CHAPTER SEVEN
“ANG GANDA-ganda mong bride,” masayang bati sa akin ng ngayon ay sister-in-law ko nang si Camya.
Ang reception ay ginanap sa covered court. Hindi ko nga lang pala basta asawa si Carson—kapamilya ko na rin ang pamilya niya. Nakakapanibago.
“Salamat,” nahihiyang tugon ko.
“Alam kong ayaw mo kay Kuya. Oo, madalas sira-ulo siya pero kapag nakilala mo siya nang matagal, mas maa-appreciate mo ang good side niya. Sana magkasundo kayo. Teacher ka naman, `di ba? Ikaw na ang bahalang magturo sa kanya ng leksiyon nang malupit.”
Nagkatawanan pa kaming dalawa.
“Tatandaan ko `yan, Camya.” Baka hindi ko lang siya turuan ng leksiyon, bibigyan ko pa siya ng sakit ng katawan.
“Welcome to the family. Magkaibigan na tayo kaya kung sakaling pasakitin ni Kuya ang ulo mo, magsumbong ka lang sa `kin.”
Hindi ko inaasahang yayakapin niya ako. Sandali akong natigilan. Napaka-sincere ng yakap ni Camya sa akin kaya tinugon ko rin iyon nang mahigpit.
“Maraming salamat talaga.”
Habang magkayakap kami ni Camya ay nakita kong papalapit sa amin si Carson. Kanina lang ay nakita ko siyang kausap ang dalawa niyang kaibigan na dumalo rin sa kasal namin.
“Tama na `yan, Camya. Ibalik mo na sa `kin ang asawa ko.”
“Wow, si Kuya, possessive! Nakakapanibago,” pakli ni Camya nang kumalas siya sa pagkakayakap sa akin.
“Mag-asawa ka na rin kasi. Nang-aagaw ka ng misis ng may misis, eh.” Carson snakes his arms around my waist. Sinubukan ko siyang sikuhin pero hindi siya nagpatinag. Hindi na rin ako nagpumiglas pa. “Ipapakilala lang kita sa mga kaibigan ko,” sabi niya sa akin.
“Mababait ba sila?” tanong ko.
“Hindi sila uobra sa`yo,” sagot naman niya.
“Best wishes, newlyweds!” nakangiting sabi naman ni Camya sa amin.
Tinanggal ko naman ang bulaklak na korona sa ulo ko at inilipat iyon sa ulo ni Camya.
“Sana ikaw na ang susunod na ikakasal,” nakangiting sabi ko sa kanya.
Natawa si Camya sa sinabi ko nang ayusin niya ang korona sa ulo niya.
“Sige, kapag naging legal na ang self-marriage. See you around, guys.”
NANG dumating ang hapon ay nagpaalam na ang mga kaibigan ni Carson. Ang chopper na pagmamay-ari ng mga Florencio ang maghahatid sa kanila pabalik sa lungsod. Carson’s friends are undeniably good-looking. Nabanggit niya sa akin na magpinsan sina Thirdy at Ziggy at mga tagapagmana rin ng mayaman nilang lolo.
Kung pagtatabihin mo silang tatlo, para sa akin, si Carson ang nag-ii-standout. May pakiramdam ako na magkasingpilyo lang sila ni Ziggy pero hindi mukhang negosyante si Carson. Mukha siyang sinuwerteng maging anak-mayaman kaya hindi na niya kailangang mamroblema. Parang gano’n.
Biro lang. `Yong buhok kasi ni Carson ang lakas maka-Meteor Garden. Baliw na baliw pa naman ako kay Hua Ze Lei noon.
“It was nice meeting you, Cris. I wish you all the best on your wedding night—I mean, in your married life,” hirit ni Ziggy.
Pinigilan kong mapakunot-noo. Wala na bang ibang laman ang isip nitong si Ziggy kundi ‘`yon’ lang?
“Ako na ang mamomroblema do’n.” Carson waves his hand to dismiss his friend.
“It was nice meeting you, Cris,” sabi naman ni Thirdy sa akin. He is the nicest among them, I believe. “Sana makahanap din ako ng babaeng katulad mo.”
Hindi makapaniwalang napatingin ako sa kanya. Seryoso ba siya ro’n? Sana pala siya na lang ang pinakasalan ko at hindi si Carson. Mukhang hindi siya ang tipo ng tini-take for granted ang mga babae.
“It was nice meeting you, too, Mr. Montreal,” sabi ko at tipid siyang nginitian. “Thank you sa panahon ninyo.”
“And she’s mine.” Basta na lang akong inakbayan ni Carson. “Pa’no mo nakuhang sabihin `yan, Alejandro? Magkaibigan tayo.”
Sinubukan kong alisin ang kamay niya sa balikat ko pero inipit lang niya ang kamay ko sa pagitan ng balikat ko at ng kamay niya.
“Bakit? Wala naman akong sinabing aagawin ko siya, ah?” ani Thirdy na may kasamang pagkibit ng balikat. “I just want you to realize that you married a special woman.”
Tumango-tango naman si Carson. “Alam ko. Kung alam mo lang ang mga pinagdaanan ko, makuha ko lang ang kamay niya. Ingat kayo. Deretso nang uwi sa bahay.”
Ziggy groans.
“Best wishes uli, brother,” sabi niya pagkuwan at tinapik sa balikat si Carson. “Bye, Cris.”
“Bye, guys,” sabi naman ni Thirdy.
Tumango naman ako.
“Mag-iingat kayo.”
“Good-bye, brothers. I’ll see you soon!” paalam naman sa kanila ni Carson.
NANG tuluyan nang makaalis ang magpinsan ay binalingan ko si Carson.
“Tingin ko, marami tayong pag-uusapan,” sabi ko sa kanya.
“Yeah, tingin ko nga rin. ” Hinubad niya ang tuxedo niya at isinampay sa kanyang balikat. “Ilang anak ang gusto mo?”
“Teacher Cris!”
Napalingon ako sa mga estudyante kong nag-uunahan sa pagtakbo palapit sa amin ni Carson. Mukhang hindi rin kami makakapag-usap.
“Ang ganda n’yo po!” sabi sa akin ni Nicole na hinihingal pa.
Natawa ako at napahaplos sa buhok ko.
“`Tagal na kaya.”
“Teacher, wala pa kaming picture sa inyo,” si Joemel. “Picture po tayo!”
“H-ha?” natawang anas ko. “Wala akong dalang cellphone ngayon, eh.”
“Meron ako,” singit naman ni Carson at inilabas sa bulsa niya ang cellphone niya. “Ano bang gusto n’yong pose?”
“Kasama ka po, Sir!” hirit ni Nicole. “Selfie tayo ni Teacher.”
Napatingin sa akin si Carson. Tinatanong yata niya ako kung payag ba ako sa pamamagitan ng tingin.
“Cellphone mo naman `yan, eh,” sabi ko na lang.
“Siyempre, game ako,” nakangiting sabi ni Carson sa mga bata.
Masayang nagsitalunan ang mga estudyante ko. Ang dali lang talagang pasayahin ng mga batang `to. Itinukod ni Carson ang isang kamay sa tuhod niya at itinapat sa amin ang front cam ng cellphone niya.
Inakbayan ko naman sina Nicole at Joemel at bahagyang yumuko para magkasya kami sa camera. Malalapad ang mga ngiti nila kaya napangiti na rin ako. Carson smiles at me from the camera. Alam ko `yon at naiilang ako. Hindi ko lang ipinahalata.
TULUYAN nang natapos ang selebrasyon nang lumubog na ang araw. Uuwi ako kaagad sa bahay para magpalit ng damit. Nang pumasok ako sa kwarto ko ay agad akong natigilan nang makita kong ibang-iba ang ayos ng kwarto ko. Bago ang bedsheets tapos kulay pula ang kumot. Meron ding mga bulaklak sa mesa ko at nagkalat ang rose petals sa kama.
Napalunok ako. Sino ang nag-ayos ng kwarto ko? Sina Nanay ba? Nag-e-expect ba sila ng ‘something’ sa unang gabi namin ni Carson bilang mag-asawa? Pero hindi pa kami nag-uusap ng kolokoy na `yon.
Napapabuntong-hininga na lang ako. Masyado akong napagod ngayong araw na `to para pag-isipan pa ang ibang bagay. Hinubad ko ang damit ko at inilatag iyon sa kama. Nagpalit ako ng komportableng bestida. Napahiga ako sa kama habang nakalapat sa sahig ang mga paa ko.
Malalim ang ginawa kong paghinga. Naamoy ko ang rose petals sa tabi ko. Kinakalma nito ang buong sistema ko. Maaga pa pero parang gusto ko na lang matulog. Idinipa ko ang mga kamay ko sa kama.
Ako na ngayon si Mary Cris Tuazon-Florencio. Pero gaano kaya katagal kong gagamitin ang apelyido ng asawa ko?
Nasa ganoon akong pag-iisip nang marinig kong bumukas ang pinto ng kwarto ko. I am too tired to raise my head. Sabagay, malalaman ko rin naman kung sino iyon. Kung si Nanay iyon o si Nanang man, magsasalita naman agad sila.
Pero hindi. Narinig ko ang mga pagyabag hanggang sa tabi ko.
“Mag-usap na tayo, Sleeping Beauty.”
Iminulat ko ang isang mata ko at napakunot ang noo ko nang makita ko si Carson.
“Sinong nagpapasok sa`yo rito?” tanong ko.
“Ako lang. Sabi ko sa sarili ko, pasok ka, bahay mo na `to at kwarto n’yo na `to ng asawa mo.”
Hindi nakaligtas sa paningin ko ang pilyong ngiti niya. Umismid naman ako.
“Ang liit naman nitong kwarto mo,” sabi pa niya. Hindi ako tumugon. “Parang kasing laki lang ng kwarto ko ang bahay n’yo.”
“Malaki nga ang kwarto mo, mag-isa ka naman. Masaya ka naman ba?” tanong ko.
Nang muli ko siyang tingnan ay isa-isa na niyang tinatanggal ang mga suot niya.
“Kailangan ko pa bang isipin `yon?” tanong niya. “Tinutulugan lang naman ang kwarto.”
“Kung gano’n, huwag ka nang magreklamo kung maliit ang kwarto ko.”
Tumabi siya sa akin sa kama at ginaya ang pagkakahiga ko. Naka-sando at boxers na lang siya ngayon.
“Magiging mag-asawa tayo pero sa papel lang,” sabi niya. “Kung merong event na kinakailangan ang presence mo bilang asawa ko, sasamahan mo `ko.”
Hindi ko naitago ang ngiwi ko pero hindi na ako kumontra pa.
“Ingatan mo ang image mo bilang asawa ko,” sabi ko naman at pinagkrus ang mga braso ko sa tapat ng dibdib ko. “Kung meron kang babae, itago mo. Kahit mag-asawa lang tayo sa papel, ipakita mo namang faithful ka. Isipin mo na lang na maliit na sakripisyo lang `to kasi maghihiwalay rin naman tayo.”
“Magiging sweet ako sa`yo na parang nagmamahalan tayo?”
“Hindi. Huwag ka lang mambabae, `yon lang. Kaya ko naman ang sarili ko. Kayong mga lalaki, mahilig lang kayong magbigay ng sakit ng ulo.”
“Sana naisip mo rin kung gaano kahirap maging lalaki,” nakakunot ang noong sabi niya.
“Alam ko, maniwala ka. Mayayabang kayong mga lalaki at punong-puno kayo ng ego tapos ang dali-dali n’yo namang bumigay sa tukso. Idadahilan n’yo rin ang pagiging lalaki n’yo. Pero kapag ang babae ang nakagawa ng kasalanan, kayo lang ang pwedeng tawaging ‘iniputan sa ulo’.” Pumalatak ako. “Huwag ako, Mr. Florencio.”
“Hindi lahat ng lalaki ay gano’n, Mrs. Florencio,” giit niya.
“At duda ako kung kasama ka sa mga sinasabi mong ‘hindi lahat ng lalaki ay gano’n’ na category.”
“We should do something about that tongue of yours, don’t you think?”
“Just prove me wrong if you can,” sabi ko at iniikot ang mga mata ko.
“Hindi maaapektuhan ng pagiging mag-asawa natin ang lifestyle natin,” pag-iiba na lang niya.
“Pabor din sa `kin,” mabilis na sang-ayon ko. “Magpapatuloy ang buhay ko dito sa Bianon bilang teacher at ikaw, bahala ka na sa buhay mo sa mansiyon n’yo. At isang bagay pa, what’s yours is yours and what’s mine is mine.”
“Okay. Mabuti naman at nagkakasundo tayo sa bagay na `yan. And as soon as the law allows, aasikasuhin agad natin ang tungkol sa annulment.”
“At habang mag-asawa pa tayo, kung meron man tayong hindi pagkakaunawaan, walang makakarating sa mga pamilya natin,” dagdag ko.
“Basta ako, hindi ako mahilig mang-away.”
Tiningala ko siya. Nakaunan si Carson sa mga palad niya. Parang gusto niyang palabasin na magkakaroon lang ng away kung ako ang mangunguna.
Hindi ko na lang siya pinatulan. Nag-isip na lang ako ng mga pwede ko pang sabihin. Habang nag-iisip ako ay narinig ko ang malalim na buntong-hininga ni Carson. Mukhang pareho lang kaming napagod ngayong araw na `to.
“May naiisip ka pa?” tanong niya.
“Meron,” sagot ko at nakagat ang ibabang labi ko. Sasabihin ko na ba ang tumatakbo sa isip ko? Kung meron mang magandang idudulot sa akin ang pagpapakasal ko kay Carson, hindi ko na palalampasin `yon, `no. Muli ko siyang tiningala at nahuli ko siyang nakatingin na sa akin. No, hindi ngayon ang tamang panahon para magpa-distract sa mga titig niya. “Gusto ko ng anak.”
Kitang-kita ko ang pagkatigil sa mukha ni Carson dahil sa sinabi ko. Kung biro lang para sa kanya ang tungkol sa pagkakaroon ng anak, pwes, seryoso ako. Ito lang ang tanging paraan para magkaroon ng anak na matatawag kong akin. Bahala na. Kailangang anakan niya ako.
“Oh, okay,” sa wakas ay sabi niya. Napatagilid siya ng higa at umunan sa palad niya para makaharap siya sa akin. “Let’s have a child dahil `yon din ang gusto ko. But I want a son. In the event na maging babae ang magiging panganay natin, we’ll try again. `Yon ang kondisyon ko.”
“Okay, fine,” sabi ko naman. I don’t mind kung ilan ang mabuo namin. I would be very happy kung magkaroon ako ng maraming anak.
“At meron pa akong isang kondisyon.”
“Wow, dami mong kondisyon, hindi naman ikaw ang magbubuntis,” sabi ko.
“Last na `to, Mrs. Florencio,” he says rolling his eyeballs. I think he looks cute doing that. “Let’s get to know each other habang sinisikap nating makabuo. Let’s, at least, be friends.”
Nagdududa ko siyang tiningnan.
“What?” reklamo niya.
Hindi na rin masamang proposal. Ayoko namang naii-stress habang nagbubuntis.
“Okay, fine,” pagpayag ko.
Sumilay ang pilyong ngiti sa mga labi ni Carson.
“Kailan mo gustong simulan ang pagbuo kay Carson Junior? Marami na tayong time ngayon.” Tumaas-baba ang mga kilay niya kaya kumabog naman ang dibdib ko.
Iniangat niya ang katawan niya at ilang sandali pa ay nakatukod na ang isang braso niya sa gilid ko. Napalunok ako. Seryoso ba siya? Gagawin talaga namin ngayon? Hindi ako prepared!
Napalunok ako nang haplusin niya ang buhok ko. I swear, gumapang ang kilabot sa buong katawan ko nang dumantay ang mga daliri niya sa balat ko!
“Pwedeng-pwede ako ngayon,” bulong niya. His hot minty breath against my skin made me shiver.
“B-bakit mas nagmamadali ka pa kaysa sa `kin?” kabadong tanong ko.
“Nagsa-suggest lang. Kabado ka. Gusto mo nang umatras?”
“H-hindi. Ang sinasabi ko lang, hindi pa ako nakakapag-adjust. May lakad ka ba?”
Nakangising umiling-iling siya.
“Wala naman. Hindi lang talaga ako busy ngayon.”
Tumagilid ako para iiwas ang mukha ko kay Carson. Pipilitin ba niyang may mangyari sa `min? Paano kung pwersahin niya `ko? Pwede ko pa rin naman siyang kasuhan ng rape kahit mag-asawa na kami, `di ba? Pero mukhang makakasuhan muna ako ng physical injury bago mangyari iyon. Kaya mag-iingat pa rin siya sa akin!
“Ano na?” untag niya.
Napasinghap ako nang tumama sa tenga ko ang mainit niyang hininga. Sira-ulo `to. Kita na ngang may kiliti ako, eh!
“Huwag mo `kong guluhin,” mariing pakli ko.
Pero basta na lang hinipan ni Carson ang tenga ko at napatili ako.
“`Wag ka nga!” Malakas ko siyang siniko at narinig ko na lang ang malakas na pagkalabog sa likuran ko. Paglingon ko ay wala na si Carson sa tabi ko. Napabangon ako. Nanlaki ang mga mata ko nang makita ko siyang nasa sahig na at nakangiwi.