CHAPTER FIFTEEN
HE SAID he won’t stop making love to me until I say ‘yes’. Pumayag naman akong maging date niya sa party na `yon. But the truth is I don’t want Carson to stop making love to me. It’s as if he knows more than I know my own body. Hindi ko ma-imagine ang bilang ng mga babaeng naikama na niya pero lalo namang hindi ko ma-imagine ang sarili ko na hindi siya ang kasiping ko. I want him to be the only man in my life.
Naalimpungatan ako nang maramdaman kong paulit-ulit na sinuklay ni Carson ang buhok ko. Hindi ko alam kung anong oras na. Hindi ako makapaniwalang gising pa siya. Nakaunan siya sa isang palad niya.
“Mister.”
“Yes, Misis?” nakangiting tugon niya.
“Bakit gising ka pa?”
“Pinapanood kitang matulog.”
Parang tumakas ang antok ko dahil sa sinabi ni Carson.
“P-pinapanood mo `kong matulog?” nautal na ulit ko. Sira-ulo `to! Ano naman kayang hitsura ko habang natutulog? “Sapakin kaya kita riyan?” Iyon lang ang nasabi ko at umirap.
“Anong masama kung pagmasdan ko ang asawa kong matulog? I don’t mind watching you sleep. I don’t think I’ll get tired of it.”
“Ginagawa mo ba `to palagi? I mean, palagi mo bang pinapanood matulog ang mga babaeng... mga babaeng alam mo na.” Bigla kong na-realize na parang ang awkward ng tanong ko. Pero naitanong ko na. Wala nang bawian. Curious naman kasi talaga akong malaman.
Gayon na lamang ang pagkalukot ng mukha ni Carson.
“Ni hindi ko na nga matandaan ang mga mukha at pangalan nila.”
I pinch his bare chest.
“Talaga ba?” nakataas ang kilay na tanong ko.
“Aaminin ko na. Kapag sinamahan ko ang isang babae, isa lang ang habol namin sa isa’t isa. Pagkatapos n’on, tapos na. Kaya ko rin nasabi sa`yo noon na ayoko sa mga virgin. I had this impression na kapag ibinigay ng babae ang virginity niya sa isang lalaki, she’s asking for a serious commitment. Gusto niyang pangmatagalan ang commitment na `yon. Hindi ko `yon kayang ibigay. Ayan, pwede mo na `kong awayin dahil magkaiba tayo ng prinsipyo.”
“Eh, pa’no naman ngayon?”
“Ngayon, ang mahalaga sa `kin ay ang meron tayong dalawa.” Ipinagpatuloy ni Carson ang paghaplos sa buhok ko. “Pwede lang pala `yon, `no? `Yong kaya mong pagmasdan ang mukha ng isang tao nang hindi nagsasawa.” Bumaba ang tingin niya sa mga labi ko. “What have you done to me, wife?”
Parang pinugaran ng mga paruparo ang tiyan ko dahil sa sinabi niya. Tumataba ang puso ko sa mga naririnig ko mula sa kanya. Kinikilig ako. Kinikilig ako sobra. Hinila ko ang kumot para takpan ang mga labi ko. Hindi ko mapigilan ang mga ngiti ko. Ang sarap niyang tadyakan pababa ng kama.
“Itulog mo na lang `yan, Mister,” sabi ko at kinurot siya sa pisngi. “Kakakain mo `yan ng binatog kaya nagiging romantic ka na.”
“Hindi. Aminin mong ginayuma mo `ko.” Niyakap ako ni Carson at isinubsob sa dibdib niya. Napabungisngis naman ako dahil sa pagkakiliti.
“Mukha bang kailangan pa kitang gayumahin?” pasakalye ko naman.
“MISIS, gandahan mo ang kuha, ha? Kailangang gwapo ako diyan.”
“Ba’t naman kasi magpapakuha pa ng picture, eh, parang mangunguha lang ng kamote?” nakakunot ang noong sabi ko habang kinukuhanan ng magandang anggulo si Carson. Nasa taniman kami ng kamote ni Apong sa likod lang ng bahay nito. Nakauklo naman kami ni Carson sa taniman at hawak ko ang cellphone niya.
“Siyempre, para may maipagmalaki ako sa mga kaibigan ko. Gustong-gusto ko kapag inaasar nila akong ina-under mo `ko.”
Napataas naman ang isang kilay ko.
“Feel na feel mo palang may asawa ka.”
“Talaga!”
Dahil do’n ay natawa ako. Pinahid naman ni Carson ang pawis sa noo niya gamit ang manggas ng T-Shirt niya.
“Pagsisisihan mo rin `yan.” Pinahid ko ang noo niya gamit ang kamay ko. Ngiting-ngiti naman siya habang pinapahid ko ang pawis niya. “Okay na `to, Mister. Bumalik na tayo.”
“Picture muna tayong dalawa,” hirit niya.
Gusto kong isipin na napaka-vain na tao ni Carson. Kulang na lang, sabihin niyang gusto niyang i-document ang pangunguha namin ng kamote sa dami ng pictures na gusto niya. On the other hand, bago nga pala ang karanasan na `to sa kanya kaya hindi ko rin siya masisisi. I just simply find him... cute.
Si Carson din ang nagprisintang maghugas ng mga kamote sa kusina. Gusto ko siyang tulungan pero ayaw niya. Natutuwa raw siyang maghugas ng mga kamote kasi parang nawawala ang stress niya.
Sumandal lang ako sa lababo habang tinitingnan ang mga kuha namin kanina sa cellphone niya. At natukso akong tingnan pa ang ibang mga kuha ni Carson. Hindi naman siguro siya magagalit kung hindi niya malalaman. Gusto ko lang malaman kung meron pa siyang ibang babaeng kasama sa picture. Hindi ako magseselos, promise.
Sinulyapan si Carson at saktong nasa kamote pa rin ang atensiyon niya. Pumunta ako sa gallery habang kagat-kagat ang ibabang labi ko. Bukod sa mga kuha namin ni Carson kanina ay nakita ko rin ang selfies nina Chamo at Calla. Hindi niya siguro nilalagyan ng password ang cellphone niya kaya libreng napapapakialaman ng dalawa. Nandoon din ang wedding pictures namin. At iyon lang ang laman ng cellphone niya habang nag-ii-scroll ako. Mag-ii-scroll up na sana ako nang mapatigil ako nang makita ko ang pinakahuling picture sa baba.
Pinindot ko iyon para lumaki. It was me in a plum dress. Kuha ito noong araw na nagkakilala kami ni Carson at nalaman ko na siya ang malas na lalaking pakakasalan ko. What made my heart skipped a beat is the fact that the photo is stolen.
Kasama ko ang mga estudyante ko habang kumakain malapit sa stage. Nakangiti ako kasi nagkukulitan ang mga estudyante ko noong time na `yon. Bakit ako kinunan ng picture ni Carson kung umpisa pa lang, sinabi na niyang hindi niya `ko type? Hindi ko maipaliwanag ang nararamdaman ko. Parang may mainit na kamay na humahaplos sa puso ko. Parang may nabuhay na pag-asa sa loob ko na... may bagay ring posible para sa aming dalawa. Nag-init ang magkabilang pisngi ko.
“Misis, tapos na `ko.”
Sumikdo pa ang dibdib ko nang marinig ko ang masiglang boses ni Carson sa tabi ko.
“G-galing naman.” Tumiyad ako at hinalikan siya sa pisngi. Ang sarap talagang halikan ng mister ko. “Tara na. Maglaga na tayo.”
“OKAY ka lang, Misis?” nakangiting tanong sa akin ni Carson nang makapasok na kami ng mansiyon nila. Sukbit-sukbit niya ang backpack na naglalaman ng mga damit at ilang gamit ko.
“Hindi nga, eh,” napangiwing sagot ko pero agad din akong natawa. Manginig-nginig pa ang tuhod ko dahil sa pagsakay sa chopper kanina. Maaga pa nang dumating kami.
Ilang sandali pa ay nakita ko nang nagtatakbo pababa ng grand staircase sina Chamomile at Calla. Naka-pajama pa ang dalawa.
“Cris!” tawag sa akin ni Chamomile.
Hindi ko naitago ang mga ngiti ko habang hinihintay silang makalapit sa amin. Sinabihan na yata sila ni Carson na darating ako kasama ng kuya nila.
“Magandang umaga. Kumusta?” bati ko.
Binigyan nila akong dalawa nang mahigpit na yakap.
“Maaga kaming nagising kasi excited kaming makita ka,” si Chamomile.
“Na-miss ka namin,” sabi naman ni Calla.
“Ako rin. Na-miss ko kayo,” tugon ko.
“How long are you staying here?” si Chamo.
“One week lang ang paalam ko, eh. Meron lang akong aasikasuhing importante rito at tutulungan ako ni Carson.”
“Pero kapag vacation na, siguro naman, papayag ang misis ko na magbakasyon kasama natin,” singit ni Carson.
Napatingin naman ako sa kanya. Makahulugan ang mga ngiti niya. Hindi yata namin napag-usapan ang tungkol sa bagay na `yon. Pero hindi na rin masama. Tinugon ko ang mga ngiti niya.
Ang sabi sa `kin ni Carson, nasa Baguio raw si Lolo Conrad at sa susunod na linggo pa ang uwi nito. Bumalik na sina Chamomile at Calla sa kwarto ng mga ito para maligo para makapag-almusal na kami. I am surprised to know na hindi pala doon nakatira si Camya. Ang sabi ni Carson, mahaba raw kasing istorya.
Dinala naman ako ni Carson sa kwarto niya sa taas. Tama siya. Walang sinabi ang kwarto ko sa laki ng kwarto niya. Agad akong napatakbo sa malaking kama at napahiga. Napahikab ako. Parang gusto ko uling matulog.
“Ang ganda nga ng kwarto mo, Mister.”
“Maganda nga, malungkot naman.” Ipinasok ni Carson ang backpack ko sa malaking closet niya at sinamahan ako sa kama.
“Parang hindi naman `yan ang sabi mo sa `kin dati,” amused na sabi ko.
Pumaimbabaw siya sa akin at itinukod ang mga braso niya sa magkabilang gilid ko.
“Kahit pagod na pagod ako galing sa opisina, hindi rin ako nakakatulog kaagad. It’s kind of frustrating. Lalo na kung ang dahilan ay hindi ko kasamang matulog ang asawa ko sa gabi.”
I could melt into his eyes, I swear! Kayang-kaya talagang pabilisin ni Carson ang puso ko kahit wala siyang masyadong ginagawa. And the feeling is mutual. Hinahanap-hanap ko rin siya sa gabi kapag hindi kami magkatabi.
“Sige, bolahin mo pa `ko,” pakli ko naman at pinindot ang tungki ng ilong niya.
“Hindi ko na nga maintindihan ang sarili ko,” seryoso pa ring sabi niya at sinuklay ng kamay niya ang buhok ko.
“Bakit?” I wonder.
“Hindi ko talaga maintindihan.”
Natawa naman ako. Oo nga naman. Pa’no nga naman ipapaliwanag ang isang bagay na hindi maintidihan?
“Huwag mo na lang munang problemahin kung ano man `yan,” sabi ko naman sa kanya. “Ano bang plano mo habang nandito tayo?”
“Ngayong natanong mo `yan, actually, marami akong naiisip.” Humiga uli siya sa tabi ko at umunan sa isang kamay niya habang nakatagilid sa akin. “I’m thinking of taking you out on a date. Then we could hang out with my friends. Or pwede ring dito lang tayo sa bahay. Marami rin naman akong naiisip na gusto kong gawin sa`yo.”
Pinanlakihan ko siya ng mga mata sa huli niyang sinabi.
“Gano’n, ha.” Kinurot ko siya nang pino sa tagiliran. “Ako rin. Marami rin akong gustong gawin sa`yo. Pa’no ko ba uumpisahan?”
“Misis talaga, o,” nakangusong reklamo naman ni Carson.
Ilalabas daw niya ako para sa isang date. Sa totoo lang, nae-excite ako ro’n.
“MISTER, sigurado ka bang sasamahan mo `ko? Okay lang ba na ma-late ka? Hindi ba tambak ang trabaho mo sa opisina?” sunod-sunod kong tanong kay Carson habang nasa sasakyan na kami. Maaga pa kaming umalis para maaga kaming makarating sa home for the aged na balak kong tulungan.
Kasama namin ang pinagkakatiwalaang abogado ni Carson na siya ring nandoon noong kasal namin at umaalalay kay Lolo Conrad na si Attorney Legaspi. Ito rin ang abogado na umasikaso noon sa mga papeles ng pagbibigay sa akin ni Lolo Conrad ng malaking halaga na bahagi ng kasunduan ng pagpapakasal ko kay Carson. Nakaupo ito sa frontseat habang nasa backseat naman kaming dalawa ni Carson.
“Okay lang, Misis,” sabi naman niya. “I have to make sure na magiging okay ka lang do’n. Hindi ka naman siguro magtatagal do’n. At isa pa, pwede akong magtrabaho kahit wala ako sa opisina kaya huwag ka nang masyadong mag-alala. Magkikita lang din naman tayo mamaya, eh, di sasamahan na lang kita.”
Spoiled na spoiled yata ako sa asawa ko, ah.
“Ang sweet talaga ni Sir,” biglang singit ng driver. Nakita kong nagkatawanan pa ito at si Attorney Legaspi. “Takot na takot mawala sa paningin niya si Ma’am, eh.”
Hindi makapaniwalang napatingin ako kay Carson. Sa halip na mailang ay natawa na rin ako.
“Bakit? Sweet naman talaga ako, ah?” katwiran ni Carson.
“Oo nga. Wala namang kumokontra,” sabi ko at humilig sa dibdib niya.
“At hindi ka na makakahanap ng lalaking kasing sweet ko,” sabi niya at ikinulong ako sa mga bisig niya.
“Eh, di hindi.”