CHAPTER SIX
“NGUMITI ka naman, anak. Ang ganda-ganda mo, eh.”
Inayos-ayos ni Nanay ang mahaba at alon-alon kong buhok. Nakaupo kami sa harap ng malaking bonfire sa labas ng covered court. Nakapaligid na rin sa amin ang mga katribo namin.
Ito ang katumbas ng stag party at bridal shower sa amin. Tutugtog at sasayaw ang mga kalalakihan at mga kababaihan mamaya para sa amin ni Carson. Sa pamamagitan n’on ay naipararating ng mga katribo namin na hangad nila ang lahat ng kabutihan sa pagsasama ng mga mag-iisang-dibdib.
“`Nay, sinabi ko nang ayokong makipagplastikan kay Carson.”
“Pa’no mahuhulog ang loob sa`yo ni Carson kung hindi niya makikita ang matamis mong ngiti?” Piningot ni Nanay ang dalawang pisngi ko para pilitin akong ngumiti. “Anak, asset mo kaya `yan.”
“`Nay, hindi po masyadong halatang boto kayo sa Carson na `yon.”
“Eh, ang gwapo niya, eh.”
“`Nay, `yong tatay ko, `di ba, gwapo rin?” paalala ko naman.
“Sorry naman. Pero ngumiti ka pa rin. Ano’ng malay natin? Iba siya sa tatay mo at kay Ruden.”
I slouch. “Oo nga. Ano’ng malay ko kung mas malala pa pala siya?”
“Ang nega naman nito!” Tinapik ako ni Nanay sa likod para tumuwid ang upo ko. “Kung ano man `yang mga pinag-aalala mo, sabihin mo lang sa amin ni Nanang. Hindi ka namin hahayaang mag-isa. Hindi man ako naging may-bahay, dahil naman sa`yo kaya ako naging ina. We got your back, anak.”
Hindi napigilang mag-init ng mga mata ko.
“Ang lakas ng trip ng tadhana, `Nay, `no? Kung kailan naman ayokong magtiwala sa isang lalaki, biglang boom, ikakasal na `ko.”
“Kung hindi ka magiging masaya, kami na mismo ang babawi sa kasunduan.” Pinahid ni Nanay ang sulok ng mga mata ko. “Ang tapang mo, anak. Mahal na mahal ka namin.”
Suminghot na napatango ako.
“I love you, too, `Nay.”
Nang marinig na namin ang pagtunog ng mga tambol ay napaayos na ako ng upo.
Ibahin n’yo kami sa Bianon. Kahit na maalam na kami sa modernisasyon at bagong teknolohiya, may mga kaugalian pa rin kami na hindi nagbabago. Katulad na lang ng seremonyas na ito.
Kapag gustong umakyat ng ligaw ng isang lalaki, kailangan niyang pakiharapan ang mga magulang ng babae at hingin nang pormal ang permiso ng mga ito. Bilib ako sa mga lalaking seryoso ang intensiyon sa mga babaeng nililigawan nila. `Yong iba kasi, hindi lang iisa ang nililigawan. Meron namang ibang lalaki na may girlfriend na nga, suma-sideline pa. Kagaya ng kakilala ko.
MAGKAKASUNOD na pumasok ang mga babae at lalaki sa gitna. Nakita ko si Carson sa hulihan ng pila. Hindi na agad ako mapalagay pagkakita ko pa lang sa kanya. Mukha siyang naaasiwa. Napapakunot kasi ang noo niya. Halatang hindi siya sanay sa mga ganito. Pero bumagay sa kanya ang suot niyang puting sweatshirt at pantalon. Mas mabait siyang tingnan kapag simple lang ang porma niya. Hindi ko sinasabing gwapo siya sa lagay na `yon, ha. Iba lang siyang tingnan. `Yon lang.
Abot-abot ang kaba sa dibdib ko nang sa wakas ay huminto siya sa tapat ko. Nagkatinginan kami. Hinawakan niya ang kamay ko at kusa na rin akong tumayo. Hindi ko alam kung bakit hindi maalis ang tingin ko sa mukha niya. Kasalanan niya. Titig na titig din siya sa akin, e. Akala ko ba, hindi siya nagagandahan sa `kin?
Pinaningkit ko ang mga mata ko. Pinanlakihan naman niya ako ng mga mata. Parang tinatanong niya ako kung ano na naman ang problema ko sa kanya. Umangat ang isang sulok ng mga labi ko. Ngumuso naman siya. Loko `to, ah?
“Yihi!”
Nawala lang saglit ang atensiyon ko sa kanya nang marinig ko ang kantiyawan mula sa mga katribo ko na nanonood sa amin. Nakaramdam ako ng pagkailang.
Habang nagsasayaw ang magkakapares sa tabi namin ni Carson ay kinuha niya ang balabal na nakasampay sa balikat niya at ibinalot sa akin. Malapad iyon. Inayos ko naman iyon at pinasukob siya.
Ngayong magkadikit na kaming dalawa ay ramdam na ramdam ko ang init na nanggagaling sa katawan niya at amoy na amoy ko ang sabong ginamit niya.
Ano ba ito? Bakit ako natutuksong ilapit ang ilong ko sa katawan niya at amuyin siya hangga’t gusto ko?
“Kanina ko pa gustong sabihin sa`yo `to.”
Napalunok ako nang bigla siyang magsalita.
“A-ano?”
“Gusto ko ang amoy ng buhok mo.”
Napamaang ako. Seryoso ba siya? Pinipigilan ko nga ang sarili kong mahumaling sa amoy niya. `Tapos siya, basta na lang niyang sasabihing gusto niya ang amoy ng buhok ko?
“Gusto mong purihin ko rin ang sabong ginamit mo?” walang kangiti-ngiting tanong ko.
“Napansin mo pala,” malapad ang ngising sabi niya.
Ay! Sa dinami-dami naman talaga ng pwedeng sabihin. Bakit hindi ko napigilan ang sarili ko? Pambihirang buhay ito.
Namalayan ko na lang na nasa loob na pala kami ng bilog na ginawa ng mga sumasayaw sa paligid namin.
“Hindi lang naman ikaw ang nagsasabon kapag naliligo,” pakli ko.
“Nagsisimula ka na bang mag-practice ng bagong pirma gamit ang apelyido ko?” pilyong tanong niya.
“Ikaw, nag-practice ka na rin ng bagong pirma gamit ang apelyido ko?” walang kangit-ngiting ganting tanong ko.
Lumapad ang mga ngiti niya. “Ganyan ka ba magpa-cute? Nagsusungit-sungitan?”
Tinaasan ko naman siya ng kilay. “Hindi mo talaga alam kung ano `tong pinapasok mo dahil nakukuha mo pa akong lokohin nang ganyan.”
Nawala ang mga ngiti niya.
“Malinaw na malinaw sa akin na kalokohan ang lahat ng `to, okay? Pakakasalan kita para hindi mawala sa akin ang inheritance ko. Ikaw, kung may iba ka pang agenda, nasa sa`yo na `yon.”
Pinaningkitan ko siya ng mga mata.
“Hindi pera ang habol ko sa pagpapakasal sa`yo, Mr. Florencio.”
“Kung hindi pera, malamang, ibang bagay,” tugon naman ni Carson na may kasamang pagkibit ng balikat.
“At ano naman `yon?”
“Ang genes ko.”
Napakurap-kurap naman ako. Ang kapal din ng apog nito.
MAAGA akong nagising para sa araw ng kasal ko. Hindi ako excited. Hindi lang talaga ako nakatulog nang maayos kagaya ng mga nagdaang araw.
Binuksan ko ang bintana ng kwarto ko. Papasikat pa lang ang araw. Kailangan ko nang maligo dahil maagang magsisimula ang simpleng seremonya. Sumandal ako sa bintana at pinagmasdan ang wedding dress na nakasabit sa dingding ng kwarto ko. Puti iyon, litaw ang balikat ko, napakasimple at umabot hanggang sakong ko.
Maganda siya. Nakaka-guilty lang na hindi puro ang saya ko kapag isinuot ko na ang damit. Kasi `yong lalaking pakakasalan ko, epal, eh. Dapat sana ay masaya ako kasi si Apong ang magkakasal sa akin.
Ilang beses na ring nai-feature ang tribo namin sa mga documentary sa TV at sa magazines. Salamat iyon sa mga koneksiyon ni Don Conrad. Ilang beses na rin kaming dinayo ng mga dayuhang turista rito. Karamihan sa kanila, gustong ma-experience ang wedding ceremony ng Bianon. Hindi ko na mabilang kung ilang pares ang naikasal ni Apong pero lahat sila, hindi maikakailang in love sa isa’t isa.
Mukhang ako pa lang yata ang bride na labas sa ilong ang pagpapakasal sa groom. Ako lang yata ang sisira sa record ni Apong.
“Mary Cris, gising na...”
Dahan-dahang bumukas ang pinto ng kwarto ko. Nakita kong patiyad na pumasok sina Nanay at Nanang pero nang makita nilang gising na ako ay napangisi sila at napaayos ng tayo. Napakamot na lang ako sa kilay ko.
“Gising ka na pala,” sabi ni Nanay.
“Kagigising ko lang po.”
“Excited ka na?” tanong naman ni Nanang.
Umiling ako.
“Gusto mo bang kumain muna o maligo? Ipinagluto kita ng binatog.”
“Maliligo lang po muna ako saka ako kakain ng maraming-maraming binatog.”
SI NANAY ang nag-ayos ng buhok ko. Abot hanggang baywang na pala itong buhok ko. Ginawan naman ako ni Nanang ng korona na gawa sa mga sariwang bulaklak mula sa mga tanim niya.
Hindi ako nag-effort mag-make up. At siguro nga, uso ang kilay is life. Marunong akong mag-ahit ng kilay pero hindi ako nagtatagal sa harap ng salamin kagaya ng iba. At ang akala ko dati, vanity ang paggamit ng matte lipsticks. Pero nang masubukan ko minsan dahil na rin sa pambubuyo ng co-teachers ko, na-realize ko na nakatitipid ka sa oras ng paglalagay ng lipstick kung matte ang gamit mo. Matagal matanggal, e.
Isama mo na rin `yong BB Cream! Akala ko, Korean celebrities lang ang nakaka-afford n’on pero may mga nabibili naman pala sa market na mas mura pero maganda naman ang epekto kapag ginamit sa mukha. Hindi ko lang alam kung paano maglagay ng blush on saka mag-contour.
Pero mas gusto ko pa ring chalk at libro ang hawak ko kaysa sa make up kit. Kasi sa totoo lang, kahit magpaganda ako buong araw, wala rin namang guarantee na wala nang lalaking manloloko sa akin. Pero kapag kaharap ko ang mga estudyante ko, palagi akong maganda sa paningin nila. `Di ba?
“HETO NA ang bouquet mo, apo. Huminga ka nang malalim. Kaya mo `yan. Ikaw ang pinakamagandang bride na nakilala ko. Proud na proud ako sa`yo.”
Tinanggap ko ang bouquet na ibinigay sa akin ni Nanang na gawa rin sa mga sariwang bulaklak. Nginitian ko siya bilang pasasalamat at saka huminga nang malalim. Pero gano’n pa rin, malakas pa rin ang kabog ng dibdib ko. Ilang sandali na lang ay kailangan ko nang maglakad sa kubong pagdadausan ng kasal ko. Nakikita ko na ang mga katribo kong nakatayo habang naghihintay sa akin. Sa dulo n’on ay alam kong naghihintay na rin sina Apong at si Carson.
Hinawakan ko nang mahigpit ang bouquet. Sina Nanay at Nanang ang maghahatid sa akin sa mapapangasawa ko. Totoo sana ang saya ko kung wala lang akong problema sa groom ko.
“Okay ka lang, Mary Cris?” tanong ni Nanay.
Tumango-tango naman ako.
“Tara na po, `Nay, `Nang.”
Nang magsimula na akong maglakad ay napako na ang tingin ng lahat sa akin. Lahat sila nakangiti habang nag-aabang. Tumingin ako kina Nanay at Nanang para kumuha ng lakas. Pinisil naman ni Nanay ang braso ko. Makita ko lang sila sa tabi ko, alam kong magiging okay pa rin ang lahat.
Itinuon ko ang tingin sa unahan pero ang mukha naman ni Carson ang sumalubong sa akin. Nakasuot siya ng puting tuxedo. Napakaaliwalas din ng mukha niya. Nakasunod ang mga tingin niya sa bawat galaw ko katulad ng isang matiyagang groom na naghihintay sa paglapit ng kanyang bride. Am I just imagining things? O nagpipigil talaga siya ng ngiti habang papalapit ako? At ang ngiting `yon, walang halong pang-aasar.
Napabuntong-hininga ako. Hindi ito eksena sa isang romance novel o romantic movie. Magpapakasal ako sa ibang dahilan. `Yon lang. Bago ako tuluyang makalapit kay Apong ay kinunan pa ako ng picture ni Calla gamit ang camera na nakasabit sa leeg niya. Nakaupo siya kasama ng mga kapatid niya at ni Don Conrad sa pinakaunahan. Nginitian niya ako nang matamis pagkatapos n’on. Ngumiti na lang din ako.
“Anak...” Niyakap ako nang mahigpit ni Nanay nang makarating na kami sa harap nina Apong at Carson.
“Okay na po, `Nay,” sabi ko naman.
“Sana maging masaya ka, anak,” maluha-luha pang sabi niya.
Gusto ko sanang sabihin kay Nanay na mukhang malabo `yon pero tumango na lang ako at ngumiti. Mahirap na at pati ako ay maluha na rin.
“Masaya kami para sa`yo,” sabi naman ni Nanang.
“Salamat po, `Nang,” tugon ko.
At hindi muna ako iniwan nina Nanay at Nanang. Katakot-takot na bilin ang ibinigay nila kay Carson. Kesyo huwag daw niya akong bibigyan ng sakit ng ulo, intindihan daw kapag may regla ako at manahimik na lang kapag galit ako para hindi lumaki ang gulo. Sa lahat ng mga sinabi nila ay sumang-ayon na lang si Carson.
Inawat na lang sila ni Apong para matuloy na ang seremonya. Napilitan na rin silang maupo sa unahan. Nang iabot na ni Carson ang kamay niya sa akin ay tahimik ko lang iyong tinanggap. Hindi ko siya sinulyapan. Pero bigla akong nahiya sa sarili ko nang balutin ng init ng kamay niya ang nanlalamig kong kamay.
Napatingin siya sa mga kamay namin at saka sa mukha ko. Ang akala ko ay babanatan niya ako pero nagulat ako nang ipatong niya ang isa pa niyang kamay sa kamay ko. Pinisil niya ang kamay ko. Lumukso naman ang puso ko.
Naging maiki lang ang seremonyas ni Apong. Sa totoo lang, wala akong masyadong matandaan at maintindihan kahit na nga ba dati ay halos kabisado ko na ang mga ginagawa niya kapag merong ikinakasal. Masyado akong distracted sa mga nangyayari.
Hindi kami nagsuotan ng singsing ni Carson. Wala naman kasi sa materyal na simbolo ang commitment. Parang choice na rin ng dalawang tao kung gusto nilang merong singsing o wala. Pero karamihan sa mga ikinakasal dito sa tribo namin, ipinapahuli na lang ang singsing. At kung may balak man si Carson na bigyan ako ng singsing, siya lang ang nakakaalam n’on. Basta ako, hindi ako umaasa.
“Carson, Mary Cris, kayo ngayon ay mag-asawa na,” deklara ng apong ko habang nakalahad ang mga kamay sa amin ni Carson.
Doon lang ako natauhan. `Yon na `yon. Mag-asawa na kami ni Carson.
“Carson, pwede mo na ngayong halikan ang iyong asawa.”
Dahan-dahan akong pinaharap ni Carson sa kanya. Ang lakas na naman ng t***k ng puso ko. Hindi ako makagalaw sa kinatatayuan ko. Napalunok ako nang hinawakan niya ang baba ko at itinaas ang mukha ko.
“Hello, wife,” bulong ni Carson at kakaibang ngiti ang sumilay sa mga labi niya.
Bumaba ang mukha niya at nahigit ko naman ang aking paghinga. Ilang sandali rin kaming nagtitigan. Pakiramdam ko, napakabagal ng ikot ng mundo. Naipikit ko na lamang ang mga mata ko nang maramdaman ko ang paglapat ng mga labi niya sa noo ko.
Naging malakas ang palakpakan ng mga naging saksi sa kasal namin. Napatingin ako kina Nanay at Nanang na maluha-luha pa rin hanggang ngayon. Sa totoo lang, gusto kong sikmuraan si Carson. Pwede niya `kong halikan sa mga labi kung gugustuhin niya dahil asawa naman na niya `ko. Pero mas pinili niya `kong halikan sa noo. Hanggang sa araw na `to ba naman, ipinapamukha pa rin niya sa akin na hindi ako kaakit-akit? Nakakainsulto na siya.