Part 51: Karapat-dapat Sa Kanila

889 Words
Tahimik ang veranda ng White House residence. Mula rito, tanaw ko ang malawak na hardin na nililiwanagan ng mga ilaw na parang bituin sa lupa. Malamig ang hangin, may kasamang amoy ng d**o at kahoy, ngunit hindi iyon ang nagpapakaba sa dibdib ko ngayon. “David,” tawag ni General Villareal, tinapik ang balikat ko at sinenyasan akong sumama. Tahimik ko siyang sinundan, iniwan ang sala kung saan nagtatawanan pa sina Adrian, Kara, at Tita Estella kasama si Junior. Pagpasok namin sa veranda, nagsindi siya ng ilaw sa sulok na lamesa, kasabay ng isang mamahaling sigarilyo na inilabas niya ngunit hindi sinindihan. Pinaglalaruan lang niya ito, para bang sinusukat ang bigat ng mga salita na bibitiwan niya. Ako naman, nakatayo sa tabi, parang rookie na tatawag ng sitrep sa harap ng pinakataas na opisyal. “Upo ka, hijo,” sabi niya sa mababang boses na may awtoridad. Umupo ako, bahagyang nakayuko. Ramdam ko ang pawis sa palad ko kahit malamig ang paligid. Tahimik siya sandali, tinititigan ako. Hindi ito basta tingin ng isang pulis sa kapwa pulis; ito’y tingin ng isang amang matagal nang nagpoprotekta, at ngayon ay sinusukat kung karapat-dapat ba akong pagkatiwalaan. “Alam kong mahal mo ang pamangkin ko,” panimula niya, mabigat at diretso. “Kita ko sa paraan ng pagtingin mo sa kanya. Kita ko rin kung paanong hindi ka bumitaw kahit munti ka nang mapahamak.” Huminga ako nang malalim. “Sir… wala akong ibang hangad kundi ang maprotektahan si Adrian. Hindi lang dahil partner ko siya sa serbisyo. Dahil siya… siya ang buhay ko.” Bahagya siyang ngumiti, pero may halong lungkot. “Mabuti kung ganoon. Pero gusto kong maintindihan mo, David—si Adrian ay hindi ordinaryong opisyal. Bata pa lang siya, marami na siyang dinanas. Mula nang mawala ang mga magulang niya sa Iloilo… hanggang sa mapunta siya sa amin ng Tita Estella mo. Hindi mo siguro alam, pero ilang beses na siyang muntik masira.” Napatingin ako, sumisikip ang dibdib ko sa bawat salitang binibitawan niya. “Kahit si Junior… anak niya ‘yon. Bata pa lang siya, napilitan siyang maging responsable. At kahit kaming mag-asawa ang nagpalaki kay Junior, si Adrian pa rin ang pinaka-pinagmumulan ng lakas ng bata. Kaya kapag may nawala pa sa kanya…” Tumigil siya, pinisil ang sigarilyo sa kamay. “…baka tuluyang bumigay.” Napakagat ako ng labi. Nararamdaman ko na iyon—kung gaano katindi ang pag-aalala ni Adrian nang mabaril ako. Kung gaano siya halos hindi natulog, nakabantay lang sa tabi ko. Hindi na kailangan pang ipaliwanag ng General. “General…” maingat kong sabi. “Hindi ko man kayang pangakuan na hindi na kami masasaktan, pero ipapangako ko—hinding-hindi ko iiwan si Adrian. Kahit anong mangyari.” Sandaling natahimik ang General, bago tumango. “Iyan ang gusto kong marinig. Pero, hijo, tandaan mo: sa mundong ginagalawan natin, hindi sapat ang pagmamahal lang. Kailangan ng disiplina. Kailangan ng sakripisyo.” Dumapo ang tingin niya sa akin, matalim ngunit may init ng pagkalinga. “Kaya kong tanggapin ang relasyon ninyo, David. Pero may isang bagay na kailangan mong harapin. Hindi ka lang basta magiging partner ni Adrian sa trabaho o sa buhay—kung sakali, magiging ama ka rin kay Junior.” Nanlaki ang mga mata ko. Parang biglang kumulo ang dugo sa tenga ko, hindi dahil sa takot, kundi dahil sa bigat ng sinabi niya. Hindi ko iyon agad natugunan. “Alam kong wala pang opisyal na usapan sa inyong dalawa,” patuloy niya, “pero kita ko sa mga mata ni Adrian, matagal ka na niyang itinuturing na pamilya. At kung ganoon, dapat maging handa ka rin.” Huminga ako nang malalim, pilit nilulunok ang bigat ng sitwasyon. Totoo, mahal ko si Adrian. Pero ngayong binabanggit ng General si Junior, para bang mas lumalim ang ibig sabihin ng lahat. Hindi lang ito tungkol sa amin ni Adrian. May batang nakasalalay dito. May pamilya. “Sir,” mahina kong sagot pero buo, “kung darating ang araw na iyan… tatanggapin ko. Hindi ko iiwan si Junior, lalong-lalo na si Adrian. Gagawin ko ang lahat para maging karapat-dapat sa kanila.” Tumitig ulit sa akin ang General, bago dahan-dahang tumango. Kita ko ang bahagyang ginhawa sa kanyang mga mata. Ngunit bago pa tuluyang gumaan ang loob ko, biglang nag-vibrate ang cellphone niya sa mesa. Kinuha niya ito, sinilip ang screen, at nag-iba ang ekspresyon niya—mula sa kalmadong ama tungo sa isang opisyal na muling nakaharap sa panganib. “Damn it…” bulong niya, sabay tayo at inilagay ang cellphone sa tainga. Napatingin ako, ramdam ang kaba. “Confirmed ba?… Ilang tao?… Saan ang target?” sunod-sunod ang tanong ng General, pabulong ngunit mariin. Kinabahan ako lalo. May paparating na panganib. Pagkababa niya ng tawag, tumingin siya sa akin, matalim, parang hindi na ako lang ang kausap niya kundi isang kasama sa digmaan. “David,” mariin niyang sabi. “Kailangan mong malaman ito. Hindi lang buhay ni Adrian ang nakataya… pati buhay mo.” At bago pa man ako makapagtanong, narinig kong bumukas ang pinto ng veranda. Si Adrian. “David, Tito… ano’ng nangyayari?” tanong niya, hawak ang baso ng tubig, walang kamalay-malay sa bigat ng usapan. Napatigil kami ni General, parehong tahimik, parehong nag-iisip kung dapat bang sabihin sa kanya ang lahat—o itago muna. Itutuloy...
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD