TINIYAK ni Jenna na magandang-maganda siya nang hapong iyon. Pinili niya ang isang kaswal na puting bestida na may print na maliliit na dahon. Bilang burloloy ay nagkuwintas siya na green swarovski crystals ang pendant. Katerno iyon ng dangling earrings na nagsasabog ng maliliit na kislap kapag gumagalaw ang ulo niya.
Magkaterno ang hand bag at high heels na suot niya. Her makeup was skillfully applied. Maging ang pabango na iwinisik niya sa mga pulse points ay tiniyak niyang tama lang at hindi matapang sa pang-amoy ng iba.
Pinagmasdan niyang mabuti ang sarili sa malaking salamin. Confident siyang magugustuhan din ni Jaime ang ginawa niyang paghahanda. At malamang ikakagulat din ni Jaime ang sasabihin niya kapag nakaharap na niya ito.
Nang maramdaman niyang may pumaradang sasakyan sa tapat ng Perfect Wedding ay kumilos na siya. Naisara na niya ang office kaya naroroon na lamang siya sa receiving area. Nang matiyak na si Jaime nga ang dumating, tumayo na siya at lumabas. Inila-lock niya ang shop at siyang paglapit naman nito.
“You’re so beautiful, Jenna,” bati nito at tila suminghot pa nang bahagya. “And you smell good, too.”
“Thank you,” malamyos namang tugon niya. “Shall we?”
Kaagad na tumango si Jaime. “Let’s not waste time. Medyo matagal din ang biyahe lalo at rush hour na.” Nang dalhin siya nito sa sasakyan, inalalayan pa siya nito sa pagsakay doon. “Sa Laguna tayo. Pero malapit lang din. Makalagpas lang sa San Pedro.”
“Okay lang, I don’t mind.”
Napangiti ito. “Mabuti naman. Parang nakakasawa na rin kasi ang mga restaurant dito sa Metro Manila. Though maraming mga bago at may iba’t ibang theme, minsan, masarap din iyong natural talaga iyong ambience. Iyong totoong kumakain ka halimbawa sa ilalim ng puno. Or sa tree house. Mas nakakaganang kumain kapag ganoon, di ba?”
“You know what I mind, Jaime?” sa halip ay sabi niya.
“What?”
“Iyong pakikialam mo sa pagpapagawa ng kotse ko,” walang kangiti-ngiting ulos niya. “Kausap ko ang may-ari ng talyer kanina. Hindi ko nagustuhang pinangunahan mo ako sa pagdedesisyon para sa kotse ko. Kahit na nga ba binayaran mo na ang dapat bayaran. In fact, nakakainsulto iyon.”
Lumingon ito sa kanya pero wala sa anyo na nagulat. Sa halip, ngumiti pa ito na tila walang tensyon ang usapan nila. “Magkaibigan na tayo, hindi ba? Wala naman sigurong masama na gawan ng pabor ang isang kaibigan.”
“Pero hindi ako humihingi ng pabor.”
“Yeah. At nagkukusa naman ako. Jenna, that’s not a big deal. Sabihin na lang natin na ganito talaga ako. Generous na kaibigan.”
Tinitigan niya ito. Tila may kakaibang diin ang pagkakabigkas nito sa salitang kaibigan pero ayaw naman niyang mag-isip ng kung ano pa.
“Ibabalik ko sa iyo ang ibinayad mo sa talyer,” sabi niya mayamaya bagaman iniisip pa niya kung paanong adjust ang gagawin niya sa budget niya upang hindi mabawasan nang malaki ang savings niya.
“No,” may kasamang pag-iling na sabi sa kanya ni Jaime. Sa isang salitang iyon ay naramdaman niya agad ang finality sa tono nito.
“P-pero—”
“Huwag mong isiping dahil doon ay pipilitin kita upang pumanig sa gusto ko. Sinabi ko na sa iyo minsan, hindi kita pipilitin kung gusto mong panindigan ang prinsipyo mo. I’m happy that we’re having this truce now and we’re starting this friendship.” Inabot nito ang kamay niya at banayad iyong pinisil.
Bumaba ang tingin niya sa mga palad nilang nananatiling magkadaop. Gusto niyang magtaas ng kilay. Ganito ba ang nasisimula ng friendship? Nagho-holding hands? Pero mas pinairal ni Jenna ang nararamdamang kilig. Pabor naman ito sa kanya. Bagaman kamay lang nila ang magkadikit, physical contact pa rin iyon. At ramdam niya mula sa kanyang mga palad ang natural na init na nagmumula dito.
Pero ninanamnam pa ni Jenna iyon ay bumitiw na rin ng hawak si Jaime. Bumalik sa manibela ang kamay nito at tumuon ang atensyon sa pagmamaneho. Pinigil ni Jenna ang pagpapakawala ng isang paghinga. Ayaw niyang magmumukha niya napabuntong-hininga sa panghihinayang na nagbitaw sila kahit na nga ba iyon naman ang totoong nararamdaman niya.
ISANG resort and restaurant ang pinagdalhan sa kanya ni Jaime. Pero tila mas dinadayo ang restaurant niyon kaysa sa tatlong naglalakihang swimming pool. At napansin ni Jenna, bagaman maraming mga diners na naroroon, hindi mukhang crowded ang restaurant. Mayroong mga nakakalat na mumunting kubo para sa mga grupo na nais ng privacy habang kumakain.
Pero hindi sa ganoong lugar sila tumuloy ni Jaime nang salubungin sila ng isang staff ng restaurant. Nang magpakilala si Jaime, nilampasan nila ang mismong restaurant at sa bandang likod sila tumuloy. Mayroong iba’t ibang puno sa lugar na iyon. At napansin niyang bawat puno ay mayroong tree house.
Mga nagsabit na lanterns ang nagsilbing ilaw sa dinadaanan nila. Nang dalhin sila ng staff sa pinareserbang tree house ni Jaime, hinila lang nito ang switch ng ilaw sa itaas at itinuro nito ang lubid na dapat hilahin kung handa na silang mag-order ng pagkain. Nang umalis ang staff, inalalayan na siya ni Jaime sa pag-akyat sa tree house.
“Namali pala ako ng ginamit na sapatos,” aniya nang humakbang sa mga binigkis na kawayang nagsisilbing baitang paakyat sa tree house.
“Hindi naman problema iyan. Puwede namang hubarin.” At nagitla na lang siya nang yumuko si Jaime at ito mismo ang magkalas ng strap ng suot niyang high heeled- sandals. Tila balewala lang dito iyon at nang ganap na mahubad ang sandals ay muli siya nitong inalalayan.
“Akinang sandals ko,” conscious na sabi niya. Hindi matingnan na ang binata ang may bitbit ng sapatos niya.
“Mamaya na. Hindi mo naman kailangang isuot pa ito pagdating sa itaas,” sabi nito na kasunod na rin niyang umakyat.
Pagdating sa itaas ay binati sila ng preskong hangin. Maaliwalas ang tree house. Sa isang sulok ay may munting lababo. Mayroong sabon at isang maliit na timba ng tubig. Dalawang mahahabang bangko ang naroroon at malapad na mesa sa gitna. Sa ibabaw ay ang menu card.
“Magtatanggal na rin ako ng sapatos, okay lang sa iyo?” nakangiting tanong ni Jaime. “Huwag kang mag-alala. Hindi naman mangangamoy patay na daga dito,” biro pa nito.
Napatawa naman siya. “Okay lang. Malinis naman ang sahig. Masarap ngang nakapaa lang. Para tayong hindi umalis ng bahay.”
“Kaya nga kahit malayo ito, dumadayo pa ako dito paminsan-minsan,” sabi nito na naupo na sa kaibayong bangko. “Kahit mag-isa lang ako, bumibiyahe ako dito. Nakaka-relax ang paligid. Minsan, dito na ako inaabot ng hatinggabi.”
“Twenty-four hours ba sila dito?”
“Iyong resort, oo pero ito yatang restaurant, hindi. So far, kahit naman hinatinggabi ako dito, hindi naman nila ako itinataboy.” Kinuha nito ang menu card. “Specialty nila dito ang sizzling kalderetang kambing at ginataang alimango. Gusto mong subukan?”
“Paborito ko ang alimango!” tila naglaway na sabi niya. “Masarap iyong medyo maanghang nang kaunti.”
“Good. Pareho pala tayo. Ako, kahit kailan na pumunta dito, hindi puwedeng hindi oorder ng ginataang alimango. How about sinigang na bangus sa santol?”
“Okay lang din.”
Tiningnan siya nito at napangiti. “Mukhang magkakasundo tayo sa pagkain, Jenna. Malakas akong kumain.”
“Sa layo ba naman ng naging biyahe natin papunta dito, sino ang hindi gugutumin?” pabiro namang sagot niya.
“Ano, order na tayo? Medyo matagal din bago nila i-serve ang pagkain. Niluluto pa muna kaya siguradong bagong luto pag inihain sa atin.” Nang tumango siya, hinila na ni Jaime ang lubid na magsi-signal sa staff upang kunin ang order nila.
“Makakain ba nating lahat iyon?” sabi ni Jenna nang umalis na ang staff. Bukod sa ginataang alimango, sinigang na bangus at sizzling kalderetang kambing, dinagdagan pa iyon ni Jaime ng ampalaya con carne. Kaning binalisuso sa dahon ng saging ang inorder nitong kanin at chocolate mousse ang dessert. Ini-imagine pa lang niya na mapupuno na ang mesa ang order nila ay hindi na siya nagkaroon ng interes na mag-order pa ng drinks maliban sa isang bote ng mineral water.
“Kaya nga tayo nagpunta dito para mabusog, hindi ba?” sabi sa kanya ni Jaime.
“Pero ang dami mong inorder. Baka hindi natin maubos, sayang naman.”
“Di ipabalot. Alam mo, hindi rin ako nag-aaksaya ng pagkain. Kahit sanay akong kumain sa labas, sanay din akong magpabalot ng tirang pagkain. Pag-uwi ko at nagutom ako uli, iyon ang kinakain ko. O kaya naman, itatambak ko muna sa ref at kinabukasan ko na lang iinitin para kainin uli. O kung minsan naman, kapag nata-trapik ako sa daan at may kumakatok sa kotse ko para manghingi ng tulong, iyong pinabalot ko na mismo ang binibigay ko. Hindi man ako ang kumain uli, may ibang tiyan naman na nalamnan.”
Napatago siya at lihim ding humanga. “Dapat lang. Hindi dapat inaaksaya ang grasya.”