“YOU’RE so cruel, Kuya!” walang abog na sigaw ni Mary Grace kay Jaime.
Subalit hindi siya nagpakita ng pagkagulat. Kalmanteng pumihit siya at nilingon ang kapatid na tila bagong panganak na leong susugod sa kanya. Pero hindi siya natigatig. Kilala niya si Mary Grace. Kaysa manakit ay mag-iiiyak lamang ito. At tama nga siya. Bago ito ganap na nakalapit sa kanya ay tumutulo na ang luha nito.
“Why the tears?” kaswal na tanong niya.
“H-hindi mo ba ako kayang pagbigyan?” garalgal ang tinig na wika nito. “I need you, Kuya. Huwag mo naman akong tiisin nang ganito. Kumpleto na ang mga bisita sa ibaba. Kahit ang mga magulang ni Jason ay dumating na rin. Ikaw na lang ang kulang.”
“What does my presence make?”
“Kuya?!” tila maiiyak pang singhap nito. “Hindi mo na dapat tinatanong sa akin iyan. Bukod sa kapatid ay ikaw na ang parang tatay ko. You should be downstairs. Katabi ka dapat ni Mama sa pag-a-announce ng engagement namin. Kasama kita dapat. I need your presence there.”
“Nakapamanhikan na, hindi ba? Hindi ako humarap sa pamamanhikan. Tapos na ang plano ng pagpapakasal ninyo. In fact, wala nang kuwenta ang pagbibigay ng engagement party na iyan maliban sa pag-aaksaya ng pera. Ng mismong pera mo, Mary Grace!” Hindi nakapagpigil na nagtaas siya ng tinig.
Tila biglang huminto sa pagdaloy ang mga luha nito at tigagal na tumingin sa kanya.
“Huwag mo akong tingnan na tila takang-taka ka. Alam mo hanggang sa mga sandaling ito ay ako ang may hawak sa mas marami sa account mo. At nagkamali kang ang ginalaw mong account ay iyong hawak ko. Hindi birong pera ang inilabas mo para sa party na iyan, Mary Grace. Bakit ikaw? Bakit hindi ang lalaking iyon ang gumasta?”
“This… this is not our ancestor’s era!” nangangapa ngunit may depensang sagot nito. “Napagkasunduan na namin ni Jason na maghati sa lahat ng gastos. Malaki na ang nagagasta niya para sa kasal namin. Ako ang mismong may gusto na sumagot sa gastusin ng party na ito tutal mas marami naman sa mga imbitado ay kaibigan ko.”
“Siyanga?” may galit na wika niya. “At paano mo ipapaliwanag sa akin ang mga tseke na inisyu mo kay Jenna Enriquez? I heard, nakipagkasundo ka na sa wedding planner na iyon. Package deal para sa lahat ng kakailanganin sa kasal mo. At hindi birong pera ang ibinayad mo sa downpayment pa lang.”
“Pera ko iyon! Sariling account ko iyon! Galing iyon sa suweldo ko!”
“Sinabi ko bang hindi? Nakalimutan mo na bang dalawang bangko lang ang pinagmumulan ng account mo? At sa magkaparehong bangko na iyon ay mayroon akong malaking share of stocks. I could pull some strings at masisilip ko ang mismong galaw ng pera ng sarili kong kapatid.”
“That’s against the bank secrecy law!”
“Yes. Go ahead, sampahan mo ako ng kaso,” hamon niya dito.
Hindi ito nakakibo at nag-iiyak na naman.
“Stop crying, Mary Grace. Ayusin mo ang sarili mo at bumaba ka na. Bisita mo ang mga iyon kaya harapin mo sila. I’ll stay here. Huwag mo na akong pilitin dahil magsasayang ka lang ng pagod.”
Pinukol siya nito ng galit na galit na tingin. “I hate you!” At halos tumakbo itong lumabas ng silid.
Bata pa si Mary Grace ay madalas na siyang sabihan nito ng salitang iyon. Madalas ay kapag hindi niya maibigay ang gusto nito halimbawang naglalambing ito na ibili niya ng kung anu-ano at hindi niya nagawa dahil sa sobrang abala niya sa kumpanya. Gustong isipin ngayon ni Jaime na ganoon pa rin kababaw ang dahilan kung bakit nasabi nitong muli ang mga salitang iyon.
“MAUUBUSAN na ako ng sasabihin,” sabi ni Haidee nang lumapit kay Jenna. “The crowd is getting bored. Kahit na nakakanta na si Sydney ay kitang-kita ko sa mga bisita na naiinip na sila. They are all waiting for the main event. Nasaan sila?”
“Kanina ko pa nga hinahanap si Mary Grace,” sagot niya. “Tinatanong ko si Jason kaso sa akin din hinahanap ang babaeng iyon.” Ayaw man ay nakadarama na siya ng panic. Hindi siya kumportable na ganito. Sanay siyang nasa kamay niya ang kontrol sa tagumpay ng isang party. Anumang kapalpakan, kasalanan man niya o hindi ay alam niyang magre-reflect iyon sa reputasyon ng Perfect Wedding.
“I guess she’s in the attic,” lapit sa kanila ni Mrs. Divina Plamenco. Napakaganda nito sa kabila ng edad pero mababasa din doon ang labis na pag-aalala sa kaganapan. “Karaniwan nang doon nagmumukmok ang batang iyon.”
“Bakit naman ho siya magmumukmok?” baling niya dito.
“Nagtatampo siya sa kuya niya. Pinakiusapan ko na si Jaime na bumaba kahit na sa pag-aanunsyo man lang ng engagement nila pero hindi ako pinagbigyan ng panganay ko.” Napabuntong-hininga ito. “This is wrong timing pero umiiral ngayon ang pagkaisip-bata ni Mary Grace. After all, she’s only nineteen. Kapag nagtatampo siya ay para ding noong maliit pa siya. Pipiliin niyang mapag-isa at wala siyang pakialam kung iwan man niya ang ganitong okasyon.”
“May mga bisita pong naghihintay para sa announcement,” banayad subalit may itinatagong panic na wika niya. “Sinubukan ninyo na po bang kausapin si Mary Grace? Sayang naman po ang party kung hindi matutuloy ang announcement lalo na’t iyon pa naman ang inaabangan ng lahat ng bisita.”
Napatango ito. “At isang malaking kahihiyan kung walang announcement na mangyayari. But I know my daughter well. Wala siyang pakialam sa sasabihin ng iba. In fact, hindi siya makikipag-usap kahit na kanino maliban na lamang sa taong hinihintay niyang pagbigyan siya.”
No, hindi maaari iyon. Mabilis na nag-isip si Jenna. “Ma’am, okay lang po ba sa inyo kung subukan ko siyang kausapin?”
Mabilis din itong tumango. “Go ahead, hija. Kaibigan na rin ang turing sa iyo ng anak ko. Sana nga ay makinig sa iyo. Sa dulong pasilyo ng second floor nitong bahay ang hagdanan patungo sa attic. You won’t miss it. Nag-iisa lang ang pintong iyon kapag naakyat mo ang hagdan.”
“Thank you, Ma’am.” At bumaling na siya kay Haidee. “Please handle the crowd, Haidee. Pakantahin mo uli si Sydney, ako na ang bahala sa extra pay niya.” Saglit niyang nilingon si Mrs. Plamenco at tinungo na ang daan patungon attic.
Habang nagmamadali ang mga hakbang ay parang nag-uunahan din ang pagbuo ng scenario sa balintataw niya. She had handled numerous events, most of them weddings. Hindi ito ang kauna-unahang pagkakataon na nagkaroon ng aberya. Tila baptism of fire nga noon sa kanya ang isang kasal na nag-away ang bride and groom at muntik nang walang matuloy na kasalan.
Pero nalampasan niya iyon. The wedding turned all right at ganoon na lang ang paghinga niya nang maluwag nang matapos ang okasyon.
Subalit mas ramdam niya ngayon ang labis na concern kay Mary Grace. Of course, concerned pa rin siya sa sariling repustasyon bilang wedding and event planner pero isinasaalang-alang din niya ang damdamin ni Mary Grace. She had become special to her. Hindi nga lang niya alam kung iyon ay dahil sa pagpunta sa kanya ni Jaime upang alukin siya ng maraming pera para sirain ang kasal ng sariling kapatid.
Mas nanaig ang simpatya niya kay Mary Grace, sabihin pa.
Saglit siyang napahinto nang nasa pamilyar nang pasilyo sa ikalawang palapag ng bahay. Pero ipinaalala niya sa sariling hindi siya dapat na mag-aksaya ng panahon. Humakbang siya at nilampasan ang hilera ng mga pinto doon.
Sa pinakadulo ay mayroong isang pinto na tila mas malapad kaysa mga nalampasan niya. Bahagya ring nakabukas iyon. Naganyak siyang sumilip. Higit na malaki ang silid. Nadodominahan ng kulay asul ang mga gamit. At sa isa pang pinto na natanaw niya ay nakita niyang isang lalaki ang nakaupo paharap sa verandah.
Si Jaime.
Hindi niya matukoy kung ano ang ekasktong nararamdaman niya nang mga sandaling iyon. Tila kalmadong-kalmado ang lalaking iyon sa pagkakaupo nito. At dahil doon, para sumubo ang isang galit sa dibdib niya.
Alam kaya ng lalaking ito na halos magkagulo na sa ibaba dahil sa kagagawan nito?
Of course, she bet. Hindi nga ba’t ang masira ang relasyon nina Mary Grace at Jason ang gusto nito. Baka nga tuwang-tuwa pa ito ngayon sa nangyayari.
May isang segundo na ninais niyang itulak nang malakas ang nakaawang na pinto at sugurin ito. Subalit agad din siyang nakapagpigil. She would deal with him later, pangako niya sa sarili. Luminga siya at hinanap ang hagdang patungo sa attic.
Madilim ang silid na pinangahasan niyang buksan. Alam niyang may tao doon sapagkat sumigid sa balat niya ang lamig ng gumaganang aircon. Kinapa niya ang switch ng ilaw at pinindot iyon.
Hinaplos ng awa ang dibdib ni Jenna nang madatnan si Mary Grace na nakasiksik sa isang sulok ng attic. Kundi lamang sa itsura nito na mugto ang mga mata at basa ng luha ang buong mukha ay malamang na higit niyang mabigyan ng pansin ang malaking attic na isa palang entertainment room na puno ng state of the art audio and video system at malalaking throw pillows at bean bag na nagsisilbing upuan sa silid na iyon.
“Mary Grace,” banayad na tawag niya dito.
Tumingin lang ito sa kanya at mayamaya ay ibinaling ang tingin sa carpeted na sahig. Tahimik na nagpatuloy ito sa pag-iyak.
“Maraming mga bisita sa ibaba. Naghihintay sila sa iyo,” diplomatikong sabi niya dito.
Tila walang narinig ang babae at nanatiling nakapako ang tingin nito sa sahig.
Pero walang balak na sumuko si Jenna. Hindi siya titigil hangga’t hindi nakukumbinse si Mary Grace na tigilan ang pagmumukmok upang daluhan ang sarili nitong party.
“We can keep the party going, friend. Ang importante ay naroroon kayong dalawa ni Jason. Naroroon din ang mama mo at ang parents niya. Walang kaso kung kulang man ng isang tao. Maia-announce ninyo pa rin ang engagement ninyo.”
“Pero dapat ay naroroon din si Kuya,” maktol nito.
Lihim na napangiti si Jenna. At least, kumibo na ang kausap niya.
“Mahirap pilitin ang taong ayaw,” malumanay na sabi niya. “This is your night, Mary Grace. Huwag mong sirain ang magandang preparasyon para sa party na ito. Hayaan mo ang kuya mo kung ayaw niyang makisali. I’m sure, darating ang panahong pagsisisihan niya ang desisyon niyang magkulong na lang sa kanyang kuwarto kaysa makihalo sa kasiyahan sa ibaba. Come on, friend. Bumaba na tayo.”
Nag-angat ito ng tingin at mayamaya ay isang buntong-hininga ang pinakawalan nito. “Hinahanap ba nila ako?” she asked softly.
“Of course,” halos magdiwang na sabi niya. “Tara na. Ayusin mo sandali ang sarili mo. Few minutes from now, ia-announce ninyo ang engagement ninyo. You have to be very beautiful for that special moment.”
“Namumugto na ang mga mata ko.”
Gumuhit na ang ngiti sa mga labi ni Jenna. “Madali lang ang solusyon diyan. Maghilamos ka muna. Tutulungan kitang maglagay ng bagong make-up.”
Hindi na umalis sa attic si Mary Grace. Natuklasan niyang mayroon ding sariling CR ang kuwartong iyon. Nang maghilamos ito, hindi na siya nag-aksaya ng sandali. Nagpaalam siyang sasaglit sa guest room na ipinagamit sa kanya upang kunin doon ang makeup kit niya.
Pabalik na siyang muli sa attic nang mapasulyap na naman siya sa nakawang na pinto ng kuwarto ni Jaime. Saglit na nagtagis ang kanyang mga bagang. Pero may mga bagay na mas dapat na unahin. Mamaya na lamang niya ito haharapin.
Sa mabilis na kilos at ekspertong mga kamay ay nagawa niyang takpan ang pamumugto ng mga mata ni Mary Grace.
“Cheer up, girl. Take a deep breath. Hayaan, maganda ka na uli. Wear a confident smile at hindi na nila malalamang nag-e-exercise ka pala ng tear ducts mo nang wala sa panahon,” pag-e-encourage pa niya dito.
“Hindi na ba halatang galing ako sa pag-iyak?”
Umiling siya. “They wouldn’t have an idea.” At nginitian niya ito.