Chapter Five

2793 Words
ISANG linggo na ang nakakalipas matapos ang una niyang date kasama si Wayne. Sa loob ng ilang araw na iyon, naging totoo ito sa sinabi nito sa Papa niya. Nanligaw nga ito sa kanya. Halos gabi-gabi pagkagaling nito sa practice game nito, ay dumadaan ito sa bahay nila o kaya naman sa Fairytales para lang bigyan siya ng kung anu-ano. Na-appreciate naman niya lahat ng iyon, at natutuwa siya dahil magalang at mabait ito. Ngunit, ang puso niya ay tila ba hinahanap ang presensiya ng iba. Sa loob ng isang linggo din na iyon, ay hindi sila halos nagkikita ni Jefti. Hindi man lang ito pumupunta kagaya ng nakagawian nito. Kahit text o tawag ay hindi man lang nito ginagawa. Kaya sa tuwing tumutunog ang cellphone niya, puno ng pag-asa ang puso niya na si Jefti iyon. Ngunit palagi siyang bigo. Sabado ng hapon. Dahil weekend, wala siyang trabaho sa Fairytales. Wala din naka-book na event para sa araw na iyon. Kaya ang drama niya ngayon, ay tumunganga. Lumabas siya at pumunta sa tindahan ni Kim. "Kim," aniya dito. Nagtagpuan niya itong nanonood ng koreanovela. "Uy, Sam! Ano na?" bati nito sa kanya. "Wala akong magawa eh." Sabi niya. "Punta ka kay Jefti, nandoon siya sa Restaurant n'ya." anito. Umingos siya, saka sumulyap sa tinutukoy nito. Umiling siya. "O bakit ganyan ang reaksiyon mo? Nag-away ba kayo ni Jefti? Himala." Sabi pa nito. "Hindi naman. Hindi lang kami nagkikita. Ewan ko diyan, busy yata." Paliwanag niya. Ito naman ang umingos. "Weh? Busy? Talaga sinabi n'ya 'yon?" paniniguro pa nito. "Oo," usal niya. Nagkibit-balikat lang ito. Ilang sandali pa, dumating ang iba pa nilang mga kaibigan. "Kumusta na sa Fairytales?" tanong ni Marisse sa kanya. "Okay naman. Medyo pahinga kami ngayon. Walang masyadong event." Sagot niya. Pagkatapos maayos ang problema nito sa ngayon, ay nobyo na nitong si Kevin. Nag-lie low ito sa Fairytales, para bigyan naman ng oras ang pag-ibig nito at ang family business ng mga ito na balita niya ay malapit ng magbukas. "Balita ko nanliligaw si Wayne sa'yo ah." Sabi pa ni Razz sa kanya. "Grabe, huwag nga natin pag-usapan 'yan. Na-stress lang ako." Aniya. "At bakit? Ayaw mo ba sa kanya?" tanong ni Kamille. "Hindi naman sa ayaw, kaso, kaibigan lang talaga turing ko sa kanya." sagot naman niya. "Sinabi mo na ba sa kanya 'yan?" tanong din ni Sumi. "Oo, noong first date namin. Pero nakiusap siya sa akin na bigyan ko daw muna siya ng pagkakataon para patunayan niya ang sarili niya." paliwanag niya. "Tindi ah! Loverboy ang dating!" sabi pa ni Jhanine. Hindi lang niya masabi na ang siyang nakaka-stress talaga sa kanya ay ang hindi paglapit sa kanya ni Jefti. Naputol ang pag-iisip niya ng biglang may lumipad na papel sa harap niya. Napapitlag siya at napaatras. Dinampot niya iyon, saka siya napangiti. Eroplanong Papel. Isang tao lang ang alam niyang gagawa niyon sa kanya. Mabilis na naghanap ang mga mata niya, maging ng puso niya. Mayamaya, isang eroplanong papel na naman ang lumipad sa harap niya. Agad siyang tumingala. Natawa siya dahil naroon at nakaupo sa itaas ng malaking sanga si Jefti, habang kumakain ng mangga. "Anong ginagawa mo diyan?" tanong niya dito. "Nagpapahinga." Sagot nito. "Bakit diyan?" tanong ulit niya. "Maiba naman." "Mukha kang orangutan! Bumaba ka nga diyan!" sabi pa niya dito. Kumilos naman ito. Nagulat siya ng naglambaras ito sa sanga pagkatapos ay tumalon ito pababa. "Naks! Tsonggong tsonggo lang ang dating ah!" pang-aasar pa ni Marisse sa pinsan nito. "Try mo sa taas, mag-mukha ka din chita!" ganti naman ni Jefti. Napansin ni Sam na tuluyan na palang naghilom ang mga sugat at pasa nito, na natamo nito dalawang linggo na ang nakakaraan nang harangin sila ng masasamang loob. "Mabuti wala na ang mga pasa mo." Puna niya. Hinimas pa nito ang baba nito. "Mas lalo akong pumogi, no? Dapat pala nagpapabugbog ako para mas gumwapo pa ako." Biro pa nito. Bigla niya itong kinurot sa tagiliran ng pino. "Aray ko!" hiyaw nito, sabay layo sa kanya. "Ako na lang bubugbog sa'yo!" tungayaw niya dito. Tumawa ito. "Joke lang 'to naman!" bawi nito sa naunang sinabi nito. Nahinto ang pagbibiruan nila ng dumating ang isang kotse na magpapa-carwash. "Wesley! Tara! Mag-carwash tamu pa!" sigaw pa nito sa pinsan nito na nakatambay sa hindi kalayuan. Mabilis naman itong tumalima. "Mag-carwash muna tayo!" pagta-translate naman ni Marisse. "Alam ko naman magtatanong kayo kung anong ibig sabihin no'n." Nagulat si Sam ng bigla itong maghubad ng suot nitong t-shirt sa harapan niya. Gustong lumaki ng mga mata niya ng tumambad sa kanya ang mala-pandesal na abs nito. Hindi iyon ang unang beses niyang nakita ito sa ganoon ayos. Pero, bakit iba ang dating nito sa kanya ngayon? Nagulat ulit siya ng bigla nitong hinagis ang t-shirt na hinubad nito sa kanya. "Sam, pahawak please. Thank you!" anito, sabay kindat pa sa kanya. Saka tumakbo ito sa garahe ng bahay ni Lolo Badong para hugasan ang kotse, na suot ay tanging pantalon lang. Natulala siya. At base sa nararamdaman niyang pag-iinit ng pisngi, alam niyang namumula na siya. Mabilis niyang iniwas ang mukha mula sa mga kasama. Lalo na kay Marisse na nakatingin sa kanya. Kumunot ang noo nito. "Kailangan talaga mag-blush ka?" pang-aasar pa nito. Nagtawanan ang mga kaibigan niya. "'Yung isang babae diyan, may hindi sinasabi sa atin." Sabi naman ni Kim. "Aamin din 'yan." Dagdag pa ni Jhanine. Alam niyang siya ang pinapatamaan ng mga ito, pero nagpatay malisya lang siya. Kunwa'y naupo siya sa bakanteng plastic bench na naroon sa harap ng tindahan ni Kim. Habang pinapanood nila ang pagka-carwash, napalingon sila ng may dumaan na grupo ng mga kabataan na babae at bading, sa tantiya ay mga nasa highschool pa lang ang mga ito. "Hi Jefti! Ang guwapo mo!" malakas na sigaw ng isa sa mga ito. Napakunot-noo siya. Saka napailing at natatawa. Hindi kasi niya masisisi ang mga ito kung mahumaling ang mga ito sa bestfriend niya, guwapo naman kasi talaga. "Pa-autograph naman Wesley!" sigaw naman ng bading. "Hoy! Kayo talagang mga bata kayo, alam ba ng mga magulang n'yo 'yang ginagawa n'yo! Aruuu! Kahaharot ng mga ire!" galit na saway ni Lola Dadang sa mga ito. "Hala magsiuwi kayo!" Natameme ang mga kabataan at mabilis na umalis. Nagtawanan sila. Hindi matatawaran ang kahigpitan ni Lola Dadang sa ganoon bagay. Ayaw nito na ang mga babae ang nagpapakita ng motibo sa mga apo nito. "'La! Sana po hinagisan n'yo ng arinola n'yo!" natatawang suhestiyon ni Marisse sa abuela. "Kuuu! Isa ka pang bata ka. Sa'yo ko ihagis ang arinola eh." Saway din nito sa huli. Natahimik ito. Pinagtawanan nila ito. "Ayan kasi, nagsalita pa." natatawang sabi niya dito. Ilang sandali pa, natapos na ang hinuhugasang kotse nila Jefti at Wesley. Tinawag nito si Marisse, dahil ito ang nagsisilbing Cashier ng Lolo Badong's Hugas Kotse Gang Carwash. "Grabe! In demand ang beauty ko sa trabaho. Ayaw nila sa akin! Wait nga lang." Sabi pa nito sabay pasok sa loob ng bahay ng Lolo't Lola nito. Nang makaalis na ang kotse, lumapit si Jefti sa kanya na basa ng pawis at tubig. May nakasampay na maliit na tuwalya sa isang balikat nito. "Pakipunasan naman ang likod ko." Sabi pa nito. "Ano naman palagay mo sa akin yaya mo?" kunwa'y pagsusuplada niya dito, para matakpan ang malakas na kaba sa dibdib niya. Walang puwedeng makahalata na bumibilis ang t***k ng puso niya. "Sige na, please." Paglalambing pa nito. Umupo ito sa tabi niya at hinilig ang ulo nito sa balikat niya. Saka parang bata na lumabi ito. "Wow! Bago 'yan sa paningin ko ah? Kayo na?" walang prenong tanong ni Marvin na nasa loob pa ng kotse nito. "Hi Beautiful," bati nito nito sa nobya nitong si Razz. "Kelan pa?" pangungulit pa nito. "Tse! Hindi kami!" mabilis niyang sagot. "Ayaw mong maging tayo?" kunot-noong tanong ni Jefti. Nagtatakang tinignan niya ito. "Tumahimik ka Boy Ku! Baka may maniwala sa'yo!" saway niya dito. Nang tumingin siya sa paligid ay nakamasid lang mga pinsan at kaibigan niyang naroon habang natatawa ang mga ito. Tumikhim siya. "Anong Boy Ku?" curious na tanong ni Kim. "Boy Kulangot!" nang-aasar na sagot niya, habang tumatawa. Pinisil nito ng mahigpit ang ilong niya. "Aray!" daing niya, sabay hampas ng kamay nito. Tumawa lang si Jefti. "Pahiran kita ng kulangot diyan eh! Punasan mo na kasi pawis ko sa likod!" Sabi pa nito. "Sino ba talaga nanliligaw sa'yo, Sam? Si Wayne o itong bestfriend mo?" pang-uusisa pa ni Glenn. Dinaan niya sa tawa ang tanong ni Glenn. Kahit na ang totoong nasa puso't isip niya ay sana si Jefti na lang ang nanligaw sa kanya. "Ito?" turo pa niya kay Jefti. "Manliligaw sa akin? Hindi naman ang tipo ko ang type nito no? Besides, mag-bestfriend lang kami." Giit niya. "May napanood na akong ganyan eksena dati dito sa Tanangco eh. Ayun, mag-asawa na 'yun mag-bestfriend na 'yon ngayon." makahulugang komento ni Karl. Nagkatinginan sila ni Jefti. Maging ito ay natahimik din. "Akin na nga 'yang towel mo." Sabi na lang niya, saka pinunas sa likod nito. Pagkatapos ay binigay niya ang t-shirt nitong hawak niya. Sinaway nito ang mga pinsan at kaibigan nila. "Tigilan n'yo na nga si Sam. Teka, kukuha lang ako ng meryenda." Sabi pa nito. Nagtawanan ang mga ito. "Hindi ko kayo maintindihan dalawa. Hindi ko rin alam kung hindi kayo aware o nagkukunwari lang kayong walang feelings sa isa't isa." Komento naman ni Razz. "Shhh!" saway niya. Tumawa lang ito. Ilang sandali pa ang nakalipas, dumating si Wayne. Mabilis itong lumapit sa kanya pagbaba nito ng kotse. "Hi Sam, here I brought you something. Meryenda lang." sabi pa nito, sabay lahad sa kanya ng burger at isang canned softdrinks. Hindi pa siya nakakapagsalita ay bumalik na si Jefti. May dala naman itong Ensaymada at isang bottled ice tea, agad nitong nilahad iyon sa harap niya. Natigilan siya. Umahon ang tensiyon sa paligid. Lihim na kumabog ang puso niya. Kung talagang mag-bestfriend lang ang nararamdaman niya para kay Jefti. Bakit kailangan niyang maramdaman ang ganoong klase ng tensiyon sa pagitan ng dalawa. Pagtingin niya sa mga ito. Pawang seryoso ang mga mukha nito at nagsusukatan ng mga tingin sa isa't isa. Kulang na lang ay bumuga ng apoy ang isa sa mga ito. Hindi na siya nag-isip ng kunin niya ang pagkain na inabot ni Jefti. Dahil doon, may lungkot naman na bumalot sa mga mata ni Wayne. "Thank you, Wayne. Pero favorite ko kasi ang ensaymada saka hindi ako nagso-softdrinks eh." Paliwanag niya. Ngumiti ito sa kanya. "It's okay. At least, alam ko na ang ibibigay ko sa'yo next time." Sagot nito. pagkatapos ay tumalikod na ito at pumasok sa loob ng bahay. "Ayun, eh di amin na lang!" nakangising sabi ni Wesley, sabay kuha ng pagkain sa kamay ni Wayne. Tumango siya dito, pagkatapos ay binalingan niya si Jefti. "Thanks dito, tukmol!" nakangiting sabi niya dito. Parang bata na ginulo nito ang buhok niya. Pasimple siyang binulungan ni Marisse. "Kung hindi ko lang alam na mag-bestfriend kayo ni Jefti, iisipin kong may kompitensya sa pagitan nila. 'Yung totoo, meron ba?" usisa nito. "Wala nga," giit niya. Tumigil lang ito sa pangungulit sa kanya ng dumating na si Kevin. Napabuntong hininga si Sam, sabay sulyap kay Jefti na abala sa pakikipag-usap sa mga pinsan nito. Hindi pa rin malinaw sa kanya kung ano talaga ang nararamdaman niya para dito. Ang sabi ng isip niya, matalik na kaibigan niya ito. Pero ang sigaw ng puso niya ay mas higit pa doon. Lord, bahala ka na po. Nalilito ako sa nararamdaman ko. Piping dalangin niya. ILANG BESES na nagpaikot-ikot ng higa sa kama ni Samantha, pero hindi pa rin siya makatulog. Dapat sana ay plakda na siya sa mga sandaling iyon, dahil pagod siya sa trabaho. Bukod pa ang naging ikalawang date nila ni Wayne. Dinala siya nito sa isang magandang restaurant. Naging maayos naman ang dinner na iyon, nagkuwento ito sa nakaraang basketball play nito. Habang tumatagal, mas nakikilala niya ito. Mas lalo lang din siyang nakukumbinsi na hindi na dapat niya pinapatagal pa ang panliligaw nito sa kanya. Ayaw niyang umasa ito. Dahil ang totoo, hindi niya kayang ibigay ang puso niya dito. Huminga siya ng malalim, saka bumangon. Binuksan niya ang bintana saka tumanaw sa kahabaan ng kalye ng Tanangco. Napakunot-noo siya ng mapansin niyang bukas pa ang ilaw ng Jefti's Restaurant. Nang tumingin siya sa wall clock, halos pasado ala-una na ng madaling araw. Bumaba siya mula sa silid niya at saka tinanaw ito mula sa bintana sa may sala. Nakita niya mula doon na nakaupo si Jefti habang may tasa ng kape sa harap nito. Mabilis siyang bumalik sa silid at nagsuot ng panloob na damit, saka pinuntahan ang kaibigan niya. Paglabas niya, kumunot ang noo nito ng makita siya. Sinalubong siya nito sa may entrance door. "Bakit gising ka pa?" tanong agad nito pagpasok niya doon. Nagkibit-balikat siya. "Hindi ako makatulog eh. Sumilip ako sa bintana, nakita ko bukas pa dito." Sagot niya. "Coffee?" alok nito sa kanya. "Chocolate na lang," sagot niya. "Okay, hintay ka lang dito." wika nito. Mayamaya ay bumalik na ito na may dalang mainit na tsokolate para sa kanya. "Iniisip mo siguro si Wayne, kaya hindi ka makatulog." Sabi pa nito. "Tse! Tumigil ka nga ng kakatukso diyan." Saway niya dito. Tinitigan niya si Jefti. Kahit na minsan ay nag-uusap sila nito, pakiramdam pa rin niya ay may nagbago sa pakikitungo nito sa kanya. Alam niyang sadya itong umiiwas sa kanya para bigyan ng daan ang pinsan nito sa panliligaw sa kanya. Isang bagay na hindi niya maintindihan kung bakit kailangan nitong gawin 'yon. "Bakit?" nagtatakang tanong nito. "Wala naman, gusto lang kitang titigan." Sagot niya. "Na-miss mo ako, no?" tudyo nito sa kanya. Napangiti siya. Hindi niya itatanggi iyon, dahil iyon naman talaga ang totoo. "Oo naman! Ikaw eh, hindi mo na ako pinupuntahan." Kunwa'y nagtatampong sabi niya. "Ang bestfriend ko nagtatampo." Sabi pa nito. Kunwaring umingos siya, saka tumingin sa labas. Bahagya siyang napaatras ng hawakan nito ang baba niya at pilit siya nitong tignan ito. Kumabog ang dibdib niya ng hawakan nito ang kamay niya. Nang tignan niya ito, seryoso ang mukha nito. "I'm sorry kung hindi kita nabibisita. Busy lang talaga ako. Malapit na kasing mag-launch ang Mondejar Cars. Kailangan ng full attention namin para sa business na 'yon." Wika nito. "I just missed you, that's all." Sagot niya. Ngumiti ito. "Me too, miss ko na 'yung bestfriend kong maganda." Anito. Tumaas ang isang kilay niya. Natawa siya. Ngayon lang kasi siya nito hayagang sinabihan ng maganda. "Wow! Bago 'yan ah? Yan na ba ang nagiging resulta ng busy sa work? Natututong magsabi ng totoo?" Natawa ito, saka pabirong hinilamos ang palad nito sa mukha niya. "Ayaw mo eh di pangit!" bawi nito. "Wala ng bawian!" "Maganda ka naman talaga eh, ikaw lang ang ayaw maniwala. Kaya nga maraming nagkakagusto sa'yo. Kaya hindi niya maiwasan na mahulog ang loob sa'yo. Because you're beautiful inside and out." Makahulugang wika nito. Napalis ang mga ngiti niya sa labi. Alam niyang may ibang ibig sabihin ito sa sinabi nito. "Sino ang tinutukoy mo?" kinakabahang tanong niya. Ngumiti ito. "Kumusta na ang panliligaw sa'yo ni Wayne?" sa halip ay pag-iiba nito sa usapan, na kinadismaya niya. "Mabuti naman. I mean, okay naman siya." Sagot niya. Pinag-aralan niya ang reaksiyon ng mukha nito. Inaasahan niyang may mababasa siyang selos sa mga mata nito, na magre-react ito. Ngunit, blangko sa emosyon ang mukha nito. "Really? Sasagutin mo na ba? Magiging pinsan na ba kita?" Napailing siya. Gusto niyang ipaligo dito ang mainit na tsokolate sa mukha nito. Iba kasi ang gusto ng puso niya. "Hay naku, Jefti. Tigilan mo nga sabi ang kakatukso! Alam kong pinsan mo si Wayne. Mabait naman siya. Guwapo din. Pero, wala talaga akong feelings sa kanya." pagtatapat niya dito. Hindi niya alam kung tama ang nahagip ng mata niya. Pero tila may kislap siyang nakita sa mata nito, ngunit, agad din naman iyong nawala. "Nasabi mo na ba sa kanya 'yan?" tanong nito sa kanya. "Sasabihin ko pa lang. Kinailangan ko munang obserbahan ang sarili ko after ng second date namin. Wala talaga eh." Tumango ito. "Okay, desisyon mo 'yan." Sabi nito. "Umamin ka nga sa akin. Sinadya mo ba talaga akong iwasan?" diretsong tanong niya dito. Natigilan ito. Hinawakan nito ang dalawang kamay niya, saka tumungo sa mesa. Pagkatapos ay tumingin ito sa kanya, saka tumango ito. "Sorry," usal nito. Naluluha na napailing siya. Gusto niyang mainis dito sabay sapak na rin. Nagtiis siya na hindi ito makita dahil sinabi nitong busy ito sa trabaho 'yun pala nagdadahilan lang ito. "Nakakainis ka," naiiyak na wika niya. Umayos ito ng upo, saka mabilis na pinunasan ang luhang pumatak sa mula sa mga mata niya. "I'm sorry, please. Huwag ka ng umiyak." Pakiusap nito. "Nakakainis ka eh! Natiis mo ako ng ganon?" "Look, I have to do that. Gusto kong bigyan ng chance ang pinsan ko to prove himself to you. Ayokong makaistorbo sa panliligaw niya sa'yo. Sana maintindihan mo." Paliwanag nito. "Mas kailangan ko ang bestfriend ko." Pag-amin niya. Kinuha nitong muli ang mga kamay niya at kinintalan ito ng halik. "I'm sorry, Sam. Promise! Hindi na mauulit 'yon." Hinging paumanhin nito sa kanya. "Hindi ako sanay ng wala ka sa tabi ko. Parang palaging may kulang kapag hindi kita nakikita. Kasalanan mo 'to eh, masyado mo akong na-spoiled." Sabi pa niya. Ngumiti si Jefti sa kanya. Kahit anong bagay sa mundo ang hindi mapasakanya, ayos lang. Huwag lang si Jefti, na siyang kumukumpleto ng buhay niya. Ngayon, aaminin na niya. Higit pa sa kaibigan ang nararamdaman niya para dito. 
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD