ALAS-TRES ng madaling araw. Nagising si Samantha sa nag-iingay na cellphone niya. Kinusot muna niya ang mga mata niya. Bago bumangon at kinuha ang cellphone niya. Two missed calls and one message. Nagtaka siya dahil si Jefti pala ang tumatawag. Nang i-open niya ang message, tanging emoticons na malungkot ang laman ng mensahe nito. Napangiti siya. Kung ganoon, may problema si Jefti.
Mabilis siyang nagbihis at lumabas ng bahay. Nakita niyang bukas ang ilaw sa loob ng Jefti's. Pero sarado sa may harap, kaya sa Employee's Entrance siya dumaan papasok, na matatagpuan sa bandang likod.
Pagdating niya doon, nakita niyang may isang mainit na tasa ng kape sa harap nito, habang nakaupo ito at sapo nito ang noo. Bahagya itong nakatalikod mula sa kinatatayuan niya kaya hindi niya makita ang mukha nito.
"Jefti," tawag niya dito.
"Come closer," sagot nito.
"Anong problema mo?" tanong niya paglapit dito.
Nagulat siya dahil sa pagharap nito. Tumambad sa kanya ang labi nitong may bahid ng dugo at ang kilay nitong bahagyang pumutok kaya umagos din ang dugo sa pisngi nito. And most of all, he looks miserable.
"My God, Jefti! Anong nangyari sa'yo?" gulat niyang tanong.
Napuno ng pag-aalala ang dibdib niya. Bukod noong nakaraang buwan na may humarang sa kanila. Ngayon lang niya nakitang nagkaganito ang mukha nito.
"Napaaway ako sa Bar." Simpleng sagot nito.
Napakunot-noo siya. Parang hindi niya mapaniwalaan ang narinig niya mula dito. Hinawakan niya ang mukha nito, pero naigik naman ito sa sakit.
"Ano? Kailan ka pa natutong makipag-away? Saka, bakit amoy alak ka? Marami kang nainom? Tapos nakuha mo pang mag-drive?" sunod-sunod na tanong niya dito na may kasamang sermon.
"Binangga ako eh, tinulak ko siya. Ayun, sinapak n'ya ko ng dalawang beses. Ako, tatlo ang ginanti ko." Natatawa pang sagot nito.
Napailing siya. "Parang hindi ikaw ang kaharap ko ngayon." aniya.
"Puwede mo bang gamutin ang sugat ko?" tanong pa nito, na parang wala itong narinig sa sinabi niya.
Umingos siya. "Ano pa nga ba? Sa susunod, kung gusto mo ng palaging may sasapak sa'yo. Sabihin mo lang, dahil ako na mismo gagawa n'yan sa'yo!" naiinis na wika niya dito.
Nakakunot ang noo na tinitigan siya nito. "Galit ka ba?" tanong nito.
"Ewan ko sa'yo!" pambabara niya dito.
Kinuha niya ang first aid kit nito sa pribadong opisina nito. Saka ginamot ito. Habang dinadampian niya ng bulak na may betadine ang sugat nito. Wala itong ginawa kung hindi ang dumaing sa sakit.
"Ngayon, aray! Kaninang nakikipagsapakan ka wala kang nararamdaman?" pagpapatuloy pa niya sa panenermon dito.
"Meron akong naramdaman kanina," seryosong wika nito.
"Ano? Sabihin mo sa akin kung may problema ka."
"Galit. Iyon ang nararamdaman ko."
Pinag-aralan ni Sam ang emosyon sa mukha nito. Tama ito, may galit nga sa mga mata nito. Ngunit naroon din ang sakit.
"Kanino? Bakit hindi mo sinasabi sa akin na may problema ka?"
Umiling si Jefti. "Wala ito."
"Jefti."
"I said it's nothing." Giit nito.
Tumahimik na siya. Alam niyang may bumabagabag dito, kailangan niyang malaman kung ano ang problema nito.
"Hindi kita maintindihan. At huwag mong sabihin sa akin na 'it's nothing', dahil alam kong may dinadala ka diyan sa dibdib mo. Kilala kita, Jefti. Hindi ka palaaway na tao. Lalong hindi ikaw ang tipo na mag-uumpisa ng away. I'm your bestfriend and I deserve to know what's going on with you." Mahabang wika niya.
Tumawa ito ng pagak, pagkatapos ay umiling. "Okay na siguro 'tong sugat ko. Gagaling na rin 'to." Sa halip ay sabi nito.
"Jefti, please. Huwag mong ibahin ang usapan."
"Thank you, Sam. Puwede mo na akong iwan dito. I'll be fine."
"Let's talk about your—"
"There's nothing to talk about!" angil nito sa kanya.
Nagpanting ang tenga niya sa sinabi nito. Nasaktan siya ng sigawan siya nito. Hindi niya alam kung anong nangyayari dito, at bigla itong nagbago.
"Ano bang problema mo! Bakit ka ganyan sa akin?!" sigaw niya dito.
Hindi ito kumibo. Maging ang emosyon sa mukha nito ay nawala, at naging blangko iyon.
"This is the last time; I will ask favor from you. From this day on, hindi na ako lalapit sa'yo." Anito.
"What?" hindi makapaniwalang tanong niya.
"You can leave now."
"Jefti, don't do this."
"Bye Sam."
"Pero..."
"Umuwi ka na." patuloy na pagtataboy nito sa kanya.
Tulala pa rin na tumalikod siya.
"I have nothing to do with you anymore. At maging ganoon ka rin sa akin. Huwag ka ng pupunta dito o lalapit sa akin. Huwag ka na rin magte-text o tatawag. Marami pa diyan ang puwede mong maging bestfriend. Hindi lang ako. Umuwi ka na, matulog ka na ulit. Salamat ulit sa paggamot sa sugat ko."
Tumulo ang mga luha niya, kasabay ng pagbalot ng sakit sa puso niya. Hindi niya maintindihan kung bakit biglang nagbago si Jefti. Alam niyang may nangyari, kaya bigla itong nagkaganoon. At nasasaktan siya dahil iyon ang kauna-unahang pagkakataon na sinigawan at pinagtabuyan siya nito. At ang higit na masakit, kung kailan siya umamin na mahal na niya ito. Saka pa sila nagkaganoon.
Mabigat ang loob na humakbang siya palabas ng Jefti's. Sa kanyang paglisan, pinangako niyang hindi iyon ang huling beses na mag-uusap sila. Bago niya maramdaman ang pag-ibig para dito. Matalik na kaibigan niya ito. At kahit sa parteng iyon, panghahawakan niya. Malaman lang niya ang dahilan ng biglang pagbabago nito. Paglabas niya ng pinto, nakakailang hakbang pa lang ulit siya ng hindi na niya kinaya ang bigat at pighati sa dibdib niya. Sumandal siya sa pader, malapit sa pinto kung saan siya lumabas at doon napahagulgol siya.
Bakit Jefti? Anong ginawa ko? Tanong niya dito sa sarili.
PAGLABAS ni Sam ng umagang iyon. Sinuot niya ang sunglasses niya, hindi para maging proteksiyon sa araw. Kung hindi, para maitago ang namumugtong mga mata niya. Papasok na siya ng Fairytales ng mapahinto siya sa paglalakad pagtapat niya sa bahay ng mga Mondejar. Dinig na dinig kasi ang malakas at galit na boses ni Lolo Badong. At alam na niya kung bakit, nagagalit ang matanda.
"Kailan ka pa natutong makipagbasag ulo?! Ha Jefti?!" Galit na tanong ni Lolo Badong. Pagkatapos ay purong kapampangan na ang salita nito.
Bumuntong-hininga siya. Mayamaya, lumabas si Marisse sa bahay ng Lolo nito. Agad siyang nilapitan nito.
"I know you heard. Everyone does," anito.
"Bakit ba?" tanong niya.
"Alam ko naman alam mo, si Jefti kasi eh. Nakipag-away sa Bar ni Karl kagabi. Ayun, bugbog sarado 'yung nakalaban niya. Mabuti na lang may witness na 'yung kalaban niya ang naunang sumuntok kaya abswelto siya. 'Yun nga lang, hindi pa rin siya nakaligtas kay Lolo. Alam mo naman sila, ayaw na ayaw kaming makikipag-away." Ani Marisse.
"Ano bang problema ni Jefti?"
May pagtatakang tinitigan siya nito. "Seryoso, hindi mo talaga alam? Ikaw ang bestfriend, di ba?"
Huminga siya ng malalim. "Hindi ko alam kung anong pinagdaraanan ni Jefti. Kahit sa akin, ayaw niyang magsalita. He even pushed me away. Halos sabihin niya sa akin na hindi na kami magkaibigan simula ngayon." naiiyak na kuwento niya.
Malungkot na ngumiti si Marisse. "Kaya ba nagmumugto ang mga mata mo, dahil sa pag-iyak?" tanong pa nito.
Napilitan siyang tanggalin ang sunglasses niya. "Hindi ko lang matanggap, Marisse. We've been friends all our lives, pero ng dahil sa hindi malamang dahilan. Basta na lang niya ako babalewalain. Ang mas masakit pa doon, kung kailan..." Lumuluhang kuwento niya, hindi niya naipagpatuloy ang pagku-kuwento ng lumabas mula sa bahay ni Lolo Badong si Jefti.
Salubong ang kilay nito. Ngunit natigilan ito ng makita siya, nagpalitan sila ng mga tingin. Nang akmang lalapit na siya dito, bigla naman itong tumalikod. Lalo siyang napaiyak sa naging asal nito sa kanya. Hindi na niya maintindihan ang ginagawa nito, at labis siyang nasasaktan.
"Umamin ka nga sa akin, Sam. Are you in love with him?" diretsong tanong ni Marisse sa kanya.
Napapikit siya, kasunod ng patuloy na pagbagsak ng mga luha niya. "Yes," pag-amin niya.
"Paano si Wayne?" tanong nito.
"Nag-usap na kami. I mean, sinabi ko na sa kanya ang totoo. At tinanggap naman niya ng maayos 'yon." Paliwanag niya.
"How about Jefti? Alam ba niya ang nararamdaman mo?" tanong ulit nito.
Umiling siya. "Hindi. Natatakot akong sabihin sa kanya. Baka mamaya, hindi naman kami pareho ng nararamdaman. Masira lang ang friendship namin, ayoko munang isipin ang feelings ko ngayon. Higit na kailangan niya ako ngayon, at kahit ipagtabuyan niya ko. Ipapakita ko pa rin na nandito lang ako." Paliwanag niya.
Napailing din si Marisse. "Hindi ko rin alam ang nangyayari diyan, sa bakulaw na 'yan. Kahit sino sa amin, walang may alam. Well, sabi ni Mark. Kagabi, pagkatapos n'yang makipagbugbugan. May mga sinasabi daw tungkol sa problema nito, hindi lang daw niya maintindihan masyado dahil lasing nga si Jefti habang naglalabas ng sama ng loob. Pero ang nakikita niyang dahilan ng lahat ng pinaggagagawa nito. Mukhang broken hearted yata." Pagkuwento pa ni Marisse.
Gulat na napatingin siya kay Marisse. Kasabay niyon, ay lalong nadagdagan ang nararamdaman niyang sakit. Ibig sabihin, may ibang babae na pala itong pinagtutuunan ng pansin.
"Hey, look. Hindi kami sigurado ah. Theory lang naman 'yun ni Mark."
Biglang bawi nito sa naunang sinabi nito. Nahulaan marahil nito ang tumatakbo sa isip niya.
Huminga ng malalim si Sam. Saka pinunasan ang mga luha niya at sinuot ulit ang sunglasses.
"Aalis na ako, may gagawin pa ako sa Fairytales." Aniya.
"Sige, kapag nalibre ako mamaya. Pupunta ako doon." Sagot naman ni Marisse.
Tumango siya. "I'll go ahead," pagpaalam niya.
Habang naglalakad siya palayo. Pakiramdam ni Sam ay unti-unti na rin lumalayo sa kanya si Jefti. Ang mga katanungan sa isip niya ay hindi pa rin nasasagot. Bakit siya nito iniiwasan? Bakit siya nito pinagtabuyan? Bakit tila galit na galit ito sa kanya?
Dahil sa nangyayari, pakiramdam ni Sam ay napaka-unfair ni Jefti sa kanya. Basta na lang ito nagalit sa kanya ng hindi niya nalalaman ang dahilan, at tinapon siya basta na parang wala silang mahabang panahon na pinagsamahan. At aaminin niya, gusto niyang magalit sa ginagawa nitong pagtrato sa kanya. Pero hindi niya makapa ang galit sa puso niya, tanging pagmamahal. Wala ng iba.
SAMANTHA felt frustrated. Her body wants to work. But her mind is not really functioning that much. Kahit na anong focus niya sa trabaho, tila ang lumilipad ang isip niya pabalik ng Tanangco at kay Jefti.
Marahas siyang napabuga ng hangin, saka niya hiniga ang ulo sa may gilid ng mesa. Hindi pa siya nawala sa focus pagdating sa trabaho niya. She always made sure that all her attention goes to what she's doing. But that day is really different. Hindi niya inaasahan na maaapektuhan siya ng husto ng ganoon ni Jefti. Nang sinubukan niyang tawagan ito kanina, pinatayan siya nito ng cellphone.
"Kung ayaw niya sa'yo, huwag mong ipilit ang sarili mo."
Napakunot noo siya matapos marinig ang nagsalitang iyon. Pag-angat niya ng ulo ay nakita niyang nakatayo sa di kalayuan si Wayne. Nakasuot lang ito ng maong na pantalon at simpleng itim na t-shirt at rubber shoes. Kung sana'y kaya niyang turuan ang puso niya, baka ubra pa ito. Ang kaso ay hindi. Ang puso niya ang nagtalaga kay Jefti para mahalin niya.
"Wayne?"
"Nalaman ko ang nangyayari sa inyo. And you don't deserve him, just leave him." Anito.
Umayos siya ng upo.
"Hindi ko siya kayang iwan ng ganon lang. Nag-usap ba kayo?" Sabi naman niya.
"Pero siya, nakaya niyang iwan ka ng ganon lang. And no, he don't talk to me."
"Tama na, please." Awat niya dito.
He chuckled, and then nodded. Humalukipkip ito, saka sumandal sa hamba ng pintuan ng pribadong opisina niya.
"You still love him inspite of everything. Bakit hindi mo sabihin sa kanya ang nararamdaman mo? Baka sakaling matauhan 'yon." Suhestiyon nito.
Umiling siya. "Paano ko sasabihin sa kanya? Kung hindi ko naman din siya malapitan."
"Pinsan ko siya, pero hindi ako sang-ayon sa ginagawa niya. Kahit kami hindi namin maintindihan kung bakit siya nagkakaganoon." Anito. "I was thinking, hindi kaya siya nagseselos sa akin kaya umaarte 'yon ng ganon."
Tumawa siya ng pagak. "Kaya pala niya ako pinagtabuyan palayo? Hindi ako naniniwala diyan." Sabi niya.
Tumawa lang ito. "Huwag mo na lang pansinin 'yon. Alam mo naman na hindi ka matitiis no'n eh." Pag-aalo pa nito sa kanya.
"Bakit ka nga pala nandito?" tanong niya.
Nagkibit-balikat ito. "Wala naman, I just thought you might need my help. Alam ko naman na hindi ka makakapag-trabaho ng maayos dahil broken hearted ka." Sagot nito na may kasamang biro.
Napangiti siya, sabay iling. "Iwan mo na lang ako, I'll be fine." Sabi niya.
"No seriously, I came here for one thing. We need you to organize the opening party of the Mondejar Cars Incorporated, next month."
"Okay, Sino ba puwede kong makausap tungkol sa mga detalye ng gagawin Party?" tanong niya.
"Si Gogoy, punta ka na lang sa bahay mamaya." Sagot nito.
"Okay." Pagpayag niya.
"Kung hindi ka na busy, hihintayin na kita. Lumabas muna tayo, para naman ma-relax ka kahit paano." Sabi nito.
Tinignan niya ito, saka pinag-aralan sa mukha nito ang tunay niyang intensyon. Natawa ito dahil tila nabasa nito ang nasa isip niya, kaya mabilis na dumepensa ito.
"Teka, lilinawin ko lang. Hindi ito date na iniisip mo. This is just a friendly date. Okay? We're friends. Kaya friendly date. Gusto ko lang gumaan ang loob mo kahit paano." Depensa nito sa sarili.
Napangiti siya ng wala sa oras. "Defensive ka," aniya dito.
Napakamot ito sa batok. "Halata ba?" biro pa nito.
"Seriously, Sam. C'mon! Let's go out for a while. I know how much you're hurting right now. I just want you to feel better, kahit konti lang." yaya pa nito sa kanya.
Umiling siya. "Dito na lang ako." Sabi niya.
"Huwag kang KJ!" anito, saka lumapit sa kanya.
Kinuha nito ang laptop niya, saka sinave ang ginagawa niya doon pagkatapos ay shinut down nito iyon. Inayos din nito ang mga papeles na nakalat sa harap niya. Saka siya hinawakan sa dalawang kamay at hinila patayo. Hindi rin nito kinalimutan ang bag niya. Natawa siya sa ginawa nito. Dahil hindi rin naman siya makapag-concentrate sa ginagawa niya. Kaya nagpatianod na lang siya dito.
Paglabas nila ng Fairytales. Napahinto siya sa paglalakad, kasabay ng pagbilis ng t***k ng puso niya. Hindi niya alam kung anong dahilan ng langit para dalhin dito ang taong ninanais niyang makita. Pero labis niyang ipinagpapasalamat iyon. Simula ng sungitan siya nito, at layuan. Isa lang ang gusto niya, ang muling makalapit dito. At maiparamdam dito ang tunay niyang damdamin.
"Jefti."
"Sam, I need to talk to you." Pormal ang mukha na sabi nito.
Nagkatinginan sila ni Wayne. Nagulat pa siya ng sa isang iglap ay nakalapit na pala ito sa kanya. Salubong ang dalawang kilay na tinitigan ni Jefti ang pinsan nito, saka walang sabi sabi na kinuha nito ang bag niya at hinawakan siya nito sa kamay. Hindi na siya nakapalag ng hilahin siya papunta sa kotse nito. Humingi si Sam ng pasensiya kay Wayne sa pamamagitan ng tingin, bago siya sumakay ay kumaway pa siya dito. Pinagbukas naman siya ni Jefti ng pinto ng kotse.
Sa kabila ng asal nito, hindi pa rin maiwasan ni Sam ang makaramdam ng kakaibang saya. How she missed sitting right next to him. How she missed looking at his face this near. If only she could ever touch his face.