"Okay, playing..."
Clinick ni Jules ang play button ng kanyang video player sa laptop. Nasa isang conference room sila kung saan may mahabang mesa at mga upuan, at sa gitna ay malaking flat screen TV at doon lumabas ang video ng kanilang séance.
"This was yesterday afternoon?" tanong ni Bishop Israel.
"Yes, bishop," tango ni Jules.
Nakunan sa video ang umpisa at katapusan ng séance. Silang apat na magkakahawak kamay, habang sinabi ni Hannah sa mga expiritu na magparamdam. Ang namatay na isang kandila habang ang iba'y sindi. Ang mga katok na ibig sabihin ay "oo" at "hindi." Ang pagpasok ng mga espiritu kay Hannah at ang pagsigaw ng psychic ng "Parating na sila! Parating na sila para sa iyo, father."
Nang matapos ang video, sinabi ni Hannah kay Jules:
"Huwag na huwag mong ia-upload ang video na to sa youtube, Jules. Kundi, papatayin kita."
Hindi trip ni Hannah na makunan siya na tirik ang mata't nagsasalita sa ibang boses. Nakaka-turn-off daw. Natawa si Jules pero nag-promise naman na hindi ilalabas ang video. For filing and research purposes lang daw iyon ng JHS.
"Well, wala namang anyting unusual," comment ni Bishop Israel sa video. "As far as séances go."
"Ang nakakataka lang, ayaw pangalanan ng mga multo kung sino ang paparating na mga dimonyo," sabi ni Father Markus.
"Dahil takot sila," ani ni Hannah.
"And why?" balik ng obispo.
"Bishop, maraming pwedeng gawin ang dimonyo sa mga kaluluwang nasa Astral plane."
Natahimik sila saglit at inabsorb ang sinabi ng psychic.
"Jules, pakinggan natin 'yung sa EVP recorder mo," suggest ni Father Markus. "Baka may makuha tayong message doon."
"Yes!" agree ni Hannah. "Sakaling may gustong iparating ang mga multo, or warningan tayo, baka through white noise."
Ang EVP recorder (Electronic Voice Phenomenon) ay maliit na gadget na kasinlaki lamang ng remote control ng TV at may pabilog na mic sa taas para ma-capture ang "white noise" na sound na nanggagaling sa mga multo. Hinook-up ni Jules ang EVP recorder sa speakers sa conference room, tapos ay kanyang plinay. Tulad ng nasa video, narinig nilang boses ni Hannah na tinatawag ang mga multo, ang mga katok, at ang pag-iiba ng boses ng psychic at pagsabi ng "Parating na sila." Narinig din nila si Jules na nagtanong ng "Sino ang parating?" at ng sigaw ni Father Markus ng "Sino ang parating? Sino?"
Pagkatapos, ay ang pag-"f**k! I hate that!" ni Hannah matapos siyang lubayan ng mga espiritu. Nahiya ang psychic na marinig ng bishop na siya'y nagmura.
"Stop mo na d'yan, Jules, tapos na eh," mabilis na sabi ng psychic.
Pinindot ni Jules ang stop button.
"Well, again, nothing unusual," napasandal si Bishop Israel sa upuan.
"Isa pa, Jules," hiling ni Father Markus.
"Okay," inadjust ni Jules ang salamin sa kanyang mga mata at plinay uli ang recording.
May narinig si Father Markus na hindi napansin ng iba.
"There!" exclaim ng pari. "Narinig n'yo 'yon? 'Yung katok?"
Meron nga. May mahinang tunog ng katok in between sa pagsalita nina Jules at ni Father Markus. Inamplify ni Jules ang sound tapos ay in-isolate ang tunog ng katok sa mga boses.
"s**t! Meron nga!" bulalas ni Hannah.
"I hear et too!" tango ni Father Deng.
Inadjust pa ni Jules ang sound mixer, at lumabas pa lalo ang tunog ng katok.
Tatlong magkakahiwalay na katok.
"s**t! Message 'yan ng mga multo!" pagliwanag ng mata ni Hannah. "Somehow, siningit nila 'yan para hindi ma-detect ng mga demons!"
"Okay, so does it mean na sinasabi nila ay "yes?" curious si Bishop Israel. "Yes to what?"
Plinay uli ni Jules ang recording habang pinagisipan nila ito. Since sa séance, ang isang katok ay "yes." That means, sinasabi ng mga multo ay "yes" three times.
"Ang labo lang," kamot ng ulo ni Hannah. "Ano, parating na si "yes?"
Napatingin sila kay Father Deng, pagka't nagbibilang ito.
"One...two...three!" dilat niya. "Three noks!"
"Yes, we know, father, three knocks," tingin ni Jules. "The ghosts are saying, "yes."
"No, not "yes,"" iling ni Father Deng. "Three noks!"
Napa-roll ng eyes si Jules.
"Yes, father, we know..."
Pero, nagets ni Father Markus ang sinasabi ng kaibigang Aprikano.
"Wait, Jules. Ang sinasabi ni Father Deng ay three. Tatlo," at tumingin ang pari sa lahat. "Paano kung ang katok ay hindi sagot sa tanong na yes or no, kundi sinasabi ng mga multo na may one...two...three...na parating?"
"Oo, nga!" realize ni Hannah, at kay Father Markus. "Eh, 'di ba sabi mo din, father, tatlong beses nagpalit ng mukha ang dimonyo?"
"Yes! Three demons are cooming!" mulat ng mata ni Father Deng.
"Okay, let's just say there are three demons," sabi ni Bishop Israel. "But, why three? Why not four, or six, or a hundred."
At lumingon siya kay Father Markus.
"Why not one? Satan himself, since siya naman ang ininvite mo?"
"Because may significance ang three," si Jules ang sumagot. "Ang three as a number ay symbol ng power at stability. Three is the triangle. Symbol ng Freemasons. The double triangle forms the Hexagram, simbolo ng dimonyo..."
"As well as Israel," sabi ng obispo. "The star of David."
"Seal of Solomon..." dagdag ni Father Markus.
"Seal of Vishnu..." dagdag pa ni Jules.
"De triangle es de symbol for de elements," sabi naman ni Father Deng. "Air, Earth, Water, Fire."
Nagtanguan sila in agreement.
"Pyramid! Ang triangle ay pyramid!" biglang bulalas ni Hannah, atat na mag-contribute. "Eh, 'di ba sabi ni Ernie Baron, may power sa pyramid!"
Napatingin kay Hannah ang lahat. Not sure kung matutuwa sila.
"Anyway," bawi ni Hannah, medyo nailang, "Sa occult, 'yung triangle ay summoning symbol...at alam ko, ibig sabihin eh, Mind, Body, Spirit."
Hininaan ni Hannah ang kanyang boses towards the end. Hindi kasi siya sure, pero:
"Yes, tama ka, Hannah!" exclaim ni Father Markus.
"Talaga?" pagtataka ni Hannah at napangiti.
"What are you saying, Markus?" tanong ni Bishop Israel.
"Mind, Body, Spirit...ang tatlo ay maaaring...isang Trinity!" sabi ng pari.
"Parang Past, Present, Future..." dugtong ni Jules.
"Life, death, rebirth?" suggest ni Hannah.
"De Father...de Son, en de Holy Ghoost!" dilat ni Father Deng.
"The Holy Trinity!" bulalas ng bishop.
"Or in thise case," sabi ni Father Markus. "The Unholy Trinity."
Nagkatinginan silang lahat. Kinilabutan.
"Pero, it can't be," iling ni Bishop Israel. "Sa end of times pa lang darating ang Unholy Trinity."
May point ang obispo. Nasa bibliya, sa Book of Revelation 12 and 13, kung may Holy Trinity, ay mayroon ding Unholy Trinity, at ito'y si Satan, the Antichrist and the False Prophet. Si Satan ay lalabas bilang isang dragon, ang Antichrist bilang isang world political leader o dictator na magco-conquer sa mundo, at ang False Prophet bilang religious leader na magu-utos sa lahat na sambahin ang Antichrist. Ang hindi sumamba ay papatayin. Para maiwasan ito ay dapat maglagay ng simbolo ng 666 sa noo para makilala. Pero, ang lahat ng ito'y sa future pa lamang mangyayari, sa age of the Great Tribulation.
"Could it be na parating na ang Armageddon?" sabi ng obispo.
Sa bibliya, Armageddon ang final conflict between good vs. evil, kung saan si Jesus ay magli-lead ng holy army laban sa lahat ng bansa na kontra sa kanya, sa mga kampon ng Unholy Trinity. Isang makasaysayang laban na magaganap sa buong mundo. Dito ipapakita ng Diyos ang kanyang kapangyarihan. Earthquakes, floods, hails, lightning storms, fire and brimstone! Dito, ipapataw ng Diyos ang final judgment niya sa lahat!
Nagkatinginan silang lahat, napaisip sa thought na ito, at sabay-sabay na nagilingan.
"No...no...we're overreacting," sabi ni Bishop Israel.
Nagtanguan ang lahat.
At biglang may naalala si Jules.
"Hindi Unholy Trinity..." sabi niya, "hindi kaya...Trinity of Evil?"
Agad na binuksan ni Jules ang kanyang laptop at nag-research. Nadaanan lang niya ang topic na ito dati at hindi masyadong pinagtuunan ng pansin. Nagtataka ang iba pagka't ngayon lang nila narinig ang Trinity of Evil.
"Do you mean Iran, Iraq and North Korea?" tanong ni Father Deng.
"No, father, that's the Axis of Evil," sabi ni Father Markus, ukol sa term na cinoin ni President George W. Bush noong 2002.
"Oh, I am misteken..."
Nakita ni Jules ang hinahanap sa internet.
"Here you go," basa ng parapsychologist sa laptop. "Trinity of Evil ay tatlong fallen angels...sina Asmodeus, Belial at... Mephistopheles?"
May question mark sa dulo ni Mephistopheles, pagka't hindi siya isa sa mga demon na nasa listahan ni Michaelis or ng iba pa. Wala rin silang alam na kaso ng exorcism na involved ang demon na ito.
"Hindi ba't isang folklore lang si Mephistopheles? Work of fiction. Isang Faustian character?" sabi ni Bishop Israel.
Nag-huddle sila sa likuran ni Jules, nakatingin sa screen ng laptop, sa image ng nasabing dimonyo. Tulad ito ng dinescribe ni Father Markus recently na nakita niyang vision: red face, horns, at beard. Bukod dito, si Mephistopheles sa litrato ay may kilay na patusok paitaas, may matalas na tingin at nakangisi. Menacing-look ang hitsura. Nang makita ito ni Father Markus ay tila nakaramdam siya ng kakaiba. Na as if, tinititigan siya ng dimonyong ito.
"So, ibig n'yong sabihin eh hindi tutoong demon itong si Mephisto?" tanong ni Hannah, pinaikli niyang pangalan pagka't nahahabaan sa Mephistopheles, which is tama rin naman.
"Yes, 'yun nga pagkakaalam ko," sabi ni Jules.
Biglang sabi ni Father Markus with conviction:
"Siya. Siyang nakita ko sa vision ko."
"Are you sure, Markus?" tanong ng obispo.
Tumango ang pari. Sigurado siya. Ito ang sinasabi ng kalooban niya, ng kanyang powers.
Nang makita ni Bishop Israel na sincere si Father Markus ay naniwala siya. Kilala niya ang pari. Kapag sinabi nitong sigurado siya, that means, iyon ang tutoo.
"Okay, let's find out more about these demons—Asmodeus, Belial and Mephistopheles," utos ng obispo. "Itong Trinity of Evil..."
"Yes, bishop!" pagsaludo ni Hannah.
"Your excellency," magalang na sabi ni Jules. "If you don't mind, puwede ba naming ma-access ang library? Baka ang mga answers ay nasa ancient texts..."
Tumingin sa kanila ang obispo nang taimtim.
"Okay, if you think it is really necessary."
Nagulat sila nang bigla na lamang nangisay si Father Markus.
"Father!" dilat ni Father Deng.
"Markus!" sigaw ni Bishop Israel.
Nagsi-seizure ang pari. Naninigas ang kanyang katawan, at ang namumula niyang mga mata ay tumirik. Nilapitan nila ang pari, pero, hindi nila alam paano ito tutulungan. Dumadaing ito ng malakas.
"Oh, my God! Anong gagawin natin?" panic ni Jules.
"Dalhin natin sa ospital!" sabi ni Hannah.
Lumabas si Bishop Israel ng kuwarto para tumawag ng tulong sa staff niya. Pero, pagbalik niya'y nawala na'ng seizures ni Father Markus at pinapainom na ng tubig nina Jules at Hannah.
"He es alright," sabi ni Father Deng.
Kasama ni Bishop Israel ang kanyang secretary at isang driver at sinenyasan niya ang mga ito na okay na ang lahat. Tumalima paalis ang dalawa. Sinara ng obispo ang pintuan ng conference room.
"Anong nangyari, Markus?" tanong niya.
"Lumalakas sila," sabi ng pari na nanghihina naman. "Nararamdaman kong mapapasok nila ako."
"The rosary!" sabi ni Jules. "Iyon ang prumuprotekta kay father. Kailangan hawak niya ang rosary!"
Natigilan si Bishop Israel. Hindi maganda ang reaction sa mukha.
"We have a problem," aniya. "The rosary...it's with Archbishop Villasor. At nasa Japan siya ngayon, he'll be back pa three days from now."
Ayon sa bishop, hiniram ng archdiocese ng Tokyo ang rosaryo ni Blessed San Lorenzo Ruiz dahil laganap daw ngayon ang demonic possession doon. Ito'y sa request na rin ng bagong hirang na Cardinal na close friend ng Archbishop. Hindi raw niya ito basta matanggihan.
"Shit...isa itong conspiracy ng mga dimonyo," sabi ni Hannah.
"Marunong din sila ng delaying tactics," sang-ayon ni Jules. "Iniimpluwensiyahan ang mga kilos natin, ang mga decisions natin."
"De devil es tricky!" tango ni Father Deng.
"So, paano na?" tanong ni Hannah.
"I don't think na makakaantay pa tayo ng ganoong katagal," sabi ni Father Markus, ramdam niya na lumalakas na ang kapit sa kanya ng mga dimonyo. "Hindi ko masasabi ang mangyayari kapag na-possess ako."
At hinawakan niyang braso ng bishop.
"Para sa proteksyon ng lahat," sabi niya. "Ikulong n'yo ako."
Tumingin pabalik si Bishop Israel, at kahit masama sa kanyang kalooban, sinabi:
"I know where."