7

1563 Words
SAMPUNG minuto lampas ang alas siete ay lumabas ng banyo si Jenna. Hindi man niya plano ay naidlip din siya nang mahiga siya. Pero likas naman siyang mabilis na kumilos kaya nagawa niyang mag-shower pa. Hindi na niya tinuyo ang maikling buhok. Sa halip, binasa pa niya iyon ng hair mousse at sinuklay sa pamamagitan lamang ng daliri. Buhat nang magtrabaho siya bilang assistant noon ni Eve sa Romantic Events hanggang sa siya na ngayon ang humahawak ng Perfect Wedding, kinalimutan na niya ang pagpapahaba ng buhok. Bahagi iyon ng pagiging praktikal niya. Sayang ang mga minutong mauubos sa pagbo-blow dry ng mahabang buhok at pag-e-estilo niyon kung may iba pang mas importanteng bagay siyang dapat na harapin. In fact, nabubuhay na nga siya ngayon kahit walang suklay sa kanyang tabi. Paraanan lang niya ng daliri ang maigsi niyang buhok ay puwede na. Sa mabilis na kilos ay nagawa rin niyang maglagay ng make-up na tiyak niyang hindi naman magmumukhang minadali. Biyaya na sa kanya ang pagkakaroon ng makinis na kutis kaya’t manipis na compact powder lang at blush-on ay puwede na. Pero sa ganitong pang-gabing okasyon, naglagay din siya ng eyeliner at dark lipstick upang madagdagan ng drama ang kanyang anyo. Isinuot niya ang baong damit. Palagi naman iyong nasa back seat ng kanyang kotse. Her classic little black dress. Sleeveless iyon na diretso lamang ang tabas at hanggang ibabaw ng kanyang makikinis at mapuputing tuhod. Palagi din naman siyang may baong scarf at shawl kaya mamimili na lamang siya sa mga iyon kung alin ang gagamitin niya upang hindi naman magmukhang sobrang simple ang kanyang gayak. Meron din siyang dalawang klase ng kuwintas na pwede niyang pagpilian, depende sa babagayan na okasyon. Bago tuluyang lumabas ng silid, naganyak na rin siyang magwisik ng pabango. Naglalakad na siya sa pasilyo nang may umagaw na samyo sa kanyang pang-amoy. Saglit siyang napatigil sa paghakbang at sa wari ay sinundan ang trail ng amoy na iyon. Panlalaki ang pabangong naaamoy niya subalit suwabe naman iyon sa ilong. At sa minsan pang paglanghap niya, bigla ay naalala niya kung saan o kung kanino niya unang naamoy iyon. Kay Jaime. Napatda siya. Luminga siya sa pasilyo at hinanap kung saan maaaring manggaling ang amoy na iyon. At pagkuwa ay bumilis din ang kanyang naging paghakbang. Bigla ay parang kinatakutan niyang nasa paligid lamang si Jaime. Pero mayamaya din ay bumagal ang paggalaw ng kanyang mga paa. Naisip niyang ano ba ang dapat niyang ikatakot kung naroroon man si Jaime? Hindi naman trespassing sa mansyong iyon ang ginagawa niya. Hinanap niya agad ang kanyang staff. Tiniyak niyang areglado na ang lahat para sa party. Binigyan niya ng briefing ang mga waiter. Bagaman si Samantha ang may responsibilidad para sa catering staff nito, puwede rin naman siyang makialam lalo ngayon na hindi pa dumarating si Samantha. Kinausap din niya si Carol, ang kanyang florist na siyang kinumisyon niya upang mag-adorno ng mga bulaklak sa party. Kung tutuusin ay tapos na ang papel nito. Maayos nang nailagay ang mga flower arrangements sa mga dapat paglagyan. Pero kilala din naman niya si Carol na basta hindi rin lang nagmamadali ay hindi pa ito agad na umaalis upang makatulong din sa kanya kung kinakailangan. “Puwede ka nang lumibre kung gusto mo,” wika niya dito. “Maliit na party lang naman ito. Tiyak namang pagkatapos ng party, ilalagay lang sa sako ang mga iyan. Ako na ang bahalang mag-utos sa staff para isoli sa iyo ang mga flower stands.” “Sige, gusto ko ngang makauwi nang maaga. Bibiyahe ako bukas sa La Trinidad, eh. Mainam nga para maaga na akong makapahinga ngayon.” “Aano ka doon?” “Tumawag iyong tauhan ko doon. May problema sa flower farm namin. Wala naman tayong ibang okasyon this coming week kaya tamang-tama, puwedeng ilang araw muna ako doon para maiayos ang mga dapat solusyunan.” “Okay. Ingat ka sa biyahe.” Mayamaya ay si Haidee naman ang nilapitan niya. Ito ang emcee niya sa lahat ng okasyong hinahawakan ng Perfect Wedding. At bagaman hindi naman ito kasal, tiyak niyang kayang-kaya din ni Haidee na pasayahin ang naturang engagement party. “Where have you been? Kanina pa ako dito, sabi ng staff mo, bigla ka na lang nawala?” tanong agad nito sa kanya. “Namahinga lang ako sandali. Ano, kumain ka na ba? May food sa kitchen nitong bahay. Nakalaan iyon talaga para sa ating lahat,” aniya dito. Nakatawang tinaasan siya nito ng kilay. “Bihis na bihis ka, Jenna. Baka naman mamaya, sinosorpresa mo lang kami at para pala sa iyo ang engagement party na ito?” “Luka-luka! Mabuti pa, mag-prepare ka na. Teka, nasaan si Sydney? Nangako siya sa akin na kakanta ngayong gabi. Okay nga ang bayad sa kanya samantalang tatlong kanta lang naman ang gagawin niya.” “Ka-text ko siya kani-kanina lang. Papunta na daw dito. Alam mo naman iyon, may regular singing stint sa Sapphire Hotel. Nagpa-last set nga lang daw siya doon kasi nga sayang din naman ang kikitain niya dito. Don’t worry. Kilala mo naman si Sydney. Hindi siya nambibitin sa ere.” “Sabagay nga,” aniya at napansin niyang may dumarating nang mga bisita. “Haidee, alam mo na ang gagawin mo, ha? Makipag-coordinate ka na lang din doon sa may hawak ng sound system. Ang alam ko, kanina pa ready ang lahat pero baka may gusto kang sabihin sa kanila, ikaw nang bahala. I’ll look for Mary Grace.” “Okidok!” BAGAMAN hindi malakas ang dating ng tunog na nagmumula sa sound system ng party na ginaganap na lawn, iritado pa rin si Jaime. Alam niya, hindi ang mismong ingay ang nagdudulot ng iritasyon sa kanya kundi ang mismong purpose ng party na iyon. Sa halip na kape ay ang bote ng alak ang kaharap niya. Naroon siya sa sariling verandah ng malaki niyang kuwarto at doon nagpapahangin. Nakapaharap iyon sa olympic size swimming pool at mini-fountain na ipinagawa niya noong isang buwan lang. Paborito niyang maglagi sa verandah kaya nga ipinaayos niya ang hardin sa bahaging iyon na natatanaw niya. Kapag kailangan niyang mag-isip, kapag kailangan niyang makagawa ng isang mabigat na desisyon sa kumpanya o sa buhay ay effective ang pamamalagi niya roon. Tila may calming effect ang bahaging iyon ng hardin. Subalit sa pagkakataong iyon, sa wari ay masisira ang paniniwala niyang iyon. Lumagok pa siya ng alak. Ginagawa niya iyon hindi upang malasing at matakasan ang iniisip. Kailangan niya ng alak upang manatiling kalmado. Hindi siya ang tipo ng taong madaling maapektuhan ng espiritu ng alak. Ang totoo, mas nakakatulong pa iyon upang mas makapag-isip siya nang matino. Pero pagdating kay Mary Grace ay hirap na hirap siyang magdesisyon. Ang totoo, hindi rin naman madali sa kanya na pigilan ito sa gusto nitong magpakasal sa lalaking iyon. Nakikita niyang mahal na mahal ng kapatid niya ang Jason na iyon. At kung nakakatiyak nga lang ba siya na karapat-dapat ang lalaking iyon kay Mary Grace, hinding-hindi siya tututol dito. But he knew better. Kaya kahit alam niyang masasaktan si Mary Grace, kahit alam niyang magagalit ito sa kanya ay kailangan niyang hadlangan ito. Nakahanda na siya sa galit ng kapatid o maging ng kanyang ina. Sigurado naman siya, darating ang araw na magpapasalamat pa ang mga ito sa kanya. Napukaw ang pananahimik niya nang maulinigan ang pagkatok sa pinto ng kanyang silid. “Bukas iyan,” malakas na sabi niya. “Hijo, dumating ka na pala,” anang kanyang mama, bihis na bihis na ito para sa party. Tumayo siya at humalik sa pisngi nito. “Yeah. Dito na ako dumiretso.” “Hindi ka man lang dumaan sa akin,” may himig ng hinampo na wika nito. “Sabi mo’y magdi-dinner tayo, Ma. What’s this? Dumating ako na nagagayakan ang lawn. May party pala,” matabang na sabi niya. “Hiling ng kapatid mo na huwag ko munang sabihin sa iyo ang tungkol sa party. Kahit nagtatampo sa iyo si Mary Grace, gusto pa rin niyang nandito ka ngayon para sa engagement party nila ni Jason. Please, Jaime, magbihis ka at bumaba. Padating na rin ang mga magulang ni Jason. And pretty much soon, pormal naming iaanunsyo ang engagement ng dalawa.” Isang marahas na paghinga ang pinakawalan niya. “Kilala ninyo ako, Mama. Wala akong hilig sa pagkukunwari. Alam ninyo namang tutol na tutol ako sa pagpapakasal ni Mary Grace, bakit ako sasali sa isang kasiyahang iyon din naman ang rason?” “Please, hijo,” nakikiusap na wika ni Divina. “Para na lang sa kapatid mo, huwag na kay Jason.” “Ma, para din sa kapatid ko kaya ako tumututol. Sooner than later, mauunawaan ninyo rin ako. Kailangan ko lang ng kaunting panahon upang mapatunayan ko sa inyo kung bakit sobra ang pagtutol ko sa lalaking iyan.” Bumadha ang labis na kabiguan sa mukha ng kanyang ina. “Magtatampo ang kapatid mo kapag hindi ka bumaba,” hindi pa rin sumusukong sabi nito. “I know,” pagwawalang-bahala niya. “But I’m sorry. Baka makapagsalita pa ako na hindi niinyo magugustuhan. Believe me, mas mabuti pang dito na lang ako.” Napailing na lamang ang kanyang ina at bagsak ang balikat na tumalikod na ito. Saglit lang niyang sinundan ng tingin ang papalayong ina. Pagkuwan ay muli niyang tinungo ang verandah at ibinaling ang tingin sa kawalan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD