Kabanata 3-Cavite, Hunyo 1985

2005 Words
Cavite: June 1985 Sa malawak na talahiban ng Tejero ay nakukumpol-kumpol ang mga taong nakiki-usyuso sa natagpuan bangkay ng isang dalagita. Bulung-bulungan na namang kagagawan ito ng most wanted na kriminal ng probinsya. Maduwal-duwal si Favio, isang detective, nang makita ang bangkay. Punit-punit ang damit, ginilitan ito sa leeg, dilat ang mga mata at maraming pasa sa katawan. Tulad nga mga nauna pang biktima ay mayroong sunflower na nakapatong sa dibdib ng biktima. “Walang kaluluwa ang maygawa nito,” bulalas ni Tenyente Mercado. “Punyeta! Pang-ilan na ang bangkay na `to?” “Panglima,” walang emosyong sagot ni Favio. “Sa loob ng tatlong buwan,” dugtong niya. Bahagya siyang naupo upang mas masiyasat ang katawan ng biktima. Napansin niya ang isang marka sa palapulsuhan nito. Mukha itong galing sa isang mainit na bagay. Dinama niya ang marka. “Sariwa pa?” sabi nito sa isip. “Paso ng yosi na naman?” “Dalhin na ang bangkay,” utos ng Tenyente. “Favio, alamin mo ang pagkakakilanlan ng biktima. Suyurin ang mga headquarters kung may nireport na nawawala.” Tumalikod na ito sa tumungo sa police mobile. Hinihintay niyang may makahanap ng ID ng biktima dahil kung tulad ito ng mga naunang biktima ay matatagpuan lang sa paligid ang pagkakakilanlan nito. Madalas ay malapit lang sa bangkay. Napabuntong-hininga si Favio. Wala pa ring nahahanap na pagkakakilanlan ng bangkay. Inisip niya kung saan siya mag-uumpisang mag-imbestiga. Nang ilalagay na ang bangkay sa cadaver bag ay nahulog ang isang ID. Mabilis niya itong dinampot “Eliza R. Nicomedez,” bulong niya sa sarili. Nanghihinayang ito sa buhay ng dalaga. Gumagapang naman ang galit niya sa taong maygawa ng mga sunud-sunod na pagpatay. Inilagay niya ang ID sa sealed plastic at isinilid sa envelope kasama ng iba pang ebidensya. Habang nagmamaneho ay pumapasok sa isip niya ang imahe ng mga biktima. Ito ang unang kasong hahawakan niya. Napailing siya. “Serial killing agad.” Ito ang kanyang konklusyon dahil pare-pareho ang modus ng pagpatay. -- Kasalukuyang nagkakaroon ng pagpupulong sa sixth district kung saan nabibilang si Favio dahil bubuo ng bagong grupo na mag-iimbestiga sa mga naturang krimen. Usap-usapan sa mayroong bagong detective. Ang balita ay nag-aral daw ito sa Mayinila at nahasa rin ang husay sa ibang bansa. “Ginagawa niyo ba talaga ang trabaho niyo?!” Napaupo nang maayos ang may trentang kapulisan sa lakas ng boses ni Regional Director Juanito Capilpil. “Sa tanang-buhay ko ngayon pa lang ako napahiya sa presidente!” Natatawa sa isip niya si Favio. Kilala niya ang ugali ni director. Mahilig itong magpabida sa kahit kanino kaya sa loob-loob niya ay natutuwa siya. “Mali. Favs, huwag matuwa. Kawawa ang mga biktima. Yung ang isipin mo.” Paalala na naman niya sa sarili. “Mula sa araw na to makakasama ninyo sa Violent Crime Task Force si PO1 Redentor Trinidad. Inaasahan kong magtutulungan kayo para maresolba na ang kaso.” Siniko siya ng katabi, si PO2 Lucio Imperial. “May mas bago na sa`yo P`re. Utusan mo na agad.” “Gago ka P`re. Tingnan mo naman mukhang siya pa ang mag-uutos sa atin.” Pumunta sa harap ang bagong pulis. “Good afternoon. I really hope we can solve this case as fast as we can. I promise to cooperate with all of you.” “Inglesero P`re,” bulong pa ni Lucio. “Ikaw kumausap diyan at hindi ako nakapagbaon ng maraming Ingles.” Mayroong kumatok. Napatingin silang lahat sa direksyon ng pinto. Kilala ni Favio ang dumating. Ito ay si Con, Conrado Realonda, isang manunulat sa Philippine Daily Express. Matalik siyang kaibigan ni Favio. “Pasensya na Tinyente. Nahuli ako ng dating. Na-flat kasi ang gulong ng kotse ko.” “Pasok ka,” sagot ng tinyente. “Mula ngayon ay eksklusibong ilalathala sa Philippine Daily Express ang progreso ng serial killings. PO2 Imperial, magpagupit ka nga nang maganda-ganda ang rehistro mo sa camera. Baka ikaw pa ang ilagay sa headlines nitong si Conrado.” Napuno ng tawanan ang headquarters. Napatingin si Favio sa kaibigan. Ikinatuwa nito na siya ang naatasang magsusulat ng balita tungkol sa kaso. Binubuo ng pitong katao ang VCTF. Papangunahan ito ni Tinyente Bernardo Mercado. Makakasama rito sina PO1 Favio, PO1 Redentor, PO2 Lucio Imperial, PO2 Rico Manansala, PO2 Bruno Resurecion at PO2 Macario Espinoza. Nakahilera ang mga mesa nila sa pinakadulong bahagi ng headquarters. Nakalapag sa mesa ng Tinyente ang folder na naglalaman ng mga detalye sa mga nakaraang pagpatay. Idinikit naman sa bulletin board ang larawan ng mga biktima at mga ebisensyang nakalap sa bawat crime scene. “Bukod sa paso ng yosi, wala na tayong mahanap na ebidensya,” saad ni Bruno. Naiiling-iling siya habang binubuklat ang folder ng unang kaso. “Malapit-lapit na akong kumonsulta sa manghuhula mga P`re. Baka sakaling may maitulong sila. O kaya magnobena tayo.” Nagtawanan ang apat na PO2 habang ang dalawang bagitong imbestigador ay seryosong nakatuon sa mga folders na hawak-hawak nila. “Eliza Rosario Nicomedez, 16 years old, Cavite National High School, walang nakalagay na pangalan ng magulang?” Kausap na naman ni Favio ang sarili sa isip niya. “P`re patingin.” Kinuha niya ang folder kay Lucio. “Maria Garcia Velasco, 14 years old, Pangil National High School, wala ring record ng magulang. Yan P`re?” Bumaling siya kay Macario. Myrna Soriano, Pangatlong biktima, 15 years old, Halang Banaybanay National High School Sylvia Emiritus, Pangalawang biktima, 16 years old, Luis Aguinaldo National High School Maricar Villota, Unang biktima, 16 years old, Santiago National High School. Napagtanto nila na ang mga biktima ay pawang walang nakatalang mga magulang. Sila ay nasa pangangalaga lamang ng mga kamag-anak. Napatingin si Favio sa bulletin board. Napansin niya ang pagitan ng pagkakadiskubre sa mga bangkay. Kinuha niya ang kalendaryo at ang pentel pen. “Sir tingnan niyo `to.” Inilatag niya ang kalendaryo sa mesa ni Tinyente. “Natagpuan si Eliza ngayong June 15, Si Maria naman May 31, Si Myrna natagpuan sa Silang noon May 15, Sylvia April 30 at yung unang biktima si Maricar April 15. May dalawang linggo ang lumilipas bago nadidiskubre ang mga biktima niya.” Payahag ni Favio. “At ang mga biktima ay taga 6th district.” “Tawagan ang iba’t-ibang himpilan,” utos ni Tinyente. “Sabihang mas paigtingin ang pagmamantiyag sa mga paaralan at sabihan din ang mga impormante natin na timbrehan tayo kung may malaman silang makakatulong sa kaso.” Tumalima naman ang mga ito. ­­--- Nagyayaya ang apat na PO2 na mag-happy-happy muna para i-welcome si Red. Nagdadalawang isip na sumama si Favio dahil sa tuwing nagyayaya ang mga ito ay napapahamak ang kanyang bulsa. “Favio, sumama ka na. Nakakahiya naman dito kay Redentor kung hindi ka sasama.” “Red na lang.” Natatawang sabi ni Redentor. “Angpangit pakinggan ng Redentor. Halika na Favio.” Tinapik-tapik niya ito sa balikat. “My treat brother.” “Oh, libre naman pala e. Tara na Favs. Huwag nang magpakipot pa at baka magbago ang isip nitong si Red.” Excited na hinila-hila ni PO2 Lucio si Favio. Siya ring paglabas ni Con mula sa opisina ng District Director. “Tamang-tama nandito rin si Con,” sabad ni PO2 Macario. “The more the merrier, hindi ba Private Conrado Realonda?” Nakatanga si Con dahil hindi niya alam kung ano ang pinag-uusapan nila. Muntik pa siyang matumba nang umakbay sa kanya si PO2 Macario. “Parte `to ng trabaho mo Con kaya sumama ka sa amin. Dapat kasama ka sa lahat ng lakad namin.” “`Yung kaso ang ang isusulat ko hindi ang buhay ninyo.” Pigil-tawa si Favio sa tinuran ng kaibigan. Ginulo naman ni PO2 Macario ang buhok ng mamamahayag. “Hindi ka na nagbagong bata ka! Halika na at lalasingin ka namin ulit!” Wala nang nagawa ang magkaibigan. Dahil si Red ang nagboluntaryong manlilibre, siya rin ang pumili kung saan sila kakain. Natatawa si Favio nang aligaga ang apat nang sa isang mamahaling restaurant sila kakain. “P`re walang babae dito. Iba pa naman ang gusto kong kainin.” Natatawang sabi ni PO2 Macario. “Saka ka na P`re. Isipin mo ‘yung asawa mo buntis. Baka makonsume na naman sayo,” payo ni PO2 Rico. “Hindi na kita pagtatakpan at baka ako naman mapahamak sa asawa ko.” Naka-order na si Red para sa lahat. Napailing si PO2 Bruno dahil puro karne ang nakahain sa mesa. Nagkabiruan na baka pare-pareho silang hindi makapasok kinaumagahan dahil nagsitaasan ang mga blood pressure nila. “Siya nga pala, Con,” baling ni PO2 Rico sa mamamahayag. “Bakit mas pinili mo ang magbalita kaysa ipagpatuloy ang pagpupulis? Sayang naman ang benipisyo.” Napangiti si Con. “Hindi kasi pagpupulis talaga ang gusto ko. Nasa pamamahayag talaga ang puso ko. Pero nagagamit ko rin naman ang mga natutunan ko sa academy sa pagsisiyasat.” “It isn’t a wise choice,” sabad ni Red. “Manganganib pa ang buhay mo kapag may sinulat kang hindi magugustuhan ng gobyerno.” “Kaya dapat maingat pero wasto ang laman ng balita,” depensa naman ni Con. “At lahat naman ng trabaho mapanganib. Gaya ng trabaho ninyo.” “Maalala ko, anong magiging stratehiya natin para mahuli ang kinsenas-katapusan killer?” tanong ni PO2 Lucio. “Baka pagkalipas ng dalawang linggo may bago na naman siyang biktima.” Parang may dumaang anghel dahil natahimik silang lahat saka bumaling kanya. “Kinsenas-katapusan?” tanong ni Favio. Napakamot sa ulo si PO2 Lucio. “’Yun ang naisip kong ibansag sa killer kasi `yung mga biktima niya natatagpuan sa tuwing kinsenas at katapusan.” Hindi sila makapaniwala sa naisip na bansag ng PO2. “Sunflower Killer,” sambit ni Red. “Bakit hindi natin siya bansagang Sunflower Killer?” “Kailangan pa bang bigyan ng pangalan? E mamamatay-tao lang naman siya.” Uminom ng tubig si Favio. “Isa siyang walang kwentang hayop.” “It’s just a code. Pwede rin nating tawaging Operation Sunflower Killer ang kasong hawak natin. It would also be a nice headline for PDE. What do you think, Con?” baling nito sa mamamahayag. Sandaling nag-isip si Con. Tinatantiya niya kung ano ang personalidad ng kaharap. “Imagine the Headline after we solve the case? Sunflower Killer, timbog sa Cavite. And your name is written for the exclusive news.” Nayabangan si Con sa tinuran ng imbestigador. “Bakit natin bibigyan ng pagkakakilanlan ang isang taong nagpapalaganap ng takot?” Maging sina Favio ay natameme sa tensyon na animo ay namamagitan sa dalawa. “Una pa lang gusto nang magpapansin ng kriminal. At sa pagkakataong binigyan niyo siya ng pangalan ay pagtatawanan pa niya kayo dahil nakuha na niya ang gusto niya. At hindi siya nararapat na katakutan.” “Bakit naman?” tanong ulit ni PO2 Lucio. “Kahit ako natatakot para sa mga kapatid kong babae. Putang inang `yon. Dapat mahuli na natin ang gago.” “May biktima na ba siyang anak ng promininting tao sa lipunan? Wala pa. Dahil natatakot siyang madali siyang mahahanap ng mga maraming koneksyon sa gobyerno. Isa lang siyang bagitong killer.” “Oo nga `no?” sang-ayon ni Favio. “At wala ni isang pamilya ng mga biktima ang humingi ng tulong sa pulis.” “’Yun ay dahil inaalam muna ng suspect kung anong klaseng pamilya ang umampon sa mga biktima. Sinigurado niyang walang hahabol sa kanya. Iniiwan naman niya ang ID ng biktima dahil gusto niya kayong paglaruan.” Matamang nakikinig ang mga ito kay Con. Lalo na si Red na hindi nagustuhan ang pagkontra sa kanya ng mamamahayag. “He’s still a serial killer.” Bumuntong-hininga si Con. “Weak serial killer. Siguradong magugulat siya sa unang ilalathala ko tungkol sa kasong ito.” “Baka naman ikapahamak mo agad yan P`re,” paalala ni Favio. “Baka hindi na naman alam ng editor mo `yan.” “May pahintulot ito ng Pangulo ng Pilipinas,” pagyayabang ni Con. “Kumbaga kikilitiin ko lang ang killer.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD