"Okay. Lets eat!" Masayang anunsyo ni Joan habang inuunat ang kanyang mga kamay sa ere. Halatang kanina n'ya pa hinihintay ang lunch time.
Habang nag-aayos ng mga gamit ay kaagad na nahagip ng mga mata ko si Isaac na kakalabas lang ng room. Naalala ko bigla ang napag-usapan namin ni tita Ysay kahapon.
"Mion, pwede ba ako humingi ng pabor sayo?"
"Yong kaya ko lang po ah."
"Hahaha. Buo ang tiwala kong sisiw lang 'to sayo."
"Ano po ba 'yon?" tanong ko.
"Pupwede ka bang maging kaibigan ng anak ko?" Nakita ko ang biglang paglungkot ng mga mata n'ya habang hawak na ang dalawa kong mga kamay. "Nag-aalala na kasi ako kay Isaac. Simula nang mawala ang kaisa-isang babaing minahal n'ya ay nawala na rin ang kilala kong Isaac. Tuluyan nang nagbago ang anak ko.”
Si Samantha. Alam kong si Samantha ang babaing tinutukoy ni tita.
"Kasabay nang pagbabago n’ya ay ang tuluyang paglayo nang loob n'ya sa akin pati na rin sa mga kaibigan n'ya. Bilang ina ay nalulungkot akong makita ang anak kong nag-iisa at sinasarili lahat ng mga problema n'ya. Kaya gusto ko sanang may isang taong aalalay sa kanya." Tuluyan nang kumawala ang mga luhang kanina pa pinipigilan ni tita Ysay. Yumakap s'ya sa akin kaya napayakap na lang din ako sa kanya para aluhin s'ya.
"Joan, mauna na kayo sa canteen susunod na lang ako."
"Saan ka pupunta? Sabay-sabay na tayo."
"Gusto ko sanang yayain si Isaac na sumabay sa ating kumain. Gusto ko kasing magpasalamat sa kanya kahit man lang sa panglilibre ko ng lunch sa kanya. Ayos lang ba 'yon sa inyo? I-I mean, ang sumabay s'ya sa ating kumain?"
Biglang nawala ang ngiti sa labi ni Ronald at alam ko na kung bakit.
"Si Isaac?" tanong ni Joan saka dahan-dahang lumingon kay Ronald.
"Wala namang problema iyon di ba?" Inosenting tanong ko sa dalawa.
"W-Wala naman. Sige na, hihintayin ka na lang namin sa canteen."
"Salamat." aniko saka ako dali-daling tumakbo palabas ng room para hanapin si Isaac.
"Isaac!" tawag ko sa kanya nang makita s'yang naglalakad sa corridor.
Lakad-takbo ang ginawa ko para maabutan s'ya.
"I-Isaac. Gusto mo bang sumabay sa amin kumain? Don't worry treat ko. Kabayaran 'yon sa pagtulong mo sa akin." paliwanag ko nang tuluyan akong makalapit sa kanya. Pilit kong sinasabayan ang paglalakad n'ya dahil hindi n'ya pa rin ako sinasagot at pinapansin.
"Teka." pagpigil ko sa kanya nang hawakan ko s'ya sa braso n'ya. Tumigil s'ya sa paglalakad saka n'ya ako tuluyang hinarap. Isang mapanakot na tingin ang ipinukol n'ya sa akin kaya naman mabilis akong napabitaw sa braso n'ya.
"Alam kong napilitan ka lang lapitan ako dahil inutusan ka ni mama. Hindi ko kailangan ng kaibigan at mas lalong hindi kita kailangan. 'Wag mo na ulit akong lalapitan!" galit na pahayag n'ya pero bago n'ya pa man ako talikuran ay muli ko na namang hinigit ang braso n'ya.
Muli s'yang napabaling sa akin pero agad akong napaatras ng makita ang babaing nasa likuran ni Isaac. Katulad na katulad ng babaing nakita ko noon sa loob ng banyo. Tulad ng dati ay natatakpan pa rin ang kaliwang bahagi ng mukha n'ya nang mahahaba n'yang buhok pero mas naagaw ang atensyon ko sa malaking hiwa sa leeg n'ya.
"H-Hindi mo ba talaga ako titigilan!" mangiyak-ngiyak na sigaw ko sa babae. Nakita ko ang pag-galaw ng bibig nito pero walang boses akong marinig mula rito. "Parang-awa mo na. Tigilan mo na ako!" sigaw ko hanggang sa maramdaman ko ang pagtulo ng mga luha ko sa pisngi ko.
"M-Mion? May problema ba?" narinig kong tanong ng lalaki sa likuran ko kaya mabilis akong napalingon sa kanya.
Si Luke.
"M-Mion. Ayos ka lang ba?" utal na tanong n'ya kaya tumango lang ako rito at muling lumingon kay Isaac.
Wala na ang babae.
"Ano bang sinasabi mo?" kunot noong tanong ni Isaac.
Nakita ko ang ilang estudyante na nakatingin na sa amin habang may kung anong ibinubulong sa isa't isa.
"Nagkakamali ka hin----" Natigil ako sa pagsasalita nang bigla akong kaladkarin ni Isaac palayo sa mga estudyante hanggang sa marating namin ang part ng school na wala masyadong tao.
"Ano bang ginawa ko sayo?" inis n'yang tanong sa akin.
Akala n'ya siguro ay s'ya ang sinisigawan ko kanina. Masyado akong nadala sa bugso ng damdamin kaya nawala sa isip ko na si Isaac ang kaharap ko ng mga oras na 'yon. Ako lang ang nakakakita sa babaing 'yon kaya iisipan ng lahat ng mga nakarinig na para kay Isaac ang mga sinabi ko.
"S-sorry." Iyon na lang ang nasabi ko bago tuluyang mapahikbi.
Ang babaing 'yon. Hindi n'ya talaga ako titigilan hangga't hindi ko nagagawa ang gusto n'ya.
"Ano bang nangyayari sayo?" Naguguluhang tanong ni Isaac habang hawak ang magkabila kong balikat.
Kaagad kong pinunasan ang basa kong pisngi gamit ang mga palad ko. "Pasensya na ulit. Napahiya ka dahil sa ginawa kong eksena. M-Mauna na muna ako." paalam ko bago tuluyang tumakbo palayo sa kanya.
Gusto kong mapag-isa muna. Gusto kong makapagisip-isip.
"Sino ka ba talaga? Anong klasing tulong ba ang kailangan mo?" Bulong ko sa sarili ko. Bakit ba kasi ako pa ang napili n'ya? Hindi kaya ng loob kong makipagkasundo sa isang multo. Matatakutin ako at mahina kaya bakit ako?
"Pwede bang humanap ka na lang ng ibang makakatulong sayo. 'Wag ako." Bulong ko ulit. Nagbabakasakaling baka marinig ng babaing iyon ang mga ibinibulong ko sa utak ko.
"Mion!" Tawag ni Mona sa akin kaya mabilis akong napalingon sa kanya. "Nandito ka lang pala. Kumain ka na ba? Hindi kasi kita nakitang kasabay kanina nila Joan."
"Oo tapos na." pagsisinungaling ko. Ang totoo n'yan ay wala na akong ganang kumain. "Mona hindi n'yo pa sinasagot ang mga tanong ko."
"A-Anong tanong?" utal n'yang tanong saka umiwas ng tingin sa akin.
"Alam mo ang tinutukoy ko, Mona. Anong mayroon sa sementeryo? "
Napalunok s'ya saka mabilis na napatayo sa kinauupuan n'ya. "Nakalimutan ko. May kukunin pala ako sa faculty room." saad n'ya saka dali-daling lumabas ng room at iwan ako.
Napabuntonghininga na lang ako saka ibinagsak ang sarili ko sa upuan dahil sa pagkadismaya. Mas lalo lang akong ginaganahang malaman ang mga kasagutan sa mga katanungan ko.
***
Nandito ako ngayon sa harap ng room ni Carol. S'ya na lang ang pag-asa ko dahil katulad ni Mona ay iniiwasan din ni Joan ang tanong ko kaya napili kong si Carol na lang ang kokornerin ko. Hindi ko na hahayaang makatakas pa ang isang 'to. S'ya na lang ang natitira kong pag-asa na maglilinaw sa mga katanungan ko.
"Carol!" tawag ko sa kanya nang makalabas s'ya sa room. Katulad ng dati ay wala pa ring pinagbago ang ekspresyon n'ya na akala mo ay bored na bored na s'ya sa buhay n'ya. May panibago na naman s'yang hawak na nobela sa kamay n'ya.
"Wag tayo rito." saad nito. Alam n'ya na siguro ang pakay ko sa kanya. Sinundan ko lang s'ya hanggang sa mapunta kami sa library. Mula sa isang book shelve ay may kinuha s'yang kung anong lumang libro doon. Naupo kami sa pinakadulong bahagi ng library kung saan kaunti na lang ang estudyante.
"Pakinggan mo muna ang ikukwento ko. 'Wag ka munang magtatanong hangga't hindi pa natatapos ang kwento ko." seryosong bilin n'ya kaya tumango na lang ako.
"Raven's Crest ang dating pangalan ng Creston ilang taon na ang nagdaan..." Panimula ni Carol. Binuksan n'ya ang libro na hawak n'ya na halos masira na dahil na rin siguro sa kalumaan nito.
RAVEN'S CREST
Ang Raven's Crest ay kilala rin sa bansag na Death Village dahil sa patay na pamumuhay dito. Bukod sa tuyong sakahan, taniman at patubigan ay halos lumala ang sitwasyon ng bayan dahil sa epidemyang bigla na lang kumalat at pumatay sa libong mga residente sa lugar.
Napakaraming nagdusa.
Napakaraming namatay. Mapabata man o matanda.
Pinabayaan ng gobyerno ang bayan dahil wala nang nakikitang solusyon ang mga ito para matulungan ang bayan. Hanggang isang araw ay isang estranghero ang napadpad sa bayan. Napakadumi nito, napakabaho at sugatan. Wala 'ni isang residente ng bayan ang nagtangkang tumulong sa kawawang matanda. Patuloy na naglakad ang estranghero bitbit ang mahabang kahoy nito hanggang sa makarating s'ya sa tuyong ilog.
Halos manglumo ang matanda ng makitang tuyo at walang tubig sa ilog na pinuntahan nito.
"Heto po. Inumin n'yo po para mapawi ang uhaw n'yo." nakangiting saad ng dalaga sabay abot ng isang boting tubig sa matandang lalaki na kasalukuyang nakahiga sa tabi nang tuyong ilog. Agad namang napabangon ang matanda saka mabilis na kinuha at ininom ang tubig na bigay ng dalaga. Halata ang sobrang pagkauhaw ng matanda dahil wala pang limang segundo ay mabilis nitong naubos ang tubig na nasa bote.
"Maraming salamat iha. Napakabait mo. Pagpalain ka." Iyak ng matanda.
Parang isang anghel na bigay ng langit para sa matanda ang pagdating ng dalaga dala ang tubig na papawi sa uhaw n'ya. Sinubukan n'yang humingi ng tubig sa ilang mga residente ngunit ipinagtabuyan at pinagbabato lang s'ya ng mga ito.Tanging isang baso lang ng tubig ang hinihingi n'ya ngunit nagawa pa itong ipagdamot sa kanya. Nang mapadpad sa ilog ay laking panglulumo ng matanda ng makita ang tuyo't patay na ilog. Nang mga oras na halos sumuko na at ipaubaya na lang kay bathala ang kanyang buhay ay doon naman dumating ang kanyang taga-pagligtas.
"Kung nauuhaw pa ho kayo ay bukas po ang bahay namin para sa inyo." magiliw na saad ng dalaga.
"M-maraming salamat iha. Pagpalain ka ni bathala." pahayag ng matanda habang nakaluhod sa harap ng dalaga para ipakita ang matinding pasasalamat nito.
"Tumayo po kayo. Hindi n'yo po yan kailangang gawin yan." Walang pag-iinarting inalalayan sa pagtayo ng dalaga ang matanda. Hindi alintana ng dalaga ang madumi't mabahong matandang lalaki na napadpad sa kanilang bayan. Hindi s'ya nagdalawang-isip na tulungan ang kaawa-awang matanda dahil batid n'ya ang matinding pagod at uhaw nito na malayo pa ang linakbay bago marating ang kanilang bayan. Nakita n'ya kung paano pandirian at husgahan ng kanyang mga karesidente ang matandang estanghero dahil sa anyong panglabas nito.
Dinala ng dalaga ang estranghero sa kanyang bahay. Kahit mahirap na magsasaka lang ang ama at ina ng dalaga ay walang pag-aalinlangang nilang tinanggap ang estranghero. Pinakain,b ihisan at binigyan nila ang pansamantala matutulugan ang matanda.
"Anak ikaw na muna ang bahala dito sa bahay.Titingnan lang namin ng ama mo ang mga tinanim namimg kamote sa bukid." Paalam ng ina nito.
Umalis ang mag-asawa at natirang mag-isa ang anak nilang dalaga kasama ang estranghero. Madilim na ng makabalik ang mag-asawa sa kanilang bahay dala ang iilang kamote na ihahanda nila para sa hapunan.
"Anak! Nandito na kami." sigaw ng ama nito. Pero walang sumalubong sa kanila na lagi namang ginagawa ng dalagang anak sa tuwing uuwi silang mag-asawa. "Anak?" tawag ng ina ng dalaga habang sinisindihan ang maliit na gasera.
Bitbit ang gasera ay nagtungo ang ina sa kwarto ng anak at halos mapako sa kinatatayuan ang ginang sa nasaksihan.
"Anak!" sigaw at hagulgol ng ginang ng makita ang kalunos-lunos na sinapit ng nag-iisang anak.
"Bakit anong nangyari?" tanong naman ng asawa nito at mabilis na nilingon ang tinititigan ng asawang babae. "H-hindi! Ang anak ko!" sigaw ng lalaki saka luhaang lumapit sa wala ng kabuhay-buhay na anak habang naliligo sa sariling dugo.
Nakahandusay at duguan ang katawan ng dalaga. Halos mapuno na rin ng dugo ang buong kwarto.Pero ang hindi nila natanggap ay ang bangkay ng anak na wala ng ulo.Tangging katawan na lang ng dalaga ang naroroon at wala sa apat na sulok ng kwarto ang ulo nito.