9

1663 Words
NATAPOS ang party na wala nang iba pang aberyang nangyari. Nakahinga na nang maluwag si Jenna. Bagaman tumagal kaysa sa napag-usapang oras ang party ay wala siyang reklamo. Halos madaling-araw na nang matapos ang pagliligpit ng mga gamit pero hindi niya iniwan ang mga tauhan kahit may mga assistant naman siyang mapagkakatiwalaang mamahala doon. Masiglang-masigla pa rin ang pakiramdam niya. She knew why. Nakalagpas siya sa isang maituturing na krisis sa kredibilidad niya at ng kumpanya. “Ma’am Jenna, ipinapatawag po kayo ni Senyora Divina. Tumuloy na daw po kayo sa library,” lapit sa kanya ng isang unipormadong katulong. “Iyon pong pinto sa kanan sa pagitan ng dining room at sala.” “Sige, susunod na ako,” tugon niya dito at bumaling sa assistant. “Noemi, ikaw na muna ang bahala sa kanila. Bayad na ang serbisyo nila for the night. Iyong sa over time nila, ipapadala na lang natin bukas.” Napangiti si Noemi. “I’m sure, mayroon pa itong kasunod na trabaho. Impressed ag mga bisita sa event natin. Sige, Ma’am, ako nang bahala dito. Yakang-yaka!” Tumango siya at tumalikod na. Pagdating sa paghahati ng tip ng hindi siya maramot. Gaano man kaliit o kalaki ang ibinibigay na tip ng kanyang kliyente, hinahati niya iyon para sa lahat ng nagtrabaho sa party kahit na nga ba hindi na lugi ang mga ito sa talagang bayad na ibinibigay niya sa mga ito. Ang katwiran niya, pare-pareho naman silang kumilos upang maging matagumpay ang isang okasyon. Nagbigay siya ng warning knock at nang marinig ang tinig ni Mrs. Plamenco ay itinulak na niya ang nakabukas namang pinto. “Halika, hija, maupo ka,” nakangiting sabi nito sa kanya. Nakaupo ito sa kabila ng malapad na executive desk kaya naman sa silyang katapat niyon siya naupo. “Gusto kong magpasalamat sa iyo. Kung hindi dahil sa iyo, tiyak na nauwi sa disaster ang party na ito. Hindi ko alam kung ano ang sinabi mo kay Mary Grace, pero ang importante ay bumaba siyang muli at natuloy din ang announcement ng kanilang engagement.” “Nagpaliwanag lang po ako nang kaunti,” humble na sabi niya. “I’m glad na nakinig siya sa iyo.” At isang sobre ang inilabas nito buhat sa drawer ng mesa. “You deserve this. Pasensya ka na kung hindi ka na naharap ni Mary Grace. Nang matapos ang party ay umakyat na siya sa kanyang silid. I guess, naibuhos niya ang mga kinikimkim pang sama ng loob sa alak kaya naman lahat ng kaibigan niyang mag-alok sa kanya na uminom ay hindi niya tinanggihan.” “Okay lang po. Naiintindihan ko naman po. Ang importante ay naging successful itong party.” Nanatiling nakapatong sa kanyang kandungan ang kanyang mga kamay. Nasa ibaba ng mesa ang sobre subalit hindi pa niya iyon agad na inabot. Ayaw naman niyang magmukhang gahaman sa pagtanggap niyon. “At malaki ang nagawa mo sa success na iyon.” Dinampot ng babae ang sobre at inilapit sa kanya. “Tanggapin mo ito, Jenna. And I promise you, pagkatapos ng kasal ni Mary Grace few months from now ay mas malaking bonus ang ibibigay ko sa iyo.” Nang mahawakan niya ang sobre at masilip ang laman niyon ay totoong nagulat siya sa halagang naroroon. Hindi niya iyon bilang pero sa kapal ng one thousand peso-bills na naroroon ay alam niyang labis-labis ang halagang iyon bilang tip. “Ma’am, napakalaking halaga naman po nito,” aniya dito. Nagkibit lang ito ng balikat. “Balewala iyan para sa mga ginawa mo, Jenna. Please accept it.” “S-salamat po,” sabi na lang niya. “By the way, saan ka ba umuuwi?” “Sa Commonwealth po.” “Medyo malayo iyon dito. Magamamaneho ka pa samantalang pagod ka na at puyat. Dito ka na kaya matulog? Yeah, right. Alanganing oras na rin ng gabi. Magpahinga ka na kesa sa magbiyahe pa.” “Hindi na po. Nakakahiya.” “Ano bang nakakahiya? Sige na, hija, dito ka na matulog. Wala ka naman yatang gagawin bukas ng umaga. Mainam nga at nang may makasalo ako sa almusal. Pinakamaagang bangon ni Mary Grace ang alas onse kapag ganyang nakainom siya. Si Jaime naman, madalas kaysa hindi ay nakaalis na paggising ko. Hindi naman iyon napipirmi dito sa bahay. Please, hija, huwag mo na akong tanggihan.” Napakabait na kausap nito kaya naman hindi na siya nakatanggi pa. “S-sige po, kung iyon ang gusto ninyo.” Napangiti ito. “Nabanggit ni Mary Grace kanina na ipinagamit niya sa iyo ang isang guest room. Iyon na rin ang gamitin mo. And I suggest na magpahinga na tayo pareho. Okay lang ba sa iyo ang oras na alas otso para sa almusal?” Tumango siya. “Maaga naman po akong nagigising.” “See you then, hija. At maraming salamat uli.” Magkasabay na silang lumabas sa library. Pero bago siya tumuloy sa guest room ay binalikan niya muna si Noemi. Tapos na ring magligpit ang mga ito at sa wari ay hinihintay na lamang siya. “Ano, Ma’am, naka-tip ba tayo?” sabi nito sa kanya. Maluwang ang naging ngiti niya. “Yes. Bukas ng hapon ay ibibigay ko ang share ninyo. Sige na, magpahinga na tayong pare-pareho.” “Wow! Ang sarap tiyak ng magiging tulog ko. Imagine, paggising ko, mayroon na ako agad pera,” natutuwang sabi nito. “Kaya nga magpahinga na tayo. After lunch na tayo magbubukas ng Perfect Wedding tutal wala naman tayong naka-schedule na meeting sa kliyente. Teka nga pala, Noemi, saan ka sasakay pauwi?” “Diyan sa van ni Ma’am Samantha. Kausap ko na ang driver. Makikisakay na lang ako tutal on the way naman sila sa inuuwian ko.” “Sige, mag-iingat kayo.” DALA ANG overnight bag ay umakyat na rin si Jenna sa guest room. Palagi siyang ready sa mga ganitong di-inaasahang pagpapalipas ng gabi sa ibang lugar kaya naman may baon siyang personal na gamit sa kotse. Mabilis siyang naglinis ng katawan at naghanda sa pagtulog. Subalit ilang minuto na siyang nakahiga ay hindi pa rin siya dalawin ng antok. Nakakapagtaka sapagkat pagod siya at dapat sana, paglapat pa lang ng katawan niya sa kama ay makatulog na siya. Bumangon siya at hinawi ang mga kurtina. Presko naman ang hanging pumapasok sa bintana kaya hindi niya kailangang paandarin ang aircon. Pabalik na siya sa kama nang makarinig ng malakas na galaw ng tubig ng pool. Tila mayroong nag-dive doon. Dulo lang ng swimming pool ang natatanaw niya pero mayamaya ay nakatanaw siya ng isang bulto na tila bihasang-bihasa ang paggalaw sa tubig. Hindi siya eksperto sa paglangoy pero alam niyang kilatisin ang magaling lumangoy dahil sa hilig niyang manood ng mga swimming competition. Nang makaabot sa dulo ang bultong iyon ay tila walang anuman na nakabuwelta ito at kumampay muli ang mga paa’t kamay. Hindi umalis si Jenna sa kinatatayuan. Isang magandang panoorin sa kanya ang pagmasdan ang mahusay na paglangoy niyon. At hindi nga siya nainip at bumalik muli iyon. This time, the man was making a floating style. Nagkaroon siya ng pagkakataon na pagmasdan ang kabuuan nito. Sa kinatatayuan niya ay hindi nakaligtas sa kanya ang magandang hubog ng mga binti at hita nito. Siksik iyon sa laman at walang nagkimpal na taba bunga marahil nang madalas na paglangoy nito. He was wearing a skimpy trunks. Tila maliit na triyanggulo lamang iyon na tumatakip sa kaselanan nito. Her throat went dry. Tila namamagneto siya ng bahaging iyon. Inilipat niya ang tingin at pinagmasdan ang pipis nitong tiyan. Maging ang dibdib nito at mga braso ay maganda rin. Kahit saan yatang parte ng katawan nito ay siksik na laman ang makikita niya. And then she focused on his face. Ilang segundo na basta lang nakapako ang tingin niya sa mukhang iyon. At pagkuwa ay lumapat ang kanyang mga labi. Of course it was Jaime. Bakit ba hindi niya agad naisip iyon? Napapitlag siya sa biglang paglabusaw ng tubig. Parang nanlaki pa ang mga mata niya nang matantong hindi na ito nagpapalutang sa tubig. In fact, nilalangoy na nito ang patungo sa gilid ng pool. At nang umahon ito, lalo siyang nagkaroon ng pagkakataon na pagmasdan pa ito. Sa wari ay nililok ng ekspertong eskultor ang hubog nito. At minsan pa ay tila nanuyo ang kanyang lalamunan at nakadama siya ng alinsangan. “Hey!” Napaawang ang mga labi ni Jenna. Na-realize niyang sa kanya inuukol ang pagtawag na iyon. They met eye to eye. At ganoon na lamang ang nadama niyang paggapang ng init sa buong mukha niya. Tila napahiya sa sarili na lumayo siya sa tapat ng bintana at bumalik sa kama. Subalit ituon man niya ang tingin sa kisame, ang higit na nabubuo sa balintataw niya ay ang magandang bultong pinagmasdan niya kanina. It was ironic. Umpisa pa lang ay may nabuo na siyang disgusto sa aroganteng lalaking iyon pero bakit tila nagkaroon pa siya ng atraksyon dito ngayon? Malamang ay itinanggi lamang ng conscious mind niya kung sino ang nagmamay-ari ng katawang pinanood niya kanina but her subconscious mind knew better. At isa pang bumagabag sa kanya ay ang pagkakahuli nito sa kanya. Tiyak na iisipin nitong sinisilipan niya ito. In a way it was true. Dahil wala naman itong kamalay-malay na nanonood siya dito. Pero nais din niya depensahan ang sarili. Nasa open space ang swimming pool. Kaya hindi rin naman siya dapat na maakusahang sinisilipan niya ito. Lalo nang naging mailap ang antok kay Jenna. Magkasalit na gumugulo sa kanyang isip ang atraksyong bigla na lamang nadama para kay Jaime at ganoon din ang tila takot kung paanong haharapin ito kinabukasan. Pero nilabanan niyang pareho ang bagabag na iyon. Wala namang batas na nagbabawal na humanga sa isang taong kinaiinisan. At gusto rin niyang isipin na mas malaki ang posibilidad ng sinabi ni Mrs. Plamenco. Na malamang ay nakaalis na bukas si Jaime at pagbangon niya upang pagbigyang saluhan sa almusal ang babae ay nakaalis na ito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD