KABANATA 14

4511 Words
Our Boss Inabot na kami ng hatinggabi kaka-kwentuhan. Kung ako lang ang masusunod, ayaw ko pa siyang pauuwiin. 'Yong feeling na malungkot at bitin na bitin ka, kaso kailangan na niyang umalis dahil maaga rin ang pasok ko bukas. Nawala nga sa isip ko iyon, e. Marami akong nalaman tungkol sa pagkatao niya. Hindi ko tinatanong pero kusa niyang sinasabi ang lahat na para bang obligasyon ko talaga siyang kilalanin. Inisa-isa niya ang kaibahan nilang magkakapatid sa akin. Wala siyang nabanggit na pangalan pero magkakaiba talaga silang pag-uugali. Siya ang middle child at black sheep daw sa pamilya. Ang bunso naman niyang kapatid ang mahilig mag-aral, seryoso sa buhay at mainitin ang ulo. 'Yong panganay naman ay strikto at may isang salita. Magkakasundo naman silang lahat base sa kwento niya, pero madalas niya raw makasagutan ang bunso noong mga bata pa sila. Marami din akong napansin na bagay tungkol sa kanya. Tulad ng pagkagat niya ng labi kapag natatawa kaya naman lalong pumupula ang labi niya. At sa tuwing ako naman ang nagsasalita, tumatahimik siya, nakatitig na parang batang paslit na nakikinig sa nakakamanghang kwento ng kanyang guro. Kaya naman masayang-masaya ako na nagku-kwento nang kahit ano dahil nakikita at nararamdaman ko ang sinseridad at interes niya sa pakikinig. Medyo iniiwas ko lang ang mata ko para 'di niya mapansin na nakasuot akong contacts. Pero napuna ko naman ang mata niyang palaging kumikinang sa tuwing nakatitig ako. Puno iyon ng buhay, halata naman sa pagkatao niya. Dama ko naman na magaan ang pag-uugali niya, na may masayahin, mapaglaro siyang aura, pero 'di ko akalain na ganito pala siya kasarap kasama. Nakakalimutan ko ang takbo ng oras pati na rin ang ibang bagay sa paligid ko. Na parang kami lang ang tao sa mundo. Ganito ang naramdaman ko kanina. Ganitong kagaanan sa pakiramdam. Ganitong kasiyahan na ayaw ko na sanang magtapos pa. Para akong bulateng inasinan sa pagikot-ikot ko sa kama sa sobrang saya at kilig. Sayang nga lang kasi wala kaming picture na magkasama, 'yong kuha lang ni Shaun sa akin 'yong remembrance ko. Siguro naman na-send na niya sa akin 'yon sa messenger? Excited na tuloy akong pumasok bukas ng umaga para tignan 'yon, at saka para mai-kwento ko rin kay Jean mga nangyari kanina! Paniguradong mananabik lalo siyang makilala si Shaun. Tiyak na magkakasundo sila sa kalokohan at medyo baduy na jokes. "Good morning, Jean!" Patalon kong niyakap si Jean nang makita ko siya sa lobby ng hotel sa sobrang galak.  Nag-text ako kanina sa kanya pero wala siyang reply, akala ko tuloy 'di siya makakapag-duty, pero papasok naman pala. Tinapik ni Jean ang braso ko para ipaalam na nasasakal na. Humagikgik akong bumitaw, tipid niya akong nginitian. Nagpatuloy kami sa paglalakad papasok. "Kamusta? Okay na ba pakiramdam mo? Kumain ka na?" Matamis ang ngiti ko sa kanya, kating-kati ang dila kong mag-kwento pero mamaya na. "Okay lang. Kumain na ako." Tipid niyang sagot nang hindi ako tinitignan Nangunot ang noo ko. Wala yata siya sa mood? Napuna ko ang kawalan niya ng gana ngayong araw. Hindi siya masyadong nagsasalita at nakikipag-usap sa amin, seryoso lang sa pagta-trabaho. Naninibago tuloy ako. Ito yata ang unang beses niyang naging ganito katahimik. Alam kong may problema. Madalas kapag ganito siya, ayaw niyang kinakausap siya o tinatanong sa kung ano ang problema niya dahil may sariling diskusyon na nangyayari sa isip niya. Kapag okay na siya at handa nang makipag-usap, kusa na siyang makikisalamuha uli. Gusto lang naman niya ng katahimikan kaya ayon ang binibigay ko sa kanya. Naririndi na siya sa magulo nilang pamilya, ayoko nang dagdagan. At dahil doon, kay Ate Sam ko muna ikinuwento ang nangyari sa akin kahapon. Hindi ko masyadong nababanggit sa kanya si Shaun kaya gulat at kilig na kilig siya para sa akin, panay pa ang hampas sa balikat ko tulad lang din ni Jean sa tuwing kikiligin. "Wow! Nakakamiss tuloy kiligin! Ang sarap talaga ma-inlove kapag bagets pa!" Umiwas ako sa paghahampas ni Ate Sam. Patapos na akong kuskusin ang toilet seat at ganon din si Ate Sam, sa bathtub naman. Nasa sink naman si Jean, mukhang patapos na rin sa paglalagay ng panibagong set ng malinis na tuwalya sa gilid. Kinagat ko ang pang ibabang labi ko pero nakakatakas pa rin ang mga ngiti ko. Ayoko sanang ipakita ang nararamdaman ko pero sadyang lumalabas, e. Totoo pala talaga iyong sabi sa kanta na kapag tumibok ang puso, wala ka na talagang magagawa kundi ang sundin ito. "May boyfriend ka naman Ate Sam ah? Hindi ka na ba kinikilig?" Tanong ko. Suminghap siya at tumayo. May kinuha lang saglit sa cart at bumalik. "Alam mo, kapag mature na kasi ang relasyon, hindi na sa kilig ang focus. More on sa future na. Kinikilig pa rin naman ako pero iba kasi kapag nasa stage pa lang kayo ng kikilalanin niyo pa lang ang isa't-isa, 'yong tipong kikiligin ka kaagad sa simpleng pagtawag niya sa pangalan mo." Tama nga naman. Wala pa man ako sa mature na relasyon na tinutukoy niya. At wala naman kaming relasyon ni Shaun, e. Masyado na yata akong nagiging feelingera, masama 'to. "Pero 'di pa rin naman dapat nawawala ang kilig 'di ba?" Ngumuso akong tumingin sa kanya. Tumayo ako at inunat ang likuran. "Oo naman. Mahalaga ang kilig sa relasyon. Sadyang nawawala na lang 'yon sa amin, pero mahal ko 'yong mokong na 'yon ha! 'Di naman porket walang kilig, wala na ring pagmamahal dahil 'di lang naman sa kilig umiikot ang relasyon. Okay ba?" Napangiti ako at tumango. Pabiro siyang umirap at tumayo na rin. "Patingin nga ulit ako ng picture mo na kuha niya!" Nakangisi kong binuhay ang phone sa bulsa ng uniporme ko at pinagmalaking ipinakita sa kanya ang picture. Si-nave ko iyon sa gallery ko para pwede kong makita kahit walang internet connection. Kanina pagka-accept ko sa sss ni Shaun, sinubukan kong tignan ang profile niya pero walang kahit ano. Birthday niya lamang ang naka-display. October 6, 1993. Ilang buwan lang pala ang agwat niya sa birthday ko. Naka-private lahat. Friends list pati pictures wala! Wala naman din talaga siyang profile picture. Shaun nga lang ang pangalan niya, e, walang apelyidong nakalagay. Napaisip tuloy ako kung pribado ba talaga siyang tao o dummy account niya iyon? Uso na kasi ang dummy account na ginagamit sa kalokohan o sa masasamang bagay. Pero sa pagkakakilala ko, hindi naman siguro. May tiwala ako sa kanya. "Sobrang saya ko talaga sa mga moment na 'yan, Ate Sam! Feeling ko lumulutang ako sa langit at lumilipad kasabay ng mga ibon!" 'Di ko napigilan ang sariling mapatili. Pangatlong kwarto na ang nililinis namin. Patuloy pa rin kami sa usapan ni Ate Sam tungkol sa masaya kong puso. Masasabi kong masaya rin si Ate Sam para sa akin dahil sa ngiti niyang umaabot hanggang sa mata. Naupo ako saglit sa kama, sapo sapo ang dibdib para damahin ang t***k no'n. "Pinagluto mo siya ng dinner sa inyo 'di ba? Mamaya ba magkikita kayo?" Tumango ako, nakangiti. Wala naman kaming usapan pero tiyak na 'yon. Gabi-gabi naman kaming nagkikita, e, kaya sigurado 'yon. Ginaganahan pa lalo akong kumilos sa pagta-trabaho dahil alam kong pagkatapos ng nakakapagod kong araw, makikita ko ulit si Shaun. Makakapag pahinga ako sa pamamagitan ng pagsama at pakikipagkwentuhan kay Shaun. Basta kapag kasama ko siya, pati pagod ko nakakalimutan ko. Ang mukha at boses ni Shaun ang makikita at maririnig ko bago matapos ang araw. 'Di ba ang swerte ko? Napahinto ako sa pagku-kwento at pagpapalit ng punda nang maramdaman ang pag-vibrate ng cellphone sa aking bulsa. Kinuha ko iyon at binasa. Maliksi at kinikilig na lumapit si Ate Sam para maki-usyoso. Shaun: Good afternoon, Emery! What do you like donut or pizza or both? I'll bring something to eat tonight. Gusto mo rin bang hot choco? Kape? Juice? Tea? Milktea? Nakatanggap ulit akong hampas kay Ate Sam na tumitili sa may tainga ko. Napakagat akong labi. Suminghap ako. Nagtitipa na akong reply nang mag-text uli si Shaun. Shaun: I'm sorry for too many questions. Are you on duty now? Do your best but don't overdo yourself, 'kay? See you later tonight! :) "Ikaw na talaga, MJ!" Niyakap ko ang cellphone ko at impit na napatili. Hinarap ako ni Ate Sam sa kanya para yugyugin. Humalakhak ako at napailing. Bibigay na yata ang puso ko sa bilis ng t***k no'n! Huminga akong malalim para pakalmahin iyon. "Naniniwala ka talaga sa lalaking 'yon, huh, Emery?" Natigilan kami sa pagbubunyi ni Ate Sam at sabay na binalingan si Jean na nasa bedside table. Tumikhim ako at humarap sa kanya. Bumalik na si Ate Sam sa kanyang ginagawa. Patuloy pa rin sa pagsasalita si Jean habang abala sa kanyang ginagawa. "Wag ka masyadong umasa riyan. Lolokohin ka lang niyan," malamig niyang sabi. Kumunot agad ang noo ko, may kung anong gumapang sa sistema ko na hindi ko masabi kung ano. Nagtiim bagang ako at humingang malalim. May problema siya, oo, pero 'di naman tama na ako ang pagtapunan niya ng sama ng loob. "Jean," mahinahong awat ni Ate Sam. "Ate Sam, 'wag niyong kunsintihin ang katangahan nitong si Emery. Alam naman nating gino-good time lang nung Shaun na 'yon ang kaibigan natin." Napakurap-kurap ako sa binitawan niyang salita. Kinuyom ko ang kamao ko. Naramdaman ko ang haplos ni Ate Sam sa balikat ko, nilingon ko siya. Nakangiti siya umiling para sabihing 'wag na akong pumatol. Ngumiti ako pabalik at tumango. Nasaktan ako sa sinabi ni Jean pero iintindihin ko na lang. Nabigla ako pero kilala ko itong si Jean, nadadala lang ng problema sa pamilya kaya ganito. "Isa o dalawang linggo pa, mawawala na 'yan sa parang bula. Tignan natin kung kiligin ka pa," pagpapatuloy niya. Bumigat ang bawat paghinga ko. Ilang beses nang nagtiim ang bagang ko sa inis. Tumingin ako kay Jean na kanina pa pala ako tinitignan, nakataas ang isang kilay niya, seryoso ang itsura. "Ano bang problema mo?" Nanliit ang mata ko, kinakalma ang sarili. Bumubulong na si Ate Sam sa tainga ko pero wala na roon ang atensyon ko. Ibinalik ko sa bulsa ang phone ko at lumunok. Bumuntong hininga si Jean. "'Yang katangahan mo, Emery." Walang halong biro lahat ng sinasabi niya. Nagpakawala akong mabigat na hangin at kinagat ang pang-ibabang labi. Ayokong magtalo kami pero sumusobra na siya. "Wala ka sa libro, Emery. Ilang beses ko bang dapat ulitin 'yon? Wala ka sa fairytale, hindi siya prince charming at mas lalong hindi ka prinsesa. 'Yang Shaun na 'yan, mayaman 'yan. At ano bang ginagawa ng mga 'yan? Pinaglalaruan ang mga mahihirap sa kamay nila. Mayaman siya, mahirap ka lang. Face the reality. Imposibleng magkagusto sa'yo 'yan. For sure, mukha at katawan mo lang ang habol niyan sa'yo. Kaya 'yan nagta-tyaga kasi hindi ka bumibigay, nacha-challenge siya." Bahagyang napaawang ang labi ko. Mararahas na ang bawat hinga ko. Nag-iinit ang gilid ng mata ko, nagbabadya na ang luha. Nasaktan ako sa sinabi niya. Nasaktan ako dahil hindi niya kailangang ipamukha sa akin ang estado ng buhay ko, na para kaming langit at lupa. Hindi naman pera ang habol ko kaya lalong mas masakit, at sa bestfriend ko pa talaga nagmula. At may posibilidad din na baka nga totoo ang sinabi niya. Kinagat ko ang mga labi ko at yumuko. Ayokong tignan sa mata si Jean, naiinis ako, nasasaktan. Pumunta sa gitna namin si Ate Sam. "Jean, ano ba? 'Wag ka namang magsalita ng ganyan. May sariling utak si MJ, kaya na niyang magdesisyon. Hayaan mo siya," mahinahon pa rin si Ate Sam. "Hindi pwedeng hayaan 'yan. Dapat ngayon pa lang, alam na ni Emery na imposible sila nung Shaun dahil-" "Dahil mahirap lang ako ganon ba?!" Bulalas ko, umiiyak. Matalim ang mata kong tumitig kay Jean na nabigla sa biglaan kong sigaw. Ang bigat sa pakiramdam ng ganitong pangmamaliit na sa kapwa at kaibigan ko pa nagmula. Hindi humihinto ang luha ko kahit pa pigilan ko. Inalu agad ako ni Ate Sam sa pamamagitan nang paghaplos sa likuran ko. "Ano naman kung mahirap? Masama bang maging masaya ha? Kaya nga nagsusumikap para makaahon, e. Ano bang masama?!" Hindi nakapagsalita si Jean, nanlalaki pa rin ang mata. Miski ako ay nagulat sa sarili ko. Ni minsan, hindi ako nakapagtaas ng boses kahit kanino, hindi ako pumatol sa mga sinasabi o lumalaban kahit na sobrang sakit na ng nararamdaman ko. Alam iyon ni Jean. Ngayon lang, ngayon lang ako nakapagsalita ng ganito. "Magkaibigan tayo Jean. Kung umiyak man ako dahil sa problema, alam kong nandiyan ka para damayan ako. Hindi ba dapat ganoon din kapag masaya ako? Nandiyan ka rin para suportahan ako?" Mahina kong sabi. "Wala naman sigurong masama sa kaonting tiwala? Natatakot din naman akong masaktan... pero paano ako magiging masaya kung matatakot lang ako? Gusto ko lang subukan... Sana naman pagkatiwalaan mo ako." Nagbuntong hininga si Jean at iniwan kaming dalawa ni Ate Sam sa kwarto. Niyakap akong mahigpit ni Ate Sam at hinayaang akong umiyak sa balikat niya. Hindi ako galit kay Jean, nagtatampo, oo. Nasasaktan. Wala naman akong kakayahang magalit ng sobra sa mga tao dahil alam kong ako rin naman ang talo sa huli. Sa ibang floor naglinis si Jean ngayong araw para maiwasan kami. Nang matapos naman ang lunch break ay tumungo na ako sa penthouse ni Sir Shaun para maglinis. Saglit lamang akong kinausap ni Sir Shaun dahil busy siya sa kanyang laptop at panay din ang ring ng cellphone niya. Inabala ko na lamang ang sarili ko sa pagta-trabaho. "Ayos ka lang ba? Sabi ni Roger nauna nang umuwi si Jean. Gusto mo bang kausapin ko siya?" Umiling ako. Nag-aabang na kami ng jeep na masasakyan pauwi. Nawalan na rin ako ng lakas pa at ganang kumilos. Napatingin ako sa mga building na nalalagpasan ng sinasakyan kong jeep. Ako na lang ang mag-isa dahil bumaba na si Ate Sam. Malalim at mahaba ang hiningang pinakawalan ko. Nakatitig lang ako sa kawalan. Nag ring ang phone ko at wala sa sariling sinagot iyon. "Hello?" Walang buhay kong bungad. "May problema ba, Emery?" Nanlaki agad ang mata ko. "Kuya?!" Natawa si Kuya Elias sa gulat ko. "Kamusta ka na? Pauwi ka na ba?" "O-oo... bakit? Uuwi ka na rin ba?" "Oo. Sa Linggo uuwi ako riyan. Miss na kita, e." Nanumbalik ang ngiti sa labi ko na hindi ko magawa kanina. Lumambot ang puso ko roon. Busy siya sa pagiging bodyguard kaya matagal na kaming hindi nagkikita. "Miss na rin kita, Kuya." "Sige, ibababa ko na ang tawag. Aalis pala tayo sa Linggo ha? Bye, I love you." Hindi na ako nakasagot dahil binaba na ni Kuya ang tawag. Naglaho ang lungkot ko noong kausap si Kuya, na bumalik na naman pagkatapos din no'n. Tinignan ko ang phone ko na marami palang text mula kay Shaun. Inisa-isa ko iyong basahin. Shaun: How's your work today? You home? Papunta ka na ba sa restobar? Hindi ako nagreply sa mga text niya. Naalala ko bigla ang mga sinabi ni Jean tungkol kay Shaun. Wala naman siyang kinalaman sa lungkot ko pero ayoko munang makipag-usap kahit kanino. Mabilis kong i-di-nial ang numero ni Boss Wong para magpaalam na hindi ako makakapasok ngayong gabi dahil masama ang pakiramdam ko. Pumayag naman siya kaagad at sinabing bumalik na lang ako kapag magaling na. Mabait talaga si Boss Wong sa akin, nakakakonsensya tuloy na nagsinungaling pa ako. Inubos ko ang oras sa pagbabasa ng text books para sa klase ko bukas. Inilagay ko sa silent mode ang phone ko para hindi ako ma-distract sa pagtunog at vibrate no'n. Alas nuebe na nung matapos ako sa pag-aaral. Naghilamos at toothbrush lang ako saka dumiretso sa kwarto para magpahinga. Chi-neck ko ang phone ko kinabukasan paggising ko. May limang text doon mula kay Shaun na nagtatanong kung kamusta ako. Regular costumer siya sa amin kaya malamang nabalitaan niya kung bakit ako absent. May mga text pa roon mula kay Kuya at kay Kristoff pero wala ni isa mula kay Jean. Napanguso akong tumitig doon. I-text ko kaya siya? Kausapin ko na lang siguro mamaya pagpasok ko sa Rosehill. Nag-asikaso na akong almusal at gamit sa eskwela. Nakakalungkot na hindi ko siya kasabay pumasok ngayong araw. Pakiramdam ko may iba. Hindi ako na-late sa pagpasok dahil wala gaanong traffic at nakahap agad akong maluwag na jeep na masasakyan. Nakasalubong ko pa si Kristoff sa hallway pero nagyuko akong ulo para hindi ako mapansin. Mangungulit lang naman iyon sa akin. Pagpasok ko sa room, binati agad ako nila Misha at Jayzza. Hinanap ng mata ko si Jean. Nakangiti akong naupo sa tabi niya pero inusog niya ang upuan palayo sa akin. Kumirot ang puso ko dahil doon. Gusto kong maiyak pero pinigilan ko. Galit ba siya sa akin sa pagsigaw ko sa kanya? Napabuntong hininga ako. Nagsilapitan ang mga kaibigan ko sa amin pero 'di nakikisali si Jean, umalis siya at nagsarili. Hindi niya ako pinansin buong araw. Pati sila Scarlet ay napansin iyon. "Nag-away kayo?" Tanong ni Misha habang naglalakad kami palabas ng school. Iniling kong marahan ang ulo ko. "Hindi. Tampo lang..." Tumango-tango siya. May sundo si Misha kaya naghiwalay din kami ng daan. Inalok niya akong ihahatid pero tumanggi ako. Mahihirapan lang sila sa lugar namin at maiipit pa sila sa traffic. Wala pa rin akong ganang pumasok sa restobar kaya nag-text na ako kay Boss Wong para sabihin iyon. Sa kabutihang palad, pumayag ulit siya. Lumipas ang ilang araw na hindi pa rin niya ako kinikibo. Ilang beses kong sinubukang makipag-usap sa kanya at ilang na rin niya kong 'di pinansin. Sabado ngayon kaya naka-duty kami sa Reussie. Nababahala na rin si Ate Sam sa aming dalawa dahil sa sitwasyon. "Mali ba 'yung ginawa ko? Nagsabi lang naman akong nararamdaman kasi nasaktan ako. Gusto kong magkaayos na kami," umiiyak kong sabi kay Ate Sam. Lunch break na namin. Dito kami sa cafeteria kumain, samantalang nagkarinderya si Jean para maiwasan ako. Nasa tagong bahagi kami ng cafeteria kaya walang nakakapansin ng pag-iyak ko. Hinahaplos-haplos ni Ate Sam ang buhok ko. "Walang mali sa pagsasabi ng nararamdaman, MJ. Pero sana magkaayos na kayo kasi hindi ako sanay na ganito kayo," aniya at niyakap ako. "Susubukan ko ulit siya kausapin mamaya pag-uwi. Pupuntahan ko na lang siya sa kanila." "Tama 'yan. Sige na, tahan na baka lumuwa 'yang contact lens mo at lalong ma-in-love mga lalaki sa'yo rito." Nagtawanan kami ni Ate Sam. Suminghot-singhot ako at ngumiti na. Patayo na ako nang magsalita uli siya kaya napabalik ako sa pagkakaupo. "Uh, sorry pala sa ginawa ko last time ha? Pinakilala kita sa mga lalaki sa restaurant. Hindi ko man lang kinonsider feelings mo, sorry talaga..." Ngumiti akong banayad. Nawala na nga sa isip ko iyon kung tutuusin, pero ang mahalaga ay alam niyang nagkamali siya. "'Wag mo na uulitin ha?" Sabay tawa ko. Mabilis na tumango si Ate Sam at niyakap ako. Hindi ako pumunta ngayon sa penthouse dahil wala roon si Sir Shaun. Sinamahan ko na lang si Ate Sam sa paglilinis ng suite kasama ni Ate Elsa na nakipagpalit kay Jean pansamantala. Ganon ba talaga kasama ang loob niya sa akin? Tinapik ni Ate Sam ang balikat ko panpalakas loob. Bahala na mamaya! Pipilitin ko siyang kausapin ako sa ayaw at sa gusto niya! Mga bandang alas siete na ako nakauwi sa haba ng trapiko. Pagod na pagod ang katawanan ko dahil na rin sa siksikan sa jeep kanina at bugha ng mga usok mula sa truck at bus. Naligo agad ako pagkauwi at nagpalit ng malinis na puting t-shirt at cotton shorts. Nailagay ko na ang contacts ko. Sinuklay ko ang mahaba kong buhok gamit ng kamay. Kailangan ko na talaga itong paputulan dahil lagpas baywang ko na. Ang bigat din sa tuwing maliligo ako at magastos din sa shampoo. Saktong kakatapos ko lang magpahid ng cologne sa damit at leeg ko nang may kumatok sa gate. Si Jean kaya 'yon?! Napatalon ako bigla, nakangiting binuksan ang pinto. Nalaglag ang panga ko at nanlaki ang mata, sinarado ko agad ang pinto at humilig doon. Bakit nandito si Shaun?! Anong ginagawa niya rito? Tumakbo ako papunta sa lamesa kung nasaan ang phone. May mga text nga siya na nagsasabing bibisitahin ako! Emery naman! Nagpapanic pa rin ako nang kumatok muli si Shaun at tinatawag ako. Mabilis kong pinasadahan ng tingin ang kabuuan ko sa salamin at tarantang inayos ang buhok. Huminga akong malalim, kinalma ang sarili. Nagsalok muna akong tubig sa baso at uminom saka lumabas. "P-pasok!" Sigaw ko. "Uh, nakakandado, Emery!" Napasapo akong noo. Oo nga! Ano bang nangyayari sa'yo, Emery! Ang bilis bilis ng t***k ng puso ko habang naglalakad palabas ng bahay. Hindi ako makatingin kay Shaun ng diretso. Nginitian ko siya pagbukas ko ng gate at pinapasok siya. May bitbit siyang paper bag na may tatak ng Starbucks at dalawang dambuhalang box ng pizza. Tinitigan ko iyon at inangat ang mata papunta sa kanya, kinagat niya ang labi niya at napangiti. Napakurap ako. Kumalabog ang puso ko. Nag-iwas akong tingin, dama ko ang mainit kong pisngi na parang bagong timplang kape. "Pasok na tayo sa loob..." Tumango siya. Inilapag niya ang mga pagkain sa lamesa sa sala. Naghanda akong maiinom namin pero inawat niya ako. Nilingon ko siya. Nilalabas na niya isa-isa ang laman ng paper bag na puro inumin ang laman. Andami naman yata? Kunot noo ko siyang tinignan. Mapaglaro ang ngiti niyang iginawad sa akin. "Hindi ko kasi alam kung anong gusto mo," sabi niya at nahihiyang tumawa. Andami nga niyang tanong sa text pero 'di ko naman nire-reply-an. Kabado ako sa hindi malamang dahilan. Siguro dahil biglaan ang pagpunta niya rito. Ang tagal ko rin siyang hindi nakausap at nakita. Mabuti na lang talaga naligo na ako at nakapag-ayos, hindi na masyadong nakakahiya sa kanya. Tumikhim ako at ngumiti. Kinuha ko ang inabot niyang pizza na nakalagay sa bitbit niyang paper plate na may plastic knife. Magkatabi kami sa upuan pero may isang dipa kaming pagitan. Tahimik siyang kumakain sa tabi ko. Nadedepina ang matulis niyang panga sa tuwing ngumunguya. Plain white v-neck shirt lamang ang suot niya, khaki shorts at itim na tsinelas na may tsek na tatak. Hulmang-hulma ang mga muscles niya sa dibdib at braso. Napalunok ako. Nakita ko na namang muli ang kaliwang braso niyang balot ng tattoo. Ang astig dahil Japanese style na tattoo iyon. May Dragon, mga alon, tigre, mukha ng demonyo. Nakakatakot ang itsura pero ang lakas at linis ng dating sa kanya. "Nabanggit sa akin ni Richard na masama ang pakiramdam mo. Ayos ka na ba?" Namalayan ko na lang na nasa noo ko na ang kamay niya. Napalunok ako sa bara sa lalamunan ko. Masyado akong humanga sa tattoo niya kaya natameme ako! Bumaba ang tingin ko sa pagkain na nakapatong sa hita ko. "Oo naman," sabi ko at tumawa. Ibinaba ko ang pagkain at kumuhang inumin na may whipped cream sa itaas. Mabilis kong ininom iyon. Nararamdaman ko ang matang nakatitig sa akin. Hindi ko siya magawa talagang tignan. Nagu-guilty ako na ewan. Hindi ko siya pinansin, e. Hindi kaya galit siya? "Hindi mo ba gusto ang pizza? I'll order something else para makainom kang gamot." Maagap akong tumingin sa kanya, "Hindi na!" Napakagat akong labi. Nag-iwas na naman akong tingin at kinagat-kagat ang straw ng inumin. Ano ba, Emery! Humalakhak si Shaun. Mas lalo akong nakaramdam ng hiya. Kinuyom ko ang kanang kamao kong nasa hita. Pinutol ni Shaun ang distansya naming dalawa kaya mas naamoy ko ang panlalaki niyang pabango na inaamin kong hinahanap-hanap ko nitong makalipas na araw. "Uh, gusto mo bang magluto na lang ako?" Dinungaw niya ang mukha ko. Muntik ko na maibugha ang kape sa mukha niya. Tinampal ko sa balikat si Shaun, natatawa. "Shaun! Nakakagulat ka!" Ngumisi si Shaun. "See? Lalo kang gumaganda kapag nakangiti ka," aniya. "Another thing, you should look at me when we're talking." Nakanguso siya nang tignan ko. Ngumiti siya at pinisil ang ilong ko. Napapikit akong mariin. Itinikom ko ang labi ko at bahagyang umatras. Pulang-pula na talaga ang pisngi ko, panigurado! Parang may riot na nangyayari sa sistema ko at 'di ko mapigilan ang pagwawala ng puso ko. Bakit ganito?! Bakit sobra akong naapektuhan sa mga simpleng kilos at salita ni Shaun?! Partida nagmamalasakit lamang siya pero ganito na kabog ng dibdib ko! Hindi na niya kailangan pa gumamit ng mga mabulaklak na salita para makuha ang puso ko. Delikado na talaga 'to! Delikado dahil walang kasiguraduhan. Lalo na't... lalo na't totoong hulog na hulog na ako sa kanya at hindi ko na kayang makaahon pa. Hinaplos ni Shaun ang ulo ko na nagdala ng kakaibang nginig sa buo kong katawanan at panghihina ng tuhod. May kakaibang kuryente iyong dala na ngayon ko lang nadama. Napakurap-kurap ako at marahang humarap sa kanya. Tila hinihintay lang ni Shaun na magkusa akong tumingin sa mga mata niya. At katulad ng lagi, may ningning sa mga mata niya na nakakapagpawala ng pagod at problemang dinadala ko. Parang may mahikang dulot iyon sa sistema ko. Unti-unting inilapit ni Shaun ang kanyang katawan sa akin. Nabibingi ako sa malakas na t***k ng puso ko. Hindi ko sigurado kung guni-guni ko lang pero parang naririnig ko rin ang t***k ng puso niya habang lumalapit sa akin. Nanlalaki ang mata ko pero 'di ako umatras sa ginawa niyang paglapit. Nag-igting ang panga niya. Nakatitig lamang ako sa malalim niyang mata, at marahang ipinikit ang mata. Inaasahan kong dadampi ang labi niya sa labi ko pero hindi ganoon ang nangyari. Imbis ay mainit na yakap ang ipinadama niya sa akin. Nakikiliti ako sa bawat paghinga niya sa tainga at leeg ko. Hindi ko magawang yumakap dahil nabigla ako, at 'di ko alam kung dapat bang yumakap din ako. Basta ang alam ko lang, masaya ang puso ko. "I can't kiss you yet, Ms. Emery Joule. Hindi pa tayo," malalim na bulong niya sa tainga ko at marahang natawa. Nakakapang-akit ang boses niya. Ngumuso ko at natawa. Hinayaan kong tumakbo ang ilang segundo na ganoon ang posisyon namin. "Tsk. Grabe ka magpa-miss, Emery. Nakakabaliw." Kumabot ang dibdib ko. Vocal talaga siya sa kanyang nararamdaman pagdating sa akin. Napangiti ako. Patas lang kami dahil miss ko rin naman siya! "Emery?!" Nanlaki ang mata ko nang marinig na may sumigaw sa likuran ko. Si Jean! Naitulak ko si Shaun nang malakas at tumayo paharap kay Jean. "Wala kaming ginagawang masama. Promise!" Dipensa ko, kabado. Nakanganga si Jean, nanlalaki ang mata sa gulat. Kinagat ko ang labi ko sa hiya. Lumandas ang paningin niya kay Shaun at mas lalong nanlaki ang mata at napanganga, gulat na gulat. "Sir Shaun?!" Napasigaw siya, mas malakas kaysa kanina. Nagsalubong ang kilay ko at napabaling kay Shaun. Nakita ko ang takot at kaba sa mga mata niya at pag-igting ng panga. "Kilala mo si Shaun?" Baling ko kay Jean. Tumango si Jean, nakanganga pa rin. "Oo naman 'no! Kilalang-kilala!" Parang naluluha na siya. Tinikom niya ang kanyang bibig. Mas lalong nangunot ang noo ko. "Paano mo... naman siya nakilala?" May takot at kaba rin akong naramdaman, nanuyot ang lalamunan ko. "Hindi mo siya kilala?!" Gulantang niyang tanong. "He's our boss! Si Sir Shaun Rizaldo!"
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD