6

1741 Words
BAGO PA mag-alas dos ng hapon ay naroon na sa magarang mansyon sa Greenhills si Jenna. Abala siya at ang buong staff sa pag-aayos ng hardin nina Mary Grace para sa gaganaping party sa gabing iyon. Maging ang ibang tauhan ni Samantha ay nauna na roon para ihanda ang mga catering equipment at pagkain. Bago pa mag-alas sais ng gabi ay handa na ang lahat. “Jenna, gamitin mo na ang guest room sa itaas. Katabi lang naman iyon ng kuwarto ko,” sabi sa kanya ni Mary Grace. “Bakit? Para saan?” tanong niya dito. “What a silly question. Siyempre, para makapag-freshen up ka,” nakangiting tugon nito sa kanya. “I told you, you’re one of my guests. Sa nakikita ko naman ay handa na ang lahat para sa pary. It’s about time you socialize too. At maya-maya pa naman ang start ng party. May time ka pang umidlip kung gusto mo.” “Trabaho ang ipinunta ko dito,” sagot niya na sinabayan ng iling. “Hindi naman ako papayag na puro trabaho ang asikasuhin mo. Ipapakilala kita sa mga friends ko. I’m sure, kagaya ko ay mai-impress din sila sa party na ito. And the credit goes to you. At pabor iyon sa iyo, Jenna. Karamihan sa kanila ay panay pagbibigay ng party ang hilig. At ang iba ay mga may balak na ring magpakasal. Irerekomenda kita sa kanila para ikaw na ang kuning event planner. Baka sa kanila pa lang mapuno na ang schedule mo.” “Salamat naman kung ganoon. Hindi na ako tatanggi na makilala sila.” “For the meantime, umakyat ka na muna sa itaas. Magpahinga ka sandali. Sigurado naman akong mamayang past eight ang dating ng mga bisita.” “Nakakahiya, Mary Grace.” Umingos ito pero mas lamang ang tamis ng pagkakangiti. “Ano bang nakakahiya? Tell you what, may mga damit akong hindi pa naisusuot, ipapahiram ko sa iyo ang isa. Tara, ihahatid na kita sa itaas at mamili ka na rin ng isusuot.” “Thanks pero huwag na. Palagi naman akong may ekstrang damit sa kotse. Iyon na lang ang isusuot ko.” “Are you sure? Baka mamaya, nahihiya ka lang?” “Kasali na rin iyon,” nakangiting amin niya. “Pero mayroon naman talaga akong isusuot. Sandali at kukunin ko sa kotse.” Mayamaya pa ay paakyat na sila sa ikalawang palapag ng bahay. Pero bago iyon ay kinausap niyang muli ang staff niya at nagbilin para sa party na iyon. “May sarili itong toilet and bath,” sabi sa kanya ni Mary Grace nang buksan nito ang guest room. “May nakahanda na ring fresh towels at toiletries. Pero kung may kailangan ka pa, huwag kang mahiyang tumawag diyan sa intercom. Si Manang Belen ag sasagot sa iyo. Just tell her what you need. Iiwan na muna kita. Parating na rin by this time si Jason. Kailangan ko na ring mag-prepare.” “Thanks, Mary Grace.” “Ako ang dapat magpasalamat sa iyo. You made this party possible kahit na nga ba iilang araw lang ang naging preparasyon. See you later, Jenna.” Maluwang ang guest room. Kung ikukumpara nga iyon sa studio-type apartment na tinitirhan niya ay halos magkasinglaki lang iyon, at isiping sa ganoon ding kalaking espasyo ay naroon na ang lahat ng gamit niya kasama na ang toilet at banyo. Samantalang sa kinatatayuan niya ngayon, tulugan pa lamang iyon, hindi pa kasali ang walk-in closet na mahigit yata sa kalahati niyon ang laki at maging ang espasyong inookupa ng banyo. Guest na may walk-in closet. Ah, iba talaga ang mayayaman. Kahit sa maliit na bagay na naroroon ay mababakas ang tatak ng karangyaan. Nang usyosohin niya ang banyo, pawang mga mamahaling toiletries na wala pang bawas ang nakita niya. Bumunot siya ng isang paghinga. Kahit na magmasid lang siya sa buong silid ay nawawala na ang pagod niya. Pakiramdam niya ay nasa isang hotel siya. At aaminin niya, hanggang ngayon ay sabik pa rin siya sa mga ganitong magagandang bagay. Hindi naman siya mayaman. Kaya nga maliit na apartment lang ang inuupahan niya ay dahil pinapairal niya ang pagiging praktikal sa buhay. Nagpundar siya ng kotse hindi upang maging pamporma kundi kailangan din niya iyon sa kanyang trabaho. Nagpapadala pa siya ng pera sa probinsya kung saan naroroon ang kanyang biyudang ina at dalawang kapatid na pawang sinusuportahan din niya sa pag-aaral. Lahat ng pagsisikap ay ginagawa niya hindi lang para sa sarili niya kundi para din sa pamilya. Ang katwiran niya, hindi na baleng hindi siya yumaman maibigay lang niya ang tamang edukasyon sa kanyang mga kapatid at mabuhay sila nang maayos at hindi sumasala sa pagkain. Pero sa sinabi sa kanya ni Mary Grace kanina—kung mangyayari nga na ang mga kaibigan nito ay magiging kliyente din niya, malaking bagay iyon para sa kanyang negosyo. Hindi birong pera ang iaakyat niyon sa Perfect Wedding. At baka-sakali, sa madaling-panahon ay maipundar na niya ang pinapangarap niyang bahay at lupa para naman hindi siya habambuhay na nangungupahan lang. Pero naisip niya, mayroong mas madaling paraan upang mangyari ang pangarap niyang iyon. At hindi lang kapirasong bahay at lupa ang mabibili niya kundi baka higit na malaki at mapalitan din ang kotseng nabili niya na hindi lang second-hand kundi pang-lima na yata siya sa nagmay-ari sa kalumaan. Hindi lang minsan na itinirik siya ng kotseng iyon kaya nga lang ay hindi pa niya magawang bumili ng bago sa dami ng nangungunang prayoridad sa listahan niya. Mabilis siyang magkakaroon ng kahit limang milyon kung gugustuhin niya. Iyon ay kung papayag lang siya sa gusto ni Jaime dela Merced. Name your price. Parang naririnig pa niyang sinasabi nito. Sino ang magsasabing mahirap kumita ng pera? Hayun at easy money lang pala kahit limang milyon man ang hingin niya dito. Pero hindi kaya ng konsensya niya na gawin ang ipinag-uutos nito. Labag na labag iyon sa kanyang prinsipyo. At isa pa, mas gusto niyang nasa tamang paraan ang pagkita niya ng pera. At naniniwala siya, basta naman hindi niya hahaluan ng kalokohan ang kanyang trabaho ay may good karma din na darating sa kanya. At malamang iyon ay sa pamamagitan ng mga kaibigan ni Mary Grace na potensyal niyang maging kliyente. Mayamaya ay nahiga na rin siya. Masarap sa pakiramdam ang malambot na sapin ng kama. Gusto niyang ilapat ang likod kahit sa ilang minuto lang pero nanatili siyang gising. At naisip niya mayamaya, makikita kaya niya sa gabing iyon si Jaime? PUMAPASOK pa lamang sa gate ng mansyon ay nagsalubong na agad ang mga kilay ni Jaime. Nang tawagan siya ng kanyang mama ay sinabi lamang nito na gusto siyang makasalo sa hapunan. At dahil hanggang sa ngayon ay hindi pa niya ito napagbibigyan na matulog man lang doon kahit isang gabi, kaagad naman siyang pumayag. Pero halatang hindi isang simpleng hapunan lamang ang mayroon sa mansyon. Maliwanag na maliwanag ang malawak na hardin. Mayroong mga matataas na mesang bilog na nakakalat sa lawn. Sa isang panig ay mayroon ding mini-stage at sound system na naka-setup. Dalawang mahabang mesa rin ang nakita niyang kinalalagyan ng mga catering equipment. Sa mga puno ay mayroong nakasabit na mini-lantern na nagbibigay ng dagdag na liwanag sa paligid. Mabilis niyang ipinasok ang sasakyan sa garahe sa bandang likuran ng mansyon. Iilang sasakyan na hindi pamilyar sa kanya ang nakita niyang naroroon kasali ang isang van na may tatak ng isang catering service kaya ibig sabihin ay wala pang gaanong bisita. Nang makababa ng sasakyan, sa backdoor na rin siya nagdaan papasok ng bahay. “Ano ang meron dito?” tanong niya sa mayordoma na nakita niyang abala din sa kusina. “Jaime, dumating ka na pala,” bati nito. “Engagement party ni Mary Grace ngayon, hindi mo ba alam?” “Walang nagsabi sa akin. Ang sabi ni Mama ay gusto lang niyang magkasalo-salo kami sa isang dinner.” “Baka gusto ka nilang sorpresahin.” “Hindi ako natutuwa sa ganitong sorpresa,” padaskol na sabi niya at humakbang na. “Jaime, gusto mo ba ng kape? Ipapaakyat ko sa kuwarto mo,” habol sa kanya ni Manang Belen. Kabisado na nito na basta dumating siya ay dumidiretso siya ng akyat sa kanyang silid. “Salamat pero ayoko. Mamaya na lang siguro.” Patungo na siya sa hagdan nang makita niya sina Mary Grace at Jason na mula naman sa lanai sa tagiliran ng malaking bahay. Tila mas sumubo pa ang galit na tinitimpi niya. Habang tila kay saya ni Mary Grace sa pagkakangiti nito ay siya namang pagngingitngit ng kalooban niya. “Kuya, you’re here,” lapit nito sa kanya at humalik sa kanyang pisngi. “Bakit mayroon pang ganitong g**o sa bahay na ito?” mahina ngunit may diing tanong niya sa kapatid. Hindi rin niya nakaligtaang pukulin ng matalim na tingin si Jason—na tila napako lang sa kinatatayuan nito. Ni walang anumang ekspresyon ng pagbati sa kanya ang mukha nito. Sa tingin nga niya ay nagpapakaangas pa ito sa paglaban ng tingin sa kanya. Wala nang kuwentang tao ay bastos pa, sa loob-loob niya. “Ano kayang g**o?” nakalabing wika ni Mary Grace. “Engagement party ko ito, Kuya. Pero pamaya-maya pa naman ang dating ng mga bisita. Mamahinga ka muna. But promise me, makiki-circulate ka mamaya, ha? Who knows, may isang babae ka palang makikilala sa party? Para naman magkaroon ka uli ng love life. At mabawasan ang kasungitan mo,” kantiyaw pa nito sa kanya. “Pagod ako, Mary Grace. Wala akong ganang makipagbiruan. At pakisabi mo lang diyan sa bisita mong lalaki,” na pinagkadiin-diin pa niya ang katagang “bisita,” “dapat ay matuto siyang magbigay-galang. Baka nakakalimutan niya kung kanino itong solar na tinutuntungan niya. Ngayon pa lang ay wala na siyang iniwan sa isang langaw na natuntong sa kalabaw.” “Kuya,” mangiyak-ngiyak na sabi ni Mary Grace, walang dudang nasaktan ito sa narinig. Pero mas matining ang galit niya. Hanggang sa tumalikod siya ay magkalapat ang kanyang mga bagang. Pagdating sa ikalawang palapag ng bahay ay isang sandaling nagdalawang-isip siya kung kakatukin ang ina na tiyak naman niyang nasa silid lamang nito. Pero dahil sa nararamdaman niyang galit, ipinasya niyang mamaya na lamang bumati dito tutal naman ay tiyak na ipapaalam dito ng mayordoma na naroroon na siya. Diretso na ang kanyang hakbang sa kanyang silid na nasa pinakadulo sa hilera ng mga pinto doon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD