Go home
Ito na ba 'yung tinatawag nilang whirlwind romance? Simula pa lang ramdam ko nang delikado ang ganito. Masaya siya, maganda, perpekto, pero nakakatakot...
Sabi nila, 'yung mga magagandang bagay daw ay hindi dapat minamadali. At minsan, 'yung mga bagay na kahit sabihin nating para sa'yo ay hindi basta-basta ibibigay ng ganoon kadali, kailangan mo munang paghirapan para mas ramdam mo ang sarap ng pagkapanalo. May punto nga naman. Mas masarap sa pakiramdam kapag nakamit mo 'yung bagay na gustong-gusto mo dahil pinagsikapan mo.
Napapaisip lang ako kung minsan. Kung bakit may mga tao na hindi na kailangang paghirapan 'yung mga bagay na gusto nila dahil kayang-kaya naman nilang makuha sa isang kumpas lang ng kamay. Samantalang may mga tao naman na ginawa na ang lahat-lahat, mailap pa rin sa kanila ang kaligayahan.
Hindi lang sa pag-ibig, pati na rin sa buhay.
Kung saan-saan ko na naririnig ang katagang 'Love is a process.' Sang-ayon ako roon. Para sa akin, ang love ay proceso, tulad nang parang pagtatanim. Iingatan mo, aalagaan, bibigyan ng oras at atensyon, po-protektahan laban sa mga pesteng gustong manira, umaraw man o bumagyo, dahil worth it naman 'yon lalo kapag nagsimula na siyang mamunga.
Hindi ba ang saya no'n?
At tulad din ng tao ang mga halaman. Iba't-iba ang klase, iba-iba rin ang pamamaraan paano mo sila alagaan at itanim. Kanya-kanya silang proseso. May madaling itanim at mamunga, meron namang inaabot pa ng ilang buwan o taon bago mo makita ang inaasam mong bunga.
It takes so much time and effort. Kaya naman 'di maiwasan na ang iba ay sumusuko na lang at nagtatanim na lamang ng ibang halaman, 'yung mas madali. Iniisip nila na bakit nga naman sila maghihintay ng matagal kung marami namang iba?
Pero para sa akin, bakit mo susukuan kung mahal mo?
Not everyone is the same. Hindi naman lahat ng mansanas ay parehas 'di ba? Oo, parehas silang uri, parehas ng pinanggalingang puno pero magkaiba pa rin sila. Sa kulay, sa hugis at sa laki.
Just like each one of us, we're all unique and beautiful in our own way.
"Anong nginingiti-ngiti mo riyan? Ha?" Puna ni Jean sa akin.
"Wala naman. May naisip lang ako..." tinikom ko ang bibig ko. 'Di ko namamalayang nakangiti na pala talaga ako.
What am I thinking? Iba pala talaga kapag nararanasan at nararamdaman mo na 'yung mga bagay na nababasa at napapanuod mo lang. Ang gaan sa pakiramdam na para bang nasa ulap ka...
"Emery!"
Napahawak at himas ako sa aking ulo nang batukan ako ni Jean. Ngumuso ako sabay buntong hininga. Tinignan ko na lang ang mga gamit ko sa batong lamesa dito sa labas ng butterfly garden sa likod ng school. Sinabihan na kami ahead of time ng prof namin na hindi siya makakapasok sa klase kaya rito kami nagpalipas ng oras.
Niyaya kami kanina nila Jayzza na manuod ng sine at mag-make-up shopping, masaya sana kaso wala naman kaming budget ni Jean para doon.
"Ang sakit naman no'n! May galit ka ba sa'kin?" Reklamo ko.
"Maang-maangan ka pa? Sabi mo nag I miss you na sa'yo, o e ano kayo?"
I made a face.
"Talande! Kayo na 'no?"
"Hindi! Baliw. Magkaibigan lang kami 'no!"
"Kaibigan? Sus? O kalandian? Nako!" naiinis na niyang sabi habang pinandidilatan ako.
Umiling ako at suminghap. "Pala desisyon ka talaga. Friends nga lang."
"Dapat lang!"
Palagi na lang akong pinapaalalahanan ni Jean tungkol kay Shaun. Pinapapunta ko naman siya sa resto bar para makilala na niyang personal, kaya lang hindi siya makaalis dahil sa problema niya sa pamilya na mas lalo pa yatang lumala. Sayang, tiyak na magugustuhan niya rin 'yong si Shaun.
Mabait si Shaun at masayang kasama. Ako lang talaga 'tong naiilang sa tuwing may dumadapong paru-paro sa tiyan ko. Bukod kay Kuya Elias, si Shaun ang unang lalaking madali kong nakagaanan ng loob, at pinagkatiwalaan. Umiiwas na kasi talaga ako sa mga lalaki. Dahil na rin sa mga naranasan kong pangit noon, wala na akong tiwala sa kanila.
Pero sa tuwing naghahanap akong dahil kung bakit naiiba sa lahat ang trato ko kay Shaun, wala talaga akong mahanap o ibang maisip. Basta nangyari na lang.
Isang linggo ko na pina-practice ang pag gamit ng gitara. Kahit papaano naman may improvement na nangyayari. Gusto ko talagang matuto at tumugtog mag-isa sa stage. Bigla na lang din talaga akong nagka-interes sa gitara. Namamangha kasi ako 'pag pinapanuod kong tumugtog sila Kuya Benjo. Nakakatuwang isipin na meron na akong sariling gitara. Kay Kuya Benjo lang din naman ako nagpapaturo kaso 'di kasya ang bakanteng oras namin sa trabaho para matuto ako.
Tapos na rin naman ang aming prelim exam. Kampante at tiwala naman ako sa sarili ko na pasado ako. Naipasa ko naman sa tamang oras lahat ng projects at nag-aral akong mabuti.
"Kasyang-kasya naman kotse ko rito kung sakali..." Shaun trailed off right after he saw my reaction.
Sabi ko na nga ba't mapupuna niya rin 'yon! Obvious naman kasing nag dahilan lamang ako! Magi-isang buwan na niya akong hinahatid sa bahay, malamang na alam niyang kasyang-kasya 'yon dito! Bakit ba 'di ko naisip 'yon?! Kasi naman, e. Sino bang magaakala na aabot kami sa ganito?!
Tumikhim ako at inayos ang shoulder bag ko, dumiretso akong tingin sa aking dinadaanan.
"Ah, oo nga. Wala na kasi 'yung mga nagdo-double park kaya... ganon." I chuckled nervously.
Pinagpawisan agad ang palad ko. Mabagal lang ang lakad namin sa sidewalk, pauwi sa bahay. Nage-enjoy naman ako sa ganito; naglalakad habang nagku-kwentuhan ng mga nangyari sa araw naming dalawa. Palagi niyang kinakamusta ang araw ko. Lagi ko rin siyang nahuhuling nakatitig sa akin habang nagku-kwento kaya tumitigil ako, nahihiya.
Unti-unti ko na rin naman siyang nakikilala. 'Di ko na siya kailangan pang tanungin dahil nagkukusa naman siyang kwento. Para bang konektado ang isip niya sa isip ko at alam niya agad ang mga tanong na gusto kong itanong.
Lagi naman akong pagod pero kapag magkasama na kami, nawawala.
Nabanggit niyang nagta-trabaho siya sa isang hotel dito rin sa Manila bilang hotel manager. Hindi ko na lang matandaan kung anong pangalan no'n. Gabi na noong magkausap kami sa cellphone at antok na antok na ako.
"Wala kang day off. Tama ba?" He inquired.
"Sa hotel? Meron naman kaso may pasok naman ako sa school. Sa bar, sabado at linggo wala. Bakit?" Sabay tingin ko sa kanya.
Umiling siya. "Wala naman... Hindi ka ba napapagod sa ganyang set up?"
"Hindi naman. Walang pagod pagod sa akin 'no!" Tumawa akong masigla pero hindi kumbinsido ang kanyang mukha.
Tumikhim akong muli. Seryoso lang siyang nakatitig sa akin, halos walang emosyon. 'Di ko tuloy maunawaan kung ano bang nasa isip niya. Hindi ko alam kung anong klaseng reaksyon ba ang ginagawa ko pero unti-unti siyang ngumiti sa akin, napangiti na rin ako na hindi namamalayan.
"Emery?" Pabulong niyang tawag sa pangalan ko sa hangin.
Magkatitigan pa rin kami at patuloy sa paglalakad. Magkasabay ang lakad naming dalawa pero may ilang pulgada ang pagitan namin.
"Hmm?" I raised both of my brows.
"Thank you," he sincerely said.
"Para saan naman?"
He smiled again. "For this. For letting me know you. Thank you."
"Ah," I simply nodded.
Naiinis ako sa sarili ko at sa nagiging reaksyon ko. Ginagawa kong awkward ang lahat kahit wala namang rason para makaramdam ng ganoon.
Nandito na kami sa tapat ng aming gate. Dinungaw ko muna ang loob ng bahay mula sa gate para siguraduhing wala roon ang Kuya. Alam ko namang wala pero 'di ko maalis sa sarili ko mag-alala. Ayoko na ring isipin pa kung anong magiging reaksyon ni Kuya sakaling makita niya kami rito ni Shaun. Wala naman kaming ginagawa masama. Gayunpaman sadyang over protective kasi niya pagdating sa akin.
"Uh, may pasok ka ba bukas?" he asked in a careful way.
"Oo, sa Hotel. Bakit?"
He then smiled. "Can I take you out tomorrow? Susunduin kita..." Hindi nawala ang pagiging mahinahon ng mga salita niya na para bang tinatancha niya kung tama ba lahat ng iyon.
Umiwas akong tingin. 'Di ko alam kung anong isasagot ko. Nakaramdam akong kaba sa gitna ng katahimikan naming dalawa. Bakit ngayon pa tumahimik ang buong barangay kung kailan kailangan kong pagtakpan 'yung kabog ng dibdib kong sobrang lakas?!
Napasinghap ako. Pinagiisipan kong maiigi ang alok niya bago sumagot. Ayokong magsisi sa huli. Kung um-oo ako, baka isipin niyang easy-to-get ako. Kung tumanggi ako, baka naman maartehan sa akin. I'm not quite sure if where this is going, I'm not an overthinker pero pagdating sa kanya, 'di ko maiwasang mag-isip. I'm not even sure if it's a good thing or not, or if he's a good thing.
"S-sige..."
Paano ko ba malalaman na sincere ang isang tao? Wala namang masama na sumama ako 'di ba?
"I can teach you how to play guitar." Nawala na ang kaninang pagaalangan sa boses niya.
I smiled and cleared my throat. "T-talaga? Marunong kang mag gitara?" Magkahalo ang duda at pagkamangha ko sa kanya.
He chuckled. "Yeah... My cousin taught me. Hindi ako magaling pero marunong naman kahit papaano."
"Kaso... 'di ba hassle sa'yo? Baka busy ka bukas..."
"I'm not, Emery. I'm not busy," he assured me.
Natawa lang akong kaonti sa pagbigkas niya ng pangalan ko. I bit the sides of my cheeks as I look down. Bakit kaya kapag siya nagbibigkas ng pangalan ko nagiging musika sa pandinig ko?
Naalala ko 'yung sinabi ng teacher ko sa Mapeh noon na 'ang pinaka magandang tunog na maririnig mo ay ang pangalan mo,' 'di pa naman siguro huli ang lahat para sumang-ayon ako.
Kinabukasan, excited akong pumasok sa trabaho, bitbit ang gitara na nakasukbit sa likod ko. Dinaanan ko si Jean kanina sa bahay nila dahil 'di sinasagot ang texts at tawag ko, doon ko lang din nalaman na 'di siya makakapasok dahil nilalagnat. Gusto ko na sana i-kwento sa kanya 'yong kung paano ako inaya ni Shaun kagabi, at umasa na akong magkikita na sila mamaya kaso mukhang 'di na naman tuloy. Pag-uwi ko na lang mamaya, saka ko iku-kwento at para mas mahaba na!
Nagbibihis na aking uniporme nang dumating si Ate Sam na parang dinaanan ng bagyo, hingal na hingal, pawis at sobrang gulo ng buhok at mukhang mainit ang ulo. Tahimik akong nakatingin sa kanya, na 'di na alam kung anong uunahin sa pagkataranta. Tinignan ko na lang ang sarili ko sa maliit at bilog na salamin na dinikit ko sa likod ng locker ko noong isang linggo, mahihilo lang ako kapag pinagpatuloy ko pa ang panunuod sa kanya.
"Walang hiyang lalaking 'yon! Minanyak pa ako! Bwiset!" Bulalas niya.
"Sino?" Nilingon ko si Ate Sam at naupo sa mahabang bakal na upuan sa tapat ng mga locker.
Padabog niyang sinara ang locker niya saka ako nilingon habang binu-butones ang laylayan ng damit.
"Ah, 'yung katabi ko sa jeep! Tangina, akala niya siguro 'di ko nakikitang pinaglalawayan niya ang s**o ko! Kupal siya!"
"Tinititigan niya?" Tanong ko, ini-imagine kung paano niya inaway 'yung katabi niyang lalaki sa jeep.
"Oo! Pasimple pa siya, sarap dukutin ng mata, e!" Gigil niyang sabi habang pinapalagutok ang mga daliri sa kamay dala nang galit.
Suminghap siyang malalim at humalukipkip, sinandal ang likod sa locker. Nadako ang paningin niya sa gilid ko, kumunot ang noo at binalik din sa akin ang tingin.
"Bakit?" Tanong ko.
"Dala mo?" Tinuro niya ang gitara ko, hindi ko na kinailangan pang lumingon dahil alam kong 'yon nga ang tinutukoy niya.
Tumango ako. "Oo."
Lumapit siya roon at binuhat gamit ng isang kamay, tinitigan muna saglit bago naupo sa tabi ko. Nakatalikod siya sa akin kaya umikot ako sa kinauupuan ko para maging magkaharap kami. Nilabas niya ang gitara sa lalagyan, nagsimula siyang kapain ang mga string at nagpatugtog din kalaunan.
Napangiti ako at napa-palakpak habang pinapanuod siya. May talent din pala siya pagdating sa paggi-gitara. Napahanga ako sa kanya, basta magaling o marunong mag-gitara o iba pang musical instrument, napapahanga talaga ako. 'Di naman kasi lahat marunong no'n at may tyagaang matutunan ang ganoon.
Pagkatapos niyang magpatugtog ay binalik niya rin iyon sa lalagyan at sa dating pwesto. Malapit na rin naman na magsimula ang oras ng trabaho.
"Saan nga pala si Jean?"
"Nilalagnat, e. Dumaan ako sa kanila kanina."
"Kaya pala ang tahimik kahapon masama pala ang pakiramdam. Nakapagpaalam ba siya sa Manager?"
"Hmm, oo, sabi niya nag-text siya kay Sir Rosales kaninang madaling araw."
Nagsidaanan sa harapan namin ni Ate Sam ang iba naming katrabaho, 'di man lang namansin. Nginitian ko 'yung isa na sa mukha ko lang kilala, pero 'di siya ngumiti pabalik, tumingin lang sa akin hanggang sa malagpasan ako, dedma. Tumayo si Ate Sam sa harap ko at tinapik ako sa braso.
"Lika na." Sabi niya.
Bukod sa amin ay may mga tao rin naman dito sa locker room, pero ayaw naman nila sa akin kaya nawalan na rin akong gana na pansinin at makisalamuha pa sa kanila. Bakit ko naman ipagsisiksikan ang sarili ko sa lugar at mga taong may ayaw sa akin?
Oo, kailangan kong makisama, pero 'di naman kasama sa pakikisama ko ang pagpayag sa bastos-bastusin lalo na't pare-parehas naman kaming empleyado rito. Kaya naman parang kami lang laging tatlo nila Ate Sam at Jean ang naririto kahit na ang dami-dami namin.
Kahit saang lugar ka naman mapunta, may mga tao talagang maiinis sa'yo kahit wala kang ginagawang masama at may mga tao ka ring kaiinisan kahit wala naman din silang ginagawa.
Nasa tapat na kami ng room 3046, ang unang room na lilinisan namin sa araw na 'to, nang pabirong binangga ni Ate Sam ang balikat ko gamit ng balikat niya. Pataas-baba ang kilay niya no'ng binalingan ko.
"Oy, kita ko ginawa ni Nicole kanina sa'yo," natawa siya.
Pumasok na ako sa loob pagka-swipe ko ng card sa pinto, sumunod si Ate Sam na siyang may dalang cart.
"Sinong Nicole?" Tanong ko habang hinahawi ang malaking kurtina ng kwarto.
"Si Nicole. 'Yung nginitian mo tapos dinedma ka lang," natawa na naman siya na parang may nagbabarang kung ano sa lalamunan niya.
Natawa ako pero dahil 'yon sa tawa ni Ate Sam.
"Nicole pala pangalan niya?" Sabi ko, kumuha na akong pamunas at sinimulan nang maglinis sa may lamesa. Si Ate Sam naman ang sa bedsheet, iyon kasi ang specialty niya.
"Oo. Yaan mo, inggit lang 'yon sa'yo 'no!"
"Wala lang naman 'yon sa'kin, e. Kahit pa irapan niya ako kaya hayaan mo na lang din sila."
"Psh. Anong hayaan ka diyan! Mga inggiterang palaka sila! Palibhasa ikaw ang pinaka maganda rito, e. Andami kayang interisado sa'yo rito kung alam mo lang. Diyos ko, naririndi na nga ako sa pangungulit nila sa akin."
Tinigil ko muna ang pag-aayos ng lamesa para balingan si Ate Sam.
"Sa akin?" Kinunot ko ang noo ko.
Pinanlakihan niya akong mata na para bang dapat kong paniwalaan lahat nang sinasabi niya.
"Oo kaya! Simulan mo sa mga guard hanggang sa barista sa resto. Try mo dumaan do'n mamaya, tulo laway na naman mga 'yon sa'yo!"
Pagak akong natawa at napa-iling. Nahawa na yata itong si Ate Sam sa pagiging OA ni Jean, kuhang-kuha na niya pati ekspresyon ng mukha.
"Ang ganda-ganda mo, ayaw mo pang maniwala? Kung mukha ko lang 'yang mukha mo, baka sumali na akong PBB sure win na ako! O kaya model. Andami kong pwedeng gawin. Andami kayang benefits ng mga magaganda! 'Yung kahit siksikan sa jeep basta maganda ang huling sasakay, may magsasakripisyo't magsasakripisyo diyan! Kapag naman may bitbit kang mabigat, may tutulong sa'yo! Hay nako, andami talaga!"
"Wala namang nangyaring ganyan sa benteng taon kong nabubuhay sa mundo. Kabaligtaran pa nga 'yan sa mga naranasan ko," mapait kong sabi sa huli.
Marami-rami na agad ang nalinisan naming kwarto kaya maaga kami nag-lunch break. Sa cafeteria kami kumain imbis na lumabas at bumili sa karinderya. Tirik na tirik din naman kasi ang araw sa labas at wala pa kaming dalang mga payong.
Pabalik na sana kami sa employees quarter para doon magpahinga nang hatakin ako papasok si Ate Sam papasok ng elevator, walang guests na naroon kaya malaya kaming mag-kwentuhan.
"Saan ba tayo pupunta?" Tanong ko.
Naka-angkla ang kamay niya sa braso ko. Sa mga ngitian niya, parang alam ko na kung saan niya ako dadalhin.
"Basta!"
Mahaba ang buntong-hininga ko, bumukas na ang elevator door, papunta iyon sa restaurant, at hinahatak niya ako palabas doon.
"Ayoko!"
"Sige na! Ipapakilala lang kita sa chef doon, e! Mabait 'yon saka biyudo." Nangungumbinsi niyang sabi.
Paulit-ulit kong pinipindot ang button para magsara kahit na malabo kasi nandoon siya. Natigil lang kami nang may lumabas na dalawang matandang babae na guests, masama ang tingin sa amin mula ulo hanggang paa. Gagamit sila ng elevator kaya lumabas na ako, nakayuko.
"Halika na! Dali!" Excited na sabi ni Ate Sam pagkasara ng pintuan ng elevator.
Napabuntong-hininga na lamang ako habang hatak-hatak ni Ate Sam sa braso. Ano pa nga bang magagawa ko?
Hindi ito ang first time kong magawi sa restaurant ng hotel, pero 'di pa rin nawawala ang pagkalula ko sa ganda nito. Sa panaginip ko lang talaga napapasok ang mga ganito kagandang kainan at lugar, ang saya-saya talaga ritong mag-ikot, feeling ko nasa Paris ako, since iyon din naman talaga ang inspirasyon ng buong hotel.
May kakaibang ngiti 'yung dalawang gwardiyang nadaanan namin papasok, naalala ko tuloy 'yung sinabi ni Ate Sam tungkol sa mga interisado sa akin, mula raw sa gwardiya hanggang sa barista. Oo, kaya nga niya ako kinaladkad dito para ipakilala sa mga tinutukoy niyang "interisado" sa akin.
Kinawayan ni Ate Sam 'yong matangkad at payat na waiter saka ako paulit-ulit na tinuro. Pagkalapag ng waiter sa order ng guests, nginitian niya kami at pumuntang kitchen. Nag-iinit ang pisngi ko at pinagpapawisan ang mga kamay, ako ang nahihiya sa mga kalokohan ni Ate Sam, e.
Naka-angkla pa rin siya sa akin, naniniguradong 'di ako makakatakas. Lumapit kami sa bar counter, nakatayo sa pinaka gilid malapit sa kitchen door. Malalapad ang ngiti ng mga waiter doon, pati mata nila nakangiti rin. Ipinagtataka ko lang bakit walang mga babae roon. Huling daan ko rito, meron naman, pero 'di ko na inabala pa ang sariling magtanong.
"Ganda 'no?" Iniyayabang ako ni Ate Sam sa mga naroon.
Yumuko ako sa sobrang hiya, naiiyak na ako sa totoo lang. Hindi ako komportable, hindi ako natutuwa sa atensyon, pakiramdam ko kino-corner ako at hindi makahinga...
"Hi, Emery? I heard you're one of Rizaldo Empire's scholar? Plano mo rin ba magtrabaho rito after your graduation?" Sabi nung isa.
"Uh, hindi ko pa alam, e..." Muntik pa akong mautal doon.
"Ang dami mo namang tanong, Ian," humalakhak 'yung isa, "Baka sa sunod nating makita si Emery, boss na natin siya."
Iniiwasan kong tumingin sa kanila sa mata. May lumapit pang tatlong waiter sa amin. Sinisiko ko na si Ate Sam, pero balewala iyon sa kanya dahil abala siya sa pakikipag-usap sa iba. Bilang lang sa mga kamay ang guests ngayon araw kaya malaya silang gawin ang gusto.
"So, ikaw pala si Emery? I'm Gio," makikipag-kamay sana siya pero tinampal 'yon ng mga kasamahan niya.
"Bawal mag first move! Doon ka na nga, Gio!"
"Shut up, dito muna ako, nandito si Emery, e." Sabay tingin sa akin, nagpapa-cute.
Napangiwi ako. Tingin ba talaga nila nakakatuwa mga ginagawa nila? Walang nakakatuwa sa ganito. Walang matutuwa sa ganito.
Bumukas ang kitchen door at sabay-sabay kaming napatingin doon, may lumabas na maskuladong lalaki, matangkad at bigotilyo. Binitawan ako ni Ate Sam para lapitan 'yon, hahabol sana ako sa kanya pero nahihirapan akong kumilos sa mga matang nakatingin sa akin. Marahan akong huminga at naisip na umalis na lang.
"O, Emery, sa'n ka pupunta?" Takang tanong ni Ate Sam.
"Babalik na sa quarters," sagot ko.
"Pakilala muna kita rito kay Sir Albert. Dali, lika rito!" Sinenyasan niya akong lumapit.
Nginitian ko 'yung Sir Albert na tinutukoy niya at tumingin sa kanya pabalik, saka ako umiling. Naiinis ako sa kanya ngayon at gusto ko na talagang bumalik sa quarters, sinasayang ko lang oras ko rito imbis na nag-aaral o ipinapahinga ko. Ngumuso si Ate Sam, pinipilit akong lumapit pero ayaw ko. Tinapik nung Sir Albert sa balikat si Ate Sam, bago lumapit sa akin.
Biyudo? Kung gano'n pwedeng hiwalay sa asawa o namatayan ng asawa. Ano bang pumasok sa isip ni Ate Sam at gusto niya akong ipakilala sa lalaking 'to? Bata pa namang tignan, pero kahit na!
"Hi, pasensya ka na rito kay Sam, a? Kababata ko kasi 'yan, e, kaya malakas loob mangulit. Nasabi niya ba sa'yo?" Magalang pero sobrang lalim at buong-buo ang boses niya.
Napalunok ako at iling, pinilit na ngumiti. Ikiniling ko ang ulo ko para tignan si Ate Sam na natatakpan ng katawan ni Sir Albert, nginitian niya ako at nag-thumbs up.
Nagsimula na namang mangulit ang mga waiter sa akin, pinapaulanan akong tanong at ganoon din si Sir Albert matapos niyang magpakilala at makipagkamay. Nagkakagulo sila sa kung saan ako dapat pa-upuin, natigil lang nang dumating 'yung gwardiyang nadaanan namin kanina.
"Ma'am Emery, pinapatawag ka ni Sir Shaun." Sabi niya.
Kinabahan agad ako at napatingin sa suot na relo, lagpas ala una na pala! Kailangan ko nang mag-linis sa penthouse ni Sir Shaun! Magalang akong nagpaalam sa mga waiters, kay Sir Albert at kay Ate Sam. Nakahinga na akong maluwag, 'di talaga ako natuwa sa mga nangyari. Mamaya sasabihin ko kay Ate Sam 'yon para 'di na maulit pa.
Ito na 'yung pinaka mabilis kong pagkilos makapunta lang agad sa penthouse, kinakabahan ako, naiisip kung papagalitan ba ni Sir Shaun. Hindi naman ako no'n ipapatawag kung walang ipapalinis, e. At hindi rin naman din kasi ako nala-late.
Pagpasok na pagpasok ko, nakita ko agad siya sa couch, may tina-type sa laptop na nakapatong sa kanyang hita.
"You're late," sabi niya habang nagta-type at 'di tumitingin sa akin.
"Sorry, Sir, may ginawa lang po," dahilan ko.
"Ginawa? Tulad nang pakikipag-usap sa mga lalaki habang oras ng trabaho?" Hindi pa rin siya natingin, kakaiba talaga tono niya ng pananalita, parang script na paulit-ulit niyang binasa at paulit-ulit na pin-ractice bago sabihin.
Kinagat ko ang mga labi ko at bahagyang nahiya. Siyempre, may magsusumbong at magsusunbong kay Sir Shaun. Mali rin naman ang ginagawa ko, e.
"Sorry po."
"Enough with that. Pinapunta lang kita rito para sabihin pwede ka nang umuwi."
"Po?" Literal na nag hugis O ang labi ko sa gulat. Tama ba narinig ko?! At bakit niya ako pauuwiin?
"Don't make me repeat myself, you can go home now."
"Pe-pero..."
"Wala ka na lilinisin dito, umuwi ka na." May diin niyang sabi, iritado na yata.
"Pwede naman po-"
Hindi ko na naituloy pa ang sasabihin ko dahil sobrang lakas na nang pindot ni Sir Shaun sa keyboard na parang madudurog na. Napa-igtad at lunok ako nang isara ni Sir Shaun ang laptop at tinignan ako gamit ng walang buhay niyang ekspresyon.
"Uuwi ka ba o tatanggalin na kita?"
Nanlaki ang mata ko. "Uuwi na po! Opo, uuwi na ako, Sir!" Nag-panic ako sa kinatatayuan ko.
Pinihit ko na paikot 'yung dala-dala kong cart palabas ng penthouse.
"Uuwi hindi tatambay sa resto para makipagkwentuhan."
Huling narinig kong sabi ni Sir bago ako tuluyang makalabas.