EKSAKTO alas otso ng umaga ay bumaba si Jenna. Kakaunti lang ang tulog niya. Kung namamahay siya o may iba pang dahilan, ayaw na niyang pag-isipan pa. Maayos na ang gayak niya. Dala na rin niya ang mga personal niyang gamit. Balak niyang pagkatapos ng almusal at ilang sandaling pakikipagkuwentuhan ay magpapaalam na rin siya kay Mrs. Plamenco. Wala na siyang nakikitang dahilan para magtagal pa roon. Ia pa ay mag-aasikaso din siya ng trabaho niya.
Palapit sa komedor ay napatda siya. Hindi lang isang tao ang naghihintay sa kanya roon. Nakadulog din doon ang lalaking laman ng balintataw niya bago siya ganap na nakatulog kani-kanina lang.
“Good morning, hija,” masayang bati sa kanya ni Mrs. Plamenco. “Akala ko’y napasarap ang tulog mo at hindi ka muna bababa.”
“Good morning din po,” tugon niya dito at ni hindi sinulyapan si Jaime. “Nangako po ako sa inyo na sasaluhan ko kayo sa almusal.”
“Oo nga. Ano ba iyang bitbit mo? Ibaba mo muna.”
“Personal pong gamit. Palagi naman po akong may baong ganito sa kotse.”
“Ah,” sabi lang nito. “By the way, nagkakilala na ba kayo nitong anak ko? Si Jaime, ang aking panganay. Hijo, siya naman si Jenna, ang sinasabi ko sa iyong event planner na humawak ng party kagabi. Siya rin ang nag-aasikaso ng kasal ni Mary Grace. I’m so thankful we have her. Kulang nalang ay atakehin ako sa puso dahil sa tensyon kagabi. We owe a lot to Jenna.”
Wala siyang choice kundi ang igawi ang tingin kay Jaime na katapat niya ang inookupang silya. “Hello, good morning,” kaswal na bati niya.
“Ikaw pala si Jenna,” walang tonong wika naman nito sa kanya. Pero alam niya, sa pamamagitan ng mga titig nito ay may kakaibang mensahe itong pinapadala sa kanya. “Mama, siya pala ang guest natin kagabi?” At minsan pa ay sumulyap ito sa kanya na mas makahulugan. Na tila ipinapaalala nito sa kanya na nahuli siya nitong nakatanghod dito kagabi habang naglulunoy ito sa pool.
“Yes, I invited her to spend the night here. Masyado na siyang napagod kagabi para magbiyahe pa pauwi sa kanila. Isa pa, gusto kong may makasalo ngayon sa almusal. And I guess I’m lucky today. Dalawa pa kayong kasalo ko ngayon,” puno ng kasiyahang sabi nito.
Masarap ang nakahaing almusal pero hindi magawang kumain nang mabuti ni Jenna. Ilang na ilang siya. At naiinis siya dahil sa paniwala niya ay hindi siya dapat na makadama ng pagkailang kapag ganitong ang kaharap niya ay isang taong arogante.
Pero makakapagkaila ba siyang iyon mismo ang nararamdaman niya? Ni hindi nga niya magawang tumingin sa gawi nito. At alam din niyang hindi iyon dahil sa umiiwas lang siya ng tingin.
Ipinagpasalamat na lang niyang makuwento si Mrs. Plamenco. Kung hindi man siya makakain nang matino ay hindi na nito napapansin. Mas excited itong sabihin ang mga plano para sa kasal ni Mary Grace, na para bang wala siyang ideya tungkol doon samantalang siya nga itong mismong wedding planner.
Mahigit isang oras silang nasa mesa ay mahigit isang oras din na halos hindi mapakali sa upuan si Jenna. Anhin na lang niya ay tumayo na at umalis. At nang makakita nga siya ng pagkakataon, hindi na siya nag-atubili pang magpaalam.
“Ayaw ko man ay hindi na kita pipigilin, Jenna,” magiliw na wika sa kanya ni Mrs. Plamenco. Masaya na akong pinagbigyan mo ako. Sana sa susunod na pagkakataong imbitahan kita dito ay hindi ako mapahiya uli.”
Ngumiti siya dito. “Basta po wala akong natanguang appointment, wala po kayong dapat na ipag-alala.”
“SIGURADO ka bang hindi ititirik ng kotse mong iyan?”
Nagulat si Jenna sa tinig na iyon. Bagaman kilala na niya kung sino ang nagmamay-ari ng tinig na iyon, ikinagulat talaga niya na sinundan pa siya nito sa garahe. Subalit nang lingunin niya ito, hindi ang pagkagulat ang hinayaan niyang mabasa nito sa mukha niya. Sa halip, ipinakita niya ritong hindi niya nagustuhan ang narinig.
“Kung concern ang ibig sabihin ng sinabi mo ay salamat kahit na nga ba hindi ko naman kailangan ng concern mo. Pero kung nang-iinsulto ka, mas lalo namang hindi ko kailangan ng insulto,” iritableng wika niya. Itinuon niya ang pansin sa pagbubukas ng kotse. Na mukhang ipinagkakanulo naman siya sapagkat tila umipit pa ang lock nito at ilang beses pang kinailangan niyang pihitin bago iyon bumukas.
“Isa lang naman ang ibig kong sabihin, Jenna,” kaswal na sabi nito. “Kung tinatanggap mo ba naman ang alok ko, di kahit na dalawang bagong-bagong sasakyan, makakabili ka at tiyak na malaki pa ang sukli mo. Hindi ka pa rin ba nagbabago ng isip? Mas madaling maging praktikal kaysa panindigan mo ang nasabi mo na. Come on, hindi naman nakakamatay ang pagbawi ng salita. I won’t take it against you. Ikakatuwa ko pa nga.”
Umismid siya. “Hindi lahat ng bagay ay nabibili ng pera.” At inirapan niya ito bago sumakay sa kotse.
At kagaya ng pagtataray niya, sa wari ay hindi nito ininda ang pag-irap niya. Lumapit pa ito at dumukwang sa bintana ng kanyang kotse.
“I know. Pero alam ko rin na karamihan sa mga bagay ay natatapatan ng pera,” kumpiyansang sabi nito. “Think about it, Jenna, go to my side. Hindi ko ipapaalam kina Mary Grace at Mama na sa akin ka kampi. This will be our little secret.”
“Secret?!” bulalas niya. “Puwede bang maging sikreto ang pagkaunsyami ng isang kasal? Ang pagtalikod ko sa isang notaryadong kontrata?”
Ngumiti ito na parang nang-aakit sa kanya. “Let me buy out that contract. At titiyakin ko sa iyong hindi mababago ang pagtingin sa iyo ng kapatid ko at ina. I saw it, magkakasundo kayong tatlo. At hindi naman ako napakabrutal na tao para sirain ang magandang samahang nakikita ko sa inyo. Maraming ibang paraan para hindi nila malaman na ibinenta mo ang kontrata sa akin. Sa akin nila ibubunton ang sisi kapag walang kasalang naganap. At handa na ako doon.”
Tumawa siya nang mapakla. “Kung magsalita ka’y para bang isa kang kandidato sa pagkasanto. Pero hindi gawain ng isang santo iyang nasa isip mo. Sorry, Mister dela Merced. Hindi ang ganyang anyo ang una mong ipinakita sa akin. At sabi nga ng iba, first impression lasts.” Ibinaling na niya ang atensyon sa kanyang sasakyan. Pinihit niya ang ignition pero sa kamalas-malasang pagkakataon ay ngayon pa muling nagloko ang kanyang makina. Isang pagpugak ang ingay na nilikha niyon. “s**t!” mahina ngunit mariing sambit niya at napukpok ng gilid ng palad ang manibela.
“See?” tila nakakaloko namang sabi ni Jaime. Ang anyo ay walang iniwan sa isang batang tuwang-tuwa na nakalamang sa kalaro. “Tanggapin mo na ang alok ko, Jenna. Ni hipo ay hindi mo na gagawin sa bulok mong kotseng iyan pagkatapos. Ngayon din, kung papayag ka na sa gusto ko ay didiretso tayo sa bilihan ng kotse. Ituro mo ang gusto mo at babayaran ko agad para sa iyo.”
Isang higit na matalim na irap ang ipinukol niya dito bago hinagilap ang kanyang cellphone. Hinanap niya sa phonebook niyon ang numero ng talyer na madalas niyang pagdalhan ng kanyang kotse. Nang makita ay mabilis niyang pinindot ang Call button.
“Hello, Mang Bert?” sabi niya agad nang mabosesan ang may-ari. “Si Jenna ito. Puwede bang magpadala ka ng tao mo dito? Nagloko ang kotse, eh,” kaswal na sabi niya bagaman ang totoo, kung posible lang ay gusto sana niyang may sumulpot nang mekaniko doon at ora mismo din ay maiayos ang problema ng kanyang makina. Hindi niya alam kung hanggang kailan siya makakatagal na parang hanip na pumepeste sa kanya ang presensya ni Jaime na ilang dangkal lang ang layo sa kanya.
“Okupado ang lahat ng tao ko, Jenna,” narinig niyang sagot ng lalaki. “Nasaan ka ba? Kung gusto mo, magpapapunta na lang ako ng hihila diyan at dito na lang tingnan ang kotse. Sabi ko naman sa iyo nang huli mo iyang dinala dito, dapat na talagang iwan mo muna iyan dito para maikumpuni ang mga dapat na ayusin.”
Nanlumo siya. Ibig sabihin ay mapapamahal pa ang gastos niya kung ipapahila pa ang sasakyan imbes na pupuntahan na lang iyon ng mekaniko at gagawin ang anumang sira niyon. Pero ano ba ang magagawa niya? Maliban sa patakbuhin iyon ay wala na siyang iba pang alam tungkol sa sasakyan.
“Sige ho, Mang Bert. Ipahila ninyo na lang ho.” At ibinigay niya ang kumpletong address.
“Exclusive village pala iyan,” sabi nito mayamaya. “Baka hindi makapasok ang hihila. Tumawag ka sa gate guard para maabisuhan na sila.”
“Oho. Ako nang bahala. Basta pakibilisan na lang ho ang pagpapahila ninyo. May lakad pa ho kasi ako.”
“May ibang sasakyan sa garahe. Kung talagang kailangan mo ay gamitin mo muna,” wika ni Jaime eksaktong patayin niya ang telepono.
Nagulat siya. Para bang sinsero ito sa ginawang pag-alok. Pero alam din naman niyang mas lalo siyang bubuwisitin nito sa talagang pakay nito sa kanya kapag tinanggap niya iyon.
“No, thanks. Baka mag-taxi na lang ako.”
“Na parang may nakakapasok na taxi sa lugar na ito. I’m very sorry to tell you, lady. Bawal pumasok ang taxi sa lugar na ito kung hindi rin lang listed resident ang pasahero ng taxi. Pero kung desidido kang mag-taxi, puwede kang maglakad hanggang gate. Iyon naman ay kung handa kang sumakit ang ulo sa tindi ng sikat ng araw.”
Isang eksaheradong ngiti ang ibinigay niya dito. “Hindi naman ako wax para matakot masikatan ng araw.” At dinukwang niya ang back seat at isang mahabang payong ang inabot niya doon. “Excuse me,” baling niyang muli kay Jaime.
“At maglalakad ka nga?” tila hindi makapaniwalang sabi nito habang umaatras upang mabigyang puwang siyang ibukas ang pinto ng kotse.
“Bakit hindi? Kung wala nang ibang pagpipilian.” Nilampasan niya ito at bumalik sa kusina. Ang mayordoma ang nakita niya doon. At gaya nina Mary Grace at Mrs. Plamenco, magiliw din naman ang trato sa kanya ni Manang Belen.
“Nariyan ka pa pala,” wika nito sa kanya. “Kagigising lang ni Mary Grace, hinahanap ka nga. Akala ko’y nakaaalis ka na.”
“Nasira po ang kotse ko. Ipapakiusap ko po sana sa inyo na pakiabisuhan ang mga guwardiya sa gate nitong village para makapasok iyong hihila ng kotse. Si Mary Grace po?”
“Umakyat na at matutulog na lang daw uli. Siya, ako nang bahalang makipag-usap sa mga guwardiya. Teka, paano ka? Aalis ka na rin ba o hihintayin mong dumating ang hihila ng kotse mo?”
“Aalis na rin ho ako. Iiwan ko na lang din ho sa inyo itong susi ng kotse.”
“Pero walang taxi na nakakapasok dito,” anito habang ipinapamulsa ang susi na inabot niya.
Tumango siya. “Nabanggit nga ho si Jaime,” kaswal na sabi niya. “Okay lang ho. Girl scout naman ako. Magpapayong na lang ako habang naglalakad. Sige po, manang, bahala na muna kayo sa kotse ko. Tatawag na lang ho ako dito mamaya. Pasensya na din ho sa abala. Salamat ho.”