"SAAN ba tayo pupunta?" tanong ni Sam kay jefti.
"I need to show you the Showroom for the Mondejar Cars. Para alam mo kung paano mo aayusin ang lugar sa Opening Night Party." Pormal na sagot nito.
"Bakit ikaw pa ang nagpunta? Puwede naman si—"
"Si Wayne? This is my job, so, I have to do it. Huwag mong hanapin ang wala sa harap mo." Pagsusungit nito.
Napasimangot siya sa naging sagot nito. "Hindi na lang ako magsasalita! Kasi naman ako, nagtanong pa. Nakakahiya naman sa'yo!" pagtataray niya dito, sabay irap.
Pagtalikod niya, mabilis na nag-unahan sa pagpatak ang mga luha niya. Parang sinapian ng masamang espiritu si Jefti. Maging ang magaan na dating ng mukha nito ay nawala rin. Nabalot iyon ng lungkot, sakit at galit. Mga bagay na hindi niya alam kung saan galing.
Hanggang sa makarating sila sa mismong showroom. Pansamantala niyang kinalimutan ang inis na nararamdaman niya para dito, para gawin ang trabaho niya. Wala sa plano niyang masungitan ulit nito, dahil baka hindi na siya makapagpigil at mapatulan na niya ito. Ginala niya ang mga mata sa paligid. Sa tantiya niya, doble ang laki niyon kaysa sa ordinaryong showroom na nakita na niya. Siguradong malaking pera ang nilabas ng mga ito para sa negosyong iyon.
Kinuha niya ang notebook niya. "How many guests are you planning to invite?" tanong niya dito.
"Maybe around a hundred, maximum na 'yon." Sagot nito.
"What food do you prefer? Dinner or simple cocktail?"
"Cocktail,"
"What time is the event?"
"Around 8 in the evening, on the third week of next month."
"Rhum, Champagne or Red Wine?"
"All of them."
"I just need the complete guest list para sa gagawin invitations. I'll bring you a sample of our invitations tomorrow, para makapili ka." Pormal niyang sabi.
"Okay," sagot nito.
"Kung wala ka ng ipapagawa, I'll go ahead." Wika niya, saka mabilis na tumalikod at naglakad palabas ng Showroom.
"Wait," pigil nito sa kanya.
Huminto siya at humarap dito. "Ikaw ang may sabi sa akin na huwag na akong lalapit sa'yo, remember? And I'm doing you a favor. Ano pa ba gusto mo?" pagtataray ulit niya dito.
"Uhm, I... Baka mayroon pa akong maisip na idagdag. You have to stay. Doon tayo sa opisina." Sagot nito.
Huminga siya ng malalim saka pilit na kinalma ang sarili. Sa loob niya ay gusto na niyang sugurin ito at giyerahin. Hindi na niya maintindihan kung saan niya ilulugar ang sarili sa buhay nito. Pero nangako din siya sa sarili na gagawin niya ang lahat malaman lang niya ang dahilan kaya galit ito sa kanya.
"What are you doing? I said, here in the office." Puno ng awtoridad na sabi nito sa kanya.
"Sapakin ko kaya ito," bulong niya sa sarili. "Nandiyan na po!" malakas na sagot niya na pinagdiinan pa niya ang salitang "po".
Pagdating niya sa loob ng pribadong opisina. Pinaupo siya nito sa isang kulay itim na leather sofa na nagsisilbing receiving area ng opisinang iyon.
"Magpahinga ka muna diyan." Anito. Nakaupo naman ito sa isang swivel chair.
Nabalot ng katahimikan ang paligid. Hindi niya alam kung anong ibig palabasin nito. Wala naman itong pinapadagdag para sa event. Sa halip, nakasandal lang ang likod ng ulo nito sa backrest ng inuupuan nito at nakapikit. Habang siya naman ay parang tuod na hindi makagalaw. Ramdam na ramdam kasi niya ang tensiyon sa pagitan nilang dalawa.
Huminga ng malalim si Sam, ito na yata ang tamang pagkakataon para kausapin niya ito.
"Jefti, puwede ba tayong mag-usap?" lakas loob niyang tanong.
"Tungkol saan?"
Tumayo siya at nilapitan ito. Nakapikit pa rin ang mga mata nito.
"Bakit ka biglang nagkaganyan?" tanong niya.
"Anong ibig mong sabihin? Matagal na akong ganito."
"Don't give me that crap, Jefti. Alam mo ang ibig kong sabihin."
Umayos ito ng upo at dumilat. Saka diretso sa mata na tumingin ito sa kanya. Mabilis naman nag-react ang puso niya, agad na bumilis ang pintig niyon. Tumikhim siya para hindi nito mahalata ang kabang nananahan sa dibdib niya.
"This is the best for us." Walang emosyon na sagot nito.
"Sa totoo lang, hindi ko alam ang ibig mong sabihin." Aniya. Tumingala siya sa kisame, para pigilan ang mga luhang nagbabadyang pumatak. Ngunit nabalewala iyon, dahil naroon na ang mga luha sa kanyang pisngi.
"Iniisip ko kung ano ang kasalanan kong nagawa sa'yo, para magalit ka ng ganito. Para itapon mo ang pinagsamahan natin ng napaka habang panahon. Hindi ko alam kung nasaktan kita, dahil kung oo, handa akong humingin ng tawad sa'yo. Handa akong magpakumbaba para sa'yo. Bumalik lang ulit ang dating bestfriend ko. Kasi miss na miss ko na siya." Lumuluhang wika niya.
Nakita niya ang pangingilid din ng luha sa mga mata nito. Binaling nito sa ibang direksiyon ang paningin nito.
"Kaya mo ng mabuhay ng wala ako." Halos pabulong na sagot niya.
Umiling siya. "Hindi ko alam kung paano. Ikaw ang magsabi sa akin, Jefti. Paano nga ba ako mabuhay ng wala ka sa tabi ko?"
Hinintay niyang sumagot ito, pero nanatili itong tahimik. Tumayo ito at tumalikod sa kanya. Alam niya base sa pagkilos ng isang kamay nito, pinunasan nito ang luha nito.
"You can leave now," sa halip ay sabi nito. Naglakad ito palabas ng silid na iyon, ngunit hinarang niya ang sarili sa may pinto.
"Ito ba talaga ang gusto mo? Ang lumayo ako sa'yo?" tanong niya. Habang walang patid sa pagpatak ang mga luha niya.
"Oo," pabulong na sagot nito.
"Wala ka bang nararamdaman man lang kahit na konti para sa akin?" tanong ulit niya.
"Wala,"
"Jefti, nahihirapan ako."
Huminga ito ng malalim, hinawakan siya nito sa magkabilang balikat. "Sabihin mo nga sa akin, Sam. Ano ba ako sa buhay mo?" garalgal ang boses na tanong nito, habang nangingilid ang mga luha sa mata nito.
"Ikaw ang bestfriend ko at mahalaga ka sa akin." Sagot niya.
Tumawa ito ng pagak. "Bestfriend." Usal nito.
Niyakap niya ito habang umiiyak. Saka siya nagsalita ulit.
"Ngayong yakap kita, wala ka pa rin bang nararamdaman? Kahit na konti? Hindi mo ba ako nami-miss?"
"Let's end our friendship here, Sam. Ayokong masaktan ka, ayoko na rin masaktan." Sa halip ay wika nito.
Gulat na humiwalay siya mula sa pagkakayakap niya dito. Saka tumitig dito. Parang isang malakas na bomba na sumabog ang naging dating ng mga sinabi nito sa kanya. Mas lalong bumuhos ang mga luha niya.
"I can't go on to our friendship any longer. Nariyan na si Wayne. Makakaya mo ng wala ako. Be a stranger to me from now on." Dagdag pa nito.
Kahit na anong pahid niya sa mga luha, ayaw pa ring huminto niyon sa pagpatak. Natutop niya ang bibig. Kinuha niya ang bag niya, saka muli itong hinarap. Tinignan niya ang mukha nito, alam niyang nasasaktan din ito. At alam din niyang may tumutulak dito para i-give up na lang ng ganoon kadali ang pinagsamahan nila.
Gustong gusto niyang sabihin dito kung gaano niya ito kamahal. Na higit pa sa pagiging magkaibigan ang nais niya dito. Ngunit para saan pa? Kung ganito na ito mismo ang pumuputol ng lahat ng ugnayan nila.
"Si-sige," pagpayag niya. "Kung iyan talaga ang makakapagpasaya sa'yo. Tatanggapin ko. Kahit masakit, kakayanin kong mabuhay ng wala ka." Aniya.
Pero nagbago ang isip niya. Sasabihin na lang niya. Iyon na rin siguro ang tamang panahon para aminin niya ang totoong damdamin niya para dito. Kahit sa kahuli-hulihang sandali.
"Pero bago tayo tuluyan maghiwalay ng landas. Gusto kong malaman mo na, mahal kita. Mahal na mahal kita, Jefti. Nang higit pa sa isang kaibigan. Hindi ko alam kung paano nangyari, basta, gumising ako isang umaga na ang pangalan ng bestfriend ko ang sinisigaw ng puso ko. Mahal kita, kaya ibibigay ko ang gusto mo. I'm leaving you and our friendship behind." Pag-amin niya.
At sa mga sandaling naglalahad siya ng tunay niyang damdamin. Nakita niya ang gulat sa mukha nito. Alam naman din niya ang lugar niya sa buhay nito, at hindi rin siya umaasa na matutugunan ang pag-ibig niya para dito. Ito na nga mismo ang nagsabi, maging estranghero sila sa isa't isa.
Bago lumabas ng silid na iyon ay niyakap muli niya ito. At buong puso niyang nilapat ang mga labi sa labi nito. Pinikit niya ang mga matang hilam sa luha, at sa kanyang paglayo. She whispered.
"Goodbye, Jefti." Saka lumabas ng silid na iyon.
Mabilis siyang humakbang palayo para lang muling mapahinto, bumwelta siya pabalik. Nais ng isip niya na umalis na sa lugar na iyon, ngunit, ang sigaw ng puso niya ay manatili. Nilapat niya ang isang palad sa pintuan. Nasa likod niyon ang lalaking pinakamamahal niya. At narito siya, lumuluha at nasasaktan. And inspite of the love she has for him. Her heart was filled with agony. Napahagulgol siya dahil doon.
She lost her bestfriend, and she lost the man she loved the most. Kaya doble ang sakit na nararamdaman niya. Hindi niya alam kung hanggang kailan niya kakayanin ang ganoong klaseng pighati. Ang ganoong miserableng pakiramdam. Ngunit isa lang ang sigurado siya, si Jefti lang ang mamahalin niya ng ganoon. At wala ng makakapagpabago niyon.
Bago siya tuluyang umalis, kinuha niya ang eroplanong papel na ginawa niya kanina habang nasa trabaho siya at nasa isip niya si Jefti. Hindi niya akalain na iyon ang huling beses na gagawa siya niyon. Nilapag niya iyon sa may tapat ng pinto, saka siya naglakad palabas ng showroom.
GUSTONG suntukin ni Jefti ang sarili. Gusto niyang kamuhian ang sarili dahil sa ginawa. Naitukod niya ang ulo sa likod ng pinto matapos makalabas ni Sam. How can he so dumb and stupid? Paano niya nagawang saktan ang babaeng inalayan niya ng buong buhay niya? Siya na nangako na hindi aalis sa tabi nito at aalagaan ito. Siya na sa simula't simula pa lang ay minahal na ito. Ngayon, siya ang lalaking nagbigay ng walang kapantay na lungkot at sakit dito.
Nais niyang habulin ito. Bawiin ang mga sinabi niya. Pero para siyang tinulos sa kinatatayuan. Pinakawalan niya ang mga luhang kanina pa niya pilit na hinahadlangan na bumagsak. Natulala siya at hindi nakapagsalita matapos sumabog sa harapan niya ang katotohanan na labis niyang ikinagulat. Ang sana'y katuparan sa pangarap niya. Natupad na. Ang mahalin din siya nito. Ngunit mabilis din iyong nawala sa mga palad niya, dahil siya mismo ang nagtulak dito palayo.
Ngayon, hindi na niya alam paano niya ito ibabalik sa buhay niya. Kung kailan, labis na niyang nasaktan ito.
"Sam, I'm sorry. I'm really sorry, hindi ko alam," paghingi niya ng tawad dito, kahit na alam niyang hindi na nito maririnig ang lahat ng sinasabi niya.
Napaupo siya sa carpeted floor. At doon umiyak ng umiyak. Maybe, for others. Crying is not a manly thing to do. But what the heck? He felt miserable. His heart is captured with anguish for himself. Wala siyang magawa kung hindi ang magsisi at manghinayang. Nabulag siya sa selos. Natalo siya ng takot. Kung sana'y naging matapang siya sa pagharap kay Sam. Hindi sana sila nasasaktan pareho. At iyon ay kagagawan niya lahat. Alam niyang walang ibang makakatulong sa pinagdadaanan niya kundi ang nag-iisa lamang.
Lord, I am not worthy to come before you. I am a sinner, and I hurt Samantha so bad. Nagpatalo ako sa nakita ng mga mata ko, nagpadaig po ako sa takot. I was too afraid to take the risk, because I don't want to lose her. Instead, I follow my own will rather than yours. I failed to put my trust fully on you. Dahil sa ginawa ko, mas lalo siyang nawala sa akin. Ngayon, hindi ko na po alam kung paano ko itatama ang pagkakamali ko. I cannot do this alone. Take over my situation, as you take over my life. Bring her back to me, Lord. And I promise, I will love her the way she deserves to be loved.
PAGKAGALING ni Jefti sa Showroom. Hinanap niya agad si Wayne. Ngunit wala ito doon. Pinuntahan naman niya si Sam, pero hindi pa rin daw ito umuuwi. Nang sinubukan niyang tawagan ito, hindi ito sumasagot.
Napasalampak siya ng upo sa sofa, ng makaramdam siya ng pagod. Sinandal niya ang ulo sa backrest saka panandaliang pumikit. Dumilat lang siya ng maramdaman niyang may umupo sa tabi niya. Ang Lolo Badong niya. Nagmano siya dito.
"Natatandaan ko pa ng mga bata kayo ni Sam, apo. Hindi kayo halos mapaghiwalay. Gusto n'yong dalawa, palagi kayong magkasama. Gumagawa ng mga eroplanong papel at pinapalipad iyon. Kay saya n'yong dalawa. Hanggang sa lumaki kayo, wala pa rin nagbago sa samahan n'yong dalawa. Maliban sa isang bagay. Natutunan n'yong mahalin ang isa't isa ng hindi ninyo namamalayan." Kuwento pa ng Lolo niya.
"Alam n'yo po?" hindi makapaniwalang tanong niya.
Tumango ito. "Oo, pero gusto kong malaman ang iba pang detalye." Sagot nito. Kaya kinuwento niya dito ang lahat ng nakita niya.
"Hijo, matanda na ang Lolo mo. Nagmahal din ako, alam ko kung ano ang pinagdaraanan n'yo. Ang pagkakamali n'yo lang, hindi kayo naging matapang na harapin ang tunay ninyong damdamin. Marahil, ito talaga ang naka-adyang mangyari bilang pagsubok sa inyo." Paliwanag ng Lolo niya.
"Ano po ang gagawin ko?"
"Magpakatatag ka, hijo. Hayaan mo ang Poong Maykapal ang kumilos sa pagitan n'yong dalawa ni Sam." Payo pa nito.
Huminga siya ng malalim, saka niyakap ang Lolo niya. Dahil sa payo nito, kahit paano ay gumaan ang pakiramdam niya. Tama ito, hindi siya susuko. Hindi na siya dapat magpadaig sa takot. Ngayon pa, kung kailan alam na niyang pareho sila ng nararamdaman.
"Jefti! May magpapa-carwash, tulungan mo daw si Marvin sa ibaba." Sabad sa usapan ni Inday, ang kasambahay nila.
"Lolo, nasaktan ko si Sam. Hindi ko alam kung paano ako magpapaliwanag." Sabi niya.
"Hayaan mo muna siya, masyado siyang nasaktan sa mga nangyari. Sa mga binitiwan mong salita. Ang lahat ng bagay dito sa mundo ay may tamang panahon." Makahulugang wika ni Lolo Badong.
Tumango siya. "Opo, thank you Lolo." Sabi pa niya dito.
"Ay siya, sige na. Tulungan mo na ang pinsan mo sa ibaba." Utos pa nito sa kanya. Agad naman siyang tumalima. Sandali siyang nagpalit damit na pambahay sa silid niya.
Nang makapagbihis siya, nahagip ng mata niya ang eroplanong papel na nakita niya sa may labas ng pribadong opisina doon sa showroom kung saan sila nag-usap ni Sam. Kinuha niya iyon, at dinala sa mga labi niya. Kasabay ng pagbalik ng nangyaring pag-uusap nila kanina. Ang sandaling halik na ginawad nito sa kanya. Kaytagal niyang pinangarap ang sandaling iyon. Ngumiti siya.
I'll correct all my mistakes, Sam. Just wait for me.
NAGLILINIS ng kuwarto niya si Sam para malibang siya kahit paano. Ayaw niyang isipin masyado ang pinagdaraanan niyang kalungkutan ngayon. Hindi madali para sa kanya ang kalimutan si Jefti. He's been by her side all her life. But that morning when she woke up. She felt the emptiness in her heart.
Ayaw na rin niyang umiiyak. Ayaw na rin niyang isipin si Jefti. Pero paano niya gagawin 'yon? Kung sa paglabas niya ng bahay nila ay ito agad ang makikita niya? Kung sana'y kaya niyang diktahan ang puso na huwag na lang ito ang mahalin.
Pinilig niya ang ulo, para maalog naman kahit paano ang utak niya. Hindi na niya dapat isipin ang taong kailangan nang kalimutan. Alam niyang mahirap, pero kakayanin niya. Kinuha ni Sam ang face towel niya at pinunas sa noo niya iyon. Pagkatapos niyang magwalis ng sahig, sinunod naman niyang ayusin ang mga drawer sa dresser niya.
Paghila niya ng pinaka-ibabang drawer. Natigilan siya. Kasabay ng mabilis na pagngilid ng mga luha niya. Kinuha niya ang kahon sa loob ng drawer, parang nanginginig pa ang mga kamay niya habang inaangat ang takip ng nasabing kahon. Isa-isa niyang tinignan ang mga laman niyon.
Napangiti siya, habang bumabagsak ang mga luha niya. Iyon ang mga tinago niyang simple ngunit mahahalagang bagay na tanda ng pagkakaibigan nila ni Jefti. Mga pictures simula ng pagkabata sila. First day in school during kinder, first communion, graduations, JS Prom, College Graduation. Out of Towns. Those were the days, but gone now. Natawa siya ng makita ang isang litrato kung saan nakapangalumbaba siya at nakatingin sa camera, habang si Jefti naman ay naka-make face. Pareho silang may hawak na eroplanong papel.
You're all I want in my life. Hindi ko kayang wala ka. Gusto ko na ikaw palagi ang kasama ko. Gusto ko na ako ang magpapasaya sa'yo. Please, let me take care of you.
Biglang umalingawngaw iyon sa isip niya. Nadala niya sa dibdib niya ang hawak na larawan, saka siya humagulgol. Mabilis siyang pumunta sa kama at binaon niya ang mukha sa unan at doon pinakawalan niya ang lahat ng nararamdaman niyang sakit. Hindi niya inaasahan na darating ang araw na mamahalin ng higit sa pagiging magkaibigan si Jefti. Ngunit mas lalong hindi rin niya inasahan na ito rin mismo ang magiging dahilan upang masaktan siya ng labis. Kung dati, ito ang nagbibigay ng ice cream para mawala ang sama ng loob niya. Ngayon, wala ng gagawa niyon para sa kanya. She's now on her own, and that's the painful truth she has to face.