3. LITTLE CLEANER

2566 Words
"Anong sabi mo!?" gulat na tanong ni Albert sa anak. "Ilang beses ba dapat kita pagsasabihan na 'wag na 'wag ka magtatrabaho, ha!?" "Pero po, 'tay, sayang naman po ang offer sa akin at saka malaki naman po ang makukuha ko sa kanila," sagot ni Jin sa ama. "Jin, Jin, anak…" Hinimas ni Albert ang kaniyang sentido gawa ng galit sa kaniyang anak. Huminga siya nang malalim at saka tumingin sa anak. "Anong klaseng trabaho ba ang inalok nila sa iyo? Pakiusap lang 'yong maayos at malinis na trabaho sana, 'wag ang illegal. Mahirap lang tayo pero hindi tayo masamang tao, tandaan mo iyan." "Ang totoo po n'yan ay hindi ko rin po alam. Tinanggap ko po agad ang offer nila kasi po nakita ko kay Kuya Richard kung gaano na po siya kaangat sa buhay." "At sino naman si Richard?" "Siya po iyong taong tinutukoy ko po kanina na nakilala ko po sa labas ng simbahan. Nakikita ko po kasi s'ya na may dalang maraming pera at minsan po ay binibigyan niya po ang mga ibang bata na nanglilimos sa kan'ya," mahina niyang sambit. "Na-curious po kasi ako sa kaniya kung saan n'ya nakuha ang mga pera niya kaya nilapitan ko po siya. Pinagtawanan nga po niya ako kasi raw hindi ko raw maiintindihan ang trabaho niya kahit sabihin pa niya. "Ang ginawa ko para ma-gets siya ay palagi ko po siya pinupuntuhan at tinatanong kung ano ba ang tinutukoy niya tapos… tapos no'n, dumating na po ang boss niya. Nagustuhan po ako ng boss niya, 'tay, kasi wala raw po akong takot. Iyon daw ang hinahanap niya. Sigurado po ako makakapasok ako sa kanila kahit alalay lang. "Kung nakita mo lang siya, 'tay, naku… mamamangha ka rin. Ang dami pong singsing sa mga kamay at kuwintas niya at saka po, 'tay, may maganda pa siyang relo. Para nga pong pinapaligiran siya ng mga ginto. Tapos, para talaga siyang boss, iyong ano... iyong po nakikita natin sa mga palabas — iyong mga naka-kotse tapos may magagandang bahay. Kung makapasok po ako sa kanila, yayaman po tayo, 'tay," masayang kuwento ni Jin sa ama. Pinag-isipan nang mabuti ni Albert ang mga sinabi sa kaniya ng anak. Nahumaling naman siya sa isinalaysay ng anak lalo na sa lalaking tinutukoy ni Jin. "Sandali lang… Palagi mo siya pinupuntahan? Kaya ba palagi ka late umuwi?" Napatikom ng bibig si Jin sa tinanong sa kaniya ng ama. Binalin niya ang tingin sa iba at pinuntahan ang mga bunsong kapatid. "'Tay, tingnan mo, oh… Parang hanap na yata ako ni Chris, puntahan ko lang siya." Pasimple siyang naglakad paalis sa ama at pinuntahan ang kapatid sa sala na mahimbing na natutulog. Bago pa siya makarating ay hinawakan siya ni Albert sa ulo. "Saan ka pupunta, ha?" mahina niyang usap na nanggigigil. Hindi naman makalingon si Jin sa ama sapagkat kahit nakatalikod siya mula sa kaniya, ramdam niya ang galit ni Albert sa kaniya. Nang dahil doon, pinagalitan ulit siya ng ama. Sa una, hindi nakumbinsi ni Jin ang ama na payagan siyang magtrabaho. Magdamag niya kinulit ang ama hanggang sa mapapayag niya ito, ngunit may kapalit ang pagpayag niya sa bata. "Sige, payag na ako…" "Yes!" "Pero may kapalit," mabilis niyang usap. "Dapat mag-aral ka pa rin. Huwag mo pababayaan ang pag-aaral mo. Grade six ka na at malapit ka na gr-um-aduate, malapit ka na mag-highschool. Sayang ang panahon at oras kung ititigil mo lang." "Okay, po. Walang problema sa 'kin. Kayang kaya ko po 'yan," masaya niyang tugon sa ama. "Kung hindi mo na kaya, puwede ka naman umalis lalo na kung pinapahirapan ka na talaga o kung may mali sa trabaho nila... Pakiusap lang, 'nak, kung mangyari iyon, tumakas ka na. Mas mahalaga ang kaligtasan mo kumpara sa pera, malinaw ba?" pag-aalala niya. "Opo, 'tay. Naiintindihan ko po," seryosong tugon ni Jin. Binigyan ng ngiti ni Albert ang anak at niyakap nang mahigpit. Tinulungan siya ni Jin sa kaniyang mga nangalakal at sinamahan na ibenta ang mga iyon sa junk shop. Paggising ni Jin ay agad na nagtungo ang bata sa lugar kung saan sila magkikita ni Stephen. Sakay sa isang puti at magandang sasakyan ang matanda, pinagbuksan si Jin ng pinto. Sobrang tuwa ni Jin nang siya'y makaupo sa loob ng isanf magandang kotse. Panay tingin pa siya sa loob at bahagyang nahilo habang umaandar iyon. Natuwa naman si Stephen sa bata at binigyan siya ng alak. Walang ideya si Jin na alak pala ang inabot sa kaniya ng lalaki, akala niya na isa iyong masarap na juice at agad niya ininom. Napaitan siya at marahal niya iyong nilapag. "Isa lang ang pinakaaayaw ko sa lahat at iyon ay ang mga taong hindi sumusunod sa 'kin," banggit ni Stephen. "Pati na rin ang mga hindi tapat sa akin… Oh! Hindi pala isa, dalawa pala ang pinakaaayaw ko sa lahat... Hindi ka naman katulad nila, 'no, Jim?" "Jin po. Opo, hindi ako 'yon, boss. Isa po akong tapat na tao, kahit bata pa lang po ako kaya ko po i-prove ang sarili ko na isa akong loyal na tauhan ninyo, boss." "Hmm… Sana nga dahil kung hindi," sabay tiningnan niya nang seryoso ang bata, "alam mo na ang mangyayari sa iyo. Kung ano ang mga sinabi ko sa iyo kahapon, iyong ang gagawin ko sa iyo." "Huwag po kayo mag-alala, boss. Magiging tapat at masunurin po ninyo akong tauhan," paniniguro ni Jin sa kaniya. Siya ay napangisi. "Ah! Nakalimutan ko nga pala i-mention sa iyo kung ano ang gagawin mo. Madali lang naman ang gagawin mo, bata... Since baguhan ka pa lang at marami ang ayaw sa trabaho na ito, iyon na lang ang gagawin mo sa ngayon." "Wala pong problema iyan sa akin, boss. Kahit ano pa iyan ay kayang kaya kong gawin," mabilis niyang tugon. "Pero po… magkano po ba ang makukuha ko sa trabaho? Saka magdamagan po ba? Nangako po kasi ako kay tatay na mag-aaral din po ako kahit na nagtatrabaho po ako. Ayaw na ayaw po talaga ni tatay na nagtatrabaho ako kasi raw po, ano… dapat daw pag-aaral ang pinagtutuunan ko ng pansin at hindi ang trabaho." "That's bulls**t, kid! Ano'ng aral-aral kung wala kayong pera!? Iyang tatay mo talaga hindi marunong," tugon ni Stephen sa kaniya na sabay siyang umiling. "Huwag ka mag-alala, ako bahala sa iyo kung magiging mahusay kita tauhan. By the way, marunong ka ba maglinis?" "Opo, boss!" "Good, iyan ang first assignment mo… sa ngayon." Nakarating sila sa isang malaking gusali. Naglakad si Jin mula sa likuran ni Stephen at kasama siyang pumasok. Pagpasok, bumungad sa kaniya sa isang silid ang maraming dugong nakakalat at ang mga patay na tao na hinihila ng mga tauhan ni Stephen. Nabigla si Jin sa nasaksihan, ngunit pinigilan ang nadaramang takot upang hindi mapansin ni Stephen. Inisip niya na sa oras na makakitaan si Stephen ng takot mula sa kaniya ay baka hindi na siya tanggapin dahil ang pagiging matapang niya ang nagpakumbinse na kunin siya nito. "Boss, sorry kung nakita mo pa ito. Mga ayaw talaga magsalita," banggit ng isang lalaking matangkad at may pulang buhok. Napansin naman niya ang bata na nasa likuran ni Stephen at napakunot ng noo. "Hindi ko alam na may anak ka pala sa labas, boss." "Siya ba?" Sabay tawa sa lalaki. "Hindi ko siya anak, bago natin siyang tauhan... Oh, Jin. Tutal, magaling ka naman maglinis, ikaw na bahala sa silid na ito." Nilunok ni Jin ang kaniyang takot at agad na sumagot. Nakita nila kung gaano kadeterminadong sumagot ang bata. Agad na kinuha ni Jin ang mop at nilinis ang buong silid. Samantala, binigyan naman ng utos ni Stephen ang lalaki na may pulang buhok at iyon ay bantayan ang bata. "Bantayan niyo nang maigi ang bata. Pakitaan mo kung gaano nakakatakot ang pinasukan niyang trabaho. Mas maganda kung harap-harapan niyo i-torture ang mga kalaban natin." "Walang problema iyan sa akin pero, boss… Ang pinagtatakahan ko ay bakit mo gusto ipakita sa bata ang lahat na iyon? At isa pa, bakit ka naman tumanggap ng isang bata?" nagugulumihanang tanong ng lalaki kay Stephen. "Gusto ko lang malaman kung gaano tatagal ang katapangan ng bata. May kutob din ako na magiging malaki ang ambag niyan sa grupo. Kilala mo naman ako, Fernan, magaling akong pumili ng tao." Sabay niyang tinapik ang lalaki. "Ikaw na bahala sa kan'ya." Naglakad paalis si Stephen at iniwan sila. Kahit abala si Jin sa paglilinis, unti-unti na niya nauunawaan kung anong klaseng trabaho ang pinasukan niya. Ganoon na rin ang dahilan kung bakit hindi siya tinatanggap ni Richard at ang mga sinabi sa kaniya ni Stephen noong una nilang magkita at nang nasa loob pa sila ng sasakyan. Subalit kahit na ganoon, nananatili pa rin ang kagustuhan ni Jin na makatulong sa kaniyang pamilya. "Sorry po, 'tay, pero… kailangan ko po itong trabaho," isip niya habang mahigpit ang pagkakakapit sa mop. Pinagbigyan siya ni Stephen na mag-aral kahit na nagtatrabaho siya sa kaniya. Dahil na rin sa talino at determinado ng batang Jin, kaya niya pagsabayin ang dalawa. Sa loob ng isang linggo, nakasaksi si Jin ng mga bagay na hindi dapat makita ng isang bata. Nakita niya kung paano patakbuhin ni Stephen ang kaniyang maduming negosyo at kung ano ang nangyayari sa mga taong hindi niya nagugustuhan at mga sumusuway sa kaniya. Dahil sa takot na baka siya rin ang isunod ay ni minsan, hindi niya sinuway silang lahat lalong lalo na si Stephen. Hanggang sa dumating ang araw na magpababago sa takbo ng kaniyang buhay. Habang nililinis ang opisina ng kaniyang boss, tinawag si Jin ng isang tauhan ni Stephen. Patakbo niya ito pinuntahan. Pumasok sa isang silid ang bata at nakita niya mula roon si Stephen na nakaharap sa isang lalaking nakagapos ang mga kamay at paa habang nakaupo, pilit na pumapalag. Nakita rin niya ang ilang mga tauhan ni Stephen sa loob at sila'y nakatingin sa kaniya. Nakaramdam siya ng pressure sa loob ng silid. "Ah, Jin… My boy! Tara! Dali, dali!" masayang yaya ni Stephen sa kaniya. Patakbong pinuntahan ni Jin si Stephen at saka siya hinawakan sa balikat. "Tanda mo pa ba ang sinabi ko sa 'yo na sa loob ng isang linggo, dapat mapatunayan mo sa akin na hindi mali ang desisyon kong tanggapin ka?" nakangiting sambit ni Stephen sa bata. Tumango si Jin bilang pagtugon sa kaniyang boss habang pinagmamasdan ang lalaking nakagapos. "Good. Napatunayan mo naman sa buong linggo ang katapatan mo. Ni minsan nga ay hindi ka sumuway at nakitaan ng kahit anong takot. Sobra ako natuwa sa iyo ang kaso nga lang, may kulang," malungkot niyang usap. "May kulang talaga…" Saka siya umiling. "A-ano po 'yon, boss?" tanong niya na may nadaramang takot sa matanda at sunod siyang napalunok. "Nakikita mo ba ang lalaking nasa harapan mo? Iyang taong kasi iyan, ang laki ng atraso niyan sa akin… sobrang laki talaga. Ano ba ang dapat gawin sa mga katulad niya, Jin? Ano sa palagay mo?" Napalunok ang bata sa mga binanggit ni Stephen sa kaniya. Nagdadalawang isip kung ano ang sasagutin niya dahil alam niya sa sarili niya na nakadepende ang buhay niya at ang buhay ng lalaking nasa harapan niya sa isasagot niya kay Stephen. Hindi na niya pinaghintay pa ang kaniyang boss at pinili ang sarili. "Pahirapan, kunin ang mga ari-arian, kung pumalag, patayin kasama ang buo niyang pamilya," walang emosyon niyang sagot, pinipigilang huwag ilabas ang tunay na nararamdaman habang mahigpit niyang kinuyom ang mga kamay. Nagulat ang ilan sa sinagot ng paslit, hindi nila iyon inaasahan, lalo na ang lalaking nakagapos. Tumawa naman nang napakalakas si Stephen at sa sobrang tawa niya ay napahawak siya sa tiyan at tinapik-tapik si Jin. "Talagang hindi ako nagkamali na tanggapin ka. Iyan ang gusto ko sa iyo, bata," masayang usap ni Stephen sa kaniya habang pinupunasan ang mga luha sa kaniyang mata gawa ng sobrang saya. "Oh! Narinig niyo 'yong bata!? Ganito dapat ang mga una niyong sagot at hindi ang mga walang k'wenta niyong sinabi. Gayahin niyo ito mag-isip. "Kung iyon ang gusto mo, gawin mo, Jin. As a matter of fact, tapos na namin siyang pahirapan, tingnan mo itong mga kamay ko, nadumihan pa dahil sa dugo niya," nakanguso niyang sambit. "Since bata ka pa, wala ka pang sapat na kakayahan para kunin ang mga property niya... pero inaamin ko na you're a fast learner kaya matututunan mo rin ito agad-agad. Don't worry, lahat ng mga nalalaman ko ay ituturo ko sa iyo kung… kung gagawin mo ang huling test. Madali lang naman ang test and I'm sure ay makakaya mo ito." Sabay siyang yumuko at binulungan ang bata, "Tapusin mo na siya, patahimikin mo na habang-buhay." At saka niya inabot ang baril kay Jin. Nanlaki ang mga mata niya noong mahawakan niya ang baril, iyon ang unang pagkakataong makahawak siya ng isang tunay na baril. Nilapit ni Stephen ang kaniyang mukha sa bata at binulungan niya ulit, "Sa oras na ginawa mo 'yan, magiging ka-isa ka na namin. Ayaw mo bang mabigyan ng magandang buhay ang pamilya mo? Iyon naman talaga ang gusto mo kaya ka nandito, 'di ba? Ano na lang ang maibibigay mo sa tatay mo kung umuwi kang walang dalang pera? Ano na lang ang ipapakain mo sa mga kapatid mo? Mga alikabok at basura? Payag ka ba na iyon ang ipakain mo sa kanila?" Sunod siyang umiling. "Sigurado ako naghihintay na sila sa marumi, masikip, at sira-sirang bahay pagbalik mo. Ayaw mo naman na manatili sila sa lugar na iyon, tama ba? Paano na lang kung magkasakit sila? Saan ka kukuha ng perang pang-hospital? Meron bang hospital na tatanggap sa mga katulad niyong mahirap? Wala, 'di ba? "Iyang lalaking nasa harapan mo ay isa lang iyang sa bilyong-bilyong tao sa mundo... Walang makakaalam sa pagkawala niya. Walang makakapansin... Ano pang hinihintay mo? Kalabitin mo na ang gatilyo at iputok mo na sa kan'ya," nakangiting bulong niya. Marahal na tinutok ni Jin ang baril sa lalaki. Samantala umiiyak at pumapalag naman ang lalaki — hindi magawang sumigaw gawa ng naka-tape ang kaniyang bibig. Sa bawat segundong lumipas ay unti-unting bumibilis ang t***k ng puso ni Jin habang pinagmamasdan ang lalaki. Hindi niya magawang gawin ang inuutos ni Stephen dahil sa mga pangaral ng kaniyang ama — mga pangaral ng isang mabuting tao at ama. "T*****a! Ano pa hinihintay mo!? Iputok mo na!" sigaw ni Stephen. Nang dahil sa gulat ay nakalabit niya ang gatilyo at kaniya naman nabaril at napatay ang lalaki. Siya ay nagulat. "See? Madali lang naman, 'di ba?" banggit ni Stephen na sabay niyang tinapik ito. "Congratulations on your first kill, Jin." At saka siya humalakhak habang paalis sa silid. Pumatak ang mga luha ng batang si Jin sa kaniyang ginawa. Nanginginig at hindi makapaniwala na nagawa niya ang isang bagay na talaga niyang pinagsisihan. Sa kasalukuyang panahon, nagising si Jin sa kaniyang tulog. Napaginipan niya muli ang kaniyang nakaraan. Agad siya bumangon sa malaki at maganda niyang kama at dumiretso sa lababo. Pinikit-pikit ang mga mata at binasa ang mukha upang siya ay mahimasmasan. Tumingin siya sa salamin. At nang makita ang sariling repleksiyon, walang ano-ano niya sinuntok iyon — hindi siya nasiyahan na makita ang sarili. Nabasag ang salamin sa sobrang lakas ng kaniyang suntok at siya ay nasugatan dahil sa mga maliliit na salamin na tumama sa kaniyang kamao. Hindi niya iyon ininda bagkus ay wala siyang naramdamang sakit dahil sa galit at kasanayan na masaktan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD