CHAPTER FIVE
“CRIS, Cris, mag-usap naman tayo kahit sandali lang.”
Gulat na nilingon ko si Ruden na bigla na lang sumulpot sa likuran ko.
“Ruden, hindi mo ba talaga `ko titigilan?” hindi makapaniwalang tanong ko sa kanya.
Papunta na ako sa bahay ni Apong nang mga sandaling iyon dahil importanteng makausap niya kami ni Carson bago simulan ang seremonyas sa gabi ng bisperas ng kasal ko. Ang akala ko, kapag natalo si Ruden ay tatanggapin na niya sa sarili niyang hinding-hindi na ako babalik sa kanya.
“Patawarin mo `ko kung hindi kita nailigtas kanina. Hindi ko alam kung ano ang nangyari. Pero marami pa tayong panahon para tumakas.” Hinawakan niya ako sa braso pero agad din akong pumiksi. “Sumama ka na sa `kin at magpakalayo-layo na tayo. Hindi ka magiging masaya sa lalaking `yon,” pagsusumamo pa niya.
“At lalong hindi ako magiging masaya sa`yo,” mariing sabi ko. “Nasisiraan ka na ba? Hindi ko tatalikuran ang tribo kung para lang din sa`yo, Ruden. Siguro kung hindi mo `ko niloko, baka mahal pa rin kita hanggang ngayon. Baka hindi na `ko nagdalawang-isip at sumama sa`yo. Simula nang saktan mo `ko, natakot na akong magtiwala ulit. Kaya gawan mo `ko ng pabor. Tantanan mo na `ko!”
Wala na akong ibang maramdaman nang mga sandaling ito kundi pagkairita. Oo, minahal ko siya. Pero matapos ng mga ginawa niya sa `kin, na-realize ko na hindi lahat ng bagay na nawawala ay pinanghihinayangan. Halos nakalimutan ko na nga kung paanong nahulog ang loob ko kay Ruden.
“Tuturuan kitang mahalin ako ulit.”
“Turuan mo munang maging tapat sa sarili mo. Huwag mo na uli akong lalapitan. Utang-na-loob.”
“Cris, naman...”
Humakbang palapit sa akin si Ruden. Inihanda ko na ang kamao ko pero bago pa man niya ako mahawakan ay biglang may nagtulak sa kanya palayo sa akin.
“Ba’t mo nilalapitan ang asawa ko? Gusto mo ng gulo?”
Gulat na napatingala ako kay Carson. Matalim ang tingin niya kay Ruden. Umiigting ang panga niya habang nakakuyom ang kanyang kamao. Mukhang handa na rin siyang sugurin si Ruden ano mang oras.
“Kinakausap ko lang si Cris, may masama ba ro’n?” matapang na tanong ni Ruden. “Mas may pinagsamahan kami kaysa sa inyo. Hindi ako natatakot sa`yo kahit malaki ang utang-na-loob ng tribo namin sa pamilya n’yo.”
“She’s going to be my wife now. Hindi ko kasalanang pinakawalan mo siya. Subukan mo lang na i-harass siya uli, may kalalagyan ka.”
Napakurap-kurap ako habang nakatingin kay Carson. Galit nga siya. Kailangan ko `tong pigilan. Hindi pwedeng magkagulo.
“Pinagbabantaan mo ba `ko?” Ito namang si Ruden, ayaw pang magpatalo. Pag-uuntugin ko `tong mga `to, eh!
“Carson, aalis na si Ruden.” Matalim ang tinging ibinigay ko kay Ruden para iparating sa kanya na hinding-hindi na magbabago ang isip ko. “Tara na, hinihintay na tayo ni Apong.” Hinawakan ko sa braso si Carson at hinila palayo kay Ruden. “Tara na.”
Pero hindi man lang siya natinag at nakipagsukatan pa ng tingin kay Ruden.
“Sasama ka ba sa `kin o magpapakasal kang mag-isa mo?” mariing tanong ko.
“Sasama na,” mabilis namang sagot ni Carson. Sa isang iglap ay nawala ang galit sa mga mata niya nang balingan ako. Gamit ang isang braso ay kinabig niya ako sa balikat at iginiya papunta sa direksiyon ng bahay ni Apong. “Ang hirap kayang magpakasal nang mag-isa.”
Inalis ko naman ang kamay niya na nakahawak sa balikat ko.
“Bakit?” reklamo niya.
“Closed na ba tayo?” Inirapan ko siya at nilampasan. Binilisan ko ang paghakbang dahil malapit na lang ang bahay ni Apong.
ANG sala ni Apong Mario ko ay library na rin niya mismo. Marami siyang collection ng iba’t ibang libro. First love niya ang pagbabasa. Noong kabataan ni Apong, nakapunta na siya sa iba’t ibang bansa at imbes na mag-shopping para sa mga souvenir ay libro ang dinadala niya pag-uwi.
Ibahin n’yo kaming taga-Bianon. Hindi alien sa amin ang salitang ‘kabihasnan’. Matalino si Apong at ang mga nalalaman niya ay nakatulong sa pag-angat ng estado ng tribo namin sa lipunan.
Lagi niyang inuuna ang kung anong makakabuti para sa lahat. Malakas pa si Apong pero imbes na sunggaban ang magagandang oportunidad ng gobyerno na iniaalok sa kanya ay mas pinili niyang magretiro, bumalik dito sa Bianon, at ibuhos ang panahon niya sa pagbabasa.
“Magandang gabi po, apong,” bati ko. Nadatnan ko si Apong na hawak ang isa sa mga libro niya.
“Magandang gabi po,” bati rin ni Carson na nasa likuran ko na pala.
Nakangiting sinenyasan kami ni Apong na lumapit.
“Samahan n’yo `ko.”
Lumapit naman ako at naupo sa mahabang bangkong kawayan. Umupo si Carson sa tabi ko pero umusog ako hanggang sa kabilang dulo ng upuan. Bahala nga siya riyan.
“Mary Cris, ikakasal na kayo ni Carson bukas. Sanayin mo na ang sarili mo sa presensiya niya.”
Gusto ko sanang sabihin kay apong na hindi madaling gawin `yon lalo na at nabwisit na agad ako kay Carson unang pagkikita pa lang namin.
“P-pagkatapos na lang ho siguro ng kasal, apong,” sagot ko. Isa pa, sigurado naman akong hindi rin magtatagal ang pagsasamahan namin ng Carson na `to. Pero ayokong banggitin sa ngayon ang tungkol do’n. Excited pa silang lahat sa mangyayaring kasalan.
“Itong apo n’yo, hindi sanay nakakakita ng gwapo. Lagi siyang galit kapag nakikita niya `ko.”
Nanlalaki ang mga matang napatingin ako kay Carson. Hindi ko naitago ang pagtalim ng tingin ko sa kanya. Ano’ng sinabi niya? Galit ako sa gwapo?
“Wow,` taas ng self-confidence ng isa rito, o,” sarkastikong sabi ko. “Magkape ka nga!”
Carson gives me that naughty grin I am not expecting to stun me. Mukhang sanay na sanay siyang gawin iyon. Na para bang laging umoobra ang ngisi niyang iyon para makuha ang gusto niya. Eh, ano ngayon kung gwapo nga siya? Hindi ko `yon aaminin sa kanya, `no! Ma-in love muna siya sa `kin.
Wait. Sinabi ko bang ma-in love muna siya sa `kin? O, hindi!
“Gusto mo ng isa pang headbutt?” angil ko sa kanya.
“Huwag na. Baka maiyak ka na naman, eh.”
Nakuyom ko ang mga kamao kong nakapatong sa kandungan ko. Aangilan ko na naman siya pero naunahan ako ni Apong.
“Hindi ko naman kayo pinapunta rito para pag-awayin.” Nahilot ni Apong ang sentido niya.
Nakaramdam ako ng guilt. Ayokong isipin ni Apong na kaya ko tinatrato nang ganito si Carson ay dahil sa trip ko lang, na bully ako. Pero aware kaya si Apong na may saltik sa utak `tong apo ni Don Conrad?
“S-sorry po,” napabuntong-hiningang sabi ko at napatungo.
“Gusto ko lang sabihin sa inyo, bago magsimula ang seremonyas mamaya, na sana ay maging matiwasay ang pagsasama ninyong dalawa bilang mag-asawa,” patuloy ni Apong.
Doon naman ako duda. Pero imbes na umangal ay nanahimik na lang ako at nanatiling nakatungo. Mahal na mahal ko si Apong at ayoko siyang ma-disappoint. Para ko na ring binigo ang buong tribo namin.
“Alam kong mahirap itong responsibilidad na nakaatang sa inyong dalawa ngayon pero ang pag-iisang dibdib n’yo sana ang gawin n’yong tuntungan upang mapagtagumpayan n’yo ito, alang-alang sa kabutihan ng nakararami. Gawin n’yong katuwang ang isa’t isa. At ikatutuwa namin ni Conrad kung mabibiyaan kayo ng anak.”
Parang kampanang kumalembang iyon sa utak ko. Anak. Oo nga pala. Kasama sa pagkakaroon ng asawa at pamilya ang anak. Parang may kumurot sa puso ko. Nakikita ko ang sarili kong may hawak na sanggol. Gusto ko rin ng anak na matatawag kong akin.
“Ilan ho ba ang gusto n’yong apo sa tuhod?” malapad ang ngiting tanong ni Carson.
“Kung makakabuo kayo ng kahit isang basketball team, mas maganda,” nakangiting tugon naman ni Apong. “Kailangang maturuan sila kung paanong maging mabuting pinuno rito sa Bianon. Umaasa akong magtutulungan kayong dalawa para mapalaki sila nang maayos.”
“Pero paano po kung magdesisyon kami ni Carson na maghiwalay?” tanong ko. Ewan ko ba, basta na lang `yon lumabas sa bibig ko.
Natahimik si Apong at nakita ko ang pagkawala ng saya sa mukha niya. Halatang nag-iisip siya.
“Huwag naman sana. Pero nasa sa inyo pa rin `yan. Hindi ko naman kayo mapipigilan. Ang sa `kin lang, bakit hindi n’yo man lang subukan?”
Dapat ba hindi ko na lang itinanong `yon? Na-guilty lang ako lalo. Mary Cris, ikaw talagang babae ka.
“Huwag mong bibigyan ng sakit ng ulo si Mary Cris, Carson. Siya lang ang nag-iisang apo ko. Her heart is pure and she deserves pure love. Gusto kong palagi siyang nakikitang masaya at gusto kong makitang malagay siya sa tahimik. Ayoko siyang mag-isa sa pagtanda niya.”
Nakita kong nabura ang ngisi sa mga labi ni Carson. Sumeryoso ang mukha niya. Ibig sabihin ba n’on ay pinag-iisipan niya ang mga sinabi sa kanya ni Apong?
Pero naniniwala ba talaga si Apong na matatagalan namin ni Carson ang isa’t isa?
“Mary Cris.”
Napaigtad ako nang banggitin ni Apong ang pangalan ko.
“Huwag mo namang isarado ang puso mo kay Carson, apo. Alam kong nasaktan ka na dati. Pero sana, huwag kang mawalan ng pag-asa sa pag-ibig. Gusto kong maging lubusan kang masaya. Bigyan n’yo ng pagkakataon ang isa’t isa. Pwede lang ba `yon?”
Gusto kong isipin na nasobrahan lang si Apong sa mga binabasa niyang libro pero sa kabilang banda, meron din naman siyang point. Kung gusto kong mag-workout `to, ngayon pa lang dapat ay tantanan ko na ang pakikipag-away kay Carson kahit na isang malaking pang-asar ang pagmumukha niya.
“Susubukan po namin.”
Nagulat ako sa sagot na iyon ni Carson. Napatingin ako sa kanya. Kinindatan naman niya ako. Imbes na irapan siya ay nag-iwas na lang ako ng tingin.
“Maraming salamat, mga apo. Sandali lang. Meron lang akong kukunin bago natin simulan ang seremonyas.”
Iniwan kami ni Apong at pumasok sa kwarto niya. Hindi ko na napigilang mapabuntong-hininga. Ayokong biguin si Apong, si Nanay, si Nanang, si Don Conrad, at ang buo naming tribo.
“Narinig mo `yon, ha. Subukan daw natin. Siguro naman magiging mabait ka na sa `kin,” sabi ni Carson sa akin na hindi maitago ang pilyong ngisi sa mga labi niya.
“Hindi ako bingi,” sarkastiko ang ngiting tugon ko. “Siguro naman, hindi ka na masyadong magsasalita para hindi uminit ang ulo ko sa `yo.”
Umusog siya palapit sa tabi ko.
“Sige, subukan mong lumapit,” angil ko at iniamba ang kamao ko sa kanya. Pero nang biglang lumabas si Apong ng silid niya hawak ang isang nakatiklop na balabal ay pinanghaplos ko sa buhok ko ang kamao ko para hindi ako mahuli ni Apong. Napatuwid din ako ng upo.
Kamuntikan na `yon!
“Ito ang ibibigay mo kay Mary Cris mamaya, Carson,” sabi ni Apong.
“Opo, Apong.”
Tumayo naman si Carson at tinanggap iyon. Magalang na yumuko siya kay Apong at ngumiti.
Alam ko kung para saan ang balabal na ibinigay ni Apong kay Carson. It symbolizes commitment. Kapag ibinalot ng lalaki ang balabal na iyon sa babae, ibinibigay nito ang katapatan niya at ang lahat-lahat ng meron siya sa babaeng mapapangasawa niya.
At kailangang i-share ng babae ang balabal sa lalaki bilang simbolo rin ng pagbibigay niya ng kanyang katapatan at lahat-lahat sa lalaking pakakasalan.
I always thought it was romantic. Pero sa kaso ko, para itong naging isang malaking kalokohan.
“Mary Cris.”
Agad akong napatayo nang tawagin ni Apong ang pangalan ko. Kinuha niya ang kamay ko at inilagay iyon sa kamay ni Carson. His hand was surprisingly warm against mine. He looks at me. He’s not saying anything but his thumb caresses the back of my hand. Natunaw ang instinct ko na angilan na naman siya.
“Lahat ng mga ikinasal ko, matagumpay ang pagsasama,” sabi pa ni Apong.
Para na rin niyang sinasabi sa amin na huwag kaming maghihiwalay ni Carson dahil masisira ang record niya. Ano man ang mangyari sa amin ni Carson, sana hindi ako itakwil ni Apong.