao ngunit wala siyang ideya kung ano ang kasunod nito. "Anak, kaya ko pa naman. Kung magtatrabaho ka, sino na lang ang magbabantay sa kambal? Pakiusap lang, 'nak, unawain mo rin ang hiling ko sa iyo. May magandang kinabukasan ang maghihintay sa iyo sa oras na pinagpatuloy mo ang pag-aaral mo," nakangiting sambit niya. "Tingnan mo ang nangyari sa akin? Sa pagiging mangangalakal ang bagsak. Kung nag-aral lang ako, nakinig kay nanay, baka kahit papaano ay maganda-ganda ang buhay ko ngayon. "Kaya pakiusap lang, 'nak, 'wag na 'wag mo pababayaan ang pag-aaral mo. Huwag ka mag-alala sa pera, gagawan ko ito ng paraan basta magtiwala ka lang sa akin, ayos ba?" Binigyan niya ng isang mainit at malaking ngiti ang anak. Buntong hininga tiningnan ni Jin ang ama, inisip ang mga sinabi ni Albert sa kaniya ngunit nang makita ang mga ngiti at masaya nitong mukha, tumango ang bata sa kaniya. Nasiyahan ang ama sa tugon ng anak at muli niya hinele ang buhat na sanggol. Samantala, umiyak naman ang isang sanggol na si Chris kung kaya dali-dali namang binuhat ni Jin ang kapatid at hinele ito. Lumabas sa isang baro-barong tahanan si Jin na naka-puwesto sa gilid ng tren suot ang uniporme niya sa paaralan. Sinunod niya ang utos ng ama na pumasok sa paaralan ngunit huminto ito sa paglalakad. Hinigpitan ang hawak niyang strap ng bag na binigay sa kanila ng mayor at nag-isip kung itutuloy niya ang binabalak niyang maghanap ng trabaho. Nang marinig niya ang tren, ginamit niya iyong "sign" sa kaniyang desisyon. Naglakad siya paalis ngunit sa ibang direksiyon siya pumunta, sa lugar kung saan sigurado siya na makakakuha ng pera. May nakilala siya noong isang lalaki, nasa 20's, at tinanong niya kung saan siya nakakuha ng pera. Pinagtawanan siya ng lalaki noon at ng kasamahan niya sa batang paslit na walang ideya kung anong klaseng tao sila, kung anong klaseng trabaho ang kanilang pinasukan. "Ang kulit mo naman. Ikaw na naman?" inis na usap ng lalaki sa paslit. Ang dahilan kung bakit nainis ang lalaki kay Jin ay dahil sa palagian nitong pagpunta at pagtanong sa kaniya kung saan siya nagtatrabaho. Pinipilit din ng bata ang sarili na ipasok siya rito. "Mas mabuti pa kung mag-aral ka na lang, bata. Hindi mo alam ang gusto mong pasukan," pagtanggi ng lalaki. "Ba't ba ayaw niyo ako tanggapin? Kahit ano pa ang ipagawa niyo sa akin, kayang kaya ko naman iyan. Mabilis ako matuto at magaling mag-sales talk," determinadong banggit ni Jin sa kaniya. "Talaga ba? Ang kaso nga lang bata ka pa. Wala kami makukuha sa katulad mo dahil bata ka pa," tugon sa kaniya ng lalaki. "Ano ba pangalan mo, ha?" "Bakit? Tatanggapin mo ba ako 'pag sinabi ko sa iyo pangalan ko?" mabilis niyang sagot sa lalaki. "Aba! Sumasagot ka pa, ah," nakangising saad niya. "Natuwa lang ako sa iyo, talagang pinagpipilitan mo ang sarili mo sa ganitong klaseng trabaho. Alam mo ba ang trabaho namin?" Umiling ang bata sa lalaki. Tinaasan siya ng kilay at nanigarilyo sa harap ng bata. "Kung ako sa iyo, magtinda ka na lang d'yan ng sampaguita o kahit na anong bagay. Maglinis ka ng sapatos o kotse, diskartehan mo," suhestiyon ng lalaki kay Jin. "Ginawa ko na iyon pero hindi pa rin sapat. Nahuli pa ako ni tatay at pinagalitan. Dapat daw pag-aaral ang inaatupag ko at hindi ang pagtatrabaho." "Iyon naman pala. Makinig ka sa tatay mo, bata. Iyon ang dapat ang inaatupag mo at hindi mo dapat pinoproblema ang pera," sang-ayon ng lalaki. "Ang bata-bata mo pa, pera na pinoproblema mo. Sabagay, hindi naman kita masisisi kung walang wala ka na talaga sa buhay. "Gusto rin kita tulungan pero kung tutulungan kita, paano na lang ang ibang bata na lumapit din sa amin? Wala nga ako nakikitang espesyal sa iyo. Mas gugustuhin pa namin kunin ang may malalakas na pangangatawan, matangkad, at hindi ang katulad mong patpatin at walang alam sa ganitong trabaho. Baka nga isang buga lang sa iyo, liparin ka na. "Hindi rin basta-basta trabaho ang pinasukan namin, bata. Mahirap makalabas sa ganitong trabaho. Bata ka pa at marami ka pang p'wedeng pagpilian na trabaho, 'wag lang sa ganito. At isa pa, masyadong delikado ito, kaunting galaw ay puwede mo na ikamatay." Tiningnan niya nang masama ang bata ngunit hindi nagpatinag si Jin. Napangisi siya sa kaniyang nakita, sa batang inosente ngunit walang kinakatakutan. "Gusto kita, bata, pero hindi kita tatanggapin." "Sino ang hindi mo tatanggapin?" singit ng isang lalaki na kapapasok lang sa loob ng establishimento na kanilang kinatatayuan. May katamtaman ang laki nito ganoon din ang pangangatawan ng lalaki. May kasama siyang tatlong lalaki na nasa likuran niya at tunay na nakakatakot ang kanilang awra. Maganda ang suot nito at tunay na malinis. Puno rin ng mga gintong alahas ang buo niyang katawan. Nang makita ng lalaking kausap ni Jin, bigla ito umayos ng tayo na kinapansin ng batang paslit. "Good afternoon po, Sir Reyes. Napadaan po yata kayo rito," nakangiting saad ng lalaki sa kaniya. "Well, alam mo naman ako, tamang patrol lang para malaman kung nasa ayos ang teritoryo ko," nakangiting tugon niya. "Sino naman itong paslit na ito? Isa na naman ba sa gustong sumali?" "Opo, sir. Huwag niyo na lang po siya pansinin. Gusto niyo po ba ng pagkain? Juice?" Sabay niya nilingunan ang mga kasamahan niya. "Hoy, maghanda kayo ng pagkain ni boss! Dali!" "Naku, Richard, huwag ka na mag-abala pa. Dumalaw lang talaga ako at aalis na rin," pagtanggi niya sa lalaki na sabay niyang nilapitan ang bata. Tiningnan niya ang mukha nito at hinawakan ang baba, sinuri ang buong mukha lalo na ang mga mata nito. "Gusto ko ang mga mata mo, bata. Iyan ang mga mata na gustong gusto ko tusukin at ipakain sa mga alaga kong aso. Kung gusto mo, ipakikilala kita sa kanila." Hindi man lamang napaatras ang bata o natakot sa sinabi ng lalaki, nananatili siyang nakatingin sa lalaki. "Kung ipakikilala niyo po ako sa kanila, ibig bang sabihin no'n tinatanggap niyo na po ako para magtrabaho sa inyo?" mabilis niyang tugon sa lalaki. Bahagyang nagulat ang lalaki sa bata at humalakhak. Nagtinginan naman ang mga iba nilang kasamahan sa loob ng gusali at sinabayan siyang tumawa. Inalis ang pagkahahawak ng lalaki sa mukha ng bata at saka niya tinapik ito ng dalawang beses. "Iyan ang gusto ko, walang kinakatakutan. Ang kaso nga lang, hindi pa rin sapat ang walang takot lang sa trabahong ito," masaya niyang banggit sa bata. "Mabilis naman po ako matuto at kayang kaya ko ang lahat ng mga gusto niyong ipag-uutos sa akin. Hindi po ako magiging sagabal sa inyo, magiging tahimik ako gumawa at, at hindi po magiging makulit," mabilis na tugon ni Jin. Nagdadalawang isip ang lalaki kung kukunin ba niya ang bata o hindi. Nag-isip siya nang matagal kung ano nga ba ang magagawa ng isang batang katulad ni Jin sa kaniyang negosyo. "Sige, pagbibigyan kita." Sobra ang saya na marinig ni Jin ang sinabi sa kaniya ng lalaki. "Pero, boss, masyadong bata iyan," singit ni Richard sa kaniya. "I know kaya pagbibigyan natin ang batang ito. Sa isang linggo, sa loob ng isang linggo at hindi mo ako kinakitaan ng maganda, huwag na huwag ka na magpapakita sa amin. Naiintindihan mo ba, ha?" "Opo, boss! Naiintindihan ko!" masayang sagot ni Jin sa kaniya. "Bukas, sa ganitong oras at lugar, kukunin kita. Huwag mo ako paghintayin." At saka siya umalis sa lugar. "Hinding hindi po kayo magsisisi sa desisyon niyo, boss!" masayang tugon ni Jin. Sa sobrang saya ni Jin ay tumalon siya, tumingin siya kay Richard at nagpaalam. Pagkatapos ay tumakbo ito paalis sa lugar. Umiling ang lalaki sa bata at sa oras na iyon ay nakaramdam na siya ng awa kay Jin. "Dapat pala tinakot ko siya nang husto para umatras," bulong ni Richard sa sarili.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD