Napailing si Jean habang nakamasid sa akin. Halata sa mukha niya ang matinding pagkadismaya. Naroon kami sa apartment na tinutuloyan at ngayon nga ay naghahanda ako para sa party ni tita Alicia. Labag sa loob ko ang gagawing pagpunta sa party, pero sa huli ay wala din akong nagawa. Pinuntahan pa ako ng personal ni tita Alicia dito sa apartment namin para lang pilitin. Maging si Jean ay nagulat noong dumating dito ang ginang. Sa tingin ko ay gumagawa siya ng paraan para paglapitin kaming muli ng anak niya.
"Bilib din ako sa 'yo! Talagang pupunta ka pa sa party na 'yon!" hindi na napigilan ni Jean ang magkomento.
"Alam mo naman, hindi na ako nakatanggi. Don't worry, mabilis lang ako doon. Magpapakita lang ako kay tita," paliwanag ko. Sinipat ko ang replekyon sa salamin. Formal ang party ni tita Alicia kaya naman nakasuot ako ng dress at naglagay ng kaunting make up. Nang masiyahan sa ayos ko ay dinampot ko na ang sling bag.
"Huwag ka sa akin tatawag kapag may nangyaring hindi maganda sa party na 'yon ha!" Hindi pa rin sang-ayon si Jean sa gagawin ko pero wala naman akong magawa.
"Oo na! Sabi ko naman sa 'yo mabilis lang ako doon eh!" Sinimangutan pa rin ako ni Jean pero hindi ko na siya pinansin. Nagmamadali na akong lumabas sa inuupahan naming apartment. Ang balak ko ay mag-taxi na lang dahil wala akong tiwala sa kotse ko na kaaayos lang. Baka sa daan pa ako itirik, sasakit lang ang ulo ko.
Pagdating sa hotel kung saan gaganapin ang party ay nag-alangan naman ako. Napansin ko ang mga sulyap sa akin ng ilang kamag-anak ni Gio. Malamang lahat sila ay nagtataka sa presensya ko. Bigla akong nagsisi kung bakit pumunta pa ako. Nagmumukha lang akong tanga! Akmang tatalikod na ako nang bigla namang tinawag ako ni tita Alicia. Napansin na pala niya ang pagdating ko.
"Loraine! Hija, I'm glad you came!" masayang salubong niya sa akin.
"Tita," naiilang na bati ko. "Happy birthday po." Pasimple kong sinulyapan ang paligid at namataan ko si Gio at Mary na nakatayo malapit sa amin. Himala na nakangiti sa akin si Mary na animoy kaytagal na naming magkaibigan.
"Akala ko ay hindi ka na darating! Magtatampo na sana talaga ako," ani tita Alicia pagkuwan ay bumulong sa akin. "Andito ang malanding babae. Hindi ko alam kong ano ang nakita ng anak ko sa babaeng 'yon. Ako ang nahihiya sa iyo sa ginagawa ng anak ko. Lalo na at ganyan ang itsura nang ipinalit sa 'yo, hindi naman maganda! Malaki lang ang dede!"
"T-Tita, baka po marinig ka. M-Magagalit--"
"Totoo lang ang sinasabi ko!" putol niya sa akin saka pairap na tumingin kay Mary. Napansin kong nag-aalangan ang tingin sa amin ni Mary. Agad naman siyang inakbayan ni Gio at may ibinulong sa kaniya. Iniwas ko na lang ang mga mata sa kanila.
"Halika hija, dito ka sa VIP table. Dito ko pinapa-pwesto ang mga special na tao sa puso ko," malakas pang patutsada ni tita Alicia saka inakay ako sa isang table na hindi ko naman kilala ang mga nakaupo. Naiilang na pumwesto na rin ako doon. Gusto kong maawa kay Mary dahil sa pakikitungo sa kaniya ni tita Alicia. Paano ang relasyon nila kung tutol sa kaniya ang mga magulang ni Gio?
"Hon, Gio, mag-start na daw ang program. Tawag ka na tayo sa stage," lumapit sa amin ang daddy ni Gio. Bahagya niya din akong tinanguan saka sila magkakasabay na nagtungo sa stage. Nang makaalis ang mga ito ay saka ako ni Mary nilapitan sa pwesto ko at tinabihan.
"Tigas din ng mukha mo ah? Pumunta ka pa dito," simula niya.
"I was invited," sagot ko pero hindi ko siya tiningnan. Kung bakit naman sa tabi ko pa siya naupo? Lalo tuloy kami nakaagaw ng atensyon sa mga kaibigan at kamag-anak ni Gio.
"Pwede namang hindi pumunta! Alam ko ang ginagawa mo, ginagamit mo si tita Alicia para maagaw si Gio," akusa niya.
Noon ko siya inis na tiningnan. "Talaga ba, Mary? Ako pa ang mang-aagaw ngayon?"
"Of course! Ako ang girlfriend! At sa pagkakatanda ko, kusa kang inayawan. Hindi ko inagaw sayo si Gio--"
"Pumasok ka sa eksena bago pa kami maghiwalay!" singhal ko sa kaniya.
Napansin kong napapatingin na sa amin ang mga kasamahan sa table kaya natahimik na lang ako. Kung anu ano pang sinabi ni Mary sa akin pero hindi na ako sumagot. Itinuon ko na lang ang mga mata sa unahan kung saan nagaganap ang program para kay tita Alicia.
Pinagmasdan ko si Gio at ang pamilya niya. Ayaw ko man aminin, pero sa puso ko ay naroon ang panghihinayang. Buong akala ko, si Gio na ang para sa akin. At ang pamilya niya ang magiging pamilya ko na rin. Hindi ako makapaniwala na ang kilalang mabait na si Gio ay nagawa akong pagtaksilan. Nakangiti si Gio pero nang lumingon siya sa pwesto namin ay nagtama ang aming mga mata. Alam kong sa mga nagdaang buwan ay gusto niya akong kausapin. May mga bagay na gusto niya sa aking sabihin pero hindi kami nagkaroon ng pagkakataon na magusap muli. Alam ko dahil ganoon din ako. Kaydami ng gusto kong sabihin sa kaniya; lahat ng sakit at panghihinayang. Pero tulad niya ay mas pinili ko na lang din sarilinin iyon. Wala na sigurong dahilan pa para ipaalam sa kaniya ang lahat ng aking nararamdaman.
Nagulat na lang ako nang biglang naglakad si Gio patungo sa gawi namin. Bigla ding nasentro sa kaniya ang ilaw na labis kong ipinagtaka. Maging ang mga bisita ay natuon lahat ang atensyon sa kaniya. Hawak niya ang mic kanina at may sinasabi siya kanina pero hindi ko naunawaan dahil lumipad na ang isip ko sa ibang bagay. Kumakalabog ang dibdib ko habang pinagmamasdan siyang papalapit sa pwesto ko lalo pa at sinabayan iyon ng romantic song. Pero sa halip ay lumapit siya kay Mary na nasa tabi ko. Noon ko lang napansin na may hawak pala siyang bulaklak at may kinapa siya sa kaniyang bulsa. Parang nahuhulaan ko na yata kung ano ang gagawin niya. Bigla, parang nangimi ang mukha ko at kumirot ang aking dibdib. Kasabay noon ay ang pamamawis ng mga palad ko. Alam kong bukod kay Gio at Mary, isa din ako sa pinagtitinginan ng mga tao. Ako at ang magiging reaksyon ko.
Si Mary naman ay nagsimulang lumuha. "What are you doing, babe? What is happening?" aniya na halata ang kaba at kilig. Mukhang naunawaan na rin niya kung ano ang nagaganap.
Napalunok ako habang titig na titig sa kanila. Panay ang kantyawan at palakpakan ng ilan sa mga bisita habang ako ay hindi malaman kung ano ang magiging reaksyon. Inabot ni Gio ang kamay ni Mary at saka nagsalita.
"Babe, alam kong wala pa tayong isang taon. But I can't help it. Ayaw na kitang pakawalan, ayaw na kitang mapunta sa iba. Sa iyo ay sigurado na ako," simula niya.
Napansin kong nanlalaki ang mga mata ni tita Alicia na napatingin sa akin. Mabibilis ang mga hakbang na lumapit siya sa anak. Nakasunod naman sa kaniya ang asawa na hindi din malaman kung ano gagawin. Pero bago pa man sila tuloyang makalapit sa amin ay lumuhod si Gio at lalong lumakas ang hiyawan sa paligid.
"Babe, will you marry me?" tanong ni Gio kay Mary.
Napasinghap si Mary at napaluha. Ayaw ko man pero nasaktan ako...at napahiya na rin. Nag-propose si Gio kay Mary sa harapan ko! Unti-unting nangilid ang mga luha sa mata ko.
"Gio! Gio, what are you doing?" awat ni tita Alicia sa anak. Bakas ang galit niya saka apologetic na sumulyap sa akin.
"Proposing to my girlfriend, mom!" sagot niya sa ina. Binalingan niya ulit si Mary. "So, what's your answer, babe?"
Sinulyapan muna ako ni Mary at nakakalokong ngumisi. "Yes! Of course, it's a yes babe!"
Napapunas ako sa noo dahil sa namuong pawis. Pinigil ko ang mga luha lalo na noong napansin ko ang awa sa mga mata ng ilang kaibigan at kamag-anak ni Gio habang nakamasid sa akin. Hindi ko maintindihan kung bakit kailangan pa ni Gio gawin ito sa harapan ko! Pero ano nga bang magagawa ko kung nakaplano na ang proposal niya ngayon? Ako ang hindi dapat nagpunta dito! Ang tanga ko talaga! Sa huli ay hindi ko din napigil ang pagtakas ng ilang butil ng luha nang makita kong hinagkan ni Gio si Mary sa labi. Kasabay ng palakpakan ng mga tao sa paligid ay ang pagtayo ko sa upuan.
Ano bang ginagawa ko dito? Ipinapahiya ko lang ang sarili ko dito. Aalis na ako!
Mabilis kong pinunas ang mga luha at tumalikod na. Narinig ko ang pagtawag sa akin ni tita Alicia pero hindi ko na siya pinansin. Nakatungo akong naglakad pero hindi pa man ako nakakalayo ay nabangga ko ang isang katawan dahilan para mawalan ako ng balanse. Agad naman akong nahawakan sa braso ng nabangga ko. Nalanghap ko agad ang panlalaki niyang pabango. Nag-angat ako ng tingin at nanlaki ang mga mata ko nang makilala kung sino iyon.
Walter?
Inaasahan ko na ang mapanlait niyang tingin sa akin. Pero nang sulyapan ko siya ay hindi iyon ang nabasa ko sa mga mata niya. Sa halip ay naroon ang...pag-aalala? Napakurap ako dahil baka dinadaya lang ako ng aking mga mata. Pero nang pagmasdan ko siyang muli ay ganoon pa rin, nag-aalala pa rin siyang nakatitig sa akin.
"What happened? Why are you crying?" seryosong tanong niya.