CHAPTER FOUR
“BAKIT ka umiiyak?”
Nang hawakan niya ako sa mga braso ko ay marahas akong pumiksi.
“Huwag mo `kong hawakan!” asik ko kasabay ng pagbalong ng mga masasaganang luha sa mga mata ko.
“Hindi naman kita sasaktan, eh.” Sa pagkakataong ito ay mababa ang tono ng boses niya. Na para bang nag-aalala talaga siya dahil umiiyak ako.
Hinawakan niya ang magkabilang balikat ko. Napakislot ako at pumiksi. Sa pagkakataong iyon ay hindi niya ako binitiwan.
“Bakit ka nga umiiyak?”
“Wala kang pakialam!” asik ko.
“Ikaw naman,” he groans.
Napasinghap ako nang basta na lang niya akong ikulong sa mga bisig niya. It feels so warm being in his arms. I am surprised. Dapat ay nagagalit ako sa kanya dahil siya ang rason kung bakit ako nagkakaganito. Pero bakit nabibigyan ako ng security ngayong yakap-yakap niya ako?
Hindi. Hindi pwede `to.
“Pakawalan mo `ko, Carson,” mariing sabi ko.
“I can’t.”
Saglit akong nanigas sa kinatatayuan ko nang hawakan niya ang mukha ko para pahirin ang mga luha ko. Hindi ko siya pwedeng hayaang gawin ito sa akin. Sinubukan kong iiwas ang mukha ko pero pinaharap lang niya ako sa kanya.
Anak ng tokwa, ang pangit ko pa man din kapag umiiyak!
“Aalis lang tayo kapag okay ka na,” sabi niya.
Gusto kong sabihin sa kanya na hindi na ako magiging okay pero singhot lang ang nagawa ko. Carson dries my tears away. Of all people, ang tao pang halos isumpa ko simula nang makilala ko ang gumawa nito.
I am lost for words. Hindi ako sanay. Mas gusto kong inaaway siya, sa totoo lang. Napatitig ako sa mukha ni Carson. Mas okay siya kapag hindi siya nagsasalita. Subukan din kaya niyang huwag huminga para matuwa naman ako sa kanya?
Napadako ang tingin ko sa mga labi niya. Para iyong sa babae. They were pinkish and supple. At tila natauhan ako nang tumikhim siya.
“Mukha ngang okay ka na.”
Kinuha ni Carson ang mga kamay kong nakatali at ikinawit iyon sa batok niya. Nahigit ko ang paghinga ko nang magkalapit ang mga mukha namin. Kumabog ang dibdib ko. May mga nararamdaman na naman akong hindi ko maipaliwanag.
Napasinghap pa ako nang umangat ang mga binti ko sa lupa. Ngayon naman ay pangko na niya ako na para kaming mga bagong kasal. Hindi talaga niya ako hahayaang maglakad. Ramdam na ramdam ko ang matigas niyang abs sa gilid ng tiyan ko. Ano ba namang buhay `to?
Nang ngitian niya ako ay inirapan ko lang siya.
Nang marating na namin ang gitna ng gubat ay nanlaki ang mga mata ko nang makita ko si Ruden at ang dalawa pang kasali sa pagsubok na iyon na nakatali sa puno ng mahogany. Mga wala silang malay!
“Ano’ng ginawa mo sa kanila?” tanong ko kay Carson. Alam kong siya lang ang pwedeng gumawa nito kina Ruden.
“Pinatulog ko lang ang mga `yan.”
“Ano?” Napakurap-kurap ako.
“Nilagyan ko ng pampatulog ang mga kape nila kanina. Tingin ko naman, mayamaya lang magigising na rin ang mga `yan.”
“Madaya ka!” napalakas na sabi ko.
“Wala sa mechanics na bawal ang mandaya. Dapat nga magpasalamat pa sila sa `kin dahil hindi nila kailangang mahirapan,” mayabang namang sagot ni Carson at inismiran pa ako. Nagiging signature na yata niya iyon.
Saang planeta ba galing ang lalaking `to?
NI HINDI ko man lang naringgan ng reklamo si Carson habang buhat-buhat niya ako hanggang sa makalabas na kami sa gubat. Nagsipalakpakan ang mga katribo ko nang makita nila kami. Mayabang na ngumiti siya sa kanila na para siyang isang celebrity.
Maingat niya akong ibinaba at inalis ang braso ko sa leeg niya. Habang tinatanggal niya ang gapos sa mga kamay ko ay napapabuntong-hininga siya. Nakikita ko ang mga butil ng pawis sa mukha niya. I think he is a man of pride. Pagod na siya pero hindi pa rin niya sasabihin iyon. Feeling siguro niya, siya si Iron Man.
Masyadong mahigpit ang pagkakagapos niya sa akin kaya naman namula talaga ang palapulsuhan ko.
“Alam mo, pwedeng-pwede kitang kasuhan ng violence against women,” matalim ang tinging sabi ko sa kanya.
Umangat naman ang isang kilay niya. “So itong pag-headbutt mo sa `kin, hindi rin violence against men?” Itinuro niya ang namumulang noo. “Alam mo kung ano ang nakakainis sa lipunan? `Yang lintek na stereotyping na `yan. Por que ba lalaki, ang pwede lang gawin ay ang manakit? Kung babae ang sinaktan, may violence na nangyari pero kung lalaki, self-defense lang? Anong klaseng prinsipyo `yan?”
Nagsalubong ang mga kilay ko sa sinabi niya.
“Pakialam ko sa ipinaglalaban mo.”
“Masakit pa ba `yong noo mo?”
Natigilan ako. Concern na naman ba siya sa `kin sa lagay na `to? Hindi niya ako madadala sa ganito.
“Baka gusto mo ring tanggalin ang tali sa paa ko?” mataray kong sabi.
“Oo na, heto na.” Kinalas niya ang tali sa beywang niya at sinunod ang tali sa paa ko.
“Mary Cris, anak!”
Napalingon ako nang marinig ko ang pagtawag sa akin ni Nanay. Nakita ko sila ni Nanang na nagmamadaling pumunta sa direksiyon ko. Walang salitang iniwan ko si Carson at sinalubong sila.
“Nanay.”
“Tuloy ang kasal!” narinig ko pang sigaw ni Carson sa likuran ko.
PAGKAKITA ko pa lang sa nakahandang almusal ay lalong kumalam ang sikmura ko. Kalalabas ko lang ng kwarto dahil naligo ako. Hindi na ako nag-abalang magsuklay dahil mas mahalaga sa akin ang makakain. Kakain ako nang marami ngayong umaga dahil nai-stress ako!
“Nagutom talaga ako.”
Nilagyan ko ng kanin ang pinggan ko at nagbalat ng nilagang itlog.
“Hindi ka man lang nag-abalang magsuklay?” pansin sa akin ni Nanay nang ilapag niya ang isa pang ulam sa harap ko.
“Makakapaghintay pa naman ang buhok ko, Nay. Pero `yong bulate ko, hindi na talaga.” Hinati-hati ko muna ang itlog saka pinatakan ng toyo. Hindi kompleto ang almusal ko nang wala ito. At kahit mainit-init pa ay sumubo na ako nang malaking kanina. “The best!”
Lumabas naman mula sa kusina ang Nanang Marina ko. “Ito pa ang isa mong paborito, Mary Cris, o.”
Lumapad ang mga ngiti ko dahil alam kong binatog iyon!
“Kaya okay lang sa `kin na tumaba, eh,” masayang sabi ko matapos kong amuyin ang mainit-init pang binatog na nasa mesa na ngayon. Ang binatog din ang isa sa pinakagusto kong amoy sa mundo.
Kumuha ako ng mangkok at nagsandok. Palalamigin ko lang iyon nang kaunti bago kainin. Binatog lang pala ang makakapagpagaan ng pakiramdam ko.
“Kumusta ka sa gubat kanina? Alam mo bang nagdadasal kami nitong nanay mo na sana mahanap ka ni Carson? Mas gugustuhin na lang naming mapangasawa mo siya kaysa naman magpakasal ka sa Ruden na `yon,” litanya ni Nanang habang kumakain na kami.
“Napakatuso ng Carson na `yon, `Nang,” napangiwing sagot ko. “Papaano naman ako makakatakas sa kanya, eh, iginapos niya `ko. Kung hawak ko lang sana ang pana at palaso ko, napana ko na sana siya.”
Tapos naalala kong naging emosiyonal ako kanina at pinahid ni Carson ang mga luha ko. At hindi kami umalis hangga’t hindi ako tumatahan. Naalala ko rin ang mukha niyang natitigan ko nang malapitan. Gusto kong sapukin ang sarili ko. Bakit naman `yon ang kailangan kong maalala?
At ano na kaya ang nangyari kina Ruden at sa mga kasama niya? Nagising na kaya sila?
“Nagkasakitan kayo ni Carson? Kaya ba namumula ang mga noo n’yong dalawa? Ikaw na bata ka, `di ba, sinabi ko naman sa`yong huwag mong sisindakin ang mapapangasawa mo?” pagalit na sabi sa akin ni Nanay.
“Bakit po pakiramdam ko, mas concerned pa kayo sa Carson na `yon kaysa sa `kin?”
“Dahil gusto namin siya. Mukha lang siyang maraming alam na kalokohan pero mabait naman siyang bata,” pagmamalaki pa ni Nanay.
Nagsalubong ang mga kilay ko. Seryoso ba si Nanay?
“Hindi n’yo pa rin po lubusang kilala ang taong `yon. At sinabihan niya `kong hindi niya `ko type dahil lang sa virgin ako,” naiinis na giit ko.
“Kaya ka nagkakaganyan,” si Nanang.
“Dahil sinabi niyang hindi ka niya type,” dugtong naman ni Nanay nakangisi.
Nanlaki ang mga mata ko.
“Hindi po `yon ang ibig kong sabihin!” depensa ko.
Pero parang wala silang narinig dahil naghagikhikan pa sila. Hindi naman kasi talaga! Eh, ano naman ngayon kung virgin ako? Endangered na kaya ang mga katulad ko. At hindi ako makapaniwalang pinagtutulungan ako nina Nanay at Nanang dahil lang sa Carson na `yon.
Ikakain ko na nga lang `to. Imposible ko ring masakyan ang trip nina Nanay at Nanang. Itinabi ko ang hawak kong kutsara at tinidor at nagkamay na lang sa pagkain.
“Tao po!”
Bumagal ang pagnguya ko nang marinig ko ang pamilyar na boses na iyon. Si Carson. Ano na naman ang ginagawa niya rito? Hindi siguro nabubuo ang araw ng lalaking `yon hangga’t hindi ako nakikitang nabubwisit. Pinigilan ko na lang ang sarili kong huwag sumimangot at baka masita na naman ako.
Nagmamadaling tumayo si Nanay para buksan ang pinto.
“Carson, hijo, tuloy ka!” malapad ang ngiting sabi ni Nanay.
Napaismid ako sa sarili ko. Ang accomodating ni Nanay, grabe.
“Gusto ko lang pong kumustahin ang asawa ko,” narinig kong sabi ni Carson.
“Hindi mo pa `ko asawa!” paangil kong sabi at hindi man lang ako nag-abalang tapunan ang direksiyon niya. Bahala siya diyan.
“Gano’n din `yon, eh.”
“Cris, yayain mo namang kumain ang asawa mo,” sabi naman sa akin ni Nanang.
“Hindi ko nga po siya asawa.” Kulang na lang ay iikot ko ang mga mata ko.
“Kakain na rin kami pagkagaling ko rito. Ibinalik ko lang `tong pana at balabal ng asawa ko.”
Doon na ako napabaling sa direksiyon ni Carson. Ang agad na sumalubong sa akin ay ang maaliwalas niyang mukha. Nakaligo na rin siya. He looks just... fine. Ano ba itong naiisip ko? Hindi ako pwedeng magwapuhan sa kanya. Hindi ito pwede!
Ang isang bagay pang hindi ko mapaniwalaan ay ang pagpunta niya rito para ibalik ang pana at balabal ko. Ibig sabihin ay binalikan iyon ni Carson sa gubat... para lang sa `kin?
“Cris, nag-abala pa si Carson na dalhin dito ang pana at balabal mo. Ang sweet, `no?” Base sa pagkakangiti ni Nanay ay kilig na kilig siya.
Napilitan na rin akong tumayo para kunin ang mga iyon kay Carson.
“S-salamat,” pormal na pormal ang tinig na sabi ko. “Babalikan ko naman sana ang mga `to, eh. Hindi mo naman kailangang mag-abala.”
“Baka gusto mo kaming samahang mag-almusal, hijo?” nakangiting yaya naman ni Nanang. Parang ang gaan-gaan na ng loob nila kay Carson na hindi ko maipaliwanag. “Para naman magkausap tayo kahit sandali lang.”
“Gustuhin ko man po, Ma’am, pero sa susunod na lang ho siguro,” nakangiting tugon naman ni Carson at binalingan ako. “Mukhang wala sa mood ang future wife ko. Baka ako pa ang almusalin niya. Pero excited na akong makasabay kayong kumain kapag naikasal na kami ni Mary Cris. Kahit hindi pa siya nagsusuklay.”
Nang kindatan niya ako ay napalunok ako. Tiningnan ko siya nang masama.
“I’m sorry pero hindi ako mahilig sa pandesal,” sabi ko at iniikot ang mga mata ko.
“`Yong abs ko ba ang tinutukoy mo?” nakataas ang kilay na tanong niya. He even had that amused smile on his lips.
Napabuga ako ng hangin. Buti na lang, hindi ‘hotdog’ ang nasabi ko. Last mo na `to, Mary Cris!
“Umalis ka na bago pa ako mawalan ng gana,” pagtataray ko pa.
At nakuha pa talaga akong tawanan ng sira-ulo. Gumagwapo lalo si Carson kapag tumatawa siya. Kalmutin ko kaya ang pagmumukha niya? Nakakaasar kasi, eh.
“Kung gano’n, dalhin mo na lang `tong binatog. Masarap `to. Ako ang nagluto. Sabi ni Mary Cris, paborito raw niya ang binatog ko sa lahat.”
Nanlaki ang mga mata ko nang kunin ni Nanang ang binatog na itinabi ko para sa sarili ko at ibinigay iyon kay Carson.
“`Nang, akin po `yan!” protesta ko.
“Eh, ano naman? Marami pang natira sa mesa. Kailan ka pa naging madamot na bata ka?”
“Sa kanya lang po,” pabulong kong sagot habang nanghahaba ang nguso ko.
“Maraming salamat po, Ma’am. Ang bait n’yo naman sa `kin.”
“‘Nanang’ na lang ang itawag mo sa `kin. Tutal naman, malapit ka nang maging miyembro ng pamilya.”
“Tapos, ‘Nanay’ na rin ang itawag mo sa `kin.”
Naghagikhikan pa sina Nanay at Nanang. Hindi ko na naman masakyan ang trip nila. Iniwan ko na lang sila at binalikan ang kinakain ko.