12

1388 Words
“UY, MA’AM, may bago kayong admirer!” tukso sa kanya ni Noemi nang ipasok nito sa kanyang opisina ang isang magandang flower arrangement. Bahagyang nangunot ang noo ni Jenna sa pagtataka. “Kanino galing iyan?” “Ewan ko po. Para sa inyo daw po iyan, sabi ng delivery man. Pinirmahan ko lang ang resibo at dinala ko na nga dito. Kayo, ha? May love life na pala kayo,” tukso uli nito. “Wala nga akong idea kung kanino galing iyan,” clueless pa ring wika niya. Inabot niya ang munting sobre at binuksan iyon. Tuluyan lumalim ang gatla sa mga noo niya nang mabasa kung kanino iyon galing. “Kanino galing, Ma’am?” curious ding tanong ni Noemi. Agad niyang itinaob ang lamang card. “Wala ito. Galing sa isang taong walang magawa sa buhay,” matabang na sagot niya. “Noemi, iyon nga palang hotel na pinapatawagan ko sa iyo, natawagan mo na ba? Saka si Caroline, naitawag mona ba sa kanya yung aditional request ng client nating ikakasal sa Sabado?” pag-iiba niya ng paksa at pagtataboy na rin dito. “Ay, oo nga pala, Ma’am, tatawagan ko iyon uli kasi kaninang tumawag ako, nasa meeting iyong taong contact natin. Okay na po iyong kay Ma’am Caroline.” Nang lumabas si Noemi, saka pa lang tuluyang pinagtuunan ni Jenna ng pansin ang nilalaman ng card. Jenna, Let’s have a truce. I hope you will like the flowers. Jaime Kung nakakagulat ang biglang pagbibigay nito ng bulaklak ay higit na nakakagulat ang unang pangungusap na sinasabi ng card. At gaya ng dati ay nais niyang magduda. Pero sa isang pagsulyap niya sa magandang arrangement ng iba’t ibang kulay at laki ng mga rosas ay tila nagbago ang isip niya. Binasa niyang muli ang card. Diretso at walang ligoy ang sinasabi nito. Why not? naisip niya tuloy. At ipinaalala niya rin sa sarili na hindi niya dapat bitiwan ang paninindigan niya laban sa inaalok sa kanya ni Jaime. With or without truce, hindi dapat na mabali ang paninindigan niyang iyon. Naabala ang daloy ng isip niya nang tumunog ang telepono. “Perfect Wedding, how may I help you?” masiglang sagot niya. Hindi niya kinalimutang lahat ng caller ay maaaring potensyal na kliyente ng Perfect Wedding at kailangan niyang mag-create agad ng magandang impresyon. “Did you receive the flowers?” tanong agad ng nasa kabilang linya. “J-Jaime,” aniya. At nais niyang magtaka na para bagang kinapos siya ng hangin sa tono niya. Hindi rin niya maikakaila ang kakaibang sikdo ng dibdib niya. Ang Jaime na nabubuo ngayon sa isip niya ay ang Jaime na pinagmasdan niya ng maraming minuto habang naglalangoy sa pool. Suddenly, the atrraction she felt for him went alive again. “I hope natanggap mo na ang mga bulaklak,” sabi nito. “I meant what I said in the card, Jenna. Let’s have a truce.” “A-ano ang kapalit?” tanong niya sa pinakaswal na tinig. Wala siyang balak na mamalayan nito ang pagkakaroon niya ng ibang pagtrato dito higit sa pagkainis niya sa kaarogantehan nito. Isang mahinang tawa ang narinig niya mula dito. “You shouldn’t be asking that,” tugon nito. “Naisip kong hindi ko nga siguro mababali ang prinsipyo mo. Pero hindi naman ibig sabihin niyon na hindi rin tayo puwedeng magkasundo, di ba? We can be friends, too.” Friends? Only friends? tila protesta ng isang bahagi ng dibdib niya. Pero siyempre, ibang pangungusap ang lumabas sa bibig niya. “Of course, we can be friends.” “I’m glad to hear that. How about dinner tonight, Jenna? Let’s celebrate the beginning of our friendship.” Nagulat na naman siya. Pero malayo sa pagtanggi ang naramdaman niyang sagot ng puso at isip niya. “Sure. Saan?” “Something cozy and wonderful is in my mind. I know a place that’s outside the city. Okay lang ba iyon sa iyo?” “Huwag lang bang sobrang layo, di sige,” sagot niya. “I’ll pick you up at six thirty.” “Okay. Dito ka na lang sa shop ko magpunta. Ano ang dapat kong isuot?” “Whatever you’re comfortable with. See you later, Jenna. Bye.” “Okay, bye.” At nang ibinaba na niya ang telepono ang awtomatikong hinanap ng paningin niya ay ang relo. Alas dos pa lang ng hapon. Mahigit apat na oras pa bago siya sunduin ni Jaime pero ngayon pa lang, hindi niya maintindihan kung bakit tila kapos na ang mga nalalabing oras para makapaghanda siya. Excited ba siya? Napailing siya pero may ngiti din sa mga labi. Maybe yes. Sino ba naman ang hindi mae-excite kung sa kabila ng palaging events at meetings ang iniikutan ng buhay niya ay parating business lang ang tema niyon. Personal ang lakad niya mamaya. Yes, exciting iyon na maituturing. Itinuon niya ang isip sa trabaho. Dahil higit na nangangailangan ng konsentrasyon niya ang nalalapit na kasal ni Mary Grace, ang mga plano para sa kasal na iyon ang pinag-isipan niya nang husto. Tinawagan ni Jenna ang mga dapat tawagan pero matapos ang ilang tawag ay tumigil siya. Hindi magawang ibaling ang buong atensyon sa mga kausap. Nahahati ang isip niya sa kung ano ang isusuot niya sa dinner date nila ni Jaime. At aaminin niya, mayroon din siyang pangamba na baka sa wala lang mauwi ang preparasyong ginagawa niya. Maaaring may truce na nga sila ni Jaime pero hindi ibig sabihin niyon na hindi na ito titigil sa paggawa ng paraan upang sirain ang kasal ng mismong kapatid. Of course, hindi naman siya papayag na mangyari iyon. At bagaman hindi pa niya ganap na kilala si Jaime, parang naniniwala na rin siyang magagawa nga nitong sirain ang lahat ng preparasyon para lamang mangyari ang gusto nito. Higit sa pangamba ay nangibabaw ang excitement niya para sa date nila. Nasisiraan na siguro siya dahil pati sariling propesyunalismo ay tila tinatalikuran na niya sa sandaling iyon. Mas pinaiiral niya ang atraksyong nadarama kay Jaime gayong maituturing pa rin niya itong kalaban hangga’t hindi siya nakakatiyak na hindi nga nito sisirain ang kasal na hawak niya. “Ma’am, nandiyan na po ang invitation ni Mary Grace. Na-check ko na po. Pulido at walang mali sa mga detalye,” sabi sa kanya ni Noemi nang sumungaw ito sa office niya. “Good. Ako na ang mismong magdadala niyang kay Mary Grace bukas.” “Ma’am, kung ipa-deliver na lang natin kay Gardo? Sira ang kotse ninyo, di ba?” Nabanggit niya kay Noemi kaninang naka-taxi siyang dumating na nagkaproblema ang kotse niya. “Pero magagawa naman iyon. Ako na lang dahil may pag-uusapan din kami ni Mary Grace.” Nang umalis si Noemi, naisipan niya tuloy na tumawag muli sa talyer upang kompirmahin ang mabilis na pag-aayos ng sasakyan niya. “Ipinababa ko na ang makina, Jenna,” sagot sa kanya ni Mang Bert. “Ho?” gulat na gulat na react niya. “Di ba’t matagal ho bago ma-overhaul ang makina? Kailangan ko pa naman ho iyan bukas. Saka usapan natin kanina, ipapahila ninyo lang at aayusin ang sira. Hindi ko pa nga kayo nababayaran sa ginawa ninyong paghila.” “Oo nga. Pero wala ka nang dapat na alalahanin sa bayad. Bayad na. Katunayan, may malaking downpayment na ring iniwan sa akin kanina para sa pagpapa-overhaul ng makina. Ayusin ko nga raw ang dapat na ayusin sa kotse para wala ka nang sakit ng ulo kapag inilabas ito sa talyer. Ininspeksyon ko na ang buong kotse kanina. Palitin na rin pala ang upholstery at iyong body, may mga kupi na rin. Kung gusto mo, aayusin ko na nang husto. Hindi naman kita tatagain sa presyo lalo at ganitong malaki na agad ang iniwang pera ng kaibigan mo.” Sa haba ng sinabi ni Mang Bert, isa lang ang tumimo sa isip niya. At hindi na rin siya kailangang magtanong kung sino ang tinutukoy nitong “kaibigan” niya. Halos maningkit ang mga matang tumuon ang tingin niya sa isang pasong bulaklak ng mga rosas na nananatili pa rin sa kanyang mesa. Truce pala, ha? Bakit pinakialaman ni Jaime ang desisyon niya sa kotse niya? “Mang Bert, huwag ho ninyo munang galawin ang kotse,” nagtitimpi ang ngitngit na sabi niya. “Hintayin ninyo ho uli ang tawag ko.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD